Wednesday, May 25, 2011
Libro
Alam ni Ramon na pagsikat ng araw ay mahuhuli siya. Ngayon, habang hatinggabi dito sa gitna ng tubuhan makakapagtago siya pansamantala. Naririnig niya ang mga papalapit ng mga yabag. Nag-uunahan. Umiikot lang sa pinagtataguan niya. Naaamoy niya ang alak na sumisingaw sa kanilang mga katawan. Nakiramdam si Ramon. Halos hindi siya humihinga. Naninikip ang kanyang dibdib na parang gustong sumabog. Nakahanda siya sa maaaring mangyari. Alam niya na anumang oras ay masusukol siya. Hindi na siya idadaan sa tamang proseso. Sisintensyahan kaagad siya ng mga ito. Uhaw ang mga ito sa kanyang dugo. Ang tanging nais niya ngayon ay makatakas at lumayo sa lugar na iyon. Kinapa niya ang baril na nasa kanyang bulsa. Ang baril na kanina lamang ay nagbuga ng isang bala na nagbigay ng kalayaan sa kanyang mga kababaryo. Wala siyang kasalanan. Ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili mula sa pang-aabuso. Si Ramon ay isang simpleng magsasaka lamang na nagtatanim at umaani ng matatamis na tubo. Tuwing bukang-liwayway bumabangon siya upang harapin ang isang umaga at walang inasam kundi ang umuwi sa kanyang kubo sa dapit-hapon, magsindi ng lampara at basahin ang kanyang mga libro. Ang pagbabasa sa pakiramdam niya ay maihahalintulad sa pagtatanim ng binhi sa kanyang isipan. Makalipas ang ilang taon na pagbabasa ng mga libro, pakiramdam niya ay masaganang-masagana ang kanyang utak. Nakapagdesisyon si Ramon na ibahagi sa kanyang mga kababaryo ang nadaramang kaligayahan mula sa pagbabasa. Hindi lumaon ang lahat ng kanyang kinikita sa pagtatanim ng tubo ay ginamit niya pambili ng mga libro para sa kanyang mga kababaryo. Pagkatapos ng anihan, naglalakad si Ramon hanggang sa karatig-baryo upang mamahagi ng mga libro sa mga bata at matatanda. Ikinukuwento niya sa kanila ang mga magagandang bagay at lugar na nababasa niya. Na para silang dinadala sa ibang lugar at panahon. Naging masayahin ang mga tao sa kanilang lugar. Naging kasingtamis ng tubo ang kanilang mga ngiti. Minahal ng bawat isa si Ramon. Lahat sila maliban kay Kapitan Tyago. Walang nakakaalala kung kelan at paano naging Kapitan si Tyago. Dumating na lamang siya sa baryo isang araw kasama ang mayamang nagmamay-ari ng malawak na lupain dito at simula noon kapitan na ang tawag sa kanya. Walang naglakas nang loob na magtanong. Hindi siya nakita kahit kailan na hindi nakasukbit sa kanyang baywang ang napakalaki at nangingislap na baril niya. Naging simbolo na ito ng takot at paghahari lalo na kapag pinapapuputok niya ito sa tapat ng kanyang bahay habang umiinom ng alak. Sa panahon ng anihan iisa-isahin niya ang mga kabahayan upang maningil ng buwis. At pagsapit ng hapon ay mag-iinuman sila ng kanyang mga tauhan hanggang madaling araw. Halakhakan at kantahan kasabay ng pag-alingawngaw ng walang humpay na putok ng baril sa karimlan. Pagkatapos ng ilang araw na inuman, waldas na naman ang pera na nasingil sa mga magsasaka. Naisip ni Kapitan Tyago na kung mapupunta lamang sa kanya ang mga inaani ni Ramon mabubuhay na siya. May pagkukunan siya ng pambili ng masasarap na pagkain at alak kesa wawaldasin lamang ni Ramon sa walang kuwentang mga libro. Ilang beses na niyang pinagplanuhan na nakawin ang mga ani ngunit naroon na sa bayan si Ramon namimili ng mga bagong libro. Galit na galit si Kapitam Tyago sa kanya.
Isang araw na maniningil ng buwis si Kapitan Tyago dinatnan niya ang mga tao sa baryo na nagbabasa. Hindi niya alam kung ano ang nilalaman ng mga libro na kanilang binabasa dahil hindi siya marunong magbasa ngunit nakita niya na lahat sila ay masaya at nakangiti. Galit na galit siya sa mga tao. Lalong tumindi ang galit niya kay Ramon. Kailangang matigil ang kabaliwang ito sabi niya sa kanyang mga tauhan. ‘Kumpiskahin ang lahat ng mga libro at sunugin.’ utos niya. ‘Kung sino man ang papalag, itumba!’ Masamang-masama ang loob ng mga tao lalong-lalo na si Ramon. Gusto niyang lumaban ngunit wala pang naglakas loob na lumaban kay Kapitan Tyago. Muling bumalik si Ramon sa kanyang lupain at nagtanim ng tubo at pagkatapos ng anihan namili ulit siya ng mga libro, mas marami ngayon kesa noong huli. Ngunit dumating ulit si Kapitan Tyago upang maningil ng buwis at hindi lamang pera ang kanyang kinuha kundi pati mga libro na rin. Pinaghahablot ng kanyang mga tauhan ang mag librong hawak-hawak ng mga bata at matatanda. Nakaladkad sa maalikabok na daan ang mga batang ayaw bitawan ang kanilang mga hawak na libro na akala mo ay isang palutang sa tubig. Nakita lahat ni Ramon ang mga pangyayari. Nagngingitngit siya sa galit kaya bumalik siya sa kanyang tubuhan at nagtanim ng mas marami kesa sa nakaraan. Muli siyang namili ng mga libro. Sobrang dami ngayon. Nagkulang ang mga tao ni Kapitan Tyago upang kumpiskahin ang lahat ng mga libro. Nagkulang din ang gas at posporo para sunugin ang mga ito.
Ngunit isang madaling-araw ilang buwan na ang nakakaraan, nagisnan na lamang ni Ramon na wala na ang kanyang mga pananim. Sinira lahat ito ni Kapitan Tyago. Bumalik sa kanyang kubo si Ramon. Nag-impake ng ilang mga gamit. Kailangan niyang umalis at magpakalayo-layo dahil kung hindi alam niya na isa sa kanila ni Kapitan Tyago ang mamamatay. Dumaan siya saglit sa kanyang kaibigang si Ben upang magpaalam. Kinumbinsi siya ni Ben na manatili ngunit alam nilang pareho na mas mainam kung aalis siya at bago siya umalis may iniabot sa kanya si Ben bilang regalo na magagamit niya sa kanyang paglalakbay. Isa itong maliit na baril. Sa itsura ng baril ay parang hindi ito makakamatay sa sobrang kalumaan. Kasya ito sa kanyang bulsa. Hindi sana niya ito tatanggapin ngunit mapilit si Ben at ayaw niya itong mapahiya. Baka daw kakailanganin niya. Inabutan din siya ng isang bala na nangingitim na. Nagbilin pa si Ben na kung sakaling dumating ang pagkakataon na gagamitin niya ang baril kailangang magdasal muna siya bago kalabitin ang gatilyo dahil baka kapag ipinutok na niya ang baril ay sa paanan lamang niya babagsak ang bala. Alam ni Ramon na sa kalumaan ay hindi na ito makakapanakit ng tao. Yumakap si Ramon sa kaibigan at pumihit patungo sa pintuan nang laking gulat niya ng makita niya si Kapitan Tyago na katayo ilang hakbang lamang ang layo sa kanya. Nakatutok kay Ramon ang mahaba at nangingislap na baril ni Kapitan Tyago habang ang kaliwang kamay ay nakawahak ng bote na may kalahati pang lamang alak. Hindi na nakapag-isip pa si Ramon bigla niyang itinutok kay Kapitan Tyago ang hawak na baril kasabay nito ang pagkalabit sa kalawanging gatilyo. Umalingawngaw ang isang putok. Muntik pa niyang mabitiwan ang baril sa lakas ng sipa. Walang buhay na bumagsak sa sahig na lupa si Kapitan Tyago. May tama ng bala sa noo. Napatay niya si Kapitan Tyago at ilang sandali na lang ay pagbabayaran na niya ito.
xxx
24 Mayo 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment