Friday, April 9, 2010

Ang Huling Sandali



Ilang minuto bago mag alas-siyete ng umaga ng magising si Cherry Anne, dalawamput-tatlong taong gulang, dalaga at isang Advertising Sales Agent, mula sa mahaba at mahimbing na pagtulog. Makailang ulit ding kumuringring ang kanyang alarm clock bago siya nagpasyang gumising na. Mabuti na lang at maagang pumapasok sa trabaho ang kanyang roommate na si Cynthia kaya kahit paulit-ulit na nag-iingay ang kanyang alarm clock, walang maaabalang tao. Naghikab siya, nag-inat at pagkatapos ay tuluyan ng idinilat ang kanyang mga mata. Ilang minuto pa ang lumipas ngunit nanatili siyang nakahiga nang hindi man lang kumikilos at nakatitig sa kisame, tila sinasariwa pa ang mga nagdaang mga araw. Parang hindi pa niya matiyak kung gising na ba talaga siya o nananaginip pa sa kanyang pagtulog. Pagkaraan ng ilang minuto, bumangon na rin ng tuluyan si Cherry Anne, umupo sa harapan ng malaking salamin at nagsuklay ng kanyang buhok habang pinagmamasdan ang kanyang sarili. Napangiti siya. Ang ganda ng kanyang gising. Nakapagpahinga siya ng maayos. Pagkatapos ng ilang saglit, tumuloy na si Cherry Anne sa banyo upang maligo, inabot din siya roon ng kalahating oras at kalahating oras ulit ang kanyang gugugulin para naman sa kanyang pagbibihis at pag-aayos sa sarili. Araw-araw sa loob ng tatlong taon, tuwing umaga, ganito na ang kanyang routine ngunit para sa kanya iba ang araw na ito, napakagaan ng kanyang pakiramdam, napapakanta siya, nababanaag ang saya sa kanyang mukha, excited siyang pumasok sa opisina, bakit nga naman hindi, ilang araw palang kasi ang nakakalipas ng tanggapin ng isang malaking food processing company ang kanyang advertising proposal. Sa susunod na mga araw ay magsisimula na sila sa kanilang bagong proyekto para dito. Ang lahat sa opisina nila ay natutuwa sa kanyang tagumpay, ito na ang pinakamalaking proyekto nila sa loob ng tatlong taon. Maganda rin ang panahon ng lumabas ng bahay si Cherry Anne pagkatapos niyang mag-almusal. Kulay asul ang kalangitan. Hindi masakit sa balat ang sikat ng araw. Nakiayon sa kanya ang panahon. Ang mga alagang ibon ng kapitbahay ay nagsisipag-awitan. Napangiti siya. Naglakad si Cherry Anne patungo sa sakayan ng taxi nang madaanan niya sa tindahan sa kanto ang istambay na si Rolly. “Hi Cherry Anne, ang ganda mo naman sa araw na ‘to.” sabi ng istambay na sinabayan pa niya ng kindat. “Hatid na kita.” Isang ngiti ang iginanti ni Cherry Anne sa preskong istambay na siyang ipinagtaka nito at napakamot pa siya ulo dahil ngayon lang siya nginitian ni Cherry Anne. Laging kasing nakairap at nakasimangot si Cherry Anne kapag nakikita na niya ang istambay na walang ginawa kundi asarin siya araw-araw tuwing napapadaan siya sa kanto. Malayo na si Cherry Anne ay nakatanaw pa rin sa kanya ang napapailing na si Rolly.

“Good Morning Ma’am!” bati sa kanya ng kanilang security guard pagpasok niya ng kanilang opisina. "Hi Manong! Kumusta?" magiliw na sagot ni Cherry Anne. Tumuloy na siya sa pantry pagkatapos niyang kunin sa drawer ang kanyang sariling tasa at kinargahan ito ng brewed coffee. Nagsisimula ang kanyang araw sa pamamagitan ng pag-inom ng kape habang isa-isa niyang binabasa ang kanyang mga emails at pagkatapos niyang sagutin ang ilan sa mga ito, siya ay nagtungo sa tanggapan ng Advertising Manager upang ikonsulta ang ilan sa kanyang mga promotional plans para sa iba pang proyekto na malugod namang inaprubahan ang ilan sa mga ito ng kanyang boss. Pagbalik niya sa kanyang mesa, may napansin siyang isang kuwadradong sobre, binuksan niya ito at siya ay napangiti, galing ito kay Jon, ang kanyang kaopisina na may espesyal na pagtingin sa kanya, ipinapaabot niya ang kanyang pagbati sa kanyang bagong proyekto. Dinampot ni Cherry Anne ang kanyang telepono at idinayal ang numero sa mesa ni Jon upang magpasalamat at kaagad din niyang ibinaba ang telepono makalipas ang ilang saglit. Matagal na ring nagpaparamdam si Jon sa kanya ngunit hindi niya ito binibigyan ng pansin dahil nakalaan na sa iba ang kanyang puso. Muling itinuon ni Cherry Anne ang kanyang sarili sa trabaho, kailangan kasing niyang maghanda ng bagong presentasyon para sa mga bago nilang kliyente, nalibang si Cherry Anne sa kanyang ginagawa, hindi na niya napansin na lunch break na pala kung hindi pa siya dinaanan ni Cathy, ang kaibigan niya sa Accounting Department.

“Tara girl, baba na tayo.” yaya nito kay Cherry Anne. “Break ka naman, baka mamaya sa iyo na itong kompanya.”

“Hindi girl, may tinatapos lang ako. Sige tara na.”

“Grabe girl, ang galing mo talaga. Pinag-uusapan ka ngayon sa office. Biruin mo nakuha mo yung malaking account na yon.” Sabi ni Cathy habang pababa sila sakay ng elevator. “Ikaw ang magpapayaman sa kompanya.”

“Hindi naman.” sabi ni Cherry Anne sa kaibigan bilang pagpapakumbaba niya. “Sinuwerte lang, bunga ng paghihirap na rin.”

Pagkalipas ng isang oras na break, muling bumalik sa trabaho si Cherry Anne. Dinampot ang telepono habang hawak sa isang kamay ang isang makapal na notebook na naglalaman ng ilang numero ng mga posibleng maging kliyente niya. Isa-isa niya itong tinawagan at inialok ang kanilang advertising services. Napasigaw pa siya ng malakas na “Yes!” ng ilan sa mga tawag na ito ay nagging positibo ang resulta, nakipagset siya ng meetings upang ipresent ang kanyang promotional plans para sa mga ito. Isinulat niya sa hawak na notebook ang mga petsa kung kailan ang appointment. Natuwa si Cherry Anne, lalo siyang gaganahan sa trabaho dahil dito. Muli siyang humarap sa kanyang computer at bago magsimula, nag-inat muna siya, minasahe ng konti ang kanyang mga balikat, pinaikot-ikot ang kanyang leeg upang marelax ng konti. Tumingin siya sa kanyang pambisig na orasan, sampung minuto makalipas ang alas dos ang nakasaad. Tatayo sana siya upang kumuha ng kape sa pantry nang siya namang daan ni Jon sa kanyang cubicle, iniabot sa kanya ang isa sa mga dala niyang mug na may lamang kape. Nakangiting tinanggap ni Cherry Anne ang kape na ibinigay sa kanya. “Thanks Jon!”

“Your welcome! sagot ni Jon. “Goodluck on your new project. Pinapahanga mo ako lalo.” dugtong pa niya at saka bumalik sa kanyang sariling cubicle. Humigop ng ilang beses sa mug si Cherry Anne bago inihanda ang kanyang mga gamit. Maaga siyang lalabas ngayon sa opisina dahil may dadaluhan siyang isang industry trade show, kailangan niyang kumalap ng inpormasyon mula sa mga iba’t-ibang kompanya na kasali sa trade show, mahalaga ding maipromote ang kanilang produkto at palawakin pa ang kanyang mga contacts. Bago lumabas ng opisina si Cherry Anne, nakaugalian na rin niyang magbasa muli ng kanyang mga emails. Inuna muna ang mga business mails at sinagot ang ilan, pagkatapos ay binasa naman ang mga pangpersonal. Isa sa mga email address ay hindi pamilyar sa kanya, nalaman niyang nagmula ito sa Qatar ng makita niya ang pangalan ng kanyang kasintahan na tatlong taon ng nagtratrabaho roon at sa isang buwan ay uuwi na, pagkatapos ng tatlong taong walang bakasyon. Inaasam-asam na ni Cherry Anne ang pag-uwi ng kanyang kasintahan ng anim na taon. Ngunit nagbago ang timpla ng mukha ni Cherry Anne pagkatapos niyang mabasa ang email. Nawala ang aliwalas, nagsalubong ang kanyang mga kilay, kumunot ang noo, nangilid ang kanyang mga luha at ilang sandali lang ay tuluyan ng napahagulgol na pilit na ikinubli upang hindi mapansin ng mga kaopisina. Paulit-ulit na binabasa ang email na para bang ibang salita ito na hindi niya maintindihan. Napapailing si Cherry Anne, nanikip ang kanyang dibdib, halos hindi siya makahinga sa balitang tinanggap. Inabot niya ang panyo mula sa kanyang bag at nang matiyak na tuyo na ang kanyang mga mata ay saka pinatay ang kanyang computer, nagswipe palabas at pagkatapos ay nagmamadaling lumabas ng kanilang opisina.

Mapapansin na tulala si Cherry Anne habang nasa daan patungo sa trade show na pupuntahan, napakalalim ng iniisip, parang wala sa sarili. Inilabas niya ang kanyang cellphone at may idinayal na numero. Paulit-ulit niya itong tinatawagan ngunit walang sumasagot. Nagulat pa siya ng sabihin ng driver ng taxi na naroon na sila sa lugar pupuntahan niya. Wala sa sariling inabutan niya ang driver ng pamasahe, ni hindi na niya nagawang kunin ang kanyang sukli. Napakaraming tao sa loob ng trade show, siksikan sa ilang lugar. Nakaramdam si Cherry Anne ng pagkahilo, muntik na siyang mabuwal kung hindi siya nakakapit sa poste ng isang booth. Naglaglagan ang mga dala niyang mga papeles. Isa-isa niya itong dinampot at pagkatapos ay hinanap ang exit. Nanlalambot si Cherry Anne kaya nagpasiya siyang umuwi na lamang. Alas-siyete ng gabi ng dumating si Cynthia sa bahay, pagkatapos dalhin sa kusina ang mga dala-dala niyang groserya, tumuloy na siya sa kuwarto nila ni Cherry Anne. Nabigla ang lahat ng tao sa bahay ng marinig nila ang napakalakas na pagtili ni Cynthia. Nagmamadali ang lahat na nagtungo sa kuwarto at sila rin ay napasigaw sa kanilang nakita. Nakabigti mula sa kisame ang wala ng buhay na katawan ni Cherry Anne.

Wakas

09 Abril 2010

No comments: