Sunday, August 22, 2010
Ang Panauhin
Noong bata ako, tandang-tanda ko pa, Grade 1 ako noon, nagising ako ng madaling araw. Siguro mag-aalas kuwatro yon. Katabi ko sa higaan ang yaya ko. Mahimbing siyang natutulog ng oras na yon. Malamig sa loob ng kuwarto. Bukas ang aming bintana na yari sa capiz. May kalumaan na ang bahay na ang nagiisang palapag ay mas mataas sa lupa ng tatlong talampakan. Kailangan mong umakyat ng limang baitang ng hagdanan para makapasok ka sa loob. Ewan ko, ganoon yata talaga ang style ng mga bahay noong unang panahon. Gawa ang lahat sa kahoy. Parang antigo. Nakapatong ang bahay sa apat na malalaking poste pwede ka pang makapaglaro sa ilalim.
Mabalik tayo sa loob ng kuwarto kung saan nangyari ang ikukuwento ko at tulad ng nasabi ko kanina, nagising ako dahil sa ginaw. Hinagilap ko ang kumot at ipipikit ko na sana ang aking mga mata ng may natanaw akong anino sa may pintuan. Sarado ang pintuan ngunit nakita ko ang anino na nakatayo doon. Dahil may kadiliman sa loob ng kuwarto at nakakulambo kami, hindi ako sigurado kung galing nga sa pintuan ang anino. Nakita ko na lamang na naroon. Dahil bata pa ako noon, siyempre natakot ako pero dinaig pa rin ako ng aking pagtataka. Ipinikit ko ang aking mga mata at dahan-dahang iminulat ng bahagya ang kanan. Sinilip ko ang anino na ngayon ay nagkakahugis na, tao siya at naglalakad na ito palapit sa tabi ng aking kama. Pagkatapat na pagkatapat sa aming hinihigaan doon ko nakita na siya ay isang matandang babae dahil nakabelo pa ito ng itim na tulad ng nakaugalian ng mga matatandang babae noong panahong iyon. Hindi ko maaaninag kung sino siya. Madilim kasi. Tumigil siya ng ilang saglit sa tapat ng kama namin at pagkatapos ay muli siyang kumilos patungo sa bintana. Tumingala ako dahil nasa may ulunan ko ang bintana at upang masundan ko siya ng tingin, nang laking gulat ko, lumabas siya sa bintana. Tumagos nga siya tulad ng pagpasok niya kanina sa pintuan. Kasabay ng paglaho niya ang biglang kong pagtalukbong ng kumot.
Muli akong nakatulog.
Pagsikat ng araw, handa na kaming lahat sa bahay para mag-almusal. Nakabihis na ang aking mga magulang para pumasok sa kanilang mga trabaho. Ako naman ay bihis na rin, handa nang pumasok sa school. Nag-almusal ako kasabay sila at habang kumakain kami naalala ko ang nakita ko noong magising ako kaninang madaling araw.
“Ma, nasan si Lola?” walang malisyang tanong ko sa nanay ko, “hindi po siya sabay sa atin kumain?”
“Ang Lola mo? Wala siya dito, di ba? Nasa kanila siya at sa sabado pa ang dating niya.” Sabi ng nanay ko habang palipat-lipat ang tingin niya sa amin ng tatay ko.
“Akala ko dumating na siya kasi nakita ko siya kaninang umaga sa kuwarto ko habang tulog kami.”
Napatingin sa akin ang nanay at tatay ko. Nabitawan ng yaya ko ang hawak niyang baso ng marinig niya ang mga sinabi ko.
21 Agosto 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment