Tuesday, July 19, 2011

Ang Pagbabalik


Pumasok sa isang kilalang gym isang hapon pagkagaling sa trabaho ang tatlumput-walong taong gulang na si Rolando. Iginala ang mga mata at nang matiyak kung nasaan ang pakay ay direchong lumapit siya dito. Nahinto sa pag-eensayo ang lahat ng nakakakilala sa kanya nang makita siya. “Gusto kong bumalik, manager.” sabi niya kay Mr. Chua na isang boxing promoter, dating may hawak sa kanya. Nagulat ang pakay. Ayaw maniwala sa kanyang narinig ngunit nang matiyak na siryoso si Rolando ay nagyaya ito sa kanyang opisina.

“Nagbibiro ka ba bata?”

“Hindi ako nagbibiro, manager.” sabi ni Rolando habang hinihilot ang nakausling mga buto sa kamao. Napatingin si Mr. Chua sa mga kamao ni Rolando. Napangiti ito.

“May talas pa ba ang mga yan?” panunukso niya.

“Meron pa.” pagyayabang ni Rolando.

“Pero lagpas ka na sa prime mo,” Reklamo ng promoter. “Alam mo kung anong ibig kong sabihin. May edad ka na, sa tingin mo kaya mo pang makipagsabayan sa mga mas bata sa iyo?”

“Kayang-kaya pa, manager. Mag-eensayo ako. “ pangungumbinsi ni Rolando. “Bigyan mo ako ng laban, kahit sa four rounder lang muna.”

“At hindi lang pala isang laban kailangan mo?” tanong ng promoter. Nagulat sa sinabi ni Rolando. “Pero paano yung nangyari sa iyo sa huling laban mo?”

“Aksidente lang yun. Nangyayari kahit na kaninong boksingero. Kailangan ko lang ng pera, manager. May breast cancer ang asawa ko at kailangan na maipagamot ko siya sa madaling panahon.” paliwanag niya. “Hindi sapat ang kinikita ko ngayon bilang messenger.”

Matagal na nag-isip ang promoter. “Hmm.. bumalik ka bukas.” Umiiling na sabi niya. Tila nalungkot ng marinig ang dahilan ni Rolando kung bakit gusto niyang bumalik sa boxing na apat na taon na niyang tinalikuran dahil sa pakiusap ng asawa. “Pag-iisipan ko Rolando pero bumalik ka bukas. Mahirap yang gusto mo mangyari, delikado para sa iyo.”

Apat na araw ang nakalipas, lingid sa kaalaman ng asawa ni Rolando ay muli siyang tumuntong sa ibabaw ng ring upang simulan ang pag-eensayo. Naikasa siya kaagad sa laban ni Mr. Chua at dahil dati siyang kampeon, 10 rounder kaagad ang una niyang laban sa isang bagito na may 12-0 win-loss record at ang lahat ng panalo niya ay via knock-out. Alam ni Rolando na kailangan niyang mag-ensayo ng mabuti dahil sa record ng makakalaban at isa pa, kailangan niyang manalo upang may kasunod pa siyang laban pagkatapos nito. Malaking halaga din ang kailanganin niya sa pagpapagamot ng asawa. Ang isa pang problema niya ngayon ay kung papaano niya sasabihin sa asawa na bumalik siya sa boxing upang maipagamot siya. Nangako kasi si Rolando sa asawa na hindi na siya babalik sa boxing pagkatapos ng nangyari sa kanya sa huling laban niya apat na taon na ang nakakaraan. Isang linggo siyang namalagi sa ospital dahil sa temporary loss of memory sanhi ng mga tinamong suntok sa kanyang huling laban. Takot na takot ang misis niya sa nangyari kaya pagkabalik na pagkabalik ng memorya niya ay kinausap siya na tumigil na sa pagboboxing. Pero sa kalagayan ng asawa ngayon ay kailangan niyang talikuran ang napagkasunduan nila. Hindi niya maaaring pabayaan ang asawa, gagawin niya ang lahat maipagamot lamang ang may sakit na asawa at boxing lamang ang alam niyang paraan kung saan siya kikita ng malaki. “Maiiintindihan ako ng asawa ko,” aniya. Singkuwenta mil ang kikitain niya sa unang laban, manalo o matalo. Ang plano niya ay hanggang tatlong laban lamang para makaipon siya ng sapat. Araw-araw ay nasa gym si Rolando para sa puspusang pag-eensayo. Sa isang linggo na ang laban niya. Pinag-uusapan na rin sa boxing ang kanyang pagbabalik. Marami ang nagdududa sa kanyang kakayahan na lumaban muli at manalo. Pinakaingat-ingatan niya ang balita na huwag umabot sa kanyang asawa. Kinakabahan din siya na baka muling maulit ang nangyari sa kanya noon. Alam niya na kailangan ng matinding pag-iingat sa laban na ito.

Dumating ang araw na pinakahihintay niya. Una siya sa apat na laban sa hapon na iyon. Walang pang gaanong tao sa coliseum maliban sa ilang media, mga miron at mga tao sa magkabilang kampo. Round 4- tabla ang laban sa scorecards ng mga hurado ngunit si Rolando ay kinikitaan na ng pagod. Kinakapos na siya ng paghinga dahil sa pagtakbo-takbo sa ibabaw ng ring upang iwasan ang mga delikadong suntok na maaaring dumisgrasya sa kanya. Round 5- Nagbitaw si Rolando ng ilang malalakas na suntok na tumama sa kalaban at isa dito ang nagpatiklop sa tuhod niya na siyang dahilan upang magsipagtalunan ang mga nasa korner ni Rolando ngunit sa ikawalong bilang ng referee ay tumayo ang kalaban at tila nagising ang isang natutulog na halimaw. Nagpakawala ito ng sunod-sunod na kombinasyon, nakorner si Rolando hindi alam kung saan tatakbo at nang makita ng kalaban na tuliro na siya, isang napakalakas na left hook ang tumama sa kanang kilay ni Rolando. Tumalsik ang sariwang dugo sa puting lona na nagmula sa malaking hiwa sa kilay niya. Dalawang malalakas na suntok pa ang dumapo sa mukha ni Rolando bago tumunog ang bell. Nasaksihan lahat ito ng manager ni Rolando, napailing siya habang pasuray-suray na lumapit sa kanyang korner ang kanyang boksingero. Nahirapan ang cutman na patigilin ang pagdaloy ng dugo mula sa malaking sugat. Tumingin si Rolando sa nag-aalalang manager, “Kaya ko to.” aniya. Pagkatunog ng bell ay rumaragasang lumapit sa kanya ang kalaban. Parang naamoy na bibigay na ilang sandali pa si Rolando kaya muli itong bumitaw ng ilang kombinasyon na karamihan ay dumapo sa mukha ni Rolando dahil hindi na niya makita ang mga dumarating na suntok sanhi ng muling pagdurugo ng malaking sugat sa kilay niya. Isang malakas na upper-cut ang nagpatalsik sa mouth piece ni Rolando. Kinapos na siya ng hangin kaya napakapit siya sa kalaban ngunit itinulak siya palayo at sinundan ng dalawang left jab at isang malakas na right hook sa mukha. Nasaksihan ng mga nasa korner ni Rolando ang parusang tinatanggap niya. Wala na siyang masulingan kaya puro salag na lang ang ginawa ni Rolando sa round na iyon, ang tanging motibasyon niya ng mga sandaling iyon ay ang may sakit na asawa at bago natapos ang round ay nagtamo pa siya nang isang sugat sa kaliwang kilay. Nakapikit na ngayon ang kanang mata ni Rolando dahil sa namamagang kilay na kasinlaki na ng kamatis. Umaagos ang dugo sa ilong at sa gilid ng kanyang mata. Halos hindi na siya makakita. Pumutok na rin ang labi niya. Ang puting shorts na suot niya ay kulay pula na ngayon dahil sa dugong tumutulo mula sa mga sugat na tinamo niya. Madulas na rin ngayon ang lona sa dami ng dugo na pumatak dito.

“Tama na, itigil na natin ito!” sabi ng trainor ni Rolando. “Malakas siya. Hindi mo kaya!”

“Isa pa.” hirit ni Rolando na parang wala na sa sarili. Nakatingin sa kabilang korner. “Kaya ko pa.”

“Pero sarado na ang iyong kanang mata. Mahihirapan ka ng tantiyahin ang mga parating na suntok niya,” paliwanag ng trainor. “at isa pa, manalo-matalo ka sa labang ito ay may pera ka na. Maipapagamot mo na ang iyong asawa.”

Muling tumunog ang bell hudyat ng pagsisimula ng isa pang round. Nagpalitan ang dalawang boksingero ng mga suntok at lahat ng pinakawalan ni Rolando ay sa hangin lamang tumama dahil malabo na ngayon ang kanyang paningin. Gusto nang itigil ng kanyang korner ang laban dahil patuloy na tumatanggap si Rolando ng mga suntok na maaaring makapinsala sa kanya ngunit naunahan sila sapagkat ilang segundo bago matapos ang round, isang malakas na right hook ang tumama sa sentido ni Rolando na siyang nagpabagsak sa kanya. Tumimbuwang siya na parang puno ng saging at nangisay ilang sandali pagkatapos sumayad ang likod niya sa lona.

Sa ospital na gumising si Rolando pagkatapos ng apat na araw. Natutulog noon ang kanyang asawa sa gilid ng kama. Napasigaw ng malakas si Rolando ng tangkain niya at nabigo siyang haplusin ang ulo ng kanyang asawa dahil wala na siyang maramdaman man lang at hindi na niya maigalaw ang kanyang kanang braso.

xxx


10 Hulyo 2011

No comments: