Sunday, May 16, 2010

Isang Araw sa Istasyon ng Bus (Isang Kapraningan)



Hindi ko alam eh.

Pero may nakita akong paalis kanina limang minuto na ang nakakaraan. Hindi ko lang sigurado kung saan patungo. Saan ba ang punta mo?

Ilang oras ba ang biyahe papunta roon?

Matagal pala.

Hindi.

Taga roon ka ba? Bakasyon?

Hmm.. buti ka pa.

Ako? Ahh.. dito lang palipas ng oras. Pero depende.
Mukhang hindi ka na babalik ah. Ang dami mong dalang gamit.

Ganoon talaga. May sinusuwerte, may minamalas. Sapalaran ang buhay.
Gaano ka ba katagal naglagi dito?

Tagal din ah. May pamilya ka ba?

O, bakit hindi mo sila kasama?

Ah.. sorry, sorry. Pasensiya ka na masyado akong matanong.

Kilala mo ba kung sino yung sinamahan niya?

Ganoon ba? Sa dinami-dami ng tao doon pa siya sumama.
Mahirap talaga magtiwala sa mga tao ngayon.

Matagal na ba nilang ginagawa yon?

Ganoon katagal? Wala ka man lang bang napansin sa mga kilos nila?

Bakit pumayag kang isama niya ang anak niyo?

Tsk. Tsk. Tsk. Ang saklap pala ng sinapit mo.

Ganoon talaga ang buhay. Akala mo kontrolado mo? Hindi pala. Kahit gaano ka kasinop. Kahit ginagawa mo na ang lahat upang gumanda ang buhay mo, sa isang iglap mawawala lahat yan sa iyo ng hindi mo alam. Biglaan. Para kang pinagnakawan sa kalagitnaan ng gabi. Walang silbi ang buhay. Nagpapakahirap ka para saan, kung kukunin lang din sa iyo. Kung sisirain lang din. At kung magtatagumpay ka, maisasama mo ba lahat sa hukay? Paggising mo sa umaga, iisipin mo kung ano ang gagawin mo sa maghapon, sa trabaho. Pero bakit mo pa iisipin kung araw-araw mo naman itong ginagawa. Bakit may bago ba? May pagpipilian ka ba? Bakit ka ba nandito? Ano ang halaga mo dito? Sa tingin mo? Sa tingin mo may pupuntahan ako dahil may dala akong bagahe?
Wala.
Hindi ko nga alam kung saan ako papadparin.
Bahala na. Minsan mahirap na ring magpasya para sa kanyang sarili ang tao.
May isa akong kakilala, pinatay ng militar ang kanyang kapatid na nag-aaral dito. Nagbakasyon lang sa kanilang probinsiya nang mapagkamalan daw na rebelde. Sumumpa ang kakilala ko na ipaghihiganti niya ang kanyang kapatid. Kaya gusto niyang sumapi sa mga rebelde upang maghiganti ngunit hindi niya ito magawa dahil sa kanyang ina. Nag-aalala siya na baka magkasakit sa labis na pag-aalala at kalungkutan ang kanyang ina kapag iniwan niya ito at kung sakali mang may masamang mangyari sa kanyang pagsama sa mga rebelde baka hindi rin makayanan ng ina at tuluyan na itong mamatay. Ngunit paano naman ang kanyang sinumpaan sa namatay na kapatid? Hindi niya ngayon alam ang kanyang gagawin kaya humingi siya ng payo sa isang nakatatanda at alam mo ba ang ipinayo sa kanya?
“Sundin mo kung ano sa tingin mo ang mas matimbang sa iyo.” Paano mo ngayon malalaman kung ano ang mas matimbang? Ang pagsama sa mga rebelde at maipaghiganti ang kapatid o ang inang nagdurusa? Nakita mo? Paano mo susukatin? Pwede mo bang sabihin na ganito katimbang ang isang bagay? Isang dangkal? Isang dipa? Isang metro? Sasabihin mo, “Ganito ka kahalaga sa akin.” Ang pagpapahalaga mo ba sa isang bagay ay idadaan mo sa isang sukat? Paano nasusukat ang pagpapahalaga o halimbawa, ang pagmamahal? Nakita mo ba ang ibig kong sabihin? Magpapasya ka dahil sa isang dangkal, isang metro? Meron ka bang sariling pagpapasya? At sino ang magpapasya para sa iyo? Ano sa tingin mo?
Hmm…

Ah, yan na ba yung sakay mo?

Sige, goodluck! Ingat sa biyahe!

(Napraning ko yata siya.. tsk, tsk, tsk.)



Halaw ang larawan sa: http://photos.worldwanderings.net/2008/08/img_8835.jpg

Monday, May 10, 2010

Ang Biro



Excuse me. Pwede ko bang mahiram ang lighter mo? Thank you. Kapag ganitong madalang ang tao tinatamad nang mag-ikot ang mga waiter dito. Kailangan mo pang magpunta sa bar para kumuha ulit ng maiinom. Ang maganda lang sa lugar na ito, tahimik. Pumupunta ako dito kapag kailangan kong mag-isip katulad ngayon. Pero siyempre open ako sa mga conversation lalo na kung interesante ang pag-uusapan. Huwag lang politika. Ipaubaya na natin yun sa kanila. Hahaha. Mukhang napangiti ka noong banggitin ko ang pulitika. Kung tatanungin kita kung bakit, baka mapunta nga sa pulitika ang usapan kaya huwag na lang. By the way, Angelo pare. Angelo Roxas. Nice meeting you. Madalas ka ba rito? Mukhang nag-iisa ka, do you mind kung umupo ako diyan sa couch mo? Uummph.. phew. Maraming salamat. Sure ka pare? Okey lang sa iyo. Baka naiintrude kita. Good. Toast natin ‘to, pare… to a good life.. hahaha. So, anong ginagawa mo? I mean… alam mo na. Ah, okey. Nice job. Interesting. So you get to meet a lot of people in different places. You’re staying here for the night? Good. Night Place. Ako? Arrggh.. isa akong abogado. Hindi ba halata? Well sabi nila, isa sa mga advantage ko sa mga kalaban. Dahil bata, ina-under estimate nila. Kaya pagdating sa huli, akin ang huling halakhak. Ah, oo, given yun sa trabaho. Lahat naman, kahit byung sa iyo. Pero hindi dahil sa kaso kaya ako narito ngayon. Mas higit pa ang dahilan kesa sa pinakakomplikadong kaso na hinawakan ko kaya ako narito. Kailangan kong mag-isip, kung pwede maglaho, tumakas.. hehehe. Ikaw, mukhang masaya ka sa ginagawa mo? Tama ka diyan. The bottom line is dapat masaya ka sa ginagawa mo. Kung hindi ka na masaya bakit mo pa ito ginagawa, di ba? Mukhang wala ka ng iniinom. Ano bang sa iyo? It’s on me. Akong bahala. Sandali lang.

Mabagal talaga sila ngayon. Kulang na lang umupo sila sa trabaho pero noong marinig ng bartender kung ano yung hinihingi ko, bigla siyang nagbuhayan.. hahaha. Okey lang ba sa iyo ito? Johhny Walker Blue. Yes, that’s right. A blend of the very rarest whiskies, the most acclaimed and exclusive Scotch Whisky in the world. Okey ah, you know your thing. I hope hindi ka nagmamadali. Wala bang naghihintay sa iyo sa room mo? Di ba, yung mga iba sa field na yan may mga ganoon? Ah.. okey, you’re straight. Ako? Hmm.. meron paminsan-minsan. Hahahaha. Bakit hindi? Ang totoo kaya ako narito isa yan sa dahilan. Pero hindi dahil sa puso, huh? Hahaha.. Parang hindi bagay sa atin yun. I’ve seen things more complicated than that. Honestly, it’s more complicated than you think. Ganito kasi yan. Umm.. cigarette? Sandali, wala na rin pala akong sigarilyo. Waiter? Laking bahay-ampunan ako. Nakita daw ako sabi ng mga madre na balot na balot ng lampin. Sa pintuan ng bahay-ampunan twenty-nine years ago at maliban sa lampin, ang tanging iniwan sa akin ng aking ina ay isang kuwintas na silver na may pendant na angel na hanggang ngayon ay nasa akin at nakatago. May nakaukit na initials sa likod nito. MA. Siguro, initials ng nanay ko. Oo, ginawa ko yun. Iilan lang ang may initials na ganoon dito at negative lahat. Balik tayo, pinag-aral ako ng mga madre na itinuring kong mga nanay, nagsikap at nagtiyaga hanggang sa makatapos ng high school. Sixteen years old ako noong may kumupkop sa akin na mag-asawa. Palibhasa honor student ako mula grade school kaya nagkainterest sila sa akin. Wala silang anak kaya napagpasyahan nilang ampunin ako at itinuring nila akong tunay na anak. Napakasuwerte ko dahil ako ang napili nila sa dinami-dami namin sa bahay-ampunan. Mayaman ang mag-asawa. Maraming negosyo at ako lahat ang magmamana pagdating ng araw. Pinag-aral nila ako sa mga mamahaling unibersidad dito at sa labas ng bansa. Bilang ganti sa kabutihan, pinagpahinga ko sila at ako ang nagpatakbo sa mga negosyo ng makatapos ako. Tuwang-tuwa sila dahil lumago ang kompanya sa pamumuno ko. Tatlong taon na ang nakakaraan mula noong ibalik ko ang pamumuno sa nakagisnan kong ama upang magpractice ako privately. Simula noon sunod-sunod na ang nahawakan ko na mga kaso at suwerte naman dahil hanggang ngayon hindi pa ako nakakatikim ng pagkatalo. Oo, mahirap. Pero nawawala lahat ang pagod kapag naipanalo mo ang iyong kaso. Walong buwan na ang nakakaraan nang makilala ko si Madeline. Isang negosyante. Ako ang tumatayong abogado ng kanyang kompanya. After a few months, yung relationship na strictly business ay nauwi sa mas malalim na relasyon. I mean she’s wonderful. A successful businesswoman. Masarap kasama. Malambing. Maasikaso. You name it. At her age? Ilan ba, forty-three? Yet still sexually active. Sa ganda at katawan hindi mo akakalain na she’s past forty. May problem actually started here. Ah, okey sige, go on.

Alam mo pare habang na sa CR ka, I was thinking kung tama ba na ikuwento ko sa iyo ito.. but I decided, what the hell. Ituloy natin, minsan mas masarap makipagkuwentuhan sa mga bagong kakilala at kaibigan. New opinions. A week ago, I was about to ride sa sasakyan ko na nakapark sa basement ng building where my office is located nang may lumapit sa akin na isang lalaki. Sa itsura at amoy niya, ay obviously nakainom siya. Kinonfront niya ako at he was saying something about Madeline. Nagkaroon kami ng mainit na pagtatalo then all of a sudden may kinuha siya sa kanyang sasakyan na nakapark sa tapat ng sasakyan ko. Knife pare. Yung gamit ng mga military. He attacked me. Nasangga ko yung unday niya at nagpambuno kami sa knife. Next thing was, hindi ko alam kung swerte o malas on my part, nasaksak ko siya sa dibdib. Ang bilis ng pangyayari. Lethal yung tama niya. Namatay siya right there. Lumingon-lingon ako sa paligid kung may nakakita sa amin. Wala. Mabuti na lang walang CCTV. Linabas ko ang kotse ko sa parking slot na yun at ipinalit ko ang sasakyan niya at bago ako umalis doon I made sure na walang ebidensiyang magdidiin sa akin. Just a small sign, may dent sa door ng kotse ko. I remember, bumangga kaming dalawa doon. Until now, eto ako scot-free sa krimen na nagawa ko. Two days after that incident, niyaya ako ni Madeline na umattend sa burol ng isang kaibigan daw niya. Napansin ko, she was so upset or something. Yes, kung ano yung iniiisip mo ngayon yun din yung unang pumasok sa isip ko noon. Remember, the guy who assaulted me was saying something about Madeline, right? So kilala ni Madeline yung guy. Sabi ko, this is going to be a mess. Napaisip ka ano? And you are actually talking to a murderer. I know, I am incriminating myself.. the hell with it. Putang-ina.. pare. Kapag narinig mo na lahat mamaya ang buong kuwento ko, then you can decide. As for me, sa ngayon? Hindi ko alam kung anong gagawin ko. So balik tayo, sinamahan ko si Madeline. Totoo nga ang aking hinala. Siya ang nasa kabaong. Fuck! Nakipaglamay ako sa burol ng taong pinatay ko. Saan ka pa makakakita ng taong katulad ko? I was uncomfortable, pinagpawisan ako ng malamig. Hindi ko maipaliwanag yung nararamdaman ko during that time. I was upset. Madeline was upset. Hanggang sa makauwi kami sa bahay niya. I decided to stay there for the night to comfort her kahit na hindi ko pa alam ang relasyon nila ng namatay. Gusto ko siyang tanungin kaya lang I decided not to until okey na siya sa tingin ko. So we had dinner, light lang. After that we had a couple of glass of wine. Yes, she was beginning to relax after that. Nag-usap kami tungkol sa ilang bagay. After a time, the usual warmth was there. We touch and kiss each other hanggang sa matangay kami sa isa’t-isa, give comfort, tulad ng ibang gabing magkasama kami, muling naming pinagsaluhan yung sinasabi nilang.. well, alam mo na. The feeling was nice, naramdaman ko na nagsettle na rin siya. Oo. Tama ka, medyo nakalimutan na niya yung concern. So habang nasa kama kami, nagsimula siyang magkuwento tungkol sa ilang bagay sa buhay niya na hindi ko alam. I mean hindi ako nag-uusisa sa mga buhay ng mga nakakarelasyon ko. Bahala silang mag-open sa akin. So nagkuwento siya, bumalik siya sa buhay niya twenty-nine years ago. Galing daw siya sa isang simpleng pamilya. Hindi mayaman, hindi rin masasabing mahirap. Fourteen years old siya noong makipagboyfriend at sa malas ay nabuntis. Dahil pareho silang menor de edad ng lalaking nakabuntis sa kanya, pinaghiwalay sila ng kanilang mga magulang at pagkatapos ng ilang buwan, ipinanganak ni Madeline ang isang sanggol na lalaki. Lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang, nakikipagkita pa rin siya ng kanyang boyfriend. Oo, na nakabuntis sa kanya. Meron daw silang napagkasunduan. Ang makatapos ng pag-aaral kaya nagpasya silang dalawa na umalis. Pupunta sa ibang lugar. At bago daw sila umalis, iniwan nila ang anak nila sa kapatid ng lalaki. Pagkaraan ng ilang araw, nalaman nila na ipinamigay daw ang kanilang anak. Hindi na raw nila nalaman kung kanino ipinamigay dahil hindi na nila muling nakita pa ang taong iyon. Noon ko lang nalaman na may anak pala si Madeline. It’s not a big deal sa akin, really. At alam mo ba pare? Ang lalaking nadisgrasya ko last week ay walang iba kundi ang boyfriend niya noon at ama ng anak ni Madeline. Ariel daw ang pangalan noong lalaki. At ang matindi, alam mo ba? Putang-ina bumaliktad ang aking sikmura sa huling sinabi ni Madeline. Ang tanging palatandaan daw na iniwan sa kanyang anak bago ito ipinamigay ay ang ibinigay niyang kuwintas sa anak. Ang kuwintas ay isang silver, may pendant na angel at may initials na MA. Madeline. Ariel. Shit!!! Putang-ina pare! Ang kuwintas na iyon ay walang pinagkaiba sa kuwintas na nakatago sa vault ko. Ang kuwintas na iyon ay nakasabit daw sa leeg ko noong makita ako ng mga madre sa may pintuan ng bahay-ampunan twenty-nine years ago. Ang kuwintas na galing sa nanay ko. Nanlamig ako pare. Bumangon ako mula sa kama. Gusto kong maduwal. Hindi ko ipinahalata kay Madeline ang aking reaction sa mga nalaman ko. Pumasok ako ng banyo. Nanlambot ako. Parang bumigay lahat ng buto ko sa katawan. Tulala ako habang pilit kong inuulit sa aking isipan ang mga sinabi ni Madeline. Doon ko narealize na pinatay ko ang father ko at ang nakakasuka, I’ve been making love with my mother. Ahhh…shit! This is unforgivable! Ngayon pare, husgahan mo ako! Magsalita ka! Pumunta ka sa police, ireport mo ako, I don’t care. Walang kapatawaran ang mga nagawa ko. Pare, pinaglaruan ako ng tadhana. Putang-ina! Kahit lumaki akong walang mga magulang, inayos ko ang buhay ko. Three days na akong hindi nakikipagkita kay Madeline. Iniwan ko ang bahay ko upang hindi na kami magkita at wala siyang ideya kung nasan ako. I want to spare her with all this madness. Naaawa ako sa kanya, baka hindi niya makayanan. Kailangan kong magbayad. Ang baril sa ibabaw ng mesa ko ay ilang gabi na ring naghihintay na damputin ko siya. Masisiyahan siya ngayong gabi pag-uwi ko. At sa iyo pare ko, maraming salamat sa panahon mo. Ah, hindi. No worries pare, okey lang ako. Salamat.


10 Mayo 2010

Thursday, May 6, 2010

Opismeyt



Umaga.
Trabaho.
Papasok sa opisina.
Pagod sa biyahe ay tuluyang naglaho.
Si Jerry na kaopisina,
Nagtrip sa kanyang mesa.
Alas-diyes ng umaga, wala ng magawa.
Itinaas ang hawak na cellphone, sarili’y pinagkukunan ng litrato.
Sa kanya nalibang ako at lihim na natawa.
Tutok dito, tutok doon. Ngisi dito, kindat doon. Walang pakialam sa mga kasama sa paligid niya.
Hindi pa nakuntento, peace sign sa mga daliri ibinandila, kasabay ng pagpungay ng kanyang mga mata.
Nakakatawa, nakakaawa. “Anong trip niya?”
Hindi na naghintay para kunan siya ng iba.
Ilan sa inyo ang katulad niya?


06 Mayo 2010