Monday, May 30, 2011
Buhay Lotto
Buhay Lotto
“Nay alis na ako.” paalam ni Randy sa ina. Nagmamadali siya. Ayaw niyang mahuli sa laro ng kanyang team sa liga ng basketball sa bayan. Sa wakas nakapasok rin sila sa championship. Gusto ng coach nila na magpraktis muna bago ang game. Isang laro lang, winner takes all kaya gagawin nila ang lahat upang manalo. Alas sais ng hapon ang simula ng laro pero alas kuwatro palang ay aalis na siya. May dalawang oras pa siya. Palabas na siya ng bahay ng tawagin siya ng kanyang nanay. May inabot sa kanyang pera at isang maliit na papel. “Daan ka saglit sa tayahan ng lotto sa bayan. Itaya mo ito.” utos ng nanay niya. “Ingatan mo iyang tiket. Malaki ang jackpot mamayang gabi.” Isinuksok ni Randy ang pera at listahan sa kanyang wallet na parang walang narinig. Tumingin sa kanyang relo at pumihit patungo sa pintuan. Naglakad siya hanggang sa pilahan ng dyip. Mahigit sampung minuto din ang nakalipas bago siya nakasakay. Tumingin ulit siya sa kanyang relo. Mabagal ang usad ng trapiko. Humaba ang pila ng mga sasakyan sa daan. Nakaramdam si Randy ng pagkainip. Lingon siya ng lingon na para bang may hinahanap. Nagsimula siyang pagpawisan hindi dahil sa mainit ang panahon kundi dahil sa pag-aalalang mahuhuli siya sa kanyang pupuntahan. Alumpihit na siya, naninikip ang dibdib. Pakiramdam niya ay nasa loob siya ng isang malaking kahon. Hindi siya makahinga. Muli siyang tumingin sa kanyang relo. Tinatapik niya ang kanyang magkabilang hita gamit ang mga palad, napansin ito ng pasaherong katapat niya kaya itinigil din niya. Muli siyang tumingin sa kanyang relo. Masasabon siya ni coach kapag na-late siya. Napakamot siya sa batok. Pagkatapos ng mahigit isang oras ay dumating din sila sa bayan. Halos talunin niya ang hindi pa humihintong dyip para lang makababa kaagad. Tumakbo siya patungo sa Gym. Inabutan niya na nag-eensayo na ang kanyang mga kasama kaya nagbihis na rin kaagad siya ng damit pang-ensayo at itinago sa locker ang wallet na may nakaipit na pera at tiket.
Maingay ang paligid. May mga nagsisigawan na tila nakikipagpaligsahan sa lakas ng videoke. Ang mga kabataan ay walang tigil sa tuksuhan at bidahan kasabay ang ingay ng mga kutsara’t pinggan at kampayan ng mga baso. Ang lahat ng naroon ay nangangamoy usok at alak na. Ang mga bote ng alak na wala ng laman ay nagsisipag-unahan sa paggulong sa sahig. Ni walang nagtangkang damputin ang mga ito. Napasigaw ang isang babae sa isang mesa ng matabig niya ang isang bowl ng pulutan at tumapon sa kanyang magarang bestida habang si Randy ay nasa isang sulok hawak ang isang bote ng beer, kayakap ang isang dalaga. Nagbubulungan sila. Doble ang kasiyahang nadarama ni Randy ngayon. Champion na sila, may girlfriend pa siya. Nangako kasi ang dalaga na sasagutin niya si Randy kapag nanalo sila sa championship.
Nang mga oras na iyon ay nagkakagulo naman sa bahay nila Randy. Hindi magkamayaw ang sigawan. Kanina lamang ay ginulantang ang lahat sa malakas na pagsisigaw ng nanay ni Randy. Nagtatatalon ito at pagkatapos ng ilang saglit ay naglulupasay naman, humahagulgol ng iyak. Akala ng lahat ay nasisiraan na ito ng bait at dahil sa kasisigaw namaos ang boses kaya hindi na siya makausap ng maayos. Itinuro niya ang TV na nasa sala ng bahay habang hawak ang isang kapirasong papel. Lotto draw ang kasalukuyang palabas sa TV at ang lumabas na mga numero para sa jackpot na 87 Million ay nasa tiket na nakaipit sa wallet ni Randy. “Makakaahon na tayo sa kahirapan .” umiiyak na sabi ng nanay ni Randy habang mahigpit na yakap ang mga kapatid niya.
xxx
29 Mayo 2011
Wednesday, May 25, 2011
Libro
Alam ni Ramon na pagsikat ng araw ay mahuhuli siya. Ngayon, habang hatinggabi dito sa gitna ng tubuhan makakapagtago siya pansamantala. Naririnig niya ang mga papalapit ng mga yabag. Nag-uunahan. Umiikot lang sa pinagtataguan niya. Naaamoy niya ang alak na sumisingaw sa kanilang mga katawan. Nakiramdam si Ramon. Halos hindi siya humihinga. Naninikip ang kanyang dibdib na parang gustong sumabog. Nakahanda siya sa maaaring mangyari. Alam niya na anumang oras ay masusukol siya. Hindi na siya idadaan sa tamang proseso. Sisintensyahan kaagad siya ng mga ito. Uhaw ang mga ito sa kanyang dugo. Ang tanging nais niya ngayon ay makatakas at lumayo sa lugar na iyon. Kinapa niya ang baril na nasa kanyang bulsa. Ang baril na kanina lamang ay nagbuga ng isang bala na nagbigay ng kalayaan sa kanyang mga kababaryo. Wala siyang kasalanan. Ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili mula sa pang-aabuso. Si Ramon ay isang simpleng magsasaka lamang na nagtatanim at umaani ng matatamis na tubo. Tuwing bukang-liwayway bumabangon siya upang harapin ang isang umaga at walang inasam kundi ang umuwi sa kanyang kubo sa dapit-hapon, magsindi ng lampara at basahin ang kanyang mga libro. Ang pagbabasa sa pakiramdam niya ay maihahalintulad sa pagtatanim ng binhi sa kanyang isipan. Makalipas ang ilang taon na pagbabasa ng mga libro, pakiramdam niya ay masaganang-masagana ang kanyang utak. Nakapagdesisyon si Ramon na ibahagi sa kanyang mga kababaryo ang nadaramang kaligayahan mula sa pagbabasa. Hindi lumaon ang lahat ng kanyang kinikita sa pagtatanim ng tubo ay ginamit niya pambili ng mga libro para sa kanyang mga kababaryo. Pagkatapos ng anihan, naglalakad si Ramon hanggang sa karatig-baryo upang mamahagi ng mga libro sa mga bata at matatanda. Ikinukuwento niya sa kanila ang mga magagandang bagay at lugar na nababasa niya. Na para silang dinadala sa ibang lugar at panahon. Naging masayahin ang mga tao sa kanilang lugar. Naging kasingtamis ng tubo ang kanilang mga ngiti. Minahal ng bawat isa si Ramon. Lahat sila maliban kay Kapitan Tyago. Walang nakakaalala kung kelan at paano naging Kapitan si Tyago. Dumating na lamang siya sa baryo isang araw kasama ang mayamang nagmamay-ari ng malawak na lupain dito at simula noon kapitan na ang tawag sa kanya. Walang naglakas nang loob na magtanong. Hindi siya nakita kahit kailan na hindi nakasukbit sa kanyang baywang ang napakalaki at nangingislap na baril niya. Naging simbolo na ito ng takot at paghahari lalo na kapag pinapapuputok niya ito sa tapat ng kanyang bahay habang umiinom ng alak. Sa panahon ng anihan iisa-isahin niya ang mga kabahayan upang maningil ng buwis. At pagsapit ng hapon ay mag-iinuman sila ng kanyang mga tauhan hanggang madaling araw. Halakhakan at kantahan kasabay ng pag-alingawngaw ng walang humpay na putok ng baril sa karimlan. Pagkatapos ng ilang araw na inuman, waldas na naman ang pera na nasingil sa mga magsasaka. Naisip ni Kapitan Tyago na kung mapupunta lamang sa kanya ang mga inaani ni Ramon mabubuhay na siya. May pagkukunan siya ng pambili ng masasarap na pagkain at alak kesa wawaldasin lamang ni Ramon sa walang kuwentang mga libro. Ilang beses na niyang pinagplanuhan na nakawin ang mga ani ngunit naroon na sa bayan si Ramon namimili ng mga bagong libro. Galit na galit si Kapitam Tyago sa kanya.
Isang araw na maniningil ng buwis si Kapitan Tyago dinatnan niya ang mga tao sa baryo na nagbabasa. Hindi niya alam kung ano ang nilalaman ng mga libro na kanilang binabasa dahil hindi siya marunong magbasa ngunit nakita niya na lahat sila ay masaya at nakangiti. Galit na galit siya sa mga tao. Lalong tumindi ang galit niya kay Ramon. Kailangang matigil ang kabaliwang ito sabi niya sa kanyang mga tauhan. ‘Kumpiskahin ang lahat ng mga libro at sunugin.’ utos niya. ‘Kung sino man ang papalag, itumba!’ Masamang-masama ang loob ng mga tao lalong-lalo na si Ramon. Gusto niyang lumaban ngunit wala pang naglakas loob na lumaban kay Kapitan Tyago. Muling bumalik si Ramon sa kanyang lupain at nagtanim ng tubo at pagkatapos ng anihan namili ulit siya ng mga libro, mas marami ngayon kesa noong huli. Ngunit dumating ulit si Kapitan Tyago upang maningil ng buwis at hindi lamang pera ang kanyang kinuha kundi pati mga libro na rin. Pinaghahablot ng kanyang mga tauhan ang mag librong hawak-hawak ng mga bata at matatanda. Nakaladkad sa maalikabok na daan ang mga batang ayaw bitawan ang kanilang mga hawak na libro na akala mo ay isang palutang sa tubig. Nakita lahat ni Ramon ang mga pangyayari. Nagngingitngit siya sa galit kaya bumalik siya sa kanyang tubuhan at nagtanim ng mas marami kesa sa nakaraan. Muli siyang namili ng mga libro. Sobrang dami ngayon. Nagkulang ang mga tao ni Kapitan Tyago upang kumpiskahin ang lahat ng mga libro. Nagkulang din ang gas at posporo para sunugin ang mga ito.
Ngunit isang madaling-araw ilang buwan na ang nakakaraan, nagisnan na lamang ni Ramon na wala na ang kanyang mga pananim. Sinira lahat ito ni Kapitan Tyago. Bumalik sa kanyang kubo si Ramon. Nag-impake ng ilang mga gamit. Kailangan niyang umalis at magpakalayo-layo dahil kung hindi alam niya na isa sa kanila ni Kapitan Tyago ang mamamatay. Dumaan siya saglit sa kanyang kaibigang si Ben upang magpaalam. Kinumbinsi siya ni Ben na manatili ngunit alam nilang pareho na mas mainam kung aalis siya at bago siya umalis may iniabot sa kanya si Ben bilang regalo na magagamit niya sa kanyang paglalakbay. Isa itong maliit na baril. Sa itsura ng baril ay parang hindi ito makakamatay sa sobrang kalumaan. Kasya ito sa kanyang bulsa. Hindi sana niya ito tatanggapin ngunit mapilit si Ben at ayaw niya itong mapahiya. Baka daw kakailanganin niya. Inabutan din siya ng isang bala na nangingitim na. Nagbilin pa si Ben na kung sakaling dumating ang pagkakataon na gagamitin niya ang baril kailangang magdasal muna siya bago kalabitin ang gatilyo dahil baka kapag ipinutok na niya ang baril ay sa paanan lamang niya babagsak ang bala. Alam ni Ramon na sa kalumaan ay hindi na ito makakapanakit ng tao. Yumakap si Ramon sa kaibigan at pumihit patungo sa pintuan nang laking gulat niya ng makita niya si Kapitan Tyago na katayo ilang hakbang lamang ang layo sa kanya. Nakatutok kay Ramon ang mahaba at nangingislap na baril ni Kapitan Tyago habang ang kaliwang kamay ay nakawahak ng bote na may kalahati pang lamang alak. Hindi na nakapag-isip pa si Ramon bigla niyang itinutok kay Kapitan Tyago ang hawak na baril kasabay nito ang pagkalabit sa kalawanging gatilyo. Umalingawngaw ang isang putok. Muntik pa niyang mabitiwan ang baril sa lakas ng sipa. Walang buhay na bumagsak sa sahig na lupa si Kapitan Tyago. May tama ng bala sa noo. Napatay niya si Kapitan Tyago at ilang sandali na lang ay pagbabayaran na niya ito.
xxx
24 Mayo 2011
Thursday, May 5, 2011
Mahal kong Amalia
Nakatayo si Mang Ben sa gate, hinihintay ang security guard na pagbuksan siya. Napaaga siya ngayon ng dating. Gusto niyang magsimula ng maaga. Mabuti naman at dumating din ang security guard pagkatapos ng ilang minuto.
‘Magandang umaga ho, Mang Ben! Kumusta kayo ngayon?’
‘Mabuti naman.’
‘Makikita nyo na kaya ngayon?’
‘Sana iho. Sana.’ Nakangiting sagot ni Mang Ben habang pabalik ang security guard sa kanyang outpost. Dahan-dahang naglakad si Mang Ben sa kalsada. Bahagya siyang natigil nang makarating siya sa kanto. Nakalimutan niya kung saan siya tumigil kahapon. Paminsan-minsan kasi ay hindi na siya kinakasihan ng kanyang memorya. May dinukot siyang maliit na notebook sa kanyang bulsa. Tinignan niya kung saan siya tumigil kahapon. Rolando Balingit, April 19. Limang araw na ang nakakalipas. Nakalimutan niyang ilagay ang tamang date? O hindi na niya nailagay.
‘Ben, ano bang nangyayari sa ‘yo?’ Napailing siya. Wala siyang magagawa kundi magsimula kay Rolando Balingit. Nakarating siya sa nasabing pangalan gamit ang sketch na ginawa niya.
Nakaramdam siya ng pananakit ng balakang pagkatapos ng tatlong hanay. Naupo muna siya. Binuksan niya ang dalang bag at kumuha ng sigarilyo. Matagal bago niya maalala kung saan niya inilagay ang posporo. Nakailang hitit-buga siya habang nag-iisip. Inilabas niya ang kanyang baong pananghalian pagkatapos manigarilyo. Adobo at kanin. Habang kumakain ay muli niyang naisip ang mga masasayang araw nila noon. Minsan may mga pagkakataong malinaw na malinaw sa kanya ang lahat, ang kanyang ala-ala. Para bang magkaharap lamang sila, ang kanyang mga mata at labi, nakangiti sa kanya. May mga araw naman na hindi na niya siya maisalarawan. Kailangang isulat niya ang mga ilang mahahalagang detalye. Ngunit mahirap naman na lagi niyang ginagawa yon. Nang biglang magpanic si Mang Ben. Nakalimutan na rin niya ang pangalan. Dumating na ang kanyang kinatatakutan.
‘Ano na nga ba? Corazon?… Filomena? Hindi. Hindi… Minerva?’ Ang dami niyang naiisip na pangalan. ‘Ano ba ang tama?’
‘Oh, Diyos ko. Isip. Isip. Haplos-haplos niya ang kanyang ulo. ‘Adelina… Isabel…’ Wala ng pag-asa. Ang tanging magagawa na lamang niya ngayon ay magpatuloy at maghintay na bumalik ang kanyang ala-ala. Tapos na siyang kumain. Tumayo siya at muling ipinagpatuloy ang paghahanap.
Binasa niya ang lapida na nasa harapan niya. Antonio Rivera 1902 – 1978. Lalaki. Nagpatuloy siya. Marcela Gatmaitan 1940 – 1993. Napatitig siya sa lapida. ‘Pwede kayang Marcela?’ napaisip siya. ‘Palagay ko hindi.’
Nagpatuloy siya hanggang sa makarating siya sa dulo. Nagsimula ulit siya sa isang hanay. Isa. Dalawa. Tatlo… John Ryan Pastor 1985 – 1999. ‘Ang bata.’ Buntong-hininga niya. Umabot siya sa dulo. Hindi pa rin niya tanda ang pangalan. Nagpatuloy siya, umaasang may makita siyang makapagpapaalala sa kanya ngunit natapos na niya ang isang hanay, hindi pa rin niya ito matandaan. Ito na yata ang pinakamatagal na pagkalimot niya. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Naupo siya. Nananakit na ang kanyang baywang. Nagsindi siya ng sigarilyo habang pinagmamasdan ang kanyang maliit na notebook.
‘Siyam na hanay. Isa pa para sampu. Bukas ulit.’ Nakakaramdam na siya ng pagod. Ang paghahanap, paglalakad at pag-iisip ang nagpapahirap sa kanya. Nagsimula siyang muli. Robert Cruz 1948 – 1990 ‘Ang bata nang namamatay ang mga tao ngayon.’ obserbasyon ni Mang Ben.
Magdadapit-hapon na. Titigil na sana si Mang Ben nang mapansin niya ang isang maliit na puntod sa dulo. Lumapit siya upang mabasa ang nakasulat,
Mahal kong Amalia
1922 – 1969
Sumalangit Nawa
Hindi siya makahinga. Nanlambot ang kanyang mga tuhod. Tila babagsak si Mang Ben.
‘Amalia. Tama. Yun ang kanyang pangalan.’
‘Oh Diyos ko. Mahal ko. Natagpuan din kita.’ Lumuhod siya. Hinaplos-haplos ang marmol tulad ng paghaplos ni Mang Ben sa kanyang pisngi noong nabubuhay pa siya.
‘Mahal ko, Amalia. Matagal na panahon din kitang hinanap. Mabuti’t tinulungan mo akong makita ka.’ Niyakap niya ang malamig na marmol at siya ay napaiyak. Yumuyugyog ang kanyang mga balikat. Para bang natanggal ang mabigat na pasan-pasan niya. Ang mahabang panahon na pagkakahiwalay nila ay natapos din. Maipagluluksa niyang muli ang babaeng matagal na nawalay sa kanya. Pinagmasdan niya ang paligid ng puntod. Halos natatakpan na ito ng makapal na damo at mga tuyong dahon.
‘Anong nangyari sa ‘yo? Kailangan malinis natin ito.’ Binalewala niya ang sakit na nararamdaman sa kanyang balakang. Nanginginig ang kanyang mga kamay sa tuwang nadarama. Binunot niya ang mga damong bumabalot sa puntod. Inipon niya ang mga nabunot na damo at natuyong dahon sa isang tabi. Pinagtiyagaan niyang linisin ang lapida gamit ang kanyang panyo. Matagal bago niya mapansin na dumidilim na pala ang paligid. Dahan-dahan siyang tumayo hawak ang nananakit na balakang ngunit may ngiti sa kanyang mga labi.
‘Kailangan ko ng umuwi Mahal ko. Babalik ako bukas.’ paalam ni Mang Ben.
‘Magdadala ako ng bulaklak, yung paborito mo.’ Hinaplos-haplos ang nakaukit na pangalan sa lapida. Muling lumingon si Mang Ben pagkatapos ng ilang hakbang. ‘Paalam Mahal. Babalik ako bukas, pangako.’
Nagpaikot-ikot si Mang Ben hanggang sa makarating siya sa gate. Habol niya ang paghinga. Naninikip ang kanyang dibdib.
‘Ano na nga bang taon noon? 1969? Tama ba? Nagdadalawang-isip si Mang Ben.
‘Tama ba…? Hindi ako sigurado…. Kelan ba? Parang kalilipat lang namin noon sa Rio Claro. Limang taon noon si Marinela.’
’68 ba yon o 69.’ Nagbibilang siya sa kanyang mga daliri ng biglang dumating ang security guard.
‘Kumusta ho? Nakita nyo na ho ba?’
‘Oo pero hindi pa ako sigurado. Kailangan kong hanapin ang ilang dokumento sa bahay.’
‘Kung hindi ho siya, pwede naman kayong bumalik bukas at maghanap ulit.’
Napapakamot sa ulong sabi ng security guard. Naaawa siya sa matanda. Nakalabas na ng sementeryo si Mang Ben. Ipinulupot ng security guard ang mahabang kadena sa gate at saka kinandaduhan.
‘Sige ho. Ingat ho sa pag-uwi.
Hindi na sumagot si Mang Ben. Malalim ang iniisip niya.
‘Makikita din niya.’ bulong ng security guard habang pabalik siya sa guardhouse.
xxx
00:26 AM
5 May 2011
Subscribe to:
Posts (Atom)