Sunday, May 16, 2010
Isang Araw sa Istasyon ng Bus (Isang Kapraningan)
Hindi ko alam eh.
Pero may nakita akong paalis kanina limang minuto na ang nakakaraan. Hindi ko lang sigurado kung saan patungo. Saan ba ang punta mo?
Ilang oras ba ang biyahe papunta roon?
Matagal pala.
Hindi.
Taga roon ka ba? Bakasyon?
Hmm.. buti ka pa.
Ako? Ahh.. dito lang palipas ng oras. Pero depende.
Mukhang hindi ka na babalik ah. Ang dami mong dalang gamit.
Ganoon talaga. May sinusuwerte, may minamalas. Sapalaran ang buhay.
Gaano ka ba katagal naglagi dito?
Tagal din ah. May pamilya ka ba?
O, bakit hindi mo sila kasama?
Ah.. sorry, sorry. Pasensiya ka na masyado akong matanong.
Kilala mo ba kung sino yung sinamahan niya?
Ganoon ba? Sa dinami-dami ng tao doon pa siya sumama.
Mahirap talaga magtiwala sa mga tao ngayon.
Matagal na ba nilang ginagawa yon?
Ganoon katagal? Wala ka man lang bang napansin sa mga kilos nila?
Bakit pumayag kang isama niya ang anak niyo?
Tsk. Tsk. Tsk. Ang saklap pala ng sinapit mo.
Ganoon talaga ang buhay. Akala mo kontrolado mo? Hindi pala. Kahit gaano ka kasinop. Kahit ginagawa mo na ang lahat upang gumanda ang buhay mo, sa isang iglap mawawala lahat yan sa iyo ng hindi mo alam. Biglaan. Para kang pinagnakawan sa kalagitnaan ng gabi. Walang silbi ang buhay. Nagpapakahirap ka para saan, kung kukunin lang din sa iyo. Kung sisirain lang din. At kung magtatagumpay ka, maisasama mo ba lahat sa hukay? Paggising mo sa umaga, iisipin mo kung ano ang gagawin mo sa maghapon, sa trabaho. Pero bakit mo pa iisipin kung araw-araw mo naman itong ginagawa. Bakit may bago ba? May pagpipilian ka ba? Bakit ka ba nandito? Ano ang halaga mo dito? Sa tingin mo? Sa tingin mo may pupuntahan ako dahil may dala akong bagahe?
Wala.
Hindi ko nga alam kung saan ako papadparin.
Bahala na. Minsan mahirap na ring magpasya para sa kanyang sarili ang tao.
May isa akong kakilala, pinatay ng militar ang kanyang kapatid na nag-aaral dito. Nagbakasyon lang sa kanilang probinsiya nang mapagkamalan daw na rebelde. Sumumpa ang kakilala ko na ipaghihiganti niya ang kanyang kapatid. Kaya gusto niyang sumapi sa mga rebelde upang maghiganti ngunit hindi niya ito magawa dahil sa kanyang ina. Nag-aalala siya na baka magkasakit sa labis na pag-aalala at kalungkutan ang kanyang ina kapag iniwan niya ito at kung sakali mang may masamang mangyari sa kanyang pagsama sa mga rebelde baka hindi rin makayanan ng ina at tuluyan na itong mamatay. Ngunit paano naman ang kanyang sinumpaan sa namatay na kapatid? Hindi niya ngayon alam ang kanyang gagawin kaya humingi siya ng payo sa isang nakatatanda at alam mo ba ang ipinayo sa kanya?
“Sundin mo kung ano sa tingin mo ang mas matimbang sa iyo.” Paano mo ngayon malalaman kung ano ang mas matimbang? Ang pagsama sa mga rebelde at maipaghiganti ang kapatid o ang inang nagdurusa? Nakita mo? Paano mo susukatin? Pwede mo bang sabihin na ganito katimbang ang isang bagay? Isang dangkal? Isang dipa? Isang metro? Sasabihin mo, “Ganito ka kahalaga sa akin.” Ang pagpapahalaga mo ba sa isang bagay ay idadaan mo sa isang sukat? Paano nasusukat ang pagpapahalaga o halimbawa, ang pagmamahal? Nakita mo ba ang ibig kong sabihin? Magpapasya ka dahil sa isang dangkal, isang metro? Meron ka bang sariling pagpapasya? At sino ang magpapasya para sa iyo? Ano sa tingin mo?
Hmm…
Ah, yan na ba yung sakay mo?
Sige, goodluck! Ingat sa biyahe!
(Napraning ko yata siya.. tsk, tsk, tsk.)
Halaw ang larawan sa: http://photos.worldwanderings.net/2008/08/img_8835.jpg
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment