Saturday, February 6, 2010

Ang Babae sa Panaginip



Paglabas ko ng gusali, nakita ko kaagad siya sa kabilang kalsada, nakapayong siya kahit hindi naman umuulan, siguro ayaw niyang maarawan. Tumawid ako sa kalsada, alam ko nakita din niya ako kanina paglabas ko dahil habang patawid ako, nakikita ko sa gilid ng aking mga mata na nakatingin siya sa akin. Naglakad ako patungo sa kinaroronan niya, gusto ko siyang sorpresahin, kunwari hindi ko siya nakita kanina at ngayon ko lamang siya makikita ngunit paglapit ko, biglang naglaho ang plano nang makita ko ang napakaamo niyang mukha at nakangiti siya ng pagkatamis sa akin. Sa pagkakatitig palang niya sa akin, parang matatanggal na lahat ang mga dala-dala kong problema at agam-agam. Hindi nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha, niyaya niya kaagad akong maglakad, hindi na ako nakatanggi, napuna ko kasi na nasa tapat kami ng parke, siguro gusto niyang maglakad-lakad muna, maganda kasi ang paligid, mapuno at magaganda ang mga halaman at bulaklak. Tumikhim ako, may gusto sana akong itanong ngunit nahihiya na ako, apat na beses na kasi kaming nagkita at magkasama, pang-apat ngayon, ngunit hindi ko pa rin alam ang pangalan niya. Nahihiya na akong itanong dahil baka maoffend ko siya, siguro alam niyang alam ko na ang pangalan niya at malalaman ko din naman sa mga darating na panahon, baka sakaling may tumawag sa kanyang pangalan.

Ang nakapagtataka nito, apat na beses na kaming magkasama ngunit hindi ko pa rin alam ang pangalan niya at ang lahat ng mga pangyayaring ito ay sa panaginip ko lamang. Sino ang babaeng ito? Bakit palagi ko siyang napapanaginipan? Dahil sa makailang beses ko na siyang napapanaginipan, tumanim na sa isip ko ang kanyang pisikal na anyo, pisikal nga ba ang tawag doon kung sa panaginip naman lahat ito naganap o nagaganap? Maiksi ang kanyang buhok, gupit lalake, maaliwalas ang mukha, bilugin ang mga mata na sa tingin ko nagkikislapan kapag nakangiti siya at napapaligiran ng mahahabang pilik-mata, mamula-mula ang kanyang mga pisngi, maliit at katamtaman ang tangos ng ilong, makipot at mapulang mga labi.

Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa napagod siya at magyayang magmiryenda. Nakita kong nakaupo kami sa isang bangko nang makabili kami ng makakain at nagkuwentuhan ng kung anu-ano lang dahil malabo sa akin ang mga pinag-uusapan namin, naghalo yata ang diwa kong gising at ang tulog na kamalayan dahil malabo, hindi ko maihayag ang mga salita, tanging mga kilos lamang namin ang mga napapansin ko. Maya-maya lang, may lumapit daw sa amin na isang kakilala niya yata at nag-usap sila sandali kaya nawala lalo ang focus ko sa kanya hanggang sa gumising ako mula sa pagkakatulog. Gusto ko pa sanang matulog muli at nagbabakasakaling masagot ang mga katanungan ko ngunit tinalo ako ng pag-iisip kung sino ang babaeng iyon at bakit ilang beses ko na siyang nakasama sa panaginip.

Hindi ko sana bibigyan ng pansin kung isang beses lang nangyari ngunit ibang kaso ito, apat na beses. Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip na yon? Kung malikot ang pag-iisip mo kikilabutan ka. Gusto ko tuloy itanong sa naunang gumamit sa hinihigaan ko ngayon kung may mga ganitong panaginip din siya, baka kako minamaligno ako.

Napakahiwaga talaga. Nararamdaman ko, hindi pa iyon ang huling pagkikita namin. Alam ko muli niya akong dadalawin sa panaginip… at alam ko, iiwasan kong mahulog ang loob ko sa kanya. Ilang gabi na rin ang nakalipas…

Naghihintay ako... hanggang sa muli.

xxx

19 Enero 2010


Halaw ang larawan sa: http://latimesblogs.latimes.com/photos/uncategorized/2009/02/19/dreams.jpg

No comments: