Saturday, March 27, 2010
Jim Morrison's Words
Words dissemble, words be quick
Words resemble, walking sticks
Plant them, they will grow
Watch them waver so
I will always be a word man
Better than a blind man.
Sigarilyo
Binili mo ako sa tindahan habang ika’y napapakamot sa iyong makating puwit, patiwarik na itinaktak sa iyong palad, pinunit sa gilid at hinugot ang isa kong kapatid.
Inilapat mo siya sa iyong mga labi at kinagat ng walang patid. Ninamnam ang bango niyang may kasamang pait.
Kinapa mo sa bulsa ang posporo na nakaniig sa iyong nanlalagkit na singit, kulang na lang ito ay magputik. Hindi mo na napansin si Rizal na malungkot, may ngiting mapait.
Tangan ang palito at iyong ikiniskis, lumiyab ang apoy kasabay ng iyong paghitit.
Sa lalim ng paghinga, pisngi mo’y lumubog, sa baga dumikit, pumasok ang usok.
Hindi ka pa nakuntento pagkatapos mong ibuga, inulit mo pa ng ilang beses ang seremonya. Nang maubos ang una, kumuha ka pa ng isa, nasundan pa hanggang umabot sa lima.
Pagkaraan ng ilang saglit ika’y sinalsal na ng ubo.
Sapo ang kumikirot na dibdib at kinapos sa paghinga.
Nagpatuloy sa pag-ubo at nakaramdam ka ng pagkahilo,
Hanggang sa dumura ka ng namumuong dugo na nahalo sa nakakadiring plema.
Ano? Bisyo ay ipagpapatuloy pa ba?
xxx
25 Marso 2010
Sunday, March 21, 2010
Ang Nagsasalitang Hunyango
Noong isang linggo, si Alfonso ay lumapit sa akin at ibinulong na ang kanyang alagang aso ay nagsasalita. Nang dahil sa kanyang ibinalita sa akin, hindi na ako napakali, nag-aalala ako ng lubos dahil kilala ko si Alfonso mula pa noong pitong taong gulang palang kami, kilala ko din siya bilang matapat na kaibigan. Dahil sa nangyari iyon, ako ay tuluyang nagduda sa kanyang pundamental na pag-iisip.
Napagpasyahan ko na kung mawawala siya, ito ay makakabuti para sa mamamayan at sa pagkakaibigan na rin namin na unti-unti ng nasisira dahil sa estado ng kanyang pag-iisip. Nakatulog siya ng tinarakan ko ng iniksyon na may lamang tranquilizer ang kanyang leeg. Tulad ng aking inaasahan, hindi na siya gumising dahil sa lakas ng epekto ng gamot at tuluyan ng namaalam sa mundong kaylupit. Masusuri na ang aso ni Alfonso ngayong wala na siya. Tumawag ako sa klinika ng beterinaryo na kaibigan ng kumpare ng tatay ng kaibigan ko, nakausap ko ang masungit at bastos na sekretarya. Pinapapunta niya ako doon. Pagdating ko sa klinika, hindi ko nagustuhan ang hilatsa ng pagmumukha ng sekretarya kaya binaril ko siya sa mata at ngayong wala na ang sekretarya, wala na ring hahadlang pa sa pagitan namin ng aso.
Nagpunta ako sa bahay ni Alfonso, at pagpasok ko, sinalubong ako ng pusang kinulayan ng ibat-ibang kulay na akala mo ay buhok ng isang malantong, matandang biyuda na siyang nagdulot ng sakit sa king paningin kaya binaril ko din ito. Nagkalat amg laman at dugo sa loob ng bahay. Alam kong ligtas na ako dahil naglaho na ang putang-inang pusa. Dahan-dahan akong pumasok sa silid ni Alfonso upang hanapin ang aso. Wala sa silid ang aso. Nagtungo ako sa kusina, nang may nakita akong isang hunyango na maingay na ngumunguya ng mga gulay sa ibabaw ng mesa. Naaliw ako sa hunyango kaya pinabayaan ko na lang ito at dahan-dahan akong lumabas ng kusina.
Sa labas, hindi na maririnig ang ingay na gawa ng hunyango. Nang biglang may pumasok sa isip ko, akala niya hindi ko napansin. Muli akong sumilip sa loob ng kusina, wala na ang hunyango, hindi ko alam kung naglaho siya o natabunan ng mga gulay. Pumasok ako, hinanap ko ang pesteng hunyango, alam kong isa sa amin ang mamamatay, at kung ako iyon, isasama ko siya sa hukay. Binunot ko sa ang aking tagiliran ang nangingintab na 44 Magnum na dala ko, ito pinakamalakas na pistola sa buong mundo. Humanda sa duwelo.
Sa kasawiang-palad ko, ang hunyango ay nakapagsanay pala ng combat kaya hindi ko siya nagapi. Natalo ako sa duwelo habang ang hunyango ay walang kagalos-galos. Tumawag siya ng mga matatabang pulis, narinig ko na napakaamo ng kanyang boses. Napansin ko rin na kaboses niya si Alfonso.
Napag-alaman ko na ang nagsasalitang hunyango ay walang iba kundi ang alagang aso pala ni Alfonso. Pagdating ng mga pulis, ikinuwento ko sa kanila ang mga nangyari. Pinaniwalaan nila ang mga sinabi ko tungkol sa nagsasalitang hunyango ngunit binalaan nila ako.
Ilang sandali lang patungo na kami sa institusyon ng mga baliw.
Tapos!
21 Marso 2010
Halaw ang larawan sa:
Saturday, March 13, 2010
Pagsunod sa Tadhana
Sa dahilan na siya lang ang nakakaalam, ang manunulat ay naglagay ng mga tauhan na may mga plastic na mata sa kanyang kuwento. At kahit na bulag ang mga tauhan, maganda ang naging pananaw nila sa buhay. Sila ay nabubuhay ng masaya, masigla at puno ng pag-asa. Ang tanging hindi nakuntento ay si Rek L. Amador.
“Hoy Writer!“ sigaw ni Rek L. Amador habang nakatingala sa langit. “ Bakit mo kami binigyan ng mga plastic na mata?”
Hindi sumagot ang manunulat.
Ang reklamo ni Rek L. Amador ay naging paksa ng usapan sa pagitan nina Mae Pagalinlangan, Nani Niwala at Dina Ninie Wala.
“May paniwala ako na kaya tayo binigyan ng writer ng mga plastic na mata ay para pagkatiwalaan natin siya na gagabayan niya tayo.” sabi ni Nani Niwala.
“Hindi ako naniniwala sa existence ng writer,” sagot ni Dina Naniniwala. “Tumingin kayo sa paligid na parang nakakakita ngunit kahit isang chance ay wala. Napakaabsurd na ang isang writer ay magsusulat ng kuwentong puno ng mga taong plastic ang mga mata.”
“I doubt kung tototo bang may writer,” singit ni Mae Pagalinlangan. “Dahil sa ating mga plastic na mata, hindi natin siya nakikita. Ang existence niya ay isang misteryo.”
Si Rek L. Amador ay nikikinig sa usapan ng tatlo at muli na namang sumigaw sa itaas.
“Writer, nakikita mo ba kung ano ang ginawa mo sa amin? Ano ba ang nais mong ipaabot noong linagyan mo ng mga taong may plastic na mga mata ang kuwentong ito?”
Dahil dito, binura ng writer si Rek L. Amador sa kuwento bilang tugon sa tanong niya.
Pagkatapos ng nasaksihan, huminto na sila Nani Niwala, Dina Niniwala at Mae Pagalinlangan sa kanilang diskusyon. Muli silang nakihalubilo sa mga taong may mga plastic na mata na tulad nila.
At kahit hindi nakakakita, sila ay muling namuhay ng masaya, masigla at puno ng pag-asa.
Wakas!
xxx
16 Oktubre 2009
Saturday, March 6, 2010
Talaan ng mga Nababahalang Nilalang #2
Introduksiyon
Bawat isa sa atin ay may kinikipkip na takot o pangamba sa buhay. Maging tayo man ay babae o lalaki, bata o matanda, mayaman o mahirap, nakakaramdam rin tayo ng takot at pagkabalisa paminsan-minsan. Doon lang yata tayo nagkakapantay-pantay. May iba’t-ibang dahilan kung saan nagmumula ang takot o pangamba sa buhay natin: nariyan ang gutom, sakit, kamatayan, utang, kasalanan, pagkalugi sa negosyo, pagkabigo, pagkasawi, kawalan ng pag-asa, pag-iisa, pagtanda at maraming pang iba.
Ang seryeng ito ay para sa mga taong nababahala, balisa, nakakaramdam ng takot at pangamba sa kanilang buhay. Ito ang Talaan ng Mga Nababahalang Nilalang. Sasalaminin nito ang mga pangamba na nararamdaman ng bawat isa sa pang araw-araw na buhay.
Isang Umaga sa Buhay ni Robert
November 14
8:14 AM
… Now I want to tell you, gentleman, whether you care to hear it or not, why I could not even become an insect. I tell you solemnly that I wanted to become an insect many times. But I was not even worthy of that. I swear to you, gentleman, that to be hyperconscious is a disease, a real positive…
“Santolan Station, Santolan Station. Kindly take care of your belongings while inside the train...”
Shit!
Eto na naman! Kinakapos na naman ako ng hininga, pakiramdam ko tuyong-tuyo ang lalamunan ko. Ang hirap lumunok, masakit sa lalamunan, tuyo, walang laway. Pero kahit masakit, gusto kong lumunok ng lumunok dahil kinakapos ako ng hininga at dahil tuyong-tuyo ang lalamunan ko, tikhim ako ng tikhim na para bang may sakit na ewan ko, di ako sure. Pero parang gumagaan ang pakiramdam ko kapag tumitikhim ako. Para tuloy akong may sakit, naririnig ng mga katabi ko ang madalas kong pagtikhim, nakakahiya. Ano kaya ang diperensiya?
“Shaw Boulevard. Shaw Boulevard Station…”
Putang-inang lalaki to! Ano kayang tinitingin niya sa akin? Kung makatingin akala mo… May dumi ba ako sa mukha? Sa ulo? Nakalitaw ba ang mga balakubak ko? Kaliligo ko lang. Shit! Tumigil ka sa katitingin.
Saan na ba ako..? Ah, dito…
…disease. Ordinary human consciousness would be to much for man’s everyday needs, that is, half or a quarter of the amount which falls to the lot of a cultivated man of our unfortunate nineteenth century, especially one who has a particular misfortune to inhabit Petersburg, the most abstract and…
Putang-ina! Istorbo talaga! Bakit ganito ang nararamdaman ko lagi ilang minuto pagkatapos kong magkape ng barako? At ano naman ang iinumin ko sa umaga kasabay ng pandesal kundi kape lang dahil lagi akong nagmamadali sa pagpasok.
Putang-ina! Ito na nga lang bisyo ko, ganito pa nararamdaman ko. Mabuti pa ang alak, wala akong nararamdaman kapag nakakainom.
Fuck! Sumasakit din ang leeg ko, stiff neck ba to? Kanina ko lang naramdaman to, pagkagising ko.
“Boni Station, Boni Station. Kindly don’t block the…”
… am writing all this to show off, to be witty at the expense of man of action; and what is more, that out of ill-bred showing off, I am clanking a sword, like my officer. But, gentleman, who ever can pride himself…
Aray ko!
Fuck!
Kung ano-ano na lang ang nararamdaman ko sa katawan. Putang-ina! Mamamatay na yata ako? Shit! Wala namang maagang namamatay sa mga Santos, si tatay nga seventy-nine years old na malakas pa rin. Kung sakali ako palang. Shit! Knock on wood.. walang kahoy. Pwede na tong bakal.
“Buendia Station. Buendia Station. Kindly allow the elders, …”
“Ayala! Pasong Tamo! Ayala!”
“Bayad ho!”
Aray ko!
Fuck!
Putang-ina! Dumidilim ang paningin ko. Mamamatay na yata ako, dito pa ako aabutan sa gitna ng Buendia. Napakaabsurd naman kapag dito ako namatay. Sino ang tutulong sa akin? Hindi man lang ako bibigyan ng marangal na kamatayan?
Aray ko!
Shit!
“Para ho! Sa tabi lang.”
Wakas
Halaw ang larawan sa: http://media.photobucket.com/image/mrt%20passenger%20pics/RonnieR_2008/MRT3ride.jpg
Monday, March 1, 2010
Isang Gabi ng Disyembre
Si Tomas ay isang masinop na tao. Organisado. Ang gusto niya ay maayos ang lahat ng bagay simula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki. Sinisiguro niya na ang lahat ay nasa tamang kinalalagyan. Naniniwala siya na ang kinabukasan ng isang tao ay naaayos at napaghahandaan alinsunod sa kanyang kagustuhan. Naoorganisa at napaghahandaan ang kinabukasan at ang kasalukuyan sa pagiging handa sa lahat ng maaaring mangyari, masama man ito o mabuti. Bukas din siya sa mga posibilidad na maaaring may mangyari sa kanya na hindi maganda tulad ng pagkakasakit, aksidente o maging biktima ng isang krimen.
Ang huling nabanggit ay posibleng magyari kay Tomas dahil isang gabi sa isang linggo, nasa lansangan siya at naglalakad. At ngayong gabi, tulad ng mga nakaraang Lunes, hindi siya umuwi kaagad pagkagaling sa kanilang opisina. Siya ay tumuloy sa kabilang bahagi ng bayan kung saan naroon ang Sunshine Enterprise, Inc. Siya ang may hawak sa libro ng nasabing kompanya. Binabayaran siya ni Mr. Sy ng dalawang libong piso sa bawat gabing punta niya. Hindi na masama sa kanya ang dalawang libong piso sa tatlong oras na trabaho. Malaking tulong na ito sa kanilang budget sa bahay. Mapapaayos na niya ang nasira nilang telebisyon at may matitira pang pambili ng mga gamit ng kanyang dalawang anak na babae.
Sa bawat gabing punta niya dito, napag-aralan na ni Tomas ang kapaligiran. Kabisado na niya kung saan ang maliwanag at madilim na lugar sa paligid. Naniniguro siya sa kaligtasan ng kanyang kotse. Pinag-ipunan pa kasi nilang mag-asawa ang kanilang pinangbili dito at nasaid ang kanilang savings kaya napakahalaga sa kanya ang kotse. Dahil madilim sa paligid ng opisina kapag gabi, sa pangalawang kanto pa siya pumaparada kung saan maliwanag dahil sa nag-iisang ilaw ng poste na malapit sa main road. Kadalasan alas siyete ng gabi siya dumarating at umaalis naman mga bandang alas diyes at alas diyes y medya. Sa tingin niya, sa oras na alas diyes ng gabi, ang tanging mapanganib ay ang kanyang paglalakad mula sa pinanggalingan patungo sa ikalawang kanto kung saan naroon ang kanyang kotse.
Ngunit mayroon na siyang nakahandang plano kung sakali mang may gagawa sa kanya ng hindi maganda habang naglalakad at kasangkapan ang kanyang lumang brown bag na may sirang zipper. Matagal na niyang gamit ang bag na ito tuwing papasok siya sa trabaho ngunit wala siya nasa mataas na posisyon sa kanilang opisina upang mag-uwi ng mga papeles kaya nakakapanlinlang ang kanyang dalang bag. Ginagamit lang niya itong lalagyan ng kanyang baong pagkain at dahil Lunes ngayon kasama na rin ang kanyang hapunan. Dahil sa matagal ng plano at sa tingin niya epektibo ito, nakahanda na siya lagi sa maaaring mangyari. Kung sakali mang may magtangkang lumapit sa kanya at siya ay holdapin, ihahagis niya ang kanyang bag at sisigaw ng “Sa inyo na lang ito!”, at dahil sa nagloloko ang zipper, may oras siyang makakatakbo dahil matatagalan bago nila mabuksan ang bag. May nabalitaan siya noon na isang lalaki ang naghagis ng pera sa daan upang hindi siya habulin ng taong balak humoldap sa kanya. Malakas ang pananalig niya na hindi siya bibiguin ng kanyang bag.
Kaya ngayong gabi kampante siyang naglalakad sa kalsada patungo sa kanyang kotse. Maaliwalas ang lagay ng panahon. Tahimik ang paligid. Walang tao sa kalsada maliban sa kanya. Nakalampas na siya sa unang kanto ng walang aberya. Isang kanto pa mula sa kanyang kotse. Malikot pa rin ang kanyang mga mata, panay ang lingon niya sa kanyang paligid, tinitiyak na maayos ang lahat, ilang sandali na lang makakauwi na siya. Ngunit noong bente metro na lang ang layo niya sa kanyang kotse, parang nag-iba ang ihip ng hangin, kinabahan siya dahil may dalawang lalaking nakatayo sa tapat ng kanyang kotse, inaabangan siya. Nakajacket at nakasombrero ng itim pareho ang mga ito at mula sa kanyang pagkakatayo ay napansin niya na parang may hawak silang baril. Kinakabahan man, humanda siya sa mangyayari at sa plano. Tutuloy pa rin ba siya sa kanyang kotse o hihintayin niyang lumapit sila sa kanya. Huminto si Tomas sa kanyang paglalakad, nag-isip sandali ng gagawin, nag-ipon ng lakas at ibinato ang dalang bag sa kinaroroonan ng dalawang lalaki, sabay sigaw ng “Sa inyo na lang ito!” at buong lakas na kumaripas ng takbo. Hindi na siya lumingon pagkabato ng bag, alam niya dinampot na nila ito. Sino naman ang baliw na magnanakaw na hindi kukunin ang bag na ibinato sa kanila ng biktima. Ngunit sumablay ang kanyang plano at lahat ng kanyang inakala dahil pagkadampot sa bag na kanyang ihinagis, hinabol pa rin siya ng dalawang lalaki at naririnig na niya ngayon sa kanyang likod ang yabag ng mga ito. Kinalimutan na niya lahat ng mga plano ngayon, umaasa na lang siya sa kanyang lakas at talino. Binilisan pa niya ang kanyang pagtakbo ngunit mabilis na nakasunod ang dalawa. “Tigil! Kundi magpapaputok kami!” sigaw ng mga ito. Kumaripas pa rin siya ng takbo. Umalingawngaw ang tatlong putok na bumasag sa katahimikan ng gabi. Nakarinig siya ng huni ng mga bubuyog sa kanyang ulo. Nakaramdam siya ng matinding takot, papatayin siya ng mga ito. Naisipan niyang bumalik sa pinanggalingan baka naroon pa si Mr. Sy ngunit umaalis ito kasabay siya kaya alam niya na wala na ito doon. Nakarating siya sa isang gusali at nagtago sa pagitan ng dalawang kotse. Halos mawalan na siya ng lakas dahil sa matinding takot. Sinilip niya ang mga humahabol sa kanya, nakita niya na nakasunod pa rin sa kanya ang dalawang lalaki at patungo sa kinaroroonan niya. Hawak ang kanilang mga baril na parang mga kontrabida sa pelikula, tumayo sila sa magkabilang bahagi ng sasakyan. Mabuti na lang nakapagtago na si Tomas sa ilalim ng sasakyan.
“Saan na nagpunta ang ungas? Nakita mo ba?” tanong ng isa.
“Hindi! Parang dito nagpunta yon.”
“Narito lang sa paligid yon. Hindi pa nakakalayo.”
“Hindi kaya pumasok sa mga kotse?”
“Di narinig sana natin ang tunog ng pintuan.”
Hindi humihinga si Tomas habang nakahiga sa ilalim ng sasakyan. Taimtim itong nanalangin na sana hindi magbago ang isip ng mga ito. Paano kung ang ideya nilang pumasok siya sa loob ng kotse ay mapalitan ng baka nasa ilalim ng sasakyan at maisipan nilang sumilip. Wag naman sana, dasal niya. Malamig na ang panahon ngunit pinagpapawisan siya. Halos hindi siya humihinga sa kanyang pinagtataguan. Parang may mga kabayong naghahabulan sa kanyang dibdib.
“Buksan mo nga ang bag.” dinig ni Tomas.
“Mahirap buksan. Sira ang zipper, putang-ina!”
Pagpalain ang sirang zipper. Baka mabuksan pa nila ang bag at malaman na baunan at mug lang pala ang laman nito, lalo silang manggagalaiti sa galit at hindi siya tatantanan.
“Baka nagtungo siya sa gawing yon”
“Tara tignan natin.”
Nakasilip sa kanila si Tomas habang sila ay papalayo. Nag-iisip siya ngayon kung ano ang dapat gawin. Kapag nakalayo ang dalawa at hindi na siya maririnig, tatakbo siya pabalik sa kanyang kotse. Bumangon si Tomas mula sa kanyang pinagtataguan tumakbo pabalik sa kinaroroonan ng kanyang kotse ngunit pagdating niya sa kanto may nakita siyang isang lalaki ng tulad ng mga nauna, nakajacket din ito, nakasombrero ng itim at may hawak na baril. Hindi siya maaring magkamali, gang ang humahabol sa kanya, kasama nila ang isang ito at plano talagang iligpit siya kundi bakit siya pinaputukan ng mga ito. Bago pa siya nakaliko sa kanto, pinaputukan na siya ng dalawang beses. Muli siyang nakarinig ng mga bubuyog na humahabol sa kanya. Paekis-ekis siyang tumatakbo sa kalsada. Wala siyang makitang mapagtaguan. Masama na ito, tatlo na ang humahabol sa kanya at pawang may mga baril. Pigil na niya ang paghinga dahil sa takot. Pagdating sa kabilang kanto, may nakita siyang dalawang ilaw na galing sa isang humahagibis na sasakyan at patungo ito sa kanyang kinaroroonan. Ito lang nakita niyang sasakyan na dumaan mula kanina kaya pagkakataon na niya ito para makahingi ng saklolo. Tumayo siya sa kalsada at kumakaway na parang nalulunod. Dahil sa bilis ng sasakyan, hindi siya kaagad napansin ng mga lulan nito, lumagpas ito sa kanya ng sampung metro ang layo bago tuluyang huminto. Bumukas ang magkabilang pinto ng sasakyan at nakita ni Tomas ang mga lalaking pababa, nakajacket din ang mga ito at nakasombrero ng itim. Bakit iisa lang ang klase ng suot nila? Nakauniform pa sila. Malapit na siyang mawalan ng pag-asa. Parang bangungot na ang nangyayari sa kanya. Kahit saang dako ay may armadong humahabol sa kanya. Ano ang kailangan nila sa akin? tanong niya. Isa lang akong ordinaryong empleyado. Isang maliit na bookkeeper na hindi makapagpush-up ng kahit sampung beses man lang. Paano ko sila lalabanan? Bakit hindi na lang ako susuko?
Hindi siya sumuko. Tatakas siya. Walang karapatan ang mga ito para saktan ako, sabi ni Tomas. Muli siyang tumakbo patungo sa pinanggalingan ng sasakyan. Muli siyang nagpaekis-ekis, takot na takot na baka paputukan siyang muli ng mga walanghiya. May nakita siyang isang tipak ng bato sa kanyang daanan, dinampot niya ito. Hindi niya ito ibinato sa mga humahabol sa kanya, ginamit niya ito upang basagin ang salamin sa tapat ng isang establisimento, pumasok siya at nagtago habang hawak-hawak pa rin ang bato. Napakadilim sa loob, naglalagan ang mga hindi niya nakikitang mga bagay na kanyang nasagi at dahil sa ingay nasundan siya ng mga humahabol sa kanya. Nagsumiksik siya sa isang sulok. Sumunod sa loob ang mga humahabol sa kanya. Linagpasan siya ng isa habang pigil niya ang kanyang paghinga.
“Bukas ang pintuan sa likod.” sabi ng isang humahabol.
“Baka doon siya dumaan palabas, tignan natin.”
Nakahinga ng bahagya si Tomas ng makitang lumabas sa likod ang mga humahabol sa kanya ngunit hindi niya tiyak kung may naiwan sa loob. Gusto na sana niyang lumabas ngunit nagdadalawang-isip pa na baka nilalansi lang siya at paggalaw niya may nag-aabang pala sa kanya. Nang biglang makarinig siya ng kaluskos at paghinga ng isang tao. Tama ang hinala niya, nilalansi nga siya. May naiwan sa mga humahabol sa kanya at mukhang pagod na pagod. Pinakiramdaman niyang mabuti kung nasaan ito. Maya-maya, nawala ang ingay ng paghinga. Napaisip tuloy siya kung imahinasyon lang niya ang narinig kanina ngunit ilang saglit lang muli niyang narinig ang ingay. Muli siyang nakiramdam kung saan ito nakatayo, wala siyang makita dahil sa dilim. Humigpit ang pagkakahawak niya sa batong hindi niya binitawan mula kanina. Naisipan niyang lumaban. Nang may dumaang sasakyan sa tapat ng gusaling kinaroroonan niya, bahagyang lumiwanag sa loob at nakita niya kung saan nakatayo ang taong narinig niyang humihinga. Hindi siya bayolenteng tao pero pagkakataon na niya ito upang gumanti. Kanina pa siya nasa depensiba. Gagamitin niya ang bato. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon, bago naglaho ang liwanag, ubos lakas niyang ibinato ang hawak sa kinaroroonan ng lalaki. Hindi na niya nakita ang sumunod na pangyayari ngunit nakarinig siya ng daing at ingay na parang may mabigat na bumagsak sa sahig. Nang matiyak na wala ng tao, nagmamadali siyang lumabas sa lugar na yon at tumakbo patungo sa kanyang kotse. Wala na sa kalsada ang mga humahabol sa kanya. Tahimik na muli ang paligid. Pagdating sa kanyang sasakyan, pinaandar kaagad ito at mabilis pa sa alas-kuwatrong lumisan sa lugar na iyon.
Kinaumagahan, ito ang laman ng diyaryo, “Holdaper Natimbog!” Dagdag pa ng balita, “Isang lalaki ang nahuli ng mga nagrespondeng pulis pagkatapos nitong pagnakawan ang isang grocery bago magsara bandang alas diyes kagabi. Ayon sa kahera, pumasok ang lalaki na nagkunwaring customer, lumapit sa kaha, tinutukan siya ng baril at sinabing holdap ito. Kinuha nito sa kaha ang mahigit sampung-libong piso na benta sa buong maghapon at inilagay sa brown na bag at pagkatapos ay tumakbo palayo sa grocery. Kaagad namang nakatawag sa himpilan ng pulisya ang kahera at ilang saglit lang rumesponde na ang ilang kapulisan na pawang mga nakasibilyan lamang. Nagkaroon ng habulan sa ilang kalye kung saan nagpaputok ng limang beses ang mga pulis. Nadakip ang holdaper sa isang establisimento na pinasok niya sa pamamagitan ng pagbasag sa salamin sa harap na siyang ikinasugat niya. Dito siya nadakip ng mga pulis habang nakahandusay sa sahig. Natagpuan din sa kanya ang bag na naglalaman ng perang nilimas niya. Ang holdaper ay kasalukuyang nagpapagamot ng sugat na tinamo sa ulo sa isang hindi nabanggit na ospital.
Napagtagpi-tagpi ni Tomas kung ano ang nangyari kagabi. Naglalakad ang holdaper palayo sa kanyang ninakawan ng marinig nito ang mga putok kaya naghanap ito pansamantala ng matataguan at habang relax na relax siya sa kanyang pinagtataguan, si Tomas ang napagkamalang holdaper at pinaghahabol ng mga pulis na nakajacket at nakasombrero ng itim. Pinaputukan pa siya ng limang beses at suwerteng hindi siya tinamaan. Hindi siya nagsisisi ngayon sa kanyang paggamit sa bato.
Ngunit paano na ang kanyang bag? May dalawang bag ang mga pulis pero hindi nila binabanggit ito sa mga tao. Sila man ay naguguluhan kung bakit dalawa ang bag. Plano ni Tomas na magtungo sa presinto para kunin ang kanyang bag. Madali lang niya itong kilalanin kasama ang kanyang baonan at mug.
Ngunit nagbago rin ang isip ni Tomas tungkol sa pagpunta sa presinto. Ang holdaper ay pwersahang pumasok sa likod ng establisimento kung saan natagpuang bukas ang pintuan doon. Ang bukas na pintuan ay naging palaisipan din sa mga pulis at hindi rin nila ito binabanggit. Kung pupunta siya sa presinto baka singilin pa sa kanya ang binasag niyang salamin kapag nalaman nila ang katotohanan. Gumana ang utak bilang isang bookkeeper na mas mahal pa ito kaysa sa luma niyang bag.
“Charged to experience.” na lamang ang nasambit ni Tomas.
- wakas -
17 Disyembre 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)