Tuesday, April 6, 2010
Sosyalera
Paalis ka na sana sa iyong boarding house upang makipagkita sa mga kaklase sa Mall of Asia,
Nang mapansin mo na nawawala sa iyong bag ang iyong bagong cellphone E72 Nokia.
Mistula kang binuhusan ng malamig na tubig sa takot, nataranta.
Pinabili mo pa ito sa iyong mga magulang na magkano lang ang kinikita, na sa kanilang trabaho ay nagkakandakuba. Napakamahal na luho mo ay ibinigay kapalit ng pag-asang sa hirap ay iaahon mo sila.
Mahigit isang oras din ang lumipas bago mo ito muling nakita, ginulo at kinalampag mga kasama mo sa bahay, sa kanila ika’y naghinala. Makalat at burara, nahulog lang pala sa ilalim ng iyong kama. Dahil sa inis mo, nagmukha ka ng bilasang isda, ang makapal na kolorete mo sa mukha ay nabura.
Pagkasilid mo ng cellphone sa iyong bag, mainit ang ulo’t nagmamadaling umalis ng bahay, dahil ang mga kaklase mo sa Starbucks daw sa iyo kanina pa naghihintay.
Wala ka palang load kaya ang baba mo ay sumayad sa lupa, pati kilay mo ay hindi na magpantay.
Sa sari-sari store ikaw ay nagpaload ng trenta, pagkatapos ay sumakay sa dyip patungong MOA.
Pagdating sa Starbucks, medyo umaliwalas ang mukha, sa mga kaklase ikaw na ang bida.
Ang gara kasi ng iyong cellphone na kanina ay muntikan ng nawala.
Ang iyong suot na damit pang-itaas ay kinainggitan din nila,
Starbucks kasi ang nakatatak, ngayon lang nila nakita.
“Galing ba dito yan?” tanong ng isa sa kanila.
“Hindi.” pabulong na sagot mo, “Isang daang ang tatlo, binili ko pa sa Divisoria.”
Pagkatapos ng walang humpay na bese-beso at plastikan, nagkandahaba ang iyong leeg sa paghahanap ng magandang mauupuan.
Ang madla sa iyong isip dapat ika’y makita.
Tangan ang isang Frappuccino tatlong oras mong itinungga, dahilan upang makapaglagi ng matagal sa Starbucks kasama ang barkada,
Kaya lang bistado ka na nila, huwag ka ng magkaila. Isang kang mapagkunwari.
Sosyalera!
6 Abril 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment