Sunday, January 31, 2010
"Talaan ng Mga Nababahalang Nilalang #1"
Bawat isa sa atin ay may kinikipkip na takot o pangamba sa buhay. Maging ikaw man ay mayaman o mahirap, nakakaramdam ka rin ng takot at pagkabalisa paminsan-minsan. Doon lang yata nagkakapantay ang bawat nilalang. May iba’t-ibang klase kung saan nagmumula ang takot o pangamba sa buhay natin: nariyan ang gutom, sakit, kamatayan, utang, kasalanan, pagkalugi sa negosyo, pagkabigo, pagkasawi, kawalan ng pag-asa, pag-iisa, pagtanda at maraming pang iba.
Ang seryeng ito ay para sa mga taong nababahala, balisa, nakakaramdam ng takot at pangamba sa kanilang buhay. Tatawagin ko itong: Talaan ng Mga Nababahalang Nilalang. Sasalaminin nito ang bawat isa sa atin.
Talaan ng Mga Nababahalang Nilalang Serye Blg. 1 – Ang Hintuturo ni Eduardo
July 4
Nananakit ang hintuturo ko, hindi naman namamaga pero nagsisilitawan na ang mga ugat. Hindi ko na maigalaw. Tatlong araw na. Noong una hindi ko ito pinapansin pero habang lumilipas ang mga araw, pakirot ng pakirot. Nagkaroon na ba ako nito dati? Hindi ko matandaan. Ano kaya ito? Athritis kaya? Hindi ko matandaang natusok o nasalugsog. Hindi na siya tolerable. Apektado na ang pag-iisip ko, naaapektuhan na ang mga ginagawa ko. I hope mawawala din ito. Daliri lang ito, malayo sa bituka. Kaya lang kapag nagpatuloy ito baka hindi na ko makapagtrabaho. O kaya ikamatay ko.. hindi mangyayari yon, hindi ako papayag. Sabi nga nila, masamang damo daw matagal mamatay.
Paggising ko kanina sumasakit din ang leeg ko. Ewan ko ba anong nangyayari sa katawan ko? Magkakonektado kaya ang hintuturo at leeg ko? Ang layo naman yata. At itong kaliwang tenga ko, unti-unting nabibingi. Nakakarinig naman kaya lang hindi pantay sa kanan. Siyet! Ganito yata kapag tumatanda ka na, marami ka nang nararamdaman sa katawan mo. Nagiging maselan ka na. Hindi rin kasi healthy ang lifestyle ko noon. Mabuti nga nagbawas na ako sa pag-inom. Tumigil na rin ako sa paninigarilyo. Nakakaubos ako dati ng isang kaha ng Marlboro sa maghapon. Mukhang bumabawi na ang mga yon sa katawan ko ngayon. Pag bata ka talaga akala mo hindi ka magkakasakit, akala mo wala kang kamatayan. Pero ngayon, makaramdam ka lang nang kahit maliit na sakit sa katawan, ninenerbiyos ka na sa takot, nanlalamig ka na. Akala mo aatakihin ka na. Nagiging madasalin ka na rin.
Bukas, kapag masakit pa ito, magpapatingin na ako.
Mahirap na.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment