Sunday, January 31, 2010
Ang Kapalaran ni Jupri Leem
Lahat tayo ay may kanya-kanyang pangarap sa buhay. May simple, may komplikado, may mahirap at may madali. Ngunit ang inpinitong pangarap yata ng tao ay yung magkaroon ng magandang buhay. Sino naman sa atin ang may ayaw nito. At may iba’t-ibang tayong naiisip na pamamaraan kung paano matutupad ang pangarap na ito. Nariyang tumataya tayo sa lotto, mag-aasawa ng matandang mayaman, anak ka pala ng isang mayamang negosyante, makakapulot ka ng isang maleta na punong-puno ng pera, makakapulot ka ng bote na may genie sa loob o mapupunta ka sa isang dimensyon o ibang mundo na siyang magpapabago sa nakagisnan mong buhay.
Ngunit teka, panay praktikalidad yata ang mga nasabi ko sa itaas. Naalala ko, hindi lang pala pera o kayamanan ang nagbibigay ng magandang buhay sa isang tao. Ang pagkakaroon mo ng mabuting asawa, katahimikan ng pag-iisip, ang malaya ka sa pagkakautang, ang pagkakaroon mo ng malusog na pangangatawan ay ilan lamang sa mga bagay na nagbibigay sa iyo ng magandang buhay. Ngunit bago pa tayo malayo at kung saan makarating, halina’t tunghayan natin ang kuwento ni Jupri Leem.
Ang Kapalaran ni Jupri Leem
Ginugugol ni Jupri Leem ang kanyang mga araw sa pangangarap na magkaroon ng magandang buhay. Pero hindi naman buong araw, ang kalahati ay ginugugol naman niya sa kanyang trabaho-ang pangongolekta ng basura sa iba’t-ibang lugar. Pagkatapos niyang ibuhos ang mga container ng basura sa likod ng truck, muli siyang mawawala sa kanyang sarili at mananaginip ng gising. Kinasusuklaman na niya ang truck ng basura, ang kanyang masikip at madilim na kuwarto na binabayaran niya ng isang libo’t-tatlong daang pisotas kada buwan. Kinasusuklaman na niya ang mga araw na pangongolekta niya ng basura. Nais niyang mabago ang buhay niya, ang magkaroon ng sapat na pisotas, magarang bahay na pag-aari niya, magkaroon ng mga magagandang kagamitan. Dahil hindi niya naranasan kailanman ang magkaroon ng mga ito kaya ganoon na lamang kasidhi kung mangarap siya. Kung mabibigyan lang siya ng pagkakataon para baguhin ang kanyang kapalaran.
Si Jupri ay lumaki sa bahay-ampunan. Natagpuan siya ng mga madre sa tarangkahan ng hospisyo na nakalagay sa isang hindi pangkaraniwang kahon dalawanput-isang taon na ang nakakaraan. Nakapag-aral siya at nakapagtapos ng sekondarya ngunit hindi na niya naipagpatuloy sa kolehiyo dahil sa kamahalan ng matrikula. Ang kanyang kinikita ay sapat lang sa kanyang pangangailangan. Ang kalahati kasi nito ay ibinibigay niya sa bahay-ampunan bilang pagtanaw ng utang na loob. Nangangarap din siya na balang araw makikilala rin niya ang kanyang mga tunay na magulang o hindi man ay mga kamag-anak nito.
Isang araw, habang nakatayo siya sa tabi ng truck ng basura ng biglang may lumitaw na isang lalaki sa kanyang harapan. Hindi na siya nagulat dahil isa ito sa mga madalas niyang mapagpantasyahan na magdadala sa kanya ng suwerte. Ito ay nakasuot ng kulay langit na polo, itim na jaket at pantalon at ubod ng kintab na sapatos. Kagalang-galang ang hitsura ng lalaki. Walang kahit na anong ingay na bunga ng paglitaw ng lalaking ito sa kanyang harapan. Parang isang ordinaryong kaganapan lamang lahat. Hindi na rin nagtaka ang mahiwagang lalaki sa kawalan ni Jupri ng kibo pagkakita sa kanya.
“Jupri Leem?” tanong nito sa kanya na parang isang otoridad.
”Ako nga po.” sagot niya.
“Ako ay isang ahente mula sa Instituto ng Kasaysayan.” pagpapakilala ng mahiwagang lalaki. “Maaari ba kitang makausap?”
Tumango lamang si Jupri. Ang mahiwagang lalaki ay hindi isa sa mga inaasahan niyang kamag-anak ngunit alam lahat nito ang mga bagay tungkol sa kanya.
“May isang napakalaking pagkakamali na naganap,” paliwanag ng mahiwagang lalaki, “at narito ako upang iwasto ang pagkakamaling iyon.” Noong sanggol ka pa lamang, ikaw ay sapilitang tinangay sa iyong dimensyon at dinala dito. Maraming bagay ang nawala sa kaayusan bunga ng insidenteng iyon.
“Hindi kita maaaring pilitin na sumama sa akin ngunit naparito ako para ibalik ka sa totoong mundo mo.”
“Anong klaseng mundo iyon,” tanong ni Jupri. “Ganito ba?” sabay kumpas ng kamay sa paligid at sa truck ng basura.
“Hindi.” sabi ng lalaki. “Ibang-iba. Iyon ay isang mahiwagang mundo. May reyna, mga prinsesa, kabalyero, mga taong dakila, mga palasyo at kung ano-ano pang magagandang bagay. Sigurado ako, hinding-hindi ka mahihirapan na makibagay at igawi ang iyong sarili sa bago mong paligid kapag naroon ka na. Unang-una, iyon ang nararapat na mundo para sa iyo, kung saan ikaw ay nauukol. Magkakaroon ka ng katahimikan ng pag-iisip. Pangalawa, para madali sa iyo, mayroon akong inihandang tao para ipakita sa iyo ang paligid at ituturo sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin.”
“Sige, sasama ako.” Biglang nagdilim ang paligid pagkalabas na pagkalabas ng mga katagang iyon sa kanyang bibig. Nang magliwanag at idilat niya ang kanyang mga mata, nasa harap na sila ng isang pagkalaki-laking palasyo na kumikinang dahil sa mga palamuting mga ginto at iba pang mga bato na ngayon lang nasilayan ni Jupri. Sa kabilang bahagi, nakatayo ang isang kulay abong gusali at sa kabila naman ay isang napakagandang hardin na namumutiktik ang mga naggagandahang mga bulaklak at halaman. Nakatayo sa harap nila ang isang matandang lalaki na may makapal na bigote at balbas.
“Narito na tayo.” saad ng mahiwagang lalaki na sumundo kay Jupri.
“Sancho, siya si Jupri Leem. Siya ang bago mong gagabayan. Jupri, siya si Sancho Cerbantes, ang magpapaliwanag sa iyo sa lahat ng mga bagay na dapat mong malaman.”
At pagkatapos noon, sumaludo sa kanila ang mahiwagang lalaki. “Mga ginoo, tapos na ang gawain ko dito. Ang Instituto ay taos-pusong nagpapasalamat sa inyo. Ang ano mang pagkakamali noon ay naiwasto na rin sa wakas. Ang mga bagay-bagay ay nasa tama na nilang kalagyan. Iiwan ko na kayo.” Pagkatapos noon, ang mahiwagang lalaki ay biglang naglaho sa harapan nila.
“Sumunod ka sa akin.” Utos ni Sancho kay Jupri habang naglalakad siya patungo sa isang malapit na gusali. Pumasok sila sa loob, parang itong isang kamalig na puno ng mga kabayo. Itinuro niya kay Jupri ang isang tambak ng dayami sa isang gilid.
“Diyan ka matutulog.” Muling itinuro ni Sancho kay Jupri ang mga nakatambak na taeng kabayo, pala at kariton. “ Ilagay mo ang mga taeng kabayo diyan sa kariton at dalhin mo sa hardin. Isaboy mo ng maayos ang mga yan sa lupa. Pagkatapos mo diyan, titignan ko kung ano pa ang maaari mong gawin. Tinapik niya si Jupri sa balikat.
“Alam ko, magiging mahirap ito para sa iyo, sa umpisa lang iyan, pero kapag may mga katanungan ka, huwag kang mag-aatubiling itanong ito sa akin.” Sabay kindat ng matanda kay Jupri.
xxx
30 Enero 2010
Ang larawan ay halaw sa: http://www.zaporacle.com/textpattern/images/36.jpg
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment