Saturday, August 28, 2010

Klasrum


“Ano ang sibika?”

Itinaas ni Ana ang kanyang kanang kamay ngunit ang kaklase niyang nasa likod ang natawag.

“Ang sibika ay may kinalaman sa pamumuno at patakaran sa isang bansa, napapaloob dito ang tungkol sa mga nasasakupan o teritoryo kasama din dito ang kultura sa bawat bansa”

“Very good.”

Napakamot sa ulo si Ana. “Bakit ganoon parang hindi ako nakita ni mam.” tanong niya sa sarili.

Teng! Teng! Teng!

Recess.

Nagmamadaling nagtakbuhan sa labas ng classroom ang mga estudyante.
Ang iba ay nagtulakan palabas. Isang kaklase ang bumangga kay Ana ngunit parang hindi niya ito naramdaman. Nagtungo si Ana sa ilalim ng malaking puno ang akasya kung saan nakaupo si Mila, ang kanyang matalik na kaibigan. Dito sila madalas na magkuwentuhan tuwing recess.

Sumalampak ng upo si Ana sa harap ng kaibigan. Napansin niyang malungkot ito.

“Bakit ka malungkot?” tanong niya.

Hindi sumagot ang kanyang kaibigan. May pumatak na luha sa larawang hawak ng kaibigan.

“May problema ka ba?”

“Kung nandito ka lang kahapon makakapaglaro pa sana tayo ngayon.” sabi ng kaibigan na hinidi man lang tumingin sa kanya.

“Nandito naman ako ngayon ah.”

Patuloy ang pag-iyak ni Mila na parang hindi narinig ang sinabi ni Ana.
Hahaplusin na sana ni Ana ang pisngi ni Mila ng biglang tumayo ito pagkarinig sa tunog ng bell hudyat ng muling pagsisimula ng klase.

Nagtaka si Ana dahil sa biglang pag-iwan sa kanya ng kaibigan. Naisip niya na baka nagtatampo ito sa kanya dahil sa hindi niya pagpasok kahapon dahil nagkasakit siya.
Muling bumalik si Ana sa kanilang classroom, naupo ito.
Pagkalipas ng isa’t-kalahating oras ay nag-uwian na rin sila.

Laking gulat ni Ana ng dumating siya sa kanila. Napakaraming tao sa kanilang bakuran. May nakasabit na tolda sa kaliwang bahagi ng kanilang bahay na nagsisilbing lilim sa mga taong naroon. Hindi niya kilala ang karamihan sa mga ito. Wala naman sinasabing okasyon ang kanyang nanay. Naalala niya ang kanyang tatay na nagtratrabaho sa ibang bansa. Naexcite siya. Baka dumating na ang kanyang tatay kaya maraming tao. Nagmamadali siyang pumasok sa bahay nang salubungin siya ng liwanag na galing sa mga iba’t-ibang ilaw. Nagtaka siya. Tanghaling tapat naman ngunit bakit napakaraming ilaw sa loob ng bahay nila. Iginala niya ang kanyang mga mata, sa isang sulok ng bahay ay nakita niya ang kanyang ina na umiiyak, yakap-yakap ang isang kamag-anak. Lalapit sana siya sa kanyang ina ng mapansin niya ang isang kulay puting kabaong na nasa isang bahagi ng kanilang sala. Lumapit siya dito upang tignan kung sino ang nakahimlay.

Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sarili na nakahiga sa loob. Nagsisisigaw ngunit wala ng nakakarinig pa sa kanya.


Agosto 13, 2010

Monday, August 23, 2010

Gudtaym



Gudtaym
A play in one act. Hehehe.

Alas syete ng gabi. Sa isang kanto na hintayan ng bus. Nakatayo ang hindi mapakali at isputing na isputing na si Argie.
Parating naman ang hinihintay na matalik na kaibigang si Emerson.

Argie: Ang tagal mo. Kanina pa ako naghihintay sa iyo.

Emerson: (Nakatingin sa kanyang relo.)
Maaga pa naman tama lang sa usapan natin.

Argie: Pumorma ka pa kasi ng todo eh.

Emerson: Siyempre naman. Ikaw nga oh, tignan mo isputing na isputing.
Nakapomada ka pa. Hahaha.

Argie: Tado. Wala to. Bagong ligo lang ako.

Emerson: Bah, dapat lang no. (Nagyayabang.)

Ikaw ba naman ang iinvite ng mga girls sa party.

Argie: Siyempre. Iba na yung.. hehehe. (Sabay kindat sa kaibigan.)

Emerson: Sa tingin mo, okey kaya tayo doon? Hindi kaya dyahe.

Argie: Bakit naman. Inimbitahan naman tayo ah.

Emerson: Di kaya mainsecure sa atin mga lalaki dun?

Argie: Hinde. Relax ka lang. Kilala naman natin sila. Third year hign school lang mga yun, mas matanda lang sila ng isang taon sa atin.

Emerson: Sabagay. Game. (Pinagdaop ang magkabilang palad sabay kiskis.)

Argie: Ano? Ilabas mo na yung baon nating pampalakas ng loob para mamaya hindi na ako dyahe makipag-usap kay Katrina. Pagkakataon ko na ito.

Emerson: Oo nga, nandun din si May.
(Tumingin sa kanyang relo.)

Okey. Matagal pa naman bago dumating yung bus.
(May dinukot si Emerson sa bulsa ng kanyang jacket. Iniabot ito sa kaibigan.)
Argie: Wow! Ang ganda ng pagkakabilot mo, ah.

Emerson: Tado! Wag kang maingay baka may makarinig sa iyo. Yari tayo. Sa kuya ko yan.

Argie: Malakas ba tama nito? Pangalawang subok ko palang ito, eh. Baka di ko makaya ang trip niya.

Emerson: Di wag nating ubusin. Eto.
(Iniabot sa kaibigan ang hawak na lighter.)
Sindihan mo na.

Argie: Okey. Ayos.
(Sinindihan ang hawak na marijuana. Humitit ito ng pagkalalim-lalim, halos humupak ang magkabilang pisngi. Sinalsal siya ng ubo at halos manikip ang dibdib pagkatapos ibuga ang mabangong usok ng damo.)

Ikaw naman.
(Ipinasa sa kaibigan ang binilot na damo. Humitit ito ng malalim. Sumunod ang hindi mapigilang pag-ubo. Ilang hitit pa at parang idinuduyan na ang magkaibigan sa ulap.)

Emerson: Okey bro. Solve. Sarap ng feeling.

Argie: Ang tagal ng bus. Kakainip.

Emerson: Dapat nandoon na tayo bago mawala ang tama pero relax ka lang. Ang bida nahuhuli ang dating.

Argie: Sarap ng pakiramdam. May baon ka bang kornik dyan?

Emerson: Tang na! Wala. Bro, pahiram ng suklay mo.

(Dumukot sa bulsa si Argie. Iniabot ang kanyang dilaw na suklay.)
Emerson: Ayos! Sarap magsuklay bro.

Ang lambot ng buhok ko.

Hahaha.

Inubos ko yung isang sachet ng Sunsilk.

Argie: Yari na naman ang buhok mong Spandau Ballet.

Hahaha.

Ayos sa bangs.

Hahaha.

(Tawanan ng tawanan ang magkaibigan habang walang patid sa pagsuklay si Emerson sa kanyang buhok. Tila sarap na sarap siya sa pagsuklay. Namanhid na ang kanyang anit sa walang habas na pagsuklay.)

Emerson: Tang na, Bro! Halata ko, 30 minutes na yata akong nagsusuklay dito. Hahaha. Tamo ang lambot na ng buhok ko.

Argie: Hahaha. Ako nga rin.

(Hinablot ang suklay sa kaibigan.)

Emerson: Bro, tingnan mo oh, ang lambot.

( Inaalog-alog pa ang ulo para malibang siya sa bounce ng kanyang buhok.
Samantalang si Argie naman ngayon ang nagtitrip na magsuklay ng magsuklay. Hinahaplos-haplos pa ang buhok.

Siryoso siya sa pagsusuklay hindi namamalayan na nagpapanic na ang mga kuto sa ulo niya.
Tawanan ng tawanan ang magkaibigan. Hindi napupuna na ginagabi na sila.
Nang biglang humagibis sa kanilang tapat ang kanina pa’y hinihintay na bus.)

Argie: Tang na, bro! Ayun na yung bus. Bakit di mo pinara?

Emerson: Hindi ko nakita, bro. Bakit di mo pinara?

Argie: Nagsusuklay ako e.

Emerson: Tang na! Wala na. Hindi na tayo makakarating. Gabi na.

Argie: Anong oras pa ang susunod na bus?

Emerson: Alas onse pa. Shit!

Argie: Tang na. Wala na akong tama nun.

Emerson: Di sindihan ulit ang natitira.

Argie: Oo nga no? Sabay trip ulit sa pagsusuklay. Hahaha.

Emerson: Oo. Tignan mo ang lambot o.

Hahaha.

(Sabay na nagtatawanan ang magkaibigan. Inilabas uli ni Emerson ang natitirang bilot ng damo, iniabot kay Argie at sinindihan. Ilang ulit pa silang nagpalitan ng hitit at buga. Maluwag na ngayon ang kanilang mga lalamunan. Habang ang usok ay tinatangay ng hangin pagawi sa naglalakad na si Lando. Nalaman kaagad ni lando kung ano at saan galing ang amoy na iyon kaya dahan-dahan siyang lumapit sa magkaibigan.)

(Pinalaki niya ang kanyang boses. Sumigaw na siyang ikinagulat ng magkaibigan)

Lando: PULIS AKO! ANO YANG GINAGAWA NYO?

(Walang lingon-likod na kumaripas ng takbo ang magkaibaigan. Bad trip ang tama.)

Argie: Bro, ang suklay ko naiwan!

(Sigaw ni Argie habang kumakaripas sila ng takbo samantalang si Lando ay tawa ng tawa sa kanyang kinatatayuan.)

T A P O S


23 Agosto 2010

Sunday, August 22, 2010

Ang Panauhin


Noong bata ako, tandang-tanda ko pa, Grade 1 ako noon, nagising ako ng madaling araw. Siguro mag-aalas kuwatro yon. Katabi ko sa higaan ang yaya ko. Mahimbing siyang natutulog ng oras na yon. Malamig sa loob ng kuwarto. Bukas ang aming bintana na yari sa capiz. May kalumaan na ang bahay na ang nagiisang palapag ay mas mataas sa lupa ng tatlong talampakan. Kailangan mong umakyat ng limang baitang ng hagdanan para makapasok ka sa loob. Ewan ko, ganoon yata talaga ang style ng mga bahay noong unang panahon. Gawa ang lahat sa kahoy. Parang antigo. Nakapatong ang bahay sa apat na malalaking poste pwede ka pang makapaglaro sa ilalim.

Mabalik tayo sa loob ng kuwarto kung saan nangyari ang ikukuwento ko at tulad ng nasabi ko kanina, nagising ako dahil sa ginaw. Hinagilap ko ang kumot at ipipikit ko na sana ang aking mga mata ng may natanaw akong anino sa may pintuan. Sarado ang pintuan ngunit nakita ko ang anino na nakatayo doon. Dahil may kadiliman sa loob ng kuwarto at nakakulambo kami, hindi ako sigurado kung galing nga sa pintuan ang anino. Nakita ko na lamang na naroon. Dahil bata pa ako noon, siyempre natakot ako pero dinaig pa rin ako ng aking pagtataka. Ipinikit ko ang aking mga mata at dahan-dahang iminulat ng bahagya ang kanan. Sinilip ko ang anino na ngayon ay nagkakahugis na, tao siya at naglalakad na ito palapit sa tabi ng aking kama. Pagkatapat na pagkatapat sa aming hinihigaan doon ko nakita na siya ay isang matandang babae dahil nakabelo pa ito ng itim na tulad ng nakaugalian ng mga matatandang babae noong panahong iyon. Hindi ko maaaninag kung sino siya. Madilim kasi. Tumigil siya ng ilang saglit sa tapat ng kama namin at pagkatapos ay muli siyang kumilos patungo sa bintana. Tumingala ako dahil nasa may ulunan ko ang bintana at upang masundan ko siya ng tingin, nang laking gulat ko, lumabas siya sa bintana. Tumagos nga siya tulad ng pagpasok niya kanina sa pintuan. Kasabay ng paglaho niya ang biglang kong pagtalukbong ng kumot.

Muli akong nakatulog.

Pagsikat ng araw, handa na kaming lahat sa bahay para mag-almusal. Nakabihis na ang aking mga magulang para pumasok sa kanilang mga trabaho. Ako naman ay bihis na rin, handa nang pumasok sa school. Nag-almusal ako kasabay sila at habang kumakain kami naalala ko ang nakita ko noong magising ako kaninang madaling araw.

“Ma, nasan si Lola?” walang malisyang tanong ko sa nanay ko, “hindi po siya sabay sa atin kumain?”

“Ang Lola mo? Wala siya dito, di ba? Nasa kanila siya at sa sabado pa ang dating niya.” Sabi ng nanay ko habang palipat-lipat ang tingin niya sa amin ng tatay ko.

“Akala ko dumating na siya kasi nakita ko siya kaninang umaga sa kuwarto ko habang tulog kami.”

Napatingin sa akin ang nanay at tatay ko. Nabitawan ng yaya ko ang hawak niyang baso ng marinig niya ang mga sinabi ko.


21 Agosto 2010

Friday, August 20, 2010

Ang Paghihintay


Tulad ng mga nakaraang gabi ng nakalipas na dalawang linggo, sa bintana ng bahay, siya ay nakatingin na naman sa malayo.
At tulad ng mga nagdaan gabi, malalim na naman itong nag-iisip.
Nakatingin sa kawalan.
Naghihintay.
Gabi-gabi ay umaasa siya na sana ay dumating na ang kanyang hinihintay.
Natatakot na siya.
Nagtatanong.
Kailan?
Malapit na siyang mawalan ng pag-asa.
Malapit na niyang tanggapin ang katotohanan.
Ngunit ano ang katotohanan para sa kanya?
Ang paghihintay ay may kasabay na maliit na pag-asa.
Ng pagbabakasakali .
Parang sugal.
Tulad ng mga nakaraang gabi, nag-iisip na naman siya kung bakit nangyayari ito sa kanya ngayon.
“Bakit sa akin pa?” aniya, “sa kabila ng mga paghihirap at sakripisyo ko. Bakit hindi sa iba?”
Wala siyang kamalay-malay.
Kung alam lang niya na ganito ang kahihinatnan.
Hindi sana siya ngayon nakakaramdam ng takot at lungkot.
At tulad ng mga nakaraang gabi, siya ay nagtatanong.
“Hanggang kailan ako maghihintay? Darating pa kaya? Paano kung hindi na? Ano ang mangyayari sa akin?”
Malapit na siyang panghinaan ng loob?
Pagdating ng hinihintay niya, alam niyang magbabagong muli ang lahat.
Maibabalik sa dati ang lahat.
Mabubura ang mga pag-aalinlangan.
Tumatakbo ang panahon.
Sana hindi pa huli.
Sana may pag-asa pa.
Pakiramdam niya ay tinatakasan na siya ng panahon.
Parang buhangin sa nakakuyom na palad.
Unti-unting naglalaho.
Wala na ba?
Ilang beses na rin niyang sinubukan alamin kung dumating na ito ngunit nagkamali siya.
Wala pa.
Minsan nag-aalala siya sa kanyang ginagawa.
Hindi na niya alam kung ano ang dapat gagawin.
Maghihintay na lamang ba siya?
Muli siyang binalot ng kalungkutan.
Nag-iisa siya.
Mas masarap yata kapag nag-iisa.
Hindi umaasa.
Kalungkutan ang umasa.
Kalungkutan ang mabigo.
"Hanggang kailan ako maghihintay ng walang kasiguruhan." tanong niya sa sarili.
"Darating na ba bukas? Makalawa? Sa susunod na linggo? Sa isang buwan? Paano kung hindi dumating sa panahon ng aking paghihintay?"
Malapit na siyang mainip.
Paano kung pagod na siya sa paghihintay at tuluyan na siyang sumuko?
Paano kung wala ng halaga sa kanya ang kanyang hinihintay?
Paano kung dumating ito at hindi na niya kailangan?
Alam niya na kapag dumating ang panahong iyon doon lamang siya magiging malaya.

"Sana bukas dumating na." bulong niya.

Friday, August 13, 2010

Ala-ala


Pagkababa niya ng sasakyan ay
nagmamadali siyang pumasok sa bahay, excited.
Iginala niya ang kanyang paningin sa sala, may hinahanap.
Dumiretso siya sa kusina.
“Kat?”
Walang sumagot.
Umakyat siya sa kuwarto at muli,
“Kat? Andito na ako.”
Wala pa rin siyang narinig na sagot.
Bumaba siya at nagtungo sa garahe, nababakasaling naroon ang kanyang hinahanap.
“Kat! Nasan ka?”
Tahimik pa rin ang bahay.
Napakamot siya sa ulo, nagtataka.
Pagkatapos ng ilang saglit ay nagtungo siya sa hardin. Baka naroon siya.
“Kat! Tara na, andito na ako.”
.... Nang bigla niyang maalala,
anim na taon na pala ang nakakalipas mula noong
pumanaw ang kanyang asawa.


Agosto 13 , 2010

Sunday, August 1, 2010

Paglisan


Sa ilalim ng mga bituin
ika’y umiyak, tumawa,
paminsan-minsan napapasigaw,
Laging ngangailangan
ng kahit kapiraso,
nangarap ng malaki.

Ikinalulungkot mo ang hindi pagiging makatarungan ng buhay kung minsan!
Hindi ka man lang kumilos.
Hanggang..
sa wakas.
Ika’y lumisan.


1 Agosto 2010