Saturday, August 28, 2010
Klasrum
“Ano ang sibika?”
Itinaas ni Ana ang kanyang kanang kamay ngunit ang kaklase niyang nasa likod ang natawag.
“Ang sibika ay may kinalaman sa pamumuno at patakaran sa isang bansa, napapaloob dito ang tungkol sa mga nasasakupan o teritoryo kasama din dito ang kultura sa bawat bansa”
“Very good.”
Napakamot sa ulo si Ana. “Bakit ganoon parang hindi ako nakita ni mam.” tanong niya sa sarili.
Teng! Teng! Teng!
Recess.
Nagmamadaling nagtakbuhan sa labas ng classroom ang mga estudyante.
Ang iba ay nagtulakan palabas. Isang kaklase ang bumangga kay Ana ngunit parang hindi niya ito naramdaman. Nagtungo si Ana sa ilalim ng malaking puno ang akasya kung saan nakaupo si Mila, ang kanyang matalik na kaibigan. Dito sila madalas na magkuwentuhan tuwing recess.
Sumalampak ng upo si Ana sa harap ng kaibigan. Napansin niyang malungkot ito.
“Bakit ka malungkot?” tanong niya.
Hindi sumagot ang kanyang kaibigan. May pumatak na luha sa larawang hawak ng kaibigan.
“May problema ka ba?”
“Kung nandito ka lang kahapon makakapaglaro pa sana tayo ngayon.” sabi ng kaibigan na hinidi man lang tumingin sa kanya.
“Nandito naman ako ngayon ah.”
Patuloy ang pag-iyak ni Mila na parang hindi narinig ang sinabi ni Ana.
Hahaplusin na sana ni Ana ang pisngi ni Mila ng biglang tumayo ito pagkarinig sa tunog ng bell hudyat ng muling pagsisimula ng klase.
Nagtaka si Ana dahil sa biglang pag-iwan sa kanya ng kaibigan. Naisip niya na baka nagtatampo ito sa kanya dahil sa hindi niya pagpasok kahapon dahil nagkasakit siya.
Muling bumalik si Ana sa kanilang classroom, naupo ito.
Pagkalipas ng isa’t-kalahating oras ay nag-uwian na rin sila.
Laking gulat ni Ana ng dumating siya sa kanila. Napakaraming tao sa kanilang bakuran. May nakasabit na tolda sa kaliwang bahagi ng kanilang bahay na nagsisilbing lilim sa mga taong naroon. Hindi niya kilala ang karamihan sa mga ito. Wala naman sinasabing okasyon ang kanyang nanay. Naalala niya ang kanyang tatay na nagtratrabaho sa ibang bansa. Naexcite siya. Baka dumating na ang kanyang tatay kaya maraming tao. Nagmamadali siyang pumasok sa bahay nang salubungin siya ng liwanag na galing sa mga iba’t-ibang ilaw. Nagtaka siya. Tanghaling tapat naman ngunit bakit napakaraming ilaw sa loob ng bahay nila. Iginala niya ang kanyang mga mata, sa isang sulok ng bahay ay nakita niya ang kanyang ina na umiiyak, yakap-yakap ang isang kamag-anak. Lalapit sana siya sa kanyang ina ng mapansin niya ang isang kulay puting kabaong na nasa isang bahagi ng kanilang sala. Lumapit siya dito upang tignan kung sino ang nakahimlay.
Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sarili na nakahiga sa loob. Nagsisisigaw ngunit wala ng nakakarinig pa sa kanya.
Agosto 13, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment