Wednesday, January 19, 2011

Laruan



“Nay pakuha yung laruan ko.” Si Jun-Jun, limang taong gulang. Nag-iisang anak ng mag-asawang Maribel at Carlo. Matagal na ring nakaratay sa kama. May malubhang karamdaman. Hindi magawang ipagamot ng kanyang mga magulang dahil sa kahirapan.

“Sandali lang anak hahanapin ko, nandito lang kanina.” Sagot ng inang balisa. Walang magawa kundi araw-araw na umiyak at pagmasdan ang may sakit na anak.

Samantala ng mga sandaling iyon, pagkatapos magpaalam sa kanyang mag-ina na aalis muna at manghihiram daw ng pera sa mga kakilala. Si Carlo ay nakatayo ngayon sa isang kanto, balisa. Kanina pa nakatingin sa isang botika. Malalim ang iniisip. Naririnig pa niya hanggang ngayon ang mga sinabi sa kanila ng doktor na tumingin kay Jun-Jun. Kailangang maipagamot sa lalong madaling panahon si Jun-Jun kung gusto nilang humaba pa ang buhay nito. Pinahid ni Carlo ang pumatak na luha sa pisngi niya. Awang-awa siya sa kalagayan ng anak. Kinapa ang reseta na nasa kanyang bulsa.

Labas-masok ang mga namimili sa botikang iyon. Pagkatapos ng ilang minuto, nagpasya na ring pumasok si Carlo at di nagtagal lumabas din ito. Nagmamadali.

“Holdaper! Holdaper! Habulin nyo!”

Dalawang pulis na kasalukuyang rumoronda sa lugar na iyon ang tumugon sa mga sigaw. Hinabol nila si Carlo hanggang sa masukol sa isang eskinita.

“Pulis! Taas ang kamay!”

Nang itaas ni Carlo ang kanyang mga kamay, napansin ng mga pulis ang baril na nakasukbit sa kanyang beywang. Ninerbiyos ang bagitong pulis. Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok. Bumagsak sa lupa ang duguang si Carlo.

“Jun-Jun.” Tawag nito bago siya nalagutan ng hininga.

Dinampot ang baril mula sa beywang ni Carlo. “Putang-ina, Ramos! Laruan ng bata to!”

XXX

Enero 14, 2011


Halaw ang larawan sa:http://www.google.com.ph/imglanding?q=toys&um=1&hl=tl&sa=X&rls=com.microsoft:en-us:IE-SearchBox&rlz=1I7ADFA_en&biw=1259&bih=603&tbs=isch:1&tbnid=aiS7KCtv5GMfAM:&imgrefurl=http://www.dansdata.com/toys.htm&imgurl=http://www.dansdata.com/images/toyguns/toys600.jpg&ei=_N82TcSqK4eyccGkrdkB&zoom=1&w=600&h=440&iact=hc&oei=xt82TZ27FczDcM-buLQB&esq=8&page=1&tbnh=149&tbnw=203&start=0&ndsp=17&ved=1t:429,r:12,s:0

Sunday, October 3, 2010

Tatlong Kabanata


The presence of death at the end of our path has made our future go up in smoke; our life has “no future”, it is a series of present moments. – Jean Paul Sartre

Imortal

Habang umiinom ako ng kape kanina, napaisip na naman ako ng mga morbid na idea. Ano bang meron sa kamatayan at bothered ako palagi? Siguro yung oras kung kelan darating. Sabi ni Malik ang kaluluwa daw ay imortal at patuloy na mabubuhay pagkatapos mabulok ang katawang-lupa. Pero kung buhay pa rin ang aking kaluluwa at wala ng katawan, magiging loose-fitting naman lahat ang aking mga damit. Siyet.. ano sa tingin nyo?

Walang Tulugan

Muli kong tinangkang magpakamatay kanina. Sa pamamagitan ng pagbasa sa butas ng aking ilong at isaksak ito sa kuryente. Swerte ko, nagshort-circuit, tumalsik ako sa inidoro. Dahil obsessed ako sa kamatayan, napamura ako sa nangyari. Meron kayang buhay na walang hanggan? At kung meron, makakapanuod pa kaya ako ng Walang Tulugan?

Pamahiin

Naglalakad ako kanina pauwi ng may nakita akong itim na pusa sa daan. Naalala ko ang pamahiin. Malas daw kapag tinawiran ka ng pusang itim. Kaya ako ang tumawid sa basang kalsada. Nang biglang may dumaan na sasakyan. Ang malas ko, muntik na akong mabunggo, natalsikan pa ako ng tubig na may kasamang tae ng aso. At ang lahat ng ito ay nasaksihan ng itim na pusa na ngayon ay nakangisi at tila nagdiriwang.



Oktubre 3, 2010

Monday, September 27, 2010

Ang Ulo


Unang araw ng burol ng asawa ni Mrs. Santos sa Funeraria Lokal. Para bang hindi nagluluksa sa pagkamatay ng asawa, abala siya kasama ang ilang mga kamag-anak sa pag-aasikaso sa burol, naghahanda para sa pagdating ng mga makikiramay. Hindi mapakali si Mrs. Santos, nais niyang mabigyan ng disenteng burol ang kanyang asawa. Pinagmamasdan ni Mrs. Santos ang kanyang namayapang asawa sa loob ng kabaong nang mapansin niyang hindi bagay sa asawa ang suot na amerikana kaya kinausap niya ang Director ng nasabing Funeraria.

“Ayoko yung kulay ng amerikana na suot ng asawa ko. Gusto ko yung kulay asul na suot nung patay sa kabilang kuwarto. Asul kasi ang paboritong kulay ng asawa ko.”

“Ganoon ho ba? Sige papalitan natin, babalik kami pagkaraan ng kalahating oras.” sabi ng Director.

Muling inilabas ang kabaong sa kuwarto.

Makalipas ang kalahating oras, inihatid muli sa kuwarto ang labi ng asawa ni Mrs. Santos. Natuwa siya nang makita niya ang kanyang asawa na ngayo'y naka asul na amerikana na.

“Maayos ang trabaho niyo,” aniya sa Direktor, “ang bilis niyong binihisan ang asawa ko.”

Napangiti ang Director. “Salamat ho. Naisip namin na mas mabilis gawin yun kung pagpapalitin na lang namin yung ulo ng asawa niyo at nung nasa kabilang kuwarto.”

Tapos

27 Setyembre 2010

Wednesday, September 22, 2010

Kariton


Pagkalipas ng limang oras ng pamamalimos sa lansangan at makaipon ng tatlumput-anim na piso at singkuwenta sentimos, naghuhumangos pauwi ang limang taong gulang na si Jun-Jun dala ang nabiling dalawang tableta ng gamot para sa may sakit na ina.

“Nay! Nay! Dala ko na po ang gamot niyo. Gagaling na po kayo!” masiglang sabi niya habang papalapit sa lumang kariton na nagsisilbing higaan ng kanyang ina.

“Nay! Gising!” bahagyang niyuyugyog ng bata ang ina. “Gagaling na po kayo.”

Walang narinig na sagot si Jun-Jun. Katahimikan ang nanaig.

“Nay?”

Naupo ang bata sa lupa katabi ng kariton, nakatitig siya sa hawak na gamot habang unti-unting pumapatak ang luha sa kanyang mga pisngi.

Tapos



20 Setyembre 2010


Halaw ang larawan sa: http://www.google.com.ph/imgres?imgurl=http://s4.hubimg.com/u/2592063_f496.jpg&imgrefurl=http://hubpages.com/hub/Have-Kariton-Will-travel-From-College-and-Beyond&usg=__VoK1h6IgAfh8H_GhJ7n7DwzlGnE=&h=335&w=496&sz=34&hl=tl&start=81&sig2=OOHFUoRFKU48BpVkqiBY4A&zoom=1&tbnid=0F8H1in8UvatgM:&tbnh=132&tbnw=160&ei=f3qfTJmjL866cYOw4McJ&prev=/images%3Fq%3Dkariton%2Bpics%26um%3D1%26hl%3Dtl%26sa%3DX%26rlz%3D1R2ACEW_enPH383%26biw%3D1003%26bih%3D439%26tbs%3Disch:10%2C2908&um=1&itbs=1&iact=hc&vpx=742&vpy=202&dur=1388&hovh=158&hovw=235&tx=132&ty=118&oei=OXqfTK3jLJOHcaa8qMMJ&esq=10&page=10&ndsp=10&ved=1t:429,r:9,s:81&biw=1003&bih=439

Saturday, August 28, 2010

Klasrum


“Ano ang sibika?”

Itinaas ni Ana ang kanyang kanang kamay ngunit ang kaklase niyang nasa likod ang natawag.

“Ang sibika ay may kinalaman sa pamumuno at patakaran sa isang bansa, napapaloob dito ang tungkol sa mga nasasakupan o teritoryo kasama din dito ang kultura sa bawat bansa”

“Very good.”

Napakamot sa ulo si Ana. “Bakit ganoon parang hindi ako nakita ni mam.” tanong niya sa sarili.

Teng! Teng! Teng!

Recess.

Nagmamadaling nagtakbuhan sa labas ng classroom ang mga estudyante.
Ang iba ay nagtulakan palabas. Isang kaklase ang bumangga kay Ana ngunit parang hindi niya ito naramdaman. Nagtungo si Ana sa ilalim ng malaking puno ang akasya kung saan nakaupo si Mila, ang kanyang matalik na kaibigan. Dito sila madalas na magkuwentuhan tuwing recess.

Sumalampak ng upo si Ana sa harap ng kaibigan. Napansin niyang malungkot ito.

“Bakit ka malungkot?” tanong niya.

Hindi sumagot ang kanyang kaibigan. May pumatak na luha sa larawang hawak ng kaibigan.

“May problema ka ba?”

“Kung nandito ka lang kahapon makakapaglaro pa sana tayo ngayon.” sabi ng kaibigan na hinidi man lang tumingin sa kanya.

“Nandito naman ako ngayon ah.”

Patuloy ang pag-iyak ni Mila na parang hindi narinig ang sinabi ni Ana.
Hahaplusin na sana ni Ana ang pisngi ni Mila ng biglang tumayo ito pagkarinig sa tunog ng bell hudyat ng muling pagsisimula ng klase.

Nagtaka si Ana dahil sa biglang pag-iwan sa kanya ng kaibigan. Naisip niya na baka nagtatampo ito sa kanya dahil sa hindi niya pagpasok kahapon dahil nagkasakit siya.
Muling bumalik si Ana sa kanilang classroom, naupo ito.
Pagkalipas ng isa’t-kalahating oras ay nag-uwian na rin sila.

Laking gulat ni Ana ng dumating siya sa kanila. Napakaraming tao sa kanilang bakuran. May nakasabit na tolda sa kaliwang bahagi ng kanilang bahay na nagsisilbing lilim sa mga taong naroon. Hindi niya kilala ang karamihan sa mga ito. Wala naman sinasabing okasyon ang kanyang nanay. Naalala niya ang kanyang tatay na nagtratrabaho sa ibang bansa. Naexcite siya. Baka dumating na ang kanyang tatay kaya maraming tao. Nagmamadali siyang pumasok sa bahay nang salubungin siya ng liwanag na galing sa mga iba’t-ibang ilaw. Nagtaka siya. Tanghaling tapat naman ngunit bakit napakaraming ilaw sa loob ng bahay nila. Iginala niya ang kanyang mga mata, sa isang sulok ng bahay ay nakita niya ang kanyang ina na umiiyak, yakap-yakap ang isang kamag-anak. Lalapit sana siya sa kanyang ina ng mapansin niya ang isang kulay puting kabaong na nasa isang bahagi ng kanilang sala. Lumapit siya dito upang tignan kung sino ang nakahimlay.

Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sarili na nakahiga sa loob. Nagsisisigaw ngunit wala ng nakakarinig pa sa kanya.


Agosto 13, 2010

Monday, August 23, 2010

Gudtaym



Gudtaym
A play in one act. Hehehe.

Alas syete ng gabi. Sa isang kanto na hintayan ng bus. Nakatayo ang hindi mapakali at isputing na isputing na si Argie.
Parating naman ang hinihintay na matalik na kaibigang si Emerson.

Argie: Ang tagal mo. Kanina pa ako naghihintay sa iyo.

Emerson: (Nakatingin sa kanyang relo.)
Maaga pa naman tama lang sa usapan natin.

Argie: Pumorma ka pa kasi ng todo eh.

Emerson: Siyempre naman. Ikaw nga oh, tignan mo isputing na isputing.
Nakapomada ka pa. Hahaha.

Argie: Tado. Wala to. Bagong ligo lang ako.

Emerson: Bah, dapat lang no. (Nagyayabang.)

Ikaw ba naman ang iinvite ng mga girls sa party.

Argie: Siyempre. Iba na yung.. hehehe. (Sabay kindat sa kaibigan.)

Emerson: Sa tingin mo, okey kaya tayo doon? Hindi kaya dyahe.

Argie: Bakit naman. Inimbitahan naman tayo ah.

Emerson: Di kaya mainsecure sa atin mga lalaki dun?

Argie: Hinde. Relax ka lang. Kilala naman natin sila. Third year hign school lang mga yun, mas matanda lang sila ng isang taon sa atin.

Emerson: Sabagay. Game. (Pinagdaop ang magkabilang palad sabay kiskis.)

Argie: Ano? Ilabas mo na yung baon nating pampalakas ng loob para mamaya hindi na ako dyahe makipag-usap kay Katrina. Pagkakataon ko na ito.

Emerson: Oo nga, nandun din si May.
(Tumingin sa kanyang relo.)

Okey. Matagal pa naman bago dumating yung bus.
(May dinukot si Emerson sa bulsa ng kanyang jacket. Iniabot ito sa kaibigan.)
Argie: Wow! Ang ganda ng pagkakabilot mo, ah.

Emerson: Tado! Wag kang maingay baka may makarinig sa iyo. Yari tayo. Sa kuya ko yan.

Argie: Malakas ba tama nito? Pangalawang subok ko palang ito, eh. Baka di ko makaya ang trip niya.

Emerson: Di wag nating ubusin. Eto.
(Iniabot sa kaibigan ang hawak na lighter.)
Sindihan mo na.

Argie: Okey. Ayos.
(Sinindihan ang hawak na marijuana. Humitit ito ng pagkalalim-lalim, halos humupak ang magkabilang pisngi. Sinalsal siya ng ubo at halos manikip ang dibdib pagkatapos ibuga ang mabangong usok ng damo.)

Ikaw naman.
(Ipinasa sa kaibigan ang binilot na damo. Humitit ito ng malalim. Sumunod ang hindi mapigilang pag-ubo. Ilang hitit pa at parang idinuduyan na ang magkaibigan sa ulap.)

Emerson: Okey bro. Solve. Sarap ng feeling.

Argie: Ang tagal ng bus. Kakainip.

Emerson: Dapat nandoon na tayo bago mawala ang tama pero relax ka lang. Ang bida nahuhuli ang dating.

Argie: Sarap ng pakiramdam. May baon ka bang kornik dyan?

Emerson: Tang na! Wala. Bro, pahiram ng suklay mo.

(Dumukot sa bulsa si Argie. Iniabot ang kanyang dilaw na suklay.)
Emerson: Ayos! Sarap magsuklay bro.

Ang lambot ng buhok ko.

Hahaha.

Inubos ko yung isang sachet ng Sunsilk.

Argie: Yari na naman ang buhok mong Spandau Ballet.

Hahaha.

Ayos sa bangs.

Hahaha.

(Tawanan ng tawanan ang magkaibigan habang walang patid sa pagsuklay si Emerson sa kanyang buhok. Tila sarap na sarap siya sa pagsuklay. Namanhid na ang kanyang anit sa walang habas na pagsuklay.)

Emerson: Tang na, Bro! Halata ko, 30 minutes na yata akong nagsusuklay dito. Hahaha. Tamo ang lambot na ng buhok ko.

Argie: Hahaha. Ako nga rin.

(Hinablot ang suklay sa kaibigan.)

Emerson: Bro, tingnan mo oh, ang lambot.

( Inaalog-alog pa ang ulo para malibang siya sa bounce ng kanyang buhok.
Samantalang si Argie naman ngayon ang nagtitrip na magsuklay ng magsuklay. Hinahaplos-haplos pa ang buhok.

Siryoso siya sa pagsusuklay hindi namamalayan na nagpapanic na ang mga kuto sa ulo niya.
Tawanan ng tawanan ang magkaibigan. Hindi napupuna na ginagabi na sila.
Nang biglang humagibis sa kanilang tapat ang kanina pa’y hinihintay na bus.)

Argie: Tang na, bro! Ayun na yung bus. Bakit di mo pinara?

Emerson: Hindi ko nakita, bro. Bakit di mo pinara?

Argie: Nagsusuklay ako e.

Emerson: Tang na! Wala na. Hindi na tayo makakarating. Gabi na.

Argie: Anong oras pa ang susunod na bus?

Emerson: Alas onse pa. Shit!

Argie: Tang na. Wala na akong tama nun.

Emerson: Di sindihan ulit ang natitira.

Argie: Oo nga no? Sabay trip ulit sa pagsusuklay. Hahaha.

Emerson: Oo. Tignan mo ang lambot o.

Hahaha.

(Sabay na nagtatawanan ang magkaibigan. Inilabas uli ni Emerson ang natitirang bilot ng damo, iniabot kay Argie at sinindihan. Ilang ulit pa silang nagpalitan ng hitit at buga. Maluwag na ngayon ang kanilang mga lalamunan. Habang ang usok ay tinatangay ng hangin pagawi sa naglalakad na si Lando. Nalaman kaagad ni lando kung ano at saan galing ang amoy na iyon kaya dahan-dahan siyang lumapit sa magkaibigan.)

(Pinalaki niya ang kanyang boses. Sumigaw na siyang ikinagulat ng magkaibigan)

Lando: PULIS AKO! ANO YANG GINAGAWA NYO?

(Walang lingon-likod na kumaripas ng takbo ang magkaibaigan. Bad trip ang tama.)

Argie: Bro, ang suklay ko naiwan!

(Sigaw ni Argie habang kumakaripas sila ng takbo samantalang si Lando ay tawa ng tawa sa kanyang kinatatayuan.)

T A P O S


23 Agosto 2010

Sunday, August 22, 2010

Ang Panauhin


Noong bata ako, tandang-tanda ko pa, Grade 1 ako noon, nagising ako ng madaling araw. Siguro mag-aalas kuwatro yon. Katabi ko sa higaan ang yaya ko. Mahimbing siyang natutulog ng oras na yon. Malamig sa loob ng kuwarto. Bukas ang aming bintana na yari sa capiz. May kalumaan na ang bahay na ang nagiisang palapag ay mas mataas sa lupa ng tatlong talampakan. Kailangan mong umakyat ng limang baitang ng hagdanan para makapasok ka sa loob. Ewan ko, ganoon yata talaga ang style ng mga bahay noong unang panahon. Gawa ang lahat sa kahoy. Parang antigo. Nakapatong ang bahay sa apat na malalaking poste pwede ka pang makapaglaro sa ilalim.

Mabalik tayo sa loob ng kuwarto kung saan nangyari ang ikukuwento ko at tulad ng nasabi ko kanina, nagising ako dahil sa ginaw. Hinagilap ko ang kumot at ipipikit ko na sana ang aking mga mata ng may natanaw akong anino sa may pintuan. Sarado ang pintuan ngunit nakita ko ang anino na nakatayo doon. Dahil may kadiliman sa loob ng kuwarto at nakakulambo kami, hindi ako sigurado kung galing nga sa pintuan ang anino. Nakita ko na lamang na naroon. Dahil bata pa ako noon, siyempre natakot ako pero dinaig pa rin ako ng aking pagtataka. Ipinikit ko ang aking mga mata at dahan-dahang iminulat ng bahagya ang kanan. Sinilip ko ang anino na ngayon ay nagkakahugis na, tao siya at naglalakad na ito palapit sa tabi ng aking kama. Pagkatapat na pagkatapat sa aming hinihigaan doon ko nakita na siya ay isang matandang babae dahil nakabelo pa ito ng itim na tulad ng nakaugalian ng mga matatandang babae noong panahong iyon. Hindi ko maaaninag kung sino siya. Madilim kasi. Tumigil siya ng ilang saglit sa tapat ng kama namin at pagkatapos ay muli siyang kumilos patungo sa bintana. Tumingala ako dahil nasa may ulunan ko ang bintana at upang masundan ko siya ng tingin, nang laking gulat ko, lumabas siya sa bintana. Tumagos nga siya tulad ng pagpasok niya kanina sa pintuan. Kasabay ng paglaho niya ang biglang kong pagtalukbong ng kumot.

Muli akong nakatulog.

Pagsikat ng araw, handa na kaming lahat sa bahay para mag-almusal. Nakabihis na ang aking mga magulang para pumasok sa kanilang mga trabaho. Ako naman ay bihis na rin, handa nang pumasok sa school. Nag-almusal ako kasabay sila at habang kumakain kami naalala ko ang nakita ko noong magising ako kaninang madaling araw.

“Ma, nasan si Lola?” walang malisyang tanong ko sa nanay ko, “hindi po siya sabay sa atin kumain?”

“Ang Lola mo? Wala siya dito, di ba? Nasa kanila siya at sa sabado pa ang dating niya.” Sabi ng nanay ko habang palipat-lipat ang tingin niya sa amin ng tatay ko.

“Akala ko dumating na siya kasi nakita ko siya kaninang umaga sa kuwarto ko habang tulog kami.”

Napatingin sa akin ang nanay at tatay ko. Nabitawan ng yaya ko ang hawak niyang baso ng marinig niya ang mga sinabi ko.


21 Agosto 2010

Friday, August 20, 2010

Ang Paghihintay


Tulad ng mga nakaraang gabi ng nakalipas na dalawang linggo, sa bintana ng bahay, siya ay nakatingin na naman sa malayo.
At tulad ng mga nagdaan gabi, malalim na naman itong nag-iisip.
Nakatingin sa kawalan.
Naghihintay.
Gabi-gabi ay umaasa siya na sana ay dumating na ang kanyang hinihintay.
Natatakot na siya.
Nagtatanong.
Kailan?
Malapit na siyang mawalan ng pag-asa.
Malapit na niyang tanggapin ang katotohanan.
Ngunit ano ang katotohanan para sa kanya?
Ang paghihintay ay may kasabay na maliit na pag-asa.
Ng pagbabakasakali .
Parang sugal.
Tulad ng mga nakaraang gabi, nag-iisip na naman siya kung bakit nangyayari ito sa kanya ngayon.
“Bakit sa akin pa?” aniya, “sa kabila ng mga paghihirap at sakripisyo ko. Bakit hindi sa iba?”
Wala siyang kamalay-malay.
Kung alam lang niya na ganito ang kahihinatnan.
Hindi sana siya ngayon nakakaramdam ng takot at lungkot.
At tulad ng mga nakaraang gabi, siya ay nagtatanong.
“Hanggang kailan ako maghihintay? Darating pa kaya? Paano kung hindi na? Ano ang mangyayari sa akin?”
Malapit na siyang panghinaan ng loob?
Pagdating ng hinihintay niya, alam niyang magbabagong muli ang lahat.
Maibabalik sa dati ang lahat.
Mabubura ang mga pag-aalinlangan.
Tumatakbo ang panahon.
Sana hindi pa huli.
Sana may pag-asa pa.
Pakiramdam niya ay tinatakasan na siya ng panahon.
Parang buhangin sa nakakuyom na palad.
Unti-unting naglalaho.
Wala na ba?
Ilang beses na rin niyang sinubukan alamin kung dumating na ito ngunit nagkamali siya.
Wala pa.
Minsan nag-aalala siya sa kanyang ginagawa.
Hindi na niya alam kung ano ang dapat gagawin.
Maghihintay na lamang ba siya?
Muli siyang binalot ng kalungkutan.
Nag-iisa siya.
Mas masarap yata kapag nag-iisa.
Hindi umaasa.
Kalungkutan ang umasa.
Kalungkutan ang mabigo.
"Hanggang kailan ako maghihintay ng walang kasiguruhan." tanong niya sa sarili.
"Darating na ba bukas? Makalawa? Sa susunod na linggo? Sa isang buwan? Paano kung hindi dumating sa panahon ng aking paghihintay?"
Malapit na siyang mainip.
Paano kung pagod na siya sa paghihintay at tuluyan na siyang sumuko?
Paano kung wala ng halaga sa kanya ang kanyang hinihintay?
Paano kung dumating ito at hindi na niya kailangan?
Alam niya na kapag dumating ang panahong iyon doon lamang siya magiging malaya.

"Sana bukas dumating na." bulong niya.

Friday, August 13, 2010

Ala-ala


Pagkababa niya ng sasakyan ay
nagmamadali siyang pumasok sa bahay, excited.
Iginala niya ang kanyang paningin sa sala, may hinahanap.
Dumiretso siya sa kusina.
“Kat?”
Walang sumagot.
Umakyat siya sa kuwarto at muli,
“Kat? Andito na ako.”
Wala pa rin siyang narinig na sagot.
Bumaba siya at nagtungo sa garahe, nababakasaling naroon ang kanyang hinahanap.
“Kat! Nasan ka?”
Tahimik pa rin ang bahay.
Napakamot siya sa ulo, nagtataka.
Pagkatapos ng ilang saglit ay nagtungo siya sa hardin. Baka naroon siya.
“Kat! Tara na, andito na ako.”
.... Nang bigla niyang maalala,
anim na taon na pala ang nakakalipas mula noong
pumanaw ang kanyang asawa.


Agosto 13 , 2010

Sunday, August 1, 2010

Paglisan


Sa ilalim ng mga bituin
ika’y umiyak, tumawa,
paminsan-minsan napapasigaw,
Laging ngangailangan
ng kahit kapiraso,
nangarap ng malaki.

Ikinalulungkot mo ang hindi pagiging makatarungan ng buhay kung minsan!
Hindi ka man lang kumilos.
Hanggang..
sa wakas.
Ika’y lumisan.


1 Agosto 2010

Thursday, July 29, 2010

Walang Hanggan


Kapag binawi na ng panahon ang aking marupok na katawan
at magiging abo na lang sa iyong paningin,
Mananatili ako kahit na gaano kanipis ang liwanag.

29 Hulyo 2010

Pagtanggi


Ang iyong pag-ibig ay parang pinupunit na papel sa aking puso
habang pinapanuod kitang tumatawa.
Nagkulay dugo ang sikat ng araw sa aking mga mata.


29 Hulyo 2010

Halaw ang larawan sa: http://www.blogger.com/post-create.g?blogID=5280165375131550394

Friday, July 9, 2010

Kulong


"You've got to jump off cliffs all the time and build your wings on the way down." — Ray Bradbury

Hindi pa ako naglakas loob na tumalon, lugmok sa lupa.
Hindi alam kung paano gumawa ng sariling pakpak
Takot sa lahat ng bagay.
Natatakot at napapasigaw ako kapag nasa tuktok ng gusali
Nanginginig at biglang napapatakbo dahil hindi iyon ang ideya ko ng kaligayahan.
Mabuti ng tapat ka sa sarili hindi tulad ng ambisyosong si Icarus
Inaamin ko nabuhay akong nasa ibaba, simple at walang buhay
Takot na mangarap at malagyan ng kulay.


9 Hulyo 2010



Halaw ang larawan sa: http://blog.lib.umn.edu/rosex228/architecture/icarus.jpg

Tuesday, June 29, 2010

Iba't-Ibang Kulay



Kaligayahan
ang langaw
sa tuktok ng aking ilong
na sa konting kilos
ay lilipad palayo

Kaligayan
ang aking balbas
na ilang araw ko ng pinapahaba
at kahit hindi pantay-pantay
ay napapansin nila

Kaligayahan
na nakatabi kita ng isang gabi
pagkatapos kong makilala si Trina
at bago ko nakapiling si Anne

Kaligayan
na makadampot ako ng piso
pandagdag sa singkuwenta sentimos
na pambili ng sigarilyo.



29 Hunyo 2010


Halaw ang larawan sa: http://api.ning.com/files/Fu1Q6N-Io2fo3bCMJDVgpeGH83vYfsr6yB88gt8x7wJVjlN4oMzukbiGDXzjB-KvcUIEaWNplhnziZHaDMTonIZ7iH*WKqYT/glad_gubbe_1.jpg

Monday, June 21, 2010

Tag-araw


Nakabisagra sa pagkalimot na parang pintuan,
Dahan-dahan na nagsara sa aking paningin,
Ang babae na aking minahal
Di ko na mabilang kung ilang beses siyang natulog sa aking tabi na parang estatwa,
Manhid sa init ng aking mga haplos
Hanggang sa panaginip dala ko ang pagngingitngit.


20 Hunyo 2010

Friday, June 18, 2010

Sino ba talaga ako?


Tinanong mo kung sino ako,
Tinanong mo kung saan hinabi ang aking kaluluwa?
May mga ilang bagay na sinusubok ko
Ang aking pag-iisip ay hindi mababaw
Ang aking pintuan ay hindi nakapinid
Sa bawat taong nais tumingin
Yari ako sa lupa
At hindi isang armas sa oras ng digma
Ang gamit ko ay hindi tuwid at nangingislap
Ngunit may paninindigan na matatag
Kapatiran at katapatan ang aking mga armas
Kapayapaan na hangad ko ay ipinagkait mo
Nagising mula sa pagkakahimlay
Sino ba talaga ako?


18 Hunyo 2010

Tuesday, June 15, 2010

Ang Panauhin


Ang buhay sa aking paningin ay isang payak na mundo
Madalas na wala akong pakialam kung ano ang susunod na mangyayari sa paligid ko, sa aking kapalaran.
Nasasabi ko ito ayon sa aking pananaw, obserbasyon at nakikita mula sa bintana na ito.
Mga kabataang nagkakasayahan habang naglalakad sa kalye, ang araw na nagdadala ng liwanag sa paligid.
May nakakasilaw na nakahambalang sa aking paningin.
Naguguluhan ako dahil sa makipot kong pang-unawa,
kaligayahan sa ilalim ng araw?
May pakialam ba talaga ako?
Hindi magtatagal ang kaligayang nadarama niyo,
Dahil nagbabago ang araw
… tulad natin.


15 Hunyo 2010

Miserable


Bakit ako pa
Ang dumanas ng ganito
Bakit ako pa
Hindi ko maipakita
Hindi niyo ba alam na umiiiyak ako?
Wala ba kayong malasakit sa akin?
Ikinulong ko ang sarili ko sa banyo
Walang papapasukin na kahit sino
Pagkatapos ay nakita ko
Napakatalas, kumikinang
Tulungan niyo ako
Pakawalan niyo ako
Gusto kong maging malaya

Hinawakan ko ito ng mahigpit
Itinutok sa aking pulso
Gagawin ko ito
Pikit ang mga mata
Bilang ng isa hanggang lima
Masakit
Kumawala
Nararamdaman ko tumutulo
Nakita ko hindi malalim, pero ayos na
Naramdaman ko
Nalaman ko na totoo
Malaya na ako
Hindi ako nasaktan
Kahit konti
Umupo ako
Isa pa
Nag-iisip, tulala
Ano itong nagawa ko
Medyo napangiwi ako
Naluha
Dumaloy sa king pulso
Makirot, mahapdi
Ang sakit
Napakabagal
Tumayo ako at tinitigan ang pangit kong mukha
Sa salamin
Napasigaw ako
SINO ANG MAGKAKAGUSTO SA AKIN?
Tatapusin ko na ang pagkakamaling ito
Tama ako ay isang pagkakamali
Sawa na ako sa buhay na ito
Naisip ko ang ilang minutong sakit o ang habang buhay
Ang huling mga kataga ko?
Paalam, salamat sa mga pasakit at sama ng loob.



15 Hunyo 2010

Monday, June 14, 2010

Sakal



Nakiisa si Huwan
Sa hinagpis ng mamamayan
Sigaw ng kalayaan
Tanikala sa lalamunan.



12 Hunyo 2010

Friday, June 11, 2010

Sa Huling Sandali


Kung parurusahan Niya tayo sa bawat kasalanan na ating nagawa,
Iiyak at maghihinagpis ang sanlibutan.

Sa Kanyang paningin, ang talas ng mga damo at bundok ay walang pinagkaiba,
Paminsan-minsan pinaparusahan Niya ang kalikasan at paminsan-minsan ibinabagsak Niya ang kanyang galit sa mga damo.

Nang dahil sa ating kasakiman, ang daigdig ay natatakpan ng maiitim na ulap
At ang Haring Araw ay nagtatago na sa likod ng buwan.

Kahit na sa likod ng busilak at malinis na kasuotan, hindi naitatago ang iyong pagkamakasarili
At sa Kanyang paningin, dumi sa iyong balat ay hindi na maitago pa.

Panginoon, patawarin mo ako! Iiyak ako sa bawat gabing magdaan,
para lamang muling bumangon ang mga luntiang damo sa ilalim ng maiitim na ulap.

At kung iiwan mo ako, iiyak ako hanggang sa bumaha ng luha.
Saan ka man magtungo, patuloy ang pag-ulan..

Sa oras na dumating ka, kamatayan ang makikita sa iyong mga mata,
Sino sa amin ang matibay ang paninindigan na haharap sa iyo at makapagsinungaling?


00:20 11 Hunyo 2010