Friday, August 20, 2010

Ang Paghihintay


Tulad ng mga nakaraang gabi ng nakalipas na dalawang linggo, sa bintana ng bahay, siya ay nakatingin na naman sa malayo.
At tulad ng mga nagdaan gabi, malalim na naman itong nag-iisip.
Nakatingin sa kawalan.
Naghihintay.
Gabi-gabi ay umaasa siya na sana ay dumating na ang kanyang hinihintay.
Natatakot na siya.
Nagtatanong.
Kailan?
Malapit na siyang mawalan ng pag-asa.
Malapit na niyang tanggapin ang katotohanan.
Ngunit ano ang katotohanan para sa kanya?
Ang paghihintay ay may kasabay na maliit na pag-asa.
Ng pagbabakasakali .
Parang sugal.
Tulad ng mga nakaraang gabi, nag-iisip na naman siya kung bakit nangyayari ito sa kanya ngayon.
“Bakit sa akin pa?” aniya, “sa kabila ng mga paghihirap at sakripisyo ko. Bakit hindi sa iba?”
Wala siyang kamalay-malay.
Kung alam lang niya na ganito ang kahihinatnan.
Hindi sana siya ngayon nakakaramdam ng takot at lungkot.
At tulad ng mga nakaraang gabi, siya ay nagtatanong.
“Hanggang kailan ako maghihintay? Darating pa kaya? Paano kung hindi na? Ano ang mangyayari sa akin?”
Malapit na siyang panghinaan ng loob?
Pagdating ng hinihintay niya, alam niyang magbabagong muli ang lahat.
Maibabalik sa dati ang lahat.
Mabubura ang mga pag-aalinlangan.
Tumatakbo ang panahon.
Sana hindi pa huli.
Sana may pag-asa pa.
Pakiramdam niya ay tinatakasan na siya ng panahon.
Parang buhangin sa nakakuyom na palad.
Unti-unting naglalaho.
Wala na ba?
Ilang beses na rin niyang sinubukan alamin kung dumating na ito ngunit nagkamali siya.
Wala pa.
Minsan nag-aalala siya sa kanyang ginagawa.
Hindi na niya alam kung ano ang dapat gagawin.
Maghihintay na lamang ba siya?
Muli siyang binalot ng kalungkutan.
Nag-iisa siya.
Mas masarap yata kapag nag-iisa.
Hindi umaasa.
Kalungkutan ang umasa.
Kalungkutan ang mabigo.
"Hanggang kailan ako maghihintay ng walang kasiguruhan." tanong niya sa sarili.
"Darating na ba bukas? Makalawa? Sa susunod na linggo? Sa isang buwan? Paano kung hindi dumating sa panahon ng aking paghihintay?"
Malapit na siyang mainip.
Paano kung pagod na siya sa paghihintay at tuluyan na siyang sumuko?
Paano kung wala ng halaga sa kanya ang kanyang hinihintay?
Paano kung dumating ito at hindi na niya kailangan?
Alam niya na kapag dumating ang panahong iyon doon lamang siya magiging malaya.

"Sana bukas dumating na." bulong niya.

No comments: