Friday, February 12, 2010

Ang Babaeng May Magandang Ilong



Isang umaga, gumising na lang siya sa ibang silid-tulugan.

Ang paligid ay nababalot ng kulay pula, pulang dingding at kisame, pulang kumot at punda ng unan, may mga bulaklak at dahon ng rosas na nalalanta, mga libro at mga CD’s, ngunit alam niyang ang mga ito ay hindi sa kanya sapagkat ang mga pamagat ay hindi niya gusto. Wala rin siyang basag na ashtray na punong-puno ng upos ng sigarilyo o ng kabinet na tulad nang nasa sulok ng silid-tulugan.

Iba ang may-ari ng silid-tulugang ito.

Ito ay pag-aari ng babaeng may magandang ilong na nakahiga sa kanyang tabi. Ang babaeng walang saplot sa katawan, medyo bukas ang bibig at nakapikit pa ang mga mata. Malabo ang kanyang alaala tungkol sa mga nangyari kagabi dahil sa amoy at kapal ng usok at lasa ng alak. Mga alaalang unti-unting bumabalik mula sa isang bar at mga pag-uusap tungkol sa sex at musika. Alaala ng isang kumot na yari sa seda, malambot na kama, paghangos ng hininga dahil sa pagod, pagtaas-baba ng kanyang likuran at pagsaliksik nila sa kanilang mga katawan.

Pinagmamasdan niya ang babae habang ito ay natutulog at napagnilay-nilay na maaari niyang ibigin ito.

Madali lang. Paggising niya, sasabihin niya habang hinahaplos ang pisngi ng babae ang mga katagang, “Mahal na Kita.” Ngingiti lang siya. Yayayain niya itong lumabas para mag-almusal pagkatapos ay manunuod sila ng sine. Ibibili niya ang babae ng popcorn. Tuwing Sabado at Linggo, sila ay maglalakad sa park at pagsapit ng dilim sila ay matutulog sa nakakatawang kuwarto na ng kulay pula ang dingding. Bukas-makalawa kasal na sila, may mga away tungkol sa pera at trabaho at mga pagbabago sa buhay niya. May mga bata, pagpapalit ng diaper, paglalaba, sino ang gigising sa madaling-araw para magtimpla ng gatas, practice ng mga bata sa sayaw, sundo, hatid. May mga hugasan, binyagan, kaarawan, lamay at mga kasinungalingan. Kapag minalas hiwalayan.

Napakadali ang lahat.

Paggising ng babaeng may magandang ilong, ito ay nag-inat, ngumiti at parang nahihiya pa dahil sa mga nangyari sa kanila kagabi, hindi na siya kumibo at nagsalita. Habang sila ay nagbibihis at tila nahihiyang lumingon sa kanyang likuran, tinanong siya ng babae kung gusto niyang mag-almusal. Sinagot niya ito na kailangan na niyang pumasok sa trabaho at pagkatapos humalik sa pisngi ng babae, nagmamadali na siyang umalis.

Paglabas ng bahay, nakita niyang napakaganda ng panahon, maaliwalas ang kalangitan, may araw ngunit hindi masakit sa balat ang sikat nito, hindi pa gaanong maingay ang mga sasakyan sa kalsada.
Habang naglalakad siya pauwi, napaisip siya kung siya ba ay masamang tao? Kung maganda ba yung bagong album ng U2, kung kailan ulit siya makakagimik.

Naisip niya din ang teorya niyang ang bawat isa sa atin ay mamamatay na mag-isa.


Wakas!

No comments: