Saturday, February 20, 2010

Ang Alamat ng Babae (Ayon kay Abe)


Biyernes. Alas otso y medya ng gabi. Sa Absurdus Cafe. Katamtaman ang liwanag ng paligid gawa ng mga ibat-ibang kulay ng ilaw. Mausok. Ang ingay ng mga tao ay sumabay sa tugtog ng Killing An Arab ng The Cure. Tulad ng dating nakagawian tuwing sasapit ang araw na ito, nakaumpok na naman sa harap ng isang maliit at bilog na mesa ang matalik na magkakaibigang Bert, Tonio at Eli. Nasa harapan nila ang ilang bote ng beer, isang platitong adobong mani, sisig na nasa sizzling plate, dalawang kaha ng sigarilyo, lighter at ashtray na nag-uumapaw na sa abo at upos. Mukhang ganado ang tatlong magkakaibigan. Nagkakasiyahan sa muli nilang pagkikita. Ang tatlo ay matagal nang magkakakilala at napagkasunduan nila noon pa na tuwing araw ng Biyernes sila ay magkikita-kita dito upang mag-inuman, na mas masarap kapag sinamahan ng kuwentuhan at kulitan kapag napapadami na ang naiinom na alak.

“Tol, naaalala niyo ba si Karen? Yung kaklase natin noon sa college?” simula ni Eli. “Nakalimutan ko palang ikuwento sa inyo na nagkita kami ilang linggo na ang nakaraan at nagpalitan ng number. At madalas kaming magkita ngayon.”

“Nakalimutan o ayaw mo lang ikuwento? biro ni Abe.

“Hehehe, hindi ko muna ikinuwento.” sagot ni Eli habang nakatingin sa kanila si Tonio na tila malalim ang iniisip.

“Noong una, nagpasundo sa akin sa SEU, nag-eMBA pala. Tamang-tama libre ako noon. Kumain kami sa labas, kuwentuhan. Hiwalay na pala sila nung boyfriend niya noong college. Apat na taon din daw silang nagsama. Nasayang yung halos walong taon nilang relasyon. Akala natin noon sila na talaga ang magkakatuluyan, di ba? Seloso daw kasi. Ayun, kailangan niya yata ng isang kaibigan na napagkukuwentuhan. Okey naman, enjoy siyang kasama. Nandoon pa rin yung kulit niya, nagmature nga lang. Noong Lunes, magkasama ulit kami, nandoon ako sa boarding house niya, kuwentuhan, inabot kami ng gabi doon. Shot kami ng tigalawang bote ng San Mig Light.”

“Teka, alam ba yan ng girlfriend mo? tanung ni Abe. May girlfriend si Eli, Anne ang pangalan. Halos mag-iisang buwan pa lang sila kaya hindi pa masyadong kilala ng dalawang kaibigan.

“Hindi. Nasa probinsiya siya ngayon. Doon muna siya habang wala pang nakikitang trabaho dito.” sagot ni Eli sa tanung ng kaibigan. “Pero noong isang araw, nagtext siya sa akin, tinatanung kung nasaan ako, sabi ko sinamahan ko lang yung kaibigan ko na girl kasi naghiwalay sila ng boyfriend niya. Kailangan niya daw ng kausap.”

“O, anong sabi niya?” usisa ni Abe habang nakatingin kay Tonio na hanggang ngayon ay tahimik pa rin at parang sa bote lang nakatuon ang pansin.

“Sabihin ko daw kay Karen, it’s not her lost. Ganun lang.” dugtong ni Eli.

“Okey yun, ah.” Tila bilib na bilib na sabi ni Abe. “Walang violent reaction?”

“Wala. Mabait yun.”

“Eto pa tol..” nakangiting dagdag kuwento ni Eli, “parang nahuhulog na ang loob ko kay Karen. Napapadalas na ang pagkikita namin, paano naman kasi wala si Anne mag-iisang buwan palang kami tapos madalang pa kami magkasama. Si Karen tuloy ang lagi kong kasama ngayon. Hindi ko naman matanggihan kapag nagyaya siya at gusto ko din siyang kasama.”

“Masama yan!” sabat ni Tonio na siyang ikinagulat ng mga kaibigan, nakikinig pala.

“Oo nga eh,” pag-amin ni Eli, “kagabi magkasama na naman kami. Nasa sala kami ng boarding house niya, kuwentuhan ng kung ano-ano lang, palipas oras. Wala naman nakikialam sa amin doon dahil tatlo lang silang nakatira, kilala na nga ako ng mga kasama niya sa bahay. Maya-maya, nagyaya si Karen sa taas, sa kanyang kuwarto, nagulat ako. Gusto niyang ipakita sa akin yung mga collection niya ng poetry books at mga photo album. Nag-alangan ako nung una, pero sumama na rin ng pilitin niya ako. Nakangiti nga, nakita niya na naalangan ako. Inilabas niya ang mga photo albums, magkatabi kami sa kama habang isa-isa naming tinitignan ang mga pictures niya sa mga lakaran ng org niya ngayon. Paminsan-minsan, nagkakatitigan kami. Nagpapalitan ng ngiti. Parang nanunubok sa isa’t-isa. Hindi ako mapakali, amoy na amoy ko yung bango niya, kung anu-ano ang tumatakbo sa isip ko habang naroon siya sa tabi ko at nasa kama kami at walang tao sa ibaba. Minsan pinaparamdam ko na nga sa kanya na panay ang buntong-hininga ko baka sakali maramdaman niya na parang o may gusto akong gawin o mangyari na ayokong sa akin mag-umpisa. Ang hirap mga tol. Alam niyo ba yung ganoong pakiramdam? Yung may gusto kang gawin pero parang alanganin, baka hindi tama o ayaw niya. Dahil pinagkakatiwalaan ka niya. Kaya ka nga niya niyaya sa kuwarto dahil may tiwala siya sa yo, di ba? O baka may gusto rin siyang gawin nyo? Ano sa tingin nyo, tol?” tanung ni Eli ngunit hindi na siya naghintay ng sagot dahil ipinagpatuloy niya ang kuwento.

“Gusto ko pang magtagal doon sa kuwarto niya, nakita ko yung playstation niya sa isang tabi. Sabi ko, laro muna kami nang kahit ano. Nakasandal ako noon sa dingding habang nakaunat ang mga binti ko sa kama nang biglang dumapa siya sa mga binti ko habang inaabot niya ang mga bala ng PS. Itinaas ko ang mga kamay ko at ipinatong sa gawing itaas ng puwit niya habang hawak ko ang isang libro at kunwari binabasa ko habang namimili siya ng bala. Pinagpawisan yata ako noon kahit na malamig sa loob ng kuwarto dahil naka-on ang aircon. Ramdam na ramdam ko ang lambot ng kanyang likod at puwit. Pero binalewala ko yon, mga tol. Gentleman ako eh. Wala sa paglalaro ng PS ang concentration ko noon. Nag-iisip ako. Tanga ba ako? Manhid? May motibo ba siya sa kanyang pagyaya sa akin sa kanyang kuwarto? Hindi ba’t malungkot siya, nangungulila? Bumabalik lang ang diwa ko kapag sinisiko niya ako o pinapalo sa hita dahil natatalo ako. Pasado ala una na rin ng madaling araw noong magpaalam ako sa kanya. At tuwing nagpapaalam ako, nalulungkot siya. Naging palaisipan din sa akin ang gabing iyon. Ano kaya kung kumilos ako? Ano kayang nangyari sa amin?”

Naiiling na lang ang dalawang kaibigan na siryosong nakikinig sa kuwento ni Eli. Hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin ng mga iling na yon.
“Sana sinubukan mong gawin kung anuman yung gusto mo. Malay mo gusto pala niya kaya ka niya niyaya sa taas.” sabi ni Abe.
“Alanganin ako eh, mahirap na. Saka na lang, hehehe,” sagot ni Eli sa kaibigan. “bukas tol may usapan na magkikita ulit kami. Nagyaya siyang lumabas. Ano sa tingin niyo?” dagdag pa ni Eli habang nakangiti at may kasamang kindat.

“Tsk, tsk, tsk.. hayop, ibang klase yan ah,” nailing na sabi ni Tonio. “You’re on fire.”

“Ba’t hindi na lang kayo, total magkasundo naman kayo?” usisa ni Abe.

“Tol, nandiyan si Anne eh. Mahal ko siya.”

“Ganun ba” Sige, balitaan mo na lang kami, pero mas kilala ko si Karen kesa kay Anne. Boto ako kay Karen.” sabi Abe na habang patagay sa kanyang bote. “Sige, shot pa tayo. Ikaw bro, ba’t tahimik ka kanina pa? May problema ba?” usisa niya kay Tonio.

“Split na kami ni Pam, bro” sagot ni Tonio. “Sa mismong ika-18 monthsary namin at ang malupit nito sa email lang niya sinabi na ayaw na niya. Na split na kami. Na kesyo, wala daw patutunguhan ang relasyon namin. Naglalaro lang daw kami, sayang daw ang panahon niya. Wala daw siyang future sa akin. Mahal pa rin daw niya yung ex niya at kung anu-ano pang sinabi para pasakitan ako.” maypait na kuwento ni Tonio sa mga kaibigan. Natahimik ang mga ito, nakikiramay sa sinapit niya.

“Alam niyo ba kung anong isinagot ko sa email niya? tanung ni Tonio sa mga kaibigan.

“Ano?” usisa nila.

“Fuck You!!! I don’t wanna hear from you again!”

“Hahaha.”

“Hayan mo na, bro. Hindi siya worth ng mga paghihirap at sakripisyo mo. Ginawa mo naman lahat. Mabuti na rin yon para sa iyo. Ang dami diyan, makakahanap ka rin ng simple lang ang pangangailangan.” alo ni Eli sa nabigong kaibigan.

“Oo, tol..” dagdag ni Abe, “pahinga ka muna. Ang tagal din niyo. Hindi ba’t naghiwalay na kayo noon?

“Oo, dalawang buwan na ang nakaraan, nagkabalikan kami ng isa’t kalahating buwan tapos eto na. Ewan ko ba doon, nakipagbalikan tapos makikipaghiwalay din. Ang labo niya. Bakit pa siya nakipagbalikan noon?” Pero lingid sa mga kaibigan, may teorya na si Tonio na ginamit lang siya ng kanyang girlfriend noong panahon na iyon sa kanyang mga pangangailangan kaya siya binalikan at noong tapos na ang silbi niya, muli siyang hiniwalayan. Minsan may mga babaeng ganoon, pag minalas-malas ka, makakatagpo ka ng tulad ng girlfriend, ex pala ni Tonio at huli na bago mo pa malaman na ginamit ka lang pala.

“Hayaan mo na, tol. Lilipas din yan. Pahinga ka muna. Isa’t-kalahating taon din yon.” sabi ni Eli.

“Oo, relaks-relaks ka lang muna.” dagdag ni Abe habang inuumang niya ang kanyang bote kay Tonio para magkampay. Isinalubong nina Eli at Tonio ang kanilang mga bote at sabay-sabay na tumagay.

“Kaya ako, hindi muna..” simula ni Abe habang nagsisindi ng sigarilyo. “Pahinga muna ako sa ganyan. Masarap din yung nag-iisa, malaya ka kahit anong gusto mong gawin. Tignan niyo ako. Libre. Walang nagtatanung kung nasaan ka, anong ginagawa mo. Walang sumisita at umaaway sa iyo kapag ginagabi ka kasama ang barkada. Walang nagseselos sa basketball at gitara. Walang nagbabawal na sumama sa mga kaibigang babae. Walang away kung hindi ka nakapagtext back. Masarap din yung sarili mo lang ang iniisip mo. Yung sa iyo lang napupunta ang pinagpapaguran mo. Walang bilmoko. Di ba?” pangungumbinsi pa niya.

Wala sa sariling napapatango si Tonio sa mga sinabi ng kaibigan na obvious na nasaktan na rin ito sa pakikipagrelasyon dahil sa kanyang mga sinabi.

“Pero hindi naman lahat ng babae, ganoon bro.” di pagsang-ayon ni Eli sa mga sinabi ni Abe. “Meron din namang matitino.”

“Sus, nagsalita ang playboy.” sagot ni Abe. “Basta ako, wala muna. Sige, shot pa tayo. Bakit ang bagal mo yatang uminom ngayon tol? tanung niya kay Tonio. “Inom ka lang ng inom, celebrate tayo sa freedom mo.” biro pa niya.

“Eto may kuwento ako sa inyo para masaya tayo at kung bakit ayokong makipagrelasyon, hehehe.” bida niya habang nakatawa. Halatang tinamaan na ito sa kanyang iniinom dahil makulit na siya na hindi naman pinapansin ng mga kaibigan dahil sanay na sila sa ugali niya kapag nakakainom, madaldal na ito. “Ang Alamat ng Babae ang title.”

“Ayon sa kuwento, May isang paraiso sa lupa noong unang panahon, siyempre. May mga halaman, hayop, insekto, lamok, paru-paro. Kasama din si Haring Araw at Buwan. Napakaganda ng paligid, kulay berde gawa ng mga naggagandahang mga bulaklak at halaman. Nagsisipaghuni ang mga ibong pipit. At sa isang lugar na kung tawagin ay Hardin, ginawa ng Haring Araw ang kauna-unahang lalaki. Dumaklot siya ng alikabok mula sa kalawakan at hinubog niya ito sa isang bagay na wala pa noong pangalan dahil noon pa lang niya ito gagawin. Pagkatapos hubugin ang alikabok..” pinutol ni Abe ang kanyang pagkukuwento ng may magandang babae na dumaan sa kanilang harapan. Nagsindi siya ng sigarilyo, humitit ng malalim hanggang sa lumubog ang magkabilang pisngi nito at hindi pa man naibubuga ang usok, dinampot niya ang kanyang bote at itinagay ang natitirang laman.

“Saan na tayo?” tanung niya sa mga kaibigang nakatitig sa kanya.

“Pagkatapos mahugis ang alikabok..” atat na sabi ni Eli. Habang hinahagilap sa kanyang paningin ang waiter na kanina pa nawawala upang umorder ng isang pang bucket ng beer para sa mahaba-habang kuwentuhan nila.

“Okey, pagkatapos hubugin ang alikabok, binugahan ito ni Haring Araw ng mga bituin at presto! Ito’y naging isang tao, lalaki at tatawagin natin siya Malakas. Humayo ka sabi ni Haring Araw sa kanyang nilalang. Naglakad-lakad si Malakas hanggang siya ay mapagod at umupo sa isang malaki at matigas na tipak na akala niya ay bato ngunit ito pala ay isang natuyong tae ng dinasour. Siya ay nalulungkot habang pinagmamasdan ang mga naglalarong mga hayop sa kanyang paligid. Napansin ito ni Haring Araw. Nalulungkot si Malakas sabi ng Haring Araw. Hayaan mo gagawan kita ng kalaro. Linapitan niya si Malakas at bigla siyang humugot ng isang tadyang ni Malakas at habang pinupunasan ni Haring Araw ang tadyang, abala si Bantay at Muning sa kanilang paghahabulan na noon ay matalik pang magkaibigan. Arf, arf, arf kahol ni Bantay na sinagot naman ni Muning ng meow, meow habang namumungay ang mga mata nito sa kilig dahil sa harutan nila ni Bantay. Nang wala ng bahid ng dugo ang tadyang na hawak ni Haring Araw at bubugahan na sana niya nang biglang tumalon si Bantay at sinakmal ang tadyang. Nagulat si Haring Araw at Malakas sa bilis ng pangyayari. Umupo sa isang tabi si Muning dahil sa hiya sa ginawa ni Bantay. Hinabol ni Haring Araw si Bantay habang sumisigaw ito na ibalik sa kanya ang tinangay na tadyang. Tumatakbo pa rin si Bantay na akala niya ito ay isang laro. Binilisan pa ni Haring Araw ang pagtakbo at nang malapit na niyang abutan si Bantay, sinunggaban niya ito sa binti upang hindi na ito makatakbo ngunit nagkakakawag si Bantay, gustong kumawala at bago nakuha ni Haring Araw ang tadyang, muling nakawala si Bantay mula sa kanyangpagkakahawak at paika-ikang lumayo dahil ang isa sa paa niya sa likod ay naputol at hawak-hawak ngayon ni Haring Araw. Nakalayo na si Bantay kaya nagpasya si Haring araw na itigil na ang paghabol sa aso. Umiiling na bumalik si Haring Araw sa kinatatayuan ni Malakas at habang naglalakad siya sinisipat-sipat niya ang hawak na paa ni Bantay nang biglang lumiwanag ang kanyang mukha. Nagkaroon siya ng magandang ideya.

“Pwede na ‘to.” sabi niya habang linalaro-laro sa kamay ang paa ni Bantay. “Huwag kang malungkot.” sabi niya kay Malakas.

Pinutol ni Abe ang kanyang kuwento upang tumagay ng beer. Nanuyo yata ang lalamunan dahil sa haba ng kuwento niya. “Tol. beer pa. Mahaba-habang inuman ito.” sabi niya pagkatapos itungga ang bote, ipinagpatuloy niya ang pagkukuwento sa kanyang dalawang kaibigan at sa dalawang babaeng kakilala nila na lumipat sa kanilang mesa. Lalo siyang ginanahan sa pagkukuwento dahil sa dalawang babaeng nakikinig sa kuwento niya.

“Sige ako ng bahala. Ituloy mo ang kuwento.” Utos ni Eli habang nakikipagngitian sa isa sa bago nilang kasama sa mesa.

“Okey. Tuloy natin.” pagpapatuloy ni Abe sa kanyang kuwento. “Huwag kang malungkot sabi ni Haring Araw kay Malakas. Pinunasan ni Haring Araw ang paa ni Bantay at binugahan ng mga bituin. At Presto! Ang paa ni Bantay ay naging si Maganda. Natulala si Malakas sa kanyang nakita. Hindi siya makakilos sa kanyang kinatatayuan dahil sa ganda ng kanyang kapareha. Itinulak siya ng mga hayop palapit kay Maganda at sila ay magkahawak kamay na lumayo. Nakangiti si Haring Araw sa magandang kinalabasan ng kanyang obra. Hindi na malulungkot si Malakas sabi niya. Babalik na sana si Haring Araw sa kalawakan ng makita niya si Bantay na hirap na hirap sa paglalakad habang inaaalalayan siya ni Muning. Wala na rin ang tadyang na tinangay niya kanina at dahil hindi marunong magalit si Haring Araw lumapit siya kay Bantay. Namulot siya ng mga tuyong dahon at hinubog niya ito na hugis binti ng aso, pinatuyo at pagkatapos ay ikinabit sa putol na hita ni Bantay. Namangha ang lahat ng mga hayop na nakasaksi. Nagsigawan sila sa tuwa dahil nakakatakbo na muli si Bantay. Arf arf arf kahol niya. Pagkatapos noon, bumalik na si Haring Araw sa kalawakan upang magpahinga. Habang ang mga hayop naman sa lupa ay patuloy sa kanilang kasiyahan. Balik sa harutan at habulan sina Bantay at Muning. Si Malakas at Maganda naman ay magkahawak kamay na naglalakad sa dalampasigan.

Ilang sandali pa ang nakalipas, dahil sa pagod nagpaalam muna si Bantay kay Muning upang umihi. Naglakad palayo si Bantay at nang matiyak na wala ng nakakakita sa kanya, itinaas niya ang kanyang isang paa sa likuran upang hindi mabasa sa kanyang pag-ihi at pagkatapos ay muling bumalik sa kasiyahan.”

“Dito nagwawakas ang kuwento," sabi ni Abe. "ngayon alam na natin kung bakit nakataas ang paa ng mga aso tuwing sila ay umiihi.”

“Oo, baka mabasa ang mga dahon, hehehe.” sabi ng isang lalaki sa kabilang mesa na kanina pa nakikinig sa kanyang kuwento.

“At alam na rin natin ngayon kung saan galing ang mga babae, sa paa ng aso.” pagtatapos ni Abe na nakangiti dahil pati ang mga katabing mesa ay nakikinig sa kuwento niya.

Habang nagtatawanan ang lahat ng mga lalaking nakinig sa kuwento niya, isang babae ang lumapit sa kanya at ubod lakas siyang sinampal na ikinagulat ng lahat ng naroon. Walang nakaimik, natigil ang tawanan habang ang babae ay naglalakad na nakataas ang noo pabalik sa kanyang upuan.

Himas-himas ni Abe ang namamaga niyang pisngi. Napapailing na lang siya habang nakatingin sa babaeng sumampal sa kanya.

Nawala ang tama ng beer.

Wakas!

20 Pebrero 2010

No comments: