Tuesday, June 29, 2010

Iba't-Ibang Kulay



Kaligayahan
ang langaw
sa tuktok ng aking ilong
na sa konting kilos
ay lilipad palayo

Kaligayan
ang aking balbas
na ilang araw ko ng pinapahaba
at kahit hindi pantay-pantay
ay napapansin nila

Kaligayahan
na nakatabi kita ng isang gabi
pagkatapos kong makilala si Trina
at bago ko nakapiling si Anne

Kaligayan
na makadampot ako ng piso
pandagdag sa singkuwenta sentimos
na pambili ng sigarilyo.



29 Hunyo 2010


Halaw ang larawan sa: http://api.ning.com/files/Fu1Q6N-Io2fo3bCMJDVgpeGH83vYfsr6yB88gt8x7wJVjlN4oMzukbiGDXzjB-KvcUIEaWNplhnziZHaDMTonIZ7iH*WKqYT/glad_gubbe_1.jpg

Monday, June 21, 2010

Tag-araw


Nakabisagra sa pagkalimot na parang pintuan,
Dahan-dahan na nagsara sa aking paningin,
Ang babae na aking minahal
Di ko na mabilang kung ilang beses siyang natulog sa aking tabi na parang estatwa,
Manhid sa init ng aking mga haplos
Hanggang sa panaginip dala ko ang pagngingitngit.


20 Hunyo 2010

Friday, June 18, 2010

Sino ba talaga ako?


Tinanong mo kung sino ako,
Tinanong mo kung saan hinabi ang aking kaluluwa?
May mga ilang bagay na sinusubok ko
Ang aking pag-iisip ay hindi mababaw
Ang aking pintuan ay hindi nakapinid
Sa bawat taong nais tumingin
Yari ako sa lupa
At hindi isang armas sa oras ng digma
Ang gamit ko ay hindi tuwid at nangingislap
Ngunit may paninindigan na matatag
Kapatiran at katapatan ang aking mga armas
Kapayapaan na hangad ko ay ipinagkait mo
Nagising mula sa pagkakahimlay
Sino ba talaga ako?


18 Hunyo 2010

Tuesday, June 15, 2010

Ang Panauhin


Ang buhay sa aking paningin ay isang payak na mundo
Madalas na wala akong pakialam kung ano ang susunod na mangyayari sa paligid ko, sa aking kapalaran.
Nasasabi ko ito ayon sa aking pananaw, obserbasyon at nakikita mula sa bintana na ito.
Mga kabataang nagkakasayahan habang naglalakad sa kalye, ang araw na nagdadala ng liwanag sa paligid.
May nakakasilaw na nakahambalang sa aking paningin.
Naguguluhan ako dahil sa makipot kong pang-unawa,
kaligayahan sa ilalim ng araw?
May pakialam ba talaga ako?
Hindi magtatagal ang kaligayang nadarama niyo,
Dahil nagbabago ang araw
… tulad natin.


15 Hunyo 2010

Miserable


Bakit ako pa
Ang dumanas ng ganito
Bakit ako pa
Hindi ko maipakita
Hindi niyo ba alam na umiiiyak ako?
Wala ba kayong malasakit sa akin?
Ikinulong ko ang sarili ko sa banyo
Walang papapasukin na kahit sino
Pagkatapos ay nakita ko
Napakatalas, kumikinang
Tulungan niyo ako
Pakawalan niyo ako
Gusto kong maging malaya

Hinawakan ko ito ng mahigpit
Itinutok sa aking pulso
Gagawin ko ito
Pikit ang mga mata
Bilang ng isa hanggang lima
Masakit
Kumawala
Nararamdaman ko tumutulo
Nakita ko hindi malalim, pero ayos na
Naramdaman ko
Nalaman ko na totoo
Malaya na ako
Hindi ako nasaktan
Kahit konti
Umupo ako
Isa pa
Nag-iisip, tulala
Ano itong nagawa ko
Medyo napangiwi ako
Naluha
Dumaloy sa king pulso
Makirot, mahapdi
Ang sakit
Napakabagal
Tumayo ako at tinitigan ang pangit kong mukha
Sa salamin
Napasigaw ako
SINO ANG MAGKAKAGUSTO SA AKIN?
Tatapusin ko na ang pagkakamaling ito
Tama ako ay isang pagkakamali
Sawa na ako sa buhay na ito
Naisip ko ang ilang minutong sakit o ang habang buhay
Ang huling mga kataga ko?
Paalam, salamat sa mga pasakit at sama ng loob.



15 Hunyo 2010

Monday, June 14, 2010

Sakal



Nakiisa si Huwan
Sa hinagpis ng mamamayan
Sigaw ng kalayaan
Tanikala sa lalamunan.



12 Hunyo 2010

Friday, June 11, 2010

Sa Huling Sandali


Kung parurusahan Niya tayo sa bawat kasalanan na ating nagawa,
Iiyak at maghihinagpis ang sanlibutan.

Sa Kanyang paningin, ang talas ng mga damo at bundok ay walang pinagkaiba,
Paminsan-minsan pinaparusahan Niya ang kalikasan at paminsan-minsan ibinabagsak Niya ang kanyang galit sa mga damo.

Nang dahil sa ating kasakiman, ang daigdig ay natatakpan ng maiitim na ulap
At ang Haring Araw ay nagtatago na sa likod ng buwan.

Kahit na sa likod ng busilak at malinis na kasuotan, hindi naitatago ang iyong pagkamakasarili
At sa Kanyang paningin, dumi sa iyong balat ay hindi na maitago pa.

Panginoon, patawarin mo ako! Iiyak ako sa bawat gabing magdaan,
para lamang muling bumangon ang mga luntiang damo sa ilalim ng maiitim na ulap.

At kung iiwan mo ako, iiyak ako hanggang sa bumaha ng luha.
Saan ka man magtungo, patuloy ang pag-ulan..

Sa oras na dumating ka, kamatayan ang makikita sa iyong mga mata,
Sino sa amin ang matibay ang paninindigan na haharap sa iyo at makapagsinungaling?


00:20 11 Hunyo 2010

Sunday, June 6, 2010

Walang Pamagat


Sa wakas nagkaniig din ang ating mga katawan.
Hindi mo inaasahan na mangyayari ito sa atin, di ba?
Ako din.
Hindi ko ito makakalimutan.


5 Hunyo 2010

Lapis



Nag-iisip ako ng maisusulat habang nakaupo sa isang coffeeshop.
Ano ba ang gusto kong isulat?
Wala akong maisip.
Napagod na yata ang utak ko sa kaiisip dahil sa trabaho.
Susubukan ko ng isulat ang unang mga salita ng may isang nagmamadaling lalaki ang lumapit sa akin.
Ang sabi niya, “ Pahiram ng lapis.”
May hawak siyang envelope.
“Lalagyan ko lang ito ng address.”
Kinuha niya ang lapis sa kamay ko at isinulat ang address.
Talagang siryoso siya.
Gamit na niya ang lapis ko.


5 Hunyo 2010

Saturday, June 5, 2010

4:00 AM, August 1



Kumukuringring ang aking telepono, madaling araw, kasarapan ng tulog
ngunit hindi ko ito sinagot.
Kumuringring pa ito ng ilang beses na para bang sinaniban ng kaluluwa ng butangera kong landlady.
RING! RING! RING! RING! RING! RING!
Nakakabulahaw.
Putang-ina! Magpatulog ka!
Alam kong hindi dumarating sa alanganing oras ang isang magandang balita kaya hindi ko ito sinagot.
Pinabayaan ko.
Tama ang hinala ko.
Isang kakilala ang tumatawag at gusto lang ibalita na patay na si Cory.


1 Agosto 2009

Friday, June 4, 2010

Isang Daang Piso, Buenavista, Pag-ibig




Hindi kita mabura sa aking isipan
kaya sumakay ako ng bus.
Namasahe ako ng 100.00
at nakisuyo pa sa driver na ibaba niya ako sa Buenavista,
bago ko napagtantong iniwan mo na pala ako.


4 Hunyo 2010

Romeo at Julieta



Kung iaalay mo ang buhay mo para sa akin,
Buhay ko’y iaalay din para sa iyo

At ang libingan nating dalawa ay parang dalawang nagmamahalan
Na naglalaba ng kanilang mga damit sa batis.

Kung dadalhin mo ang detergent soap,
Ako ng magdadala ng pang bleach.


4 Hunyo 2010