Wednesday, July 6, 2011
Lumang Tsinelas
Lumang Tsinelas
Miyerkules. Nagkakagulo ang mga kargador sa pamilihang bayan ng Santa Inez, araw ng pamilihan at tulad ng nakagawian, nagtutuksuhan at nagbibiruan na naman sila habang naghihintay ng mga namamalengke. Bawat isa ay bitbit ang pag-asang may mangangailangan sa kanilang serbisyo. Mataas na ang sikat ng araw, ang kanilang mga suot na damit ay mamasa-masa na sa pawis at ang ilan sa kanila ay nangangamoy na ang mga kilikili. Naghalo ang pawis at alikabok, nangangamoy araw ngunit hindi nila ito alintana dahil bahagi ito ng paghahanap nila ng kakarampot na pera. Mainit na sikat ng araw, mabigat na pasanin, maalikabok at mausok na daan para sa konting kita. Ang ilan ay nakukuba na sa trabahong ito tulad ng animnaput-dalawang taong gulang na si Mang Ifan na pilit kinakaya ang pagbubuhat ng mabibigat para lamang may pangkain. Dahil sa kahirapan, hindi maiwasang mainggit sila sa mga taong maraming pinamili ngunit hanggang doon lamang iyon dahil yun din naman ang kanilang pinagkakakitaan. Kapag konti ang pinamili, wala silang bubuhatin. Ang biruan at tawanan na ginagawa nila ngayon ay pansamantalang nakakagamot sa kanilang hirap at gutom habang sila ay naguumpukan sa isang gilid ng labasan ng palengke maliban kay Marcon na abala sa pag-aayos sa kanyang lumang tsinelas. Paminsan-minsa ay nagmamasid lamang ito sa kanyang mga kasamahan, hindi siya nakikipag-usap o nakikipagbiruan man lang sa kanila. Mag-iisang buwan pa lamang ang labinpitong taong gulang na si Marcon sa ganitong trabaho at dahil medyo maliit ang kanyang pangangatawan, nahihirapan siyang magbuhat lalo na iyong mga mabibigat na kargamento. Alas singko y medya palang ay nasa palengke na siya nakabuntot sa mga namamalengke, nagbabakasakaling may gustong magpabuhat sa kanya. Nakakaramdam na siya ng pangangalam ng sikmura ngunit hindi niya ito binibigyan ng pansin dahil kanina pa niya binabantayan ng tingin ang isang ale na marami na ring pinamili at nang mapansin niyang parang lalabas na ito, biglang siyang tumakbo palapit dito na siyang ikinagulat ng iba pang kargador. Mabuti na lamang naayos na niya ang kanyang tsinelas. Nagbunga ang kanyang pagmamatyag, pumayag ang ale na magpabuhat ng mga pinamili nito ngunit napalunok si Marcon ng makita niyang may isang sako ng bigas pala itong kasama. Itinayo ni Marcon ang sako ng bigas at isinandal ito sa kanyang mga tuhod. Napaisip siya kung papaano niya ito ipapasan sa kanyang balikat. Huminga siya ng malalim at ubos lakas na binuhat ang bigas ngunit hanggang beywang lamang niya ito umabot. Lingid sa kaalaman ni Marcon ay kanina pa pala siya pinapanuod ng kanyang mga kasama at naghagalpakan ng tawa ng makitang hindi niya ito maiangat, mabuti na lang tinulungan siya ng tindero ng bigas na ipasan sa kanyang kaliwang balikat ang bigas sa kanyang pangalawang pagtangka.
“Baka hindi mo kaya yan, ibigay mo na lang sa amin.” tuya ng isang kargador.
“Malalasog na ang mga buto mo o.. oh.” sabi ng isa pa. “TB bagsak mo nyan.”
Muli siyang nakarinig ng tawanan.
Kubadong-kubado si Marcon sa kanyang buhatbuhat at dahil nakayuko muntik pa siyang mahagip ng isang rumaragasang dyip habang patawid ng kalsada, mabuti na lang may pumigil sa buhat niyang bigas. Naibagsak niya ang karga ng makarating sila sa may sakayan. Mabuti na lang hindi ito sumabog. Inabutan siya ng ale ng sampung piso.
“Salamat ho.” sabi ni Marcon pagkatanggap niya ng pera. Nanlumo siya.
“Boy, mukhang nahihirapan ka sa pagbuhat,” sabi ng ale kay Marcon habang ibinababa sa mukha ang suot na pulang bonnet upang mapunasan ang pawisang mukha. “magpalaki ka ng katawan. Isang sakong bigas pa lang hirap ka na.”
Tila hindi na narinig ni Marcon ang mga huling sinabi ng ale. Nawalan siya lalo ng lakas dahil sampung pisong ibinigay sa kanya. Malapit ng magsara ang palengke, otsenta y singko pesos palang ang laman ng kanyang bulsa. Kailangan niyang magkumahog para may maiuwi siya sa kanila. Bumalik sa palengke si Marcon ngunit hindi na siya pumuwesto sa kinatatayuan niya kanina. Nagpaikot-ikot siya sa loob para makapaghanap ng magpapakarga. Wala na rin ang mga kargador sa kanilang kinatatayuan kanina, nasa loob na rin ang mga ito kagaya niya upang maghanap ng magpapakarga, at dahil dito lumiit lalo ang pagkakataon niya upang kumita. Sa kabila ng kahirapan di hamak na mas malaki ang katawan ng mga kasamahan niya. Nakakuha ulit siya ng kargada, isang sakong asukal naman ngayon at napakalayo ng pinagdalhan kaya naman pagbalik niya ay isang beses na lamang siyang nakapagbuhat. Wala ng tao sa palengke maliban sa mga tindero’t tindera na abala sa pagsasara ng kanilang mga tindahan. Lumapit si Marcon sa pasarang tindahan ng bigas habang binibilang ang kanyang kinita. Siyento beinte lahat. Mas malaki ng konti kesa noong isang araw.
“Pabili ngang isang kilong bigas, yung tigbente singko lang.” Nakatingin si Marcon sa mga delata ng sardinas na nasa estante.
“Ano pa?”
“Dalawang Payless, isang 555 at isang kamatis. Magkano lahat?”
Bitbit ang pinamili na nakasupot sa plastic, dumaan muna sa botika si Marcon bago tumuloy sa pilahan ng dyip na bibiyahe sa kanila. Sa isang iskwater na malayo sa bayan nakatira si Marcon. Sa looban kung tawagin dahil nasa pinakaloob na ito ng iskwater area. Makipot ang daan patungo sa kanila, mabaho at madulas dahil sa kanal ng tubig na hindi umaagos na nasa gilid ng eskinita. Dahil dito isang tao lang ang makakadaan, kailangang huminto at padaanin ang makasalubong bago makaraan at kung hindi ay tiyak na magkakapalit ng mukha ang dadaan. Ilang eskinita’t kaliwa’t-kanan pa ang binaybay ng nakayuko at nagmamadaling si Marcon, umiiwas na baka makursunadahan siya ng mga istambay. Ang maliit na bahay nila na gawa sa pinagtagpi-tagping lumang yero na nabili niya sa junkshop ay nasa gilid ng isang maliit na basketball court . Kinalas niya sa kadenang nakakandado ang isang basyo ng container ng krudo at nag-igib ng tubig sa tindahan bago siya pumasok ng bahay. Limang piso ang bayad sa isang container ng tubig. Pagkabayad ay binilang niyang muli ang perang nasa bulsa niya. Napailing siya. Mangilid-gilid ang luha. Ibinaba niya sandali ang bitbit na tubig pagkapasok niya ng bahay at tumuloy sa isang kama na nasa gilid ng bahay kung saan nakahiga ang kanyang ama.
“Tay, kumusta po ang pakiramdam niyo?” bati niya sa ama. “Bumili ako ng dalawang tableta ng Myambutol, inumin niyo ang isa mamaya pagkatapos nating kumain.”
Sasagot sana ang amang nakahiga ngunit inatake ito ng ubo na para bang ang bawat pag-ubo niya ay hinihimay ang kanyang baga. Hirap na itinaas ang palad at hinaplos sa pisngi si Marcon bilang pasasalamat sa pagdating ng anak.
“Iwan ko muna kayo, Tay,” paalam ni Marcon. “maliligo lang ako sandali. Ang kapal-kapal ng alikabok sa paa ko gawa ng tigang na lupa sa palengke. Magluluto na ako mamaya ng panghalian natin.”
Tumango lang ang may sakit na ama.
“Gusto niyo ba ng sabaw? Bumili ako ng Payless.”
Nagtungo sa isang sulok ng bahay na nagsisilbing paliguan si Marcon. Isinabit ang isang malaking kumot sa isang nakausling pako bilang panakip. Nagsimula siyang maghubad. Tinaggal ang suot na bonnet, dahan-dahang umalpas sa kanyang mga balikat ang mahaba at nanlalagkit sa pawis na buhok. Sumunod na tinanggal ang maluwag na T-shirt at kupas na pantalon. Naninikip at kumikirot na ang kanyang mga dibdib dahil sa nakapulupot na dalawang metrong bandage na ninakaw niya sa sampayan ng kanilang kapitbahay. Sapo niya sa palad ang kanyang mga nananakit na dibdib na nasa loob pa ng suot niyang manipis na bra. Nagbuhos si Marcon pagkatapos mahubad ang lahat ng suot, at kasabay ng pag-agos ng malamig na tubig sa kanyang pagal na katawan ay ang pagtulo ng mainit na luha sa kanyang magkabilang pisngi.
“Bukas sa bayan ng Manalig, makakarami ako.” bulong niya sa sarili.
xxx
6 Hulyo 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment