Thursday, July 29, 2010

Walang Hanggan


Kapag binawi na ng panahon ang aking marupok na katawan
at magiging abo na lang sa iyong paningin,
Mananatili ako kahit na gaano kanipis ang liwanag.

29 Hulyo 2010

Pagtanggi


Ang iyong pag-ibig ay parang pinupunit na papel sa aking puso
habang pinapanuod kitang tumatawa.
Nagkulay dugo ang sikat ng araw sa aking mga mata.


29 Hulyo 2010

Halaw ang larawan sa: http://www.blogger.com/post-create.g?blogID=5280165375131550394

Friday, July 9, 2010

Kulong


"You've got to jump off cliffs all the time and build your wings on the way down." — Ray Bradbury

Hindi pa ako naglakas loob na tumalon, lugmok sa lupa.
Hindi alam kung paano gumawa ng sariling pakpak
Takot sa lahat ng bagay.
Natatakot at napapasigaw ako kapag nasa tuktok ng gusali
Nanginginig at biglang napapatakbo dahil hindi iyon ang ideya ko ng kaligayahan.
Mabuti ng tapat ka sa sarili hindi tulad ng ambisyosong si Icarus
Inaamin ko nabuhay akong nasa ibaba, simple at walang buhay
Takot na mangarap at malagyan ng kulay.


9 Hulyo 2010



Halaw ang larawan sa: http://blog.lib.umn.edu/rosex228/architecture/icarus.jpg

Tuesday, June 29, 2010

Iba't-Ibang Kulay



Kaligayahan
ang langaw
sa tuktok ng aking ilong
na sa konting kilos
ay lilipad palayo

Kaligayan
ang aking balbas
na ilang araw ko ng pinapahaba
at kahit hindi pantay-pantay
ay napapansin nila

Kaligayahan
na nakatabi kita ng isang gabi
pagkatapos kong makilala si Trina
at bago ko nakapiling si Anne

Kaligayan
na makadampot ako ng piso
pandagdag sa singkuwenta sentimos
na pambili ng sigarilyo.



29 Hunyo 2010


Halaw ang larawan sa: http://api.ning.com/files/Fu1Q6N-Io2fo3bCMJDVgpeGH83vYfsr6yB88gt8x7wJVjlN4oMzukbiGDXzjB-KvcUIEaWNplhnziZHaDMTonIZ7iH*WKqYT/glad_gubbe_1.jpg

Monday, June 21, 2010

Tag-araw


Nakabisagra sa pagkalimot na parang pintuan,
Dahan-dahan na nagsara sa aking paningin,
Ang babae na aking minahal
Di ko na mabilang kung ilang beses siyang natulog sa aking tabi na parang estatwa,
Manhid sa init ng aking mga haplos
Hanggang sa panaginip dala ko ang pagngingitngit.


20 Hunyo 2010

Friday, June 18, 2010

Sino ba talaga ako?


Tinanong mo kung sino ako,
Tinanong mo kung saan hinabi ang aking kaluluwa?
May mga ilang bagay na sinusubok ko
Ang aking pag-iisip ay hindi mababaw
Ang aking pintuan ay hindi nakapinid
Sa bawat taong nais tumingin
Yari ako sa lupa
At hindi isang armas sa oras ng digma
Ang gamit ko ay hindi tuwid at nangingislap
Ngunit may paninindigan na matatag
Kapatiran at katapatan ang aking mga armas
Kapayapaan na hangad ko ay ipinagkait mo
Nagising mula sa pagkakahimlay
Sino ba talaga ako?


18 Hunyo 2010

Tuesday, June 15, 2010

Ang Panauhin


Ang buhay sa aking paningin ay isang payak na mundo
Madalas na wala akong pakialam kung ano ang susunod na mangyayari sa paligid ko, sa aking kapalaran.
Nasasabi ko ito ayon sa aking pananaw, obserbasyon at nakikita mula sa bintana na ito.
Mga kabataang nagkakasayahan habang naglalakad sa kalye, ang araw na nagdadala ng liwanag sa paligid.
May nakakasilaw na nakahambalang sa aking paningin.
Naguguluhan ako dahil sa makipot kong pang-unawa,
kaligayahan sa ilalim ng araw?
May pakialam ba talaga ako?
Hindi magtatagal ang kaligayang nadarama niyo,
Dahil nagbabago ang araw
… tulad natin.


15 Hunyo 2010

Miserable


Bakit ako pa
Ang dumanas ng ganito
Bakit ako pa
Hindi ko maipakita
Hindi niyo ba alam na umiiiyak ako?
Wala ba kayong malasakit sa akin?
Ikinulong ko ang sarili ko sa banyo
Walang papapasukin na kahit sino
Pagkatapos ay nakita ko
Napakatalas, kumikinang
Tulungan niyo ako
Pakawalan niyo ako
Gusto kong maging malaya

Hinawakan ko ito ng mahigpit
Itinutok sa aking pulso
Gagawin ko ito
Pikit ang mga mata
Bilang ng isa hanggang lima
Masakit
Kumawala
Nararamdaman ko tumutulo
Nakita ko hindi malalim, pero ayos na
Naramdaman ko
Nalaman ko na totoo
Malaya na ako
Hindi ako nasaktan
Kahit konti
Umupo ako
Isa pa
Nag-iisip, tulala
Ano itong nagawa ko
Medyo napangiwi ako
Naluha
Dumaloy sa king pulso
Makirot, mahapdi
Ang sakit
Napakabagal
Tumayo ako at tinitigan ang pangit kong mukha
Sa salamin
Napasigaw ako
SINO ANG MAGKAKAGUSTO SA AKIN?
Tatapusin ko na ang pagkakamaling ito
Tama ako ay isang pagkakamali
Sawa na ako sa buhay na ito
Naisip ko ang ilang minutong sakit o ang habang buhay
Ang huling mga kataga ko?
Paalam, salamat sa mga pasakit at sama ng loob.



15 Hunyo 2010

Monday, June 14, 2010

Sakal



Nakiisa si Huwan
Sa hinagpis ng mamamayan
Sigaw ng kalayaan
Tanikala sa lalamunan.



12 Hunyo 2010

Friday, June 11, 2010

Sa Huling Sandali


Kung parurusahan Niya tayo sa bawat kasalanan na ating nagawa,
Iiyak at maghihinagpis ang sanlibutan.

Sa Kanyang paningin, ang talas ng mga damo at bundok ay walang pinagkaiba,
Paminsan-minsan pinaparusahan Niya ang kalikasan at paminsan-minsan ibinabagsak Niya ang kanyang galit sa mga damo.

Nang dahil sa ating kasakiman, ang daigdig ay natatakpan ng maiitim na ulap
At ang Haring Araw ay nagtatago na sa likod ng buwan.

Kahit na sa likod ng busilak at malinis na kasuotan, hindi naitatago ang iyong pagkamakasarili
At sa Kanyang paningin, dumi sa iyong balat ay hindi na maitago pa.

Panginoon, patawarin mo ako! Iiyak ako sa bawat gabing magdaan,
para lamang muling bumangon ang mga luntiang damo sa ilalim ng maiitim na ulap.

At kung iiwan mo ako, iiyak ako hanggang sa bumaha ng luha.
Saan ka man magtungo, patuloy ang pag-ulan..

Sa oras na dumating ka, kamatayan ang makikita sa iyong mga mata,
Sino sa amin ang matibay ang paninindigan na haharap sa iyo at makapagsinungaling?


00:20 11 Hunyo 2010

Sunday, June 6, 2010

Walang Pamagat


Sa wakas nagkaniig din ang ating mga katawan.
Hindi mo inaasahan na mangyayari ito sa atin, di ba?
Ako din.
Hindi ko ito makakalimutan.


5 Hunyo 2010

Lapis



Nag-iisip ako ng maisusulat habang nakaupo sa isang coffeeshop.
Ano ba ang gusto kong isulat?
Wala akong maisip.
Napagod na yata ang utak ko sa kaiisip dahil sa trabaho.
Susubukan ko ng isulat ang unang mga salita ng may isang nagmamadaling lalaki ang lumapit sa akin.
Ang sabi niya, “ Pahiram ng lapis.”
May hawak siyang envelope.
“Lalagyan ko lang ito ng address.”
Kinuha niya ang lapis sa kamay ko at isinulat ang address.
Talagang siryoso siya.
Gamit na niya ang lapis ko.


5 Hunyo 2010

Saturday, June 5, 2010

4:00 AM, August 1



Kumukuringring ang aking telepono, madaling araw, kasarapan ng tulog
ngunit hindi ko ito sinagot.
Kumuringring pa ito ng ilang beses na para bang sinaniban ng kaluluwa ng butangera kong landlady.
RING! RING! RING! RING! RING! RING!
Nakakabulahaw.
Putang-ina! Magpatulog ka!
Alam kong hindi dumarating sa alanganing oras ang isang magandang balita kaya hindi ko ito sinagot.
Pinabayaan ko.
Tama ang hinala ko.
Isang kakilala ang tumatawag at gusto lang ibalita na patay na si Cory.


1 Agosto 2009

Friday, June 4, 2010

Isang Daang Piso, Buenavista, Pag-ibig




Hindi kita mabura sa aking isipan
kaya sumakay ako ng bus.
Namasahe ako ng 100.00
at nakisuyo pa sa driver na ibaba niya ako sa Buenavista,
bago ko napagtantong iniwan mo na pala ako.


4 Hunyo 2010

Romeo at Julieta



Kung iaalay mo ang buhay mo para sa akin,
Buhay ko’y iaalay din para sa iyo

At ang libingan nating dalawa ay parang dalawang nagmamahalan
Na naglalaba ng kanilang mga damit sa batis.

Kung dadalhin mo ang detergent soap,
Ako ng magdadala ng pang bleach.


4 Hunyo 2010

Sunday, May 16, 2010

Isang Araw sa Istasyon ng Bus (Isang Kapraningan)



Hindi ko alam eh.

Pero may nakita akong paalis kanina limang minuto na ang nakakaraan. Hindi ko lang sigurado kung saan patungo. Saan ba ang punta mo?

Ilang oras ba ang biyahe papunta roon?

Matagal pala.

Hindi.

Taga roon ka ba? Bakasyon?

Hmm.. buti ka pa.

Ako? Ahh.. dito lang palipas ng oras. Pero depende.
Mukhang hindi ka na babalik ah. Ang dami mong dalang gamit.

Ganoon talaga. May sinusuwerte, may minamalas. Sapalaran ang buhay.
Gaano ka ba katagal naglagi dito?

Tagal din ah. May pamilya ka ba?

O, bakit hindi mo sila kasama?

Ah.. sorry, sorry. Pasensiya ka na masyado akong matanong.

Kilala mo ba kung sino yung sinamahan niya?

Ganoon ba? Sa dinami-dami ng tao doon pa siya sumama.
Mahirap talaga magtiwala sa mga tao ngayon.

Matagal na ba nilang ginagawa yon?

Ganoon katagal? Wala ka man lang bang napansin sa mga kilos nila?

Bakit pumayag kang isama niya ang anak niyo?

Tsk. Tsk. Tsk. Ang saklap pala ng sinapit mo.

Ganoon talaga ang buhay. Akala mo kontrolado mo? Hindi pala. Kahit gaano ka kasinop. Kahit ginagawa mo na ang lahat upang gumanda ang buhay mo, sa isang iglap mawawala lahat yan sa iyo ng hindi mo alam. Biglaan. Para kang pinagnakawan sa kalagitnaan ng gabi. Walang silbi ang buhay. Nagpapakahirap ka para saan, kung kukunin lang din sa iyo. Kung sisirain lang din. At kung magtatagumpay ka, maisasama mo ba lahat sa hukay? Paggising mo sa umaga, iisipin mo kung ano ang gagawin mo sa maghapon, sa trabaho. Pero bakit mo pa iisipin kung araw-araw mo naman itong ginagawa. Bakit may bago ba? May pagpipilian ka ba? Bakit ka ba nandito? Ano ang halaga mo dito? Sa tingin mo? Sa tingin mo may pupuntahan ako dahil may dala akong bagahe?
Wala.
Hindi ko nga alam kung saan ako papadparin.
Bahala na. Minsan mahirap na ring magpasya para sa kanyang sarili ang tao.
May isa akong kakilala, pinatay ng militar ang kanyang kapatid na nag-aaral dito. Nagbakasyon lang sa kanilang probinsiya nang mapagkamalan daw na rebelde. Sumumpa ang kakilala ko na ipaghihiganti niya ang kanyang kapatid. Kaya gusto niyang sumapi sa mga rebelde upang maghiganti ngunit hindi niya ito magawa dahil sa kanyang ina. Nag-aalala siya na baka magkasakit sa labis na pag-aalala at kalungkutan ang kanyang ina kapag iniwan niya ito at kung sakali mang may masamang mangyari sa kanyang pagsama sa mga rebelde baka hindi rin makayanan ng ina at tuluyan na itong mamatay. Ngunit paano naman ang kanyang sinumpaan sa namatay na kapatid? Hindi niya ngayon alam ang kanyang gagawin kaya humingi siya ng payo sa isang nakatatanda at alam mo ba ang ipinayo sa kanya?
“Sundin mo kung ano sa tingin mo ang mas matimbang sa iyo.” Paano mo ngayon malalaman kung ano ang mas matimbang? Ang pagsama sa mga rebelde at maipaghiganti ang kapatid o ang inang nagdurusa? Nakita mo? Paano mo susukatin? Pwede mo bang sabihin na ganito katimbang ang isang bagay? Isang dangkal? Isang dipa? Isang metro? Sasabihin mo, “Ganito ka kahalaga sa akin.” Ang pagpapahalaga mo ba sa isang bagay ay idadaan mo sa isang sukat? Paano nasusukat ang pagpapahalaga o halimbawa, ang pagmamahal? Nakita mo ba ang ibig kong sabihin? Magpapasya ka dahil sa isang dangkal, isang metro? Meron ka bang sariling pagpapasya? At sino ang magpapasya para sa iyo? Ano sa tingin mo?
Hmm…

Ah, yan na ba yung sakay mo?

Sige, goodluck! Ingat sa biyahe!

(Napraning ko yata siya.. tsk, tsk, tsk.)



Halaw ang larawan sa: http://photos.worldwanderings.net/2008/08/img_8835.jpg

Monday, May 10, 2010

Ang Biro



Excuse me. Pwede ko bang mahiram ang lighter mo? Thank you. Kapag ganitong madalang ang tao tinatamad nang mag-ikot ang mga waiter dito. Kailangan mo pang magpunta sa bar para kumuha ulit ng maiinom. Ang maganda lang sa lugar na ito, tahimik. Pumupunta ako dito kapag kailangan kong mag-isip katulad ngayon. Pero siyempre open ako sa mga conversation lalo na kung interesante ang pag-uusapan. Huwag lang politika. Ipaubaya na natin yun sa kanila. Hahaha. Mukhang napangiti ka noong banggitin ko ang pulitika. Kung tatanungin kita kung bakit, baka mapunta nga sa pulitika ang usapan kaya huwag na lang. By the way, Angelo pare. Angelo Roxas. Nice meeting you. Madalas ka ba rito? Mukhang nag-iisa ka, do you mind kung umupo ako diyan sa couch mo? Uummph.. phew. Maraming salamat. Sure ka pare? Okey lang sa iyo. Baka naiintrude kita. Good. Toast natin ‘to, pare… to a good life.. hahaha. So, anong ginagawa mo? I mean… alam mo na. Ah, okey. Nice job. Interesting. So you get to meet a lot of people in different places. You’re staying here for the night? Good. Night Place. Ako? Arrggh.. isa akong abogado. Hindi ba halata? Well sabi nila, isa sa mga advantage ko sa mga kalaban. Dahil bata, ina-under estimate nila. Kaya pagdating sa huli, akin ang huling halakhak. Ah, oo, given yun sa trabaho. Lahat naman, kahit byung sa iyo. Pero hindi dahil sa kaso kaya ako narito ngayon. Mas higit pa ang dahilan kesa sa pinakakomplikadong kaso na hinawakan ko kaya ako narito. Kailangan kong mag-isip, kung pwede maglaho, tumakas.. hehehe. Ikaw, mukhang masaya ka sa ginagawa mo? Tama ka diyan. The bottom line is dapat masaya ka sa ginagawa mo. Kung hindi ka na masaya bakit mo pa ito ginagawa, di ba? Mukhang wala ka ng iniinom. Ano bang sa iyo? It’s on me. Akong bahala. Sandali lang.

Mabagal talaga sila ngayon. Kulang na lang umupo sila sa trabaho pero noong marinig ng bartender kung ano yung hinihingi ko, bigla siyang nagbuhayan.. hahaha. Okey lang ba sa iyo ito? Johhny Walker Blue. Yes, that’s right. A blend of the very rarest whiskies, the most acclaimed and exclusive Scotch Whisky in the world. Okey ah, you know your thing. I hope hindi ka nagmamadali. Wala bang naghihintay sa iyo sa room mo? Di ba, yung mga iba sa field na yan may mga ganoon? Ah.. okey, you’re straight. Ako? Hmm.. meron paminsan-minsan. Hahahaha. Bakit hindi? Ang totoo kaya ako narito isa yan sa dahilan. Pero hindi dahil sa puso, huh? Hahaha.. Parang hindi bagay sa atin yun. I’ve seen things more complicated than that. Honestly, it’s more complicated than you think. Ganito kasi yan. Umm.. cigarette? Sandali, wala na rin pala akong sigarilyo. Waiter? Laking bahay-ampunan ako. Nakita daw ako sabi ng mga madre na balot na balot ng lampin. Sa pintuan ng bahay-ampunan twenty-nine years ago at maliban sa lampin, ang tanging iniwan sa akin ng aking ina ay isang kuwintas na silver na may pendant na angel na hanggang ngayon ay nasa akin at nakatago. May nakaukit na initials sa likod nito. MA. Siguro, initials ng nanay ko. Oo, ginawa ko yun. Iilan lang ang may initials na ganoon dito at negative lahat. Balik tayo, pinag-aral ako ng mga madre na itinuring kong mga nanay, nagsikap at nagtiyaga hanggang sa makatapos ng high school. Sixteen years old ako noong may kumupkop sa akin na mag-asawa. Palibhasa honor student ako mula grade school kaya nagkainterest sila sa akin. Wala silang anak kaya napagpasyahan nilang ampunin ako at itinuring nila akong tunay na anak. Napakasuwerte ko dahil ako ang napili nila sa dinami-dami namin sa bahay-ampunan. Mayaman ang mag-asawa. Maraming negosyo at ako lahat ang magmamana pagdating ng araw. Pinag-aral nila ako sa mga mamahaling unibersidad dito at sa labas ng bansa. Bilang ganti sa kabutihan, pinagpahinga ko sila at ako ang nagpatakbo sa mga negosyo ng makatapos ako. Tuwang-tuwa sila dahil lumago ang kompanya sa pamumuno ko. Tatlong taon na ang nakakaraan mula noong ibalik ko ang pamumuno sa nakagisnan kong ama upang magpractice ako privately. Simula noon sunod-sunod na ang nahawakan ko na mga kaso at suwerte naman dahil hanggang ngayon hindi pa ako nakakatikim ng pagkatalo. Oo, mahirap. Pero nawawala lahat ang pagod kapag naipanalo mo ang iyong kaso. Walong buwan na ang nakakaraan nang makilala ko si Madeline. Isang negosyante. Ako ang tumatayong abogado ng kanyang kompanya. After a few months, yung relationship na strictly business ay nauwi sa mas malalim na relasyon. I mean she’s wonderful. A successful businesswoman. Masarap kasama. Malambing. Maasikaso. You name it. At her age? Ilan ba, forty-three? Yet still sexually active. Sa ganda at katawan hindi mo akakalain na she’s past forty. May problem actually started here. Ah, okey sige, go on.

Alam mo pare habang na sa CR ka, I was thinking kung tama ba na ikuwento ko sa iyo ito.. but I decided, what the hell. Ituloy natin, minsan mas masarap makipagkuwentuhan sa mga bagong kakilala at kaibigan. New opinions. A week ago, I was about to ride sa sasakyan ko na nakapark sa basement ng building where my office is located nang may lumapit sa akin na isang lalaki. Sa itsura at amoy niya, ay obviously nakainom siya. Kinonfront niya ako at he was saying something about Madeline. Nagkaroon kami ng mainit na pagtatalo then all of a sudden may kinuha siya sa kanyang sasakyan na nakapark sa tapat ng sasakyan ko. Knife pare. Yung gamit ng mga military. He attacked me. Nasangga ko yung unday niya at nagpambuno kami sa knife. Next thing was, hindi ko alam kung swerte o malas on my part, nasaksak ko siya sa dibdib. Ang bilis ng pangyayari. Lethal yung tama niya. Namatay siya right there. Lumingon-lingon ako sa paligid kung may nakakita sa amin. Wala. Mabuti na lang walang CCTV. Linabas ko ang kotse ko sa parking slot na yun at ipinalit ko ang sasakyan niya at bago ako umalis doon I made sure na walang ebidensiyang magdidiin sa akin. Just a small sign, may dent sa door ng kotse ko. I remember, bumangga kaming dalawa doon. Until now, eto ako scot-free sa krimen na nagawa ko. Two days after that incident, niyaya ako ni Madeline na umattend sa burol ng isang kaibigan daw niya. Napansin ko, she was so upset or something. Yes, kung ano yung iniiisip mo ngayon yun din yung unang pumasok sa isip ko noon. Remember, the guy who assaulted me was saying something about Madeline, right? So kilala ni Madeline yung guy. Sabi ko, this is going to be a mess. Napaisip ka ano? And you are actually talking to a murderer. I know, I am incriminating myself.. the hell with it. Putang-ina.. pare. Kapag narinig mo na lahat mamaya ang buong kuwento ko, then you can decide. As for me, sa ngayon? Hindi ko alam kung anong gagawin ko. So balik tayo, sinamahan ko si Madeline. Totoo nga ang aking hinala. Siya ang nasa kabaong. Fuck! Nakipaglamay ako sa burol ng taong pinatay ko. Saan ka pa makakakita ng taong katulad ko? I was uncomfortable, pinagpawisan ako ng malamig. Hindi ko maipaliwanag yung nararamdaman ko during that time. I was upset. Madeline was upset. Hanggang sa makauwi kami sa bahay niya. I decided to stay there for the night to comfort her kahit na hindi ko pa alam ang relasyon nila ng namatay. Gusto ko siyang tanungin kaya lang I decided not to until okey na siya sa tingin ko. So we had dinner, light lang. After that we had a couple of glass of wine. Yes, she was beginning to relax after that. Nag-usap kami tungkol sa ilang bagay. After a time, the usual warmth was there. We touch and kiss each other hanggang sa matangay kami sa isa’t-isa, give comfort, tulad ng ibang gabing magkasama kami, muling naming pinagsaluhan yung sinasabi nilang.. well, alam mo na. The feeling was nice, naramdaman ko na nagsettle na rin siya. Oo. Tama ka, medyo nakalimutan na niya yung concern. So habang nasa kama kami, nagsimula siyang magkuwento tungkol sa ilang bagay sa buhay niya na hindi ko alam. I mean hindi ako nag-uusisa sa mga buhay ng mga nakakarelasyon ko. Bahala silang mag-open sa akin. So nagkuwento siya, bumalik siya sa buhay niya twenty-nine years ago. Galing daw siya sa isang simpleng pamilya. Hindi mayaman, hindi rin masasabing mahirap. Fourteen years old siya noong makipagboyfriend at sa malas ay nabuntis. Dahil pareho silang menor de edad ng lalaking nakabuntis sa kanya, pinaghiwalay sila ng kanilang mga magulang at pagkatapos ng ilang buwan, ipinanganak ni Madeline ang isang sanggol na lalaki. Lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang, nakikipagkita pa rin siya ng kanyang boyfriend. Oo, na nakabuntis sa kanya. Meron daw silang napagkasunduan. Ang makatapos ng pag-aaral kaya nagpasya silang dalawa na umalis. Pupunta sa ibang lugar. At bago daw sila umalis, iniwan nila ang anak nila sa kapatid ng lalaki. Pagkaraan ng ilang araw, nalaman nila na ipinamigay daw ang kanilang anak. Hindi na raw nila nalaman kung kanino ipinamigay dahil hindi na nila muling nakita pa ang taong iyon. Noon ko lang nalaman na may anak pala si Madeline. It’s not a big deal sa akin, really. At alam mo ba pare? Ang lalaking nadisgrasya ko last week ay walang iba kundi ang boyfriend niya noon at ama ng anak ni Madeline. Ariel daw ang pangalan noong lalaki. At ang matindi, alam mo ba? Putang-ina bumaliktad ang aking sikmura sa huling sinabi ni Madeline. Ang tanging palatandaan daw na iniwan sa kanyang anak bago ito ipinamigay ay ang ibinigay niyang kuwintas sa anak. Ang kuwintas ay isang silver, may pendant na angel at may initials na MA. Madeline. Ariel. Shit!!! Putang-ina pare! Ang kuwintas na iyon ay walang pinagkaiba sa kuwintas na nakatago sa vault ko. Ang kuwintas na iyon ay nakasabit daw sa leeg ko noong makita ako ng mga madre sa may pintuan ng bahay-ampunan twenty-nine years ago. Ang kuwintas na galing sa nanay ko. Nanlamig ako pare. Bumangon ako mula sa kama. Gusto kong maduwal. Hindi ko ipinahalata kay Madeline ang aking reaction sa mga nalaman ko. Pumasok ako ng banyo. Nanlambot ako. Parang bumigay lahat ng buto ko sa katawan. Tulala ako habang pilit kong inuulit sa aking isipan ang mga sinabi ni Madeline. Doon ko narealize na pinatay ko ang father ko at ang nakakasuka, I’ve been making love with my mother. Ahhh…shit! This is unforgivable! Ngayon pare, husgahan mo ako! Magsalita ka! Pumunta ka sa police, ireport mo ako, I don’t care. Walang kapatawaran ang mga nagawa ko. Pare, pinaglaruan ako ng tadhana. Putang-ina! Kahit lumaki akong walang mga magulang, inayos ko ang buhay ko. Three days na akong hindi nakikipagkita kay Madeline. Iniwan ko ang bahay ko upang hindi na kami magkita at wala siyang ideya kung nasan ako. I want to spare her with all this madness. Naaawa ako sa kanya, baka hindi niya makayanan. Kailangan kong magbayad. Ang baril sa ibabaw ng mesa ko ay ilang gabi na ring naghihintay na damputin ko siya. Masisiyahan siya ngayong gabi pag-uwi ko. At sa iyo pare ko, maraming salamat sa panahon mo. Ah, hindi. No worries pare, okey lang ako. Salamat.


10 Mayo 2010

Thursday, May 6, 2010

Opismeyt



Umaga.
Trabaho.
Papasok sa opisina.
Pagod sa biyahe ay tuluyang naglaho.
Si Jerry na kaopisina,
Nagtrip sa kanyang mesa.
Alas-diyes ng umaga, wala ng magawa.
Itinaas ang hawak na cellphone, sarili’y pinagkukunan ng litrato.
Sa kanya nalibang ako at lihim na natawa.
Tutok dito, tutok doon. Ngisi dito, kindat doon. Walang pakialam sa mga kasama sa paligid niya.
Hindi pa nakuntento, peace sign sa mga daliri ibinandila, kasabay ng pagpungay ng kanyang mga mata.
Nakakatawa, nakakaawa. “Anong trip niya?”
Hindi na naghintay para kunan siya ng iba.
Ilan sa inyo ang katulad niya?


06 Mayo 2010

Thursday, April 22, 2010

Anguish Brings Us Together (Ondoy Tragedy)



Once more the forces of nature, the vagueness of science, and the absurdity of existence had taken its toll upon our land. Once again, suffering and death have dawned upon us. There is a great sorrow in all of us. This is nothing new. This happens every time in our streets, our cities, our homes. There is a reason to it: human ignorance, carelessness and complacency.



While our hearts are filled with grief, let us reach out in any way we can to help those who are helpless and in need. We are one nation and one consciousness. There is no person or God causing this tragedy except the power of nature itself in complete randomness. Now is the time to pray for recovery, to help and to heal and to realize that there is no creed, ideology, or politics that separate us: we are one.



No matter when or where a calamity may strike, let us know without any doubt, that existence continues, that life will go on, with us or without us. Let us come to enjoy every moment we have and live that moment fully, honestly, love and in certainty. That is all we must do; that is our only obligation to one another. Live this moment now and be the best we can be, in whatever we do, as if it is our last moment.

May our gentleness dawn upon all minds still filled with suffering and confusion. May those who suffered soon find peace and joy.

13 October 2009

Friday, April 9, 2010

Ang Huling Sandali



Ilang minuto bago mag alas-siyete ng umaga ng magising si Cherry Anne, dalawamput-tatlong taong gulang, dalaga at isang Advertising Sales Agent, mula sa mahaba at mahimbing na pagtulog. Makailang ulit ding kumuringring ang kanyang alarm clock bago siya nagpasyang gumising na. Mabuti na lang at maagang pumapasok sa trabaho ang kanyang roommate na si Cynthia kaya kahit paulit-ulit na nag-iingay ang kanyang alarm clock, walang maaabalang tao. Naghikab siya, nag-inat at pagkatapos ay tuluyan ng idinilat ang kanyang mga mata. Ilang minuto pa ang lumipas ngunit nanatili siyang nakahiga nang hindi man lang kumikilos at nakatitig sa kisame, tila sinasariwa pa ang mga nagdaang mga araw. Parang hindi pa niya matiyak kung gising na ba talaga siya o nananaginip pa sa kanyang pagtulog. Pagkaraan ng ilang minuto, bumangon na rin ng tuluyan si Cherry Anne, umupo sa harapan ng malaking salamin at nagsuklay ng kanyang buhok habang pinagmamasdan ang kanyang sarili. Napangiti siya. Ang ganda ng kanyang gising. Nakapagpahinga siya ng maayos. Pagkatapos ng ilang saglit, tumuloy na si Cherry Anne sa banyo upang maligo, inabot din siya roon ng kalahating oras at kalahating oras ulit ang kanyang gugugulin para naman sa kanyang pagbibihis at pag-aayos sa sarili. Araw-araw sa loob ng tatlong taon, tuwing umaga, ganito na ang kanyang routine ngunit para sa kanya iba ang araw na ito, napakagaan ng kanyang pakiramdam, napapakanta siya, nababanaag ang saya sa kanyang mukha, excited siyang pumasok sa opisina, bakit nga naman hindi, ilang araw palang kasi ang nakakalipas ng tanggapin ng isang malaking food processing company ang kanyang advertising proposal. Sa susunod na mga araw ay magsisimula na sila sa kanilang bagong proyekto para dito. Ang lahat sa opisina nila ay natutuwa sa kanyang tagumpay, ito na ang pinakamalaking proyekto nila sa loob ng tatlong taon. Maganda rin ang panahon ng lumabas ng bahay si Cherry Anne pagkatapos niyang mag-almusal. Kulay asul ang kalangitan. Hindi masakit sa balat ang sikat ng araw. Nakiayon sa kanya ang panahon. Ang mga alagang ibon ng kapitbahay ay nagsisipag-awitan. Napangiti siya. Naglakad si Cherry Anne patungo sa sakayan ng taxi nang madaanan niya sa tindahan sa kanto ang istambay na si Rolly. “Hi Cherry Anne, ang ganda mo naman sa araw na ‘to.” sabi ng istambay na sinabayan pa niya ng kindat. “Hatid na kita.” Isang ngiti ang iginanti ni Cherry Anne sa preskong istambay na siyang ipinagtaka nito at napakamot pa siya ulo dahil ngayon lang siya nginitian ni Cherry Anne. Laging kasing nakairap at nakasimangot si Cherry Anne kapag nakikita na niya ang istambay na walang ginawa kundi asarin siya araw-araw tuwing napapadaan siya sa kanto. Malayo na si Cherry Anne ay nakatanaw pa rin sa kanya ang napapailing na si Rolly.

“Good Morning Ma’am!” bati sa kanya ng kanilang security guard pagpasok niya ng kanilang opisina. "Hi Manong! Kumusta?" magiliw na sagot ni Cherry Anne. Tumuloy na siya sa pantry pagkatapos niyang kunin sa drawer ang kanyang sariling tasa at kinargahan ito ng brewed coffee. Nagsisimula ang kanyang araw sa pamamagitan ng pag-inom ng kape habang isa-isa niyang binabasa ang kanyang mga emails at pagkatapos niyang sagutin ang ilan sa mga ito, siya ay nagtungo sa tanggapan ng Advertising Manager upang ikonsulta ang ilan sa kanyang mga promotional plans para sa iba pang proyekto na malugod namang inaprubahan ang ilan sa mga ito ng kanyang boss. Pagbalik niya sa kanyang mesa, may napansin siyang isang kuwadradong sobre, binuksan niya ito at siya ay napangiti, galing ito kay Jon, ang kanyang kaopisina na may espesyal na pagtingin sa kanya, ipinapaabot niya ang kanyang pagbati sa kanyang bagong proyekto. Dinampot ni Cherry Anne ang kanyang telepono at idinayal ang numero sa mesa ni Jon upang magpasalamat at kaagad din niyang ibinaba ang telepono makalipas ang ilang saglit. Matagal na ring nagpaparamdam si Jon sa kanya ngunit hindi niya ito binibigyan ng pansin dahil nakalaan na sa iba ang kanyang puso. Muling itinuon ni Cherry Anne ang kanyang sarili sa trabaho, kailangan kasing niyang maghanda ng bagong presentasyon para sa mga bago nilang kliyente, nalibang si Cherry Anne sa kanyang ginagawa, hindi na niya napansin na lunch break na pala kung hindi pa siya dinaanan ni Cathy, ang kaibigan niya sa Accounting Department.

“Tara girl, baba na tayo.” yaya nito kay Cherry Anne. “Break ka naman, baka mamaya sa iyo na itong kompanya.”

“Hindi girl, may tinatapos lang ako. Sige tara na.”

“Grabe girl, ang galing mo talaga. Pinag-uusapan ka ngayon sa office. Biruin mo nakuha mo yung malaking account na yon.” Sabi ni Cathy habang pababa sila sakay ng elevator. “Ikaw ang magpapayaman sa kompanya.”

“Hindi naman.” sabi ni Cherry Anne sa kaibigan bilang pagpapakumbaba niya. “Sinuwerte lang, bunga ng paghihirap na rin.”

Pagkalipas ng isang oras na break, muling bumalik sa trabaho si Cherry Anne. Dinampot ang telepono habang hawak sa isang kamay ang isang makapal na notebook na naglalaman ng ilang numero ng mga posibleng maging kliyente niya. Isa-isa niya itong tinawagan at inialok ang kanilang advertising services. Napasigaw pa siya ng malakas na “Yes!” ng ilan sa mga tawag na ito ay nagging positibo ang resulta, nakipagset siya ng meetings upang ipresent ang kanyang promotional plans para sa mga ito. Isinulat niya sa hawak na notebook ang mga petsa kung kailan ang appointment. Natuwa si Cherry Anne, lalo siyang gaganahan sa trabaho dahil dito. Muli siyang humarap sa kanyang computer at bago magsimula, nag-inat muna siya, minasahe ng konti ang kanyang mga balikat, pinaikot-ikot ang kanyang leeg upang marelax ng konti. Tumingin siya sa kanyang pambisig na orasan, sampung minuto makalipas ang alas dos ang nakasaad. Tatayo sana siya upang kumuha ng kape sa pantry nang siya namang daan ni Jon sa kanyang cubicle, iniabot sa kanya ang isa sa mga dala niyang mug na may lamang kape. Nakangiting tinanggap ni Cherry Anne ang kape na ibinigay sa kanya. “Thanks Jon!”

“Your welcome! sagot ni Jon. “Goodluck on your new project. Pinapahanga mo ako lalo.” dugtong pa niya at saka bumalik sa kanyang sariling cubicle. Humigop ng ilang beses sa mug si Cherry Anne bago inihanda ang kanyang mga gamit. Maaga siyang lalabas ngayon sa opisina dahil may dadaluhan siyang isang industry trade show, kailangan niyang kumalap ng inpormasyon mula sa mga iba’t-ibang kompanya na kasali sa trade show, mahalaga ding maipromote ang kanilang produkto at palawakin pa ang kanyang mga contacts. Bago lumabas ng opisina si Cherry Anne, nakaugalian na rin niyang magbasa muli ng kanyang mga emails. Inuna muna ang mga business mails at sinagot ang ilan, pagkatapos ay binasa naman ang mga pangpersonal. Isa sa mga email address ay hindi pamilyar sa kanya, nalaman niyang nagmula ito sa Qatar ng makita niya ang pangalan ng kanyang kasintahan na tatlong taon ng nagtratrabaho roon at sa isang buwan ay uuwi na, pagkatapos ng tatlong taong walang bakasyon. Inaasam-asam na ni Cherry Anne ang pag-uwi ng kanyang kasintahan ng anim na taon. Ngunit nagbago ang timpla ng mukha ni Cherry Anne pagkatapos niyang mabasa ang email. Nawala ang aliwalas, nagsalubong ang kanyang mga kilay, kumunot ang noo, nangilid ang kanyang mga luha at ilang sandali lang ay tuluyan ng napahagulgol na pilit na ikinubli upang hindi mapansin ng mga kaopisina. Paulit-ulit na binabasa ang email na para bang ibang salita ito na hindi niya maintindihan. Napapailing si Cherry Anne, nanikip ang kanyang dibdib, halos hindi siya makahinga sa balitang tinanggap. Inabot niya ang panyo mula sa kanyang bag at nang matiyak na tuyo na ang kanyang mga mata ay saka pinatay ang kanyang computer, nagswipe palabas at pagkatapos ay nagmamadaling lumabas ng kanilang opisina.

Mapapansin na tulala si Cherry Anne habang nasa daan patungo sa trade show na pupuntahan, napakalalim ng iniisip, parang wala sa sarili. Inilabas niya ang kanyang cellphone at may idinayal na numero. Paulit-ulit niya itong tinatawagan ngunit walang sumasagot. Nagulat pa siya ng sabihin ng driver ng taxi na naroon na sila sa lugar pupuntahan niya. Wala sa sariling inabutan niya ang driver ng pamasahe, ni hindi na niya nagawang kunin ang kanyang sukli. Napakaraming tao sa loob ng trade show, siksikan sa ilang lugar. Nakaramdam si Cherry Anne ng pagkahilo, muntik na siyang mabuwal kung hindi siya nakakapit sa poste ng isang booth. Naglaglagan ang mga dala niyang mga papeles. Isa-isa niya itong dinampot at pagkatapos ay hinanap ang exit. Nanlalambot si Cherry Anne kaya nagpasiya siyang umuwi na lamang. Alas-siyete ng gabi ng dumating si Cynthia sa bahay, pagkatapos dalhin sa kusina ang mga dala-dala niyang groserya, tumuloy na siya sa kuwarto nila ni Cherry Anne. Nabigla ang lahat ng tao sa bahay ng marinig nila ang napakalakas na pagtili ni Cynthia. Nagmamadali ang lahat na nagtungo sa kuwarto at sila rin ay napasigaw sa kanilang nakita. Nakabigti mula sa kisame ang wala ng buhay na katawan ni Cherry Anne.

Wakas

09 Abril 2010