Monday, September 27, 2010

Ang Ulo


Unang araw ng burol ng asawa ni Mrs. Santos sa Funeraria Lokal. Para bang hindi nagluluksa sa pagkamatay ng asawa, abala siya kasama ang ilang mga kamag-anak sa pag-aasikaso sa burol, naghahanda para sa pagdating ng mga makikiramay. Hindi mapakali si Mrs. Santos, nais niyang mabigyan ng disenteng burol ang kanyang asawa. Pinagmamasdan ni Mrs. Santos ang kanyang namayapang asawa sa loob ng kabaong nang mapansin niyang hindi bagay sa asawa ang suot na amerikana kaya kinausap niya ang Director ng nasabing Funeraria.

“Ayoko yung kulay ng amerikana na suot ng asawa ko. Gusto ko yung kulay asul na suot nung patay sa kabilang kuwarto. Asul kasi ang paboritong kulay ng asawa ko.”

“Ganoon ho ba? Sige papalitan natin, babalik kami pagkaraan ng kalahating oras.” sabi ng Director.

Muling inilabas ang kabaong sa kuwarto.

Makalipas ang kalahating oras, inihatid muli sa kuwarto ang labi ng asawa ni Mrs. Santos. Natuwa siya nang makita niya ang kanyang asawa na ngayo'y naka asul na amerikana na.

“Maayos ang trabaho niyo,” aniya sa Direktor, “ang bilis niyong binihisan ang asawa ko.”

Napangiti ang Director. “Salamat ho. Naisip namin na mas mabilis gawin yun kung pagpapalitin na lang namin yung ulo ng asawa niyo at nung nasa kabilang kuwarto.”

Tapos

27 Setyembre 2010

Wednesday, September 22, 2010

Kariton


Pagkalipas ng limang oras ng pamamalimos sa lansangan at makaipon ng tatlumput-anim na piso at singkuwenta sentimos, naghuhumangos pauwi ang limang taong gulang na si Jun-Jun dala ang nabiling dalawang tableta ng gamot para sa may sakit na ina.

“Nay! Nay! Dala ko na po ang gamot niyo. Gagaling na po kayo!” masiglang sabi niya habang papalapit sa lumang kariton na nagsisilbing higaan ng kanyang ina.

“Nay! Gising!” bahagyang niyuyugyog ng bata ang ina. “Gagaling na po kayo.”

Walang narinig na sagot si Jun-Jun. Katahimikan ang nanaig.

“Nay?”

Naupo ang bata sa lupa katabi ng kariton, nakatitig siya sa hawak na gamot habang unti-unting pumapatak ang luha sa kanyang mga pisngi.

Tapos



20 Setyembre 2010


Halaw ang larawan sa: http://www.google.com.ph/imgres?imgurl=http://s4.hubimg.com/u/2592063_f496.jpg&imgrefurl=http://hubpages.com/hub/Have-Kariton-Will-travel-From-College-and-Beyond&usg=__VoK1h6IgAfh8H_GhJ7n7DwzlGnE=&h=335&w=496&sz=34&hl=tl&start=81&sig2=OOHFUoRFKU48BpVkqiBY4A&zoom=1&tbnid=0F8H1in8UvatgM:&tbnh=132&tbnw=160&ei=f3qfTJmjL866cYOw4McJ&prev=/images%3Fq%3Dkariton%2Bpics%26um%3D1%26hl%3Dtl%26sa%3DX%26rlz%3D1R2ACEW_enPH383%26biw%3D1003%26bih%3D439%26tbs%3Disch:10%2C2908&um=1&itbs=1&iact=hc&vpx=742&vpy=202&dur=1388&hovh=158&hovw=235&tx=132&ty=118&oei=OXqfTK3jLJOHcaa8qMMJ&esq=10&page=10&ndsp=10&ved=1t:429,r:9,s:81&biw=1003&bih=439