Thursday, May 5, 2011
Mahal kong Amalia
Nakatayo si Mang Ben sa gate, hinihintay ang security guard na pagbuksan siya. Napaaga siya ngayon ng dating. Gusto niyang magsimula ng maaga. Mabuti naman at dumating din ang security guard pagkatapos ng ilang minuto.
‘Magandang umaga ho, Mang Ben! Kumusta kayo ngayon?’
‘Mabuti naman.’
‘Makikita nyo na kaya ngayon?’
‘Sana iho. Sana.’ Nakangiting sagot ni Mang Ben habang pabalik ang security guard sa kanyang outpost. Dahan-dahang naglakad si Mang Ben sa kalsada. Bahagya siyang natigil nang makarating siya sa kanto. Nakalimutan niya kung saan siya tumigil kahapon. Paminsan-minsan kasi ay hindi na siya kinakasihan ng kanyang memorya. May dinukot siyang maliit na notebook sa kanyang bulsa. Tinignan niya kung saan siya tumigil kahapon. Rolando Balingit, April 19. Limang araw na ang nakakalipas. Nakalimutan niyang ilagay ang tamang date? O hindi na niya nailagay.
‘Ben, ano bang nangyayari sa ‘yo?’ Napailing siya. Wala siyang magagawa kundi magsimula kay Rolando Balingit. Nakarating siya sa nasabing pangalan gamit ang sketch na ginawa niya.
Nakaramdam siya ng pananakit ng balakang pagkatapos ng tatlong hanay. Naupo muna siya. Binuksan niya ang dalang bag at kumuha ng sigarilyo. Matagal bago niya maalala kung saan niya inilagay ang posporo. Nakailang hitit-buga siya habang nag-iisip. Inilabas niya ang kanyang baong pananghalian pagkatapos manigarilyo. Adobo at kanin. Habang kumakain ay muli niyang naisip ang mga masasayang araw nila noon. Minsan may mga pagkakataong malinaw na malinaw sa kanya ang lahat, ang kanyang ala-ala. Para bang magkaharap lamang sila, ang kanyang mga mata at labi, nakangiti sa kanya. May mga araw naman na hindi na niya siya maisalarawan. Kailangang isulat niya ang mga ilang mahahalagang detalye. Ngunit mahirap naman na lagi niyang ginagawa yon. Nang biglang magpanic si Mang Ben. Nakalimutan na rin niya ang pangalan. Dumating na ang kanyang kinatatakutan.
‘Ano na nga ba? Corazon?… Filomena? Hindi. Hindi… Minerva?’ Ang dami niyang naiisip na pangalan. ‘Ano ba ang tama?’
‘Oh, Diyos ko. Isip. Isip. Haplos-haplos niya ang kanyang ulo. ‘Adelina… Isabel…’ Wala ng pag-asa. Ang tanging magagawa na lamang niya ngayon ay magpatuloy at maghintay na bumalik ang kanyang ala-ala. Tapos na siyang kumain. Tumayo siya at muling ipinagpatuloy ang paghahanap.
Binasa niya ang lapida na nasa harapan niya. Antonio Rivera 1902 – 1978. Lalaki. Nagpatuloy siya. Marcela Gatmaitan 1940 – 1993. Napatitig siya sa lapida. ‘Pwede kayang Marcela?’ napaisip siya. ‘Palagay ko hindi.’
Nagpatuloy siya hanggang sa makarating siya sa dulo. Nagsimula ulit siya sa isang hanay. Isa. Dalawa. Tatlo… John Ryan Pastor 1985 – 1999. ‘Ang bata.’ Buntong-hininga niya. Umabot siya sa dulo. Hindi pa rin niya tanda ang pangalan. Nagpatuloy siya, umaasang may makita siyang makapagpapaalala sa kanya ngunit natapos na niya ang isang hanay, hindi pa rin niya ito matandaan. Ito na yata ang pinakamatagal na pagkalimot niya. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Naupo siya. Nananakit na ang kanyang baywang. Nagsindi siya ng sigarilyo habang pinagmamasdan ang kanyang maliit na notebook.
‘Siyam na hanay. Isa pa para sampu. Bukas ulit.’ Nakakaramdam na siya ng pagod. Ang paghahanap, paglalakad at pag-iisip ang nagpapahirap sa kanya. Nagsimula siyang muli. Robert Cruz 1948 – 1990 ‘Ang bata nang namamatay ang mga tao ngayon.’ obserbasyon ni Mang Ben.
Magdadapit-hapon na. Titigil na sana si Mang Ben nang mapansin niya ang isang maliit na puntod sa dulo. Lumapit siya upang mabasa ang nakasulat,
Mahal kong Amalia
1922 – 1969
Sumalangit Nawa
Hindi siya makahinga. Nanlambot ang kanyang mga tuhod. Tila babagsak si Mang Ben.
‘Amalia. Tama. Yun ang kanyang pangalan.’
‘Oh Diyos ko. Mahal ko. Natagpuan din kita.’ Lumuhod siya. Hinaplos-haplos ang marmol tulad ng paghaplos ni Mang Ben sa kanyang pisngi noong nabubuhay pa siya.
‘Mahal ko, Amalia. Matagal na panahon din kitang hinanap. Mabuti’t tinulungan mo akong makita ka.’ Niyakap niya ang malamig na marmol at siya ay napaiyak. Yumuyugyog ang kanyang mga balikat. Para bang natanggal ang mabigat na pasan-pasan niya. Ang mahabang panahon na pagkakahiwalay nila ay natapos din. Maipagluluksa niyang muli ang babaeng matagal na nawalay sa kanya. Pinagmasdan niya ang paligid ng puntod. Halos natatakpan na ito ng makapal na damo at mga tuyong dahon.
‘Anong nangyari sa ‘yo? Kailangan malinis natin ito.’ Binalewala niya ang sakit na nararamdaman sa kanyang balakang. Nanginginig ang kanyang mga kamay sa tuwang nadarama. Binunot niya ang mga damong bumabalot sa puntod. Inipon niya ang mga nabunot na damo at natuyong dahon sa isang tabi. Pinagtiyagaan niyang linisin ang lapida gamit ang kanyang panyo. Matagal bago niya mapansin na dumidilim na pala ang paligid. Dahan-dahan siyang tumayo hawak ang nananakit na balakang ngunit may ngiti sa kanyang mga labi.
‘Kailangan ko ng umuwi Mahal ko. Babalik ako bukas.’ paalam ni Mang Ben.
‘Magdadala ako ng bulaklak, yung paborito mo.’ Hinaplos-haplos ang nakaukit na pangalan sa lapida. Muling lumingon si Mang Ben pagkatapos ng ilang hakbang. ‘Paalam Mahal. Babalik ako bukas, pangako.’
Nagpaikot-ikot si Mang Ben hanggang sa makarating siya sa gate. Habol niya ang paghinga. Naninikip ang kanyang dibdib.
‘Ano na nga bang taon noon? 1969? Tama ba? Nagdadalawang-isip si Mang Ben.
‘Tama ba…? Hindi ako sigurado…. Kelan ba? Parang kalilipat lang namin noon sa Rio Claro. Limang taon noon si Marinela.’
’68 ba yon o 69.’ Nagbibilang siya sa kanyang mga daliri ng biglang dumating ang security guard.
‘Kumusta ho? Nakita nyo na ho ba?’
‘Oo pero hindi pa ako sigurado. Kailangan kong hanapin ang ilang dokumento sa bahay.’
‘Kung hindi ho siya, pwede naman kayong bumalik bukas at maghanap ulit.’
Napapakamot sa ulong sabi ng security guard. Naaawa siya sa matanda. Nakalabas na ng sementeryo si Mang Ben. Ipinulupot ng security guard ang mahabang kadena sa gate at saka kinandaduhan.
‘Sige ho. Ingat ho sa pag-uwi.
Hindi na sumagot si Mang Ben. Malalim ang iniisip niya.
‘Makikita din niya.’ bulong ng security guard habang pabalik siya sa guardhouse.
xxx
00:26 AM
5 May 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment