Thursday, February 4, 2010
Sa Tabi ng Naghihingalong Matanda
May mga bagay na hindi pwedeng kalimutan. Tulad ng nangyari sa akin sampung taon na ang nakaraan sa bayan ng Buenavista. Alam niyo ba ang ibig sabihin ng Buenavista? Magandang tanawin. Sampung taon na. Napakabilis ng panahon, parang kailan lang. Buwan noon ng Abril, tag-araw, mainit. Hindi lang ang panahon ang mainit sa panahong iyon. Mainit ang kalagayan sa buhay, ang sitwasyon, ibig kong sabihin hindi naaayon sa gusto ko ang mga nangyayari sa buhay ko noon. Magulo. Kaya tumakas ako pansamantala. Nagpalamig. Sakay ng aking lumang kotse, dala ang ilang gamit, binaybay ko ang kahabaan ng kalsada patungong hilaga. Wala akong plano noon kung saan mapunta. Basta saan padparin, bahala na. Nakakatukso rin ang ideya noon na ikutin ang buong Luzon. Bakit hindi, tignan natin.
Martes, Miyerkules… Sabado, Lunes. Isang linggo. Dalawang linggo. Hindi ko na binilang kung ilang araw na ako sa daan. Walang namang pressure. Katamtaman lang ang takbo araw-araw. Hindi kailangang magpatulin. Relax lang. Samantalahin ang ganda ng mga tanawin. Kung nalilibang ako sa isang lugar, naglalagi ako ng ilang araw tulad ng ginawa ko sa Buenavista. Doon ko nakilala ang isang kaibigan. Katulad ko rin siya, naghahanap, o may tinatakasan.
Tulad ng nabanggit ko kanina, buwan ng Abril iyon. Mainit ang panahon kahit nasaan ka. Nakatayo ako sa isang maliit na silid ng isang ospital kung saan isang limamput-anim na taong gulang na matandang lalaki ang naghihingalo. Nasa tabi ko ang dalawang nurse, isang doktor, dalawang attendant at isang pari. Habang palapit ang katapusan para sa matanda, hiniling ng pari na kami ay yumuko at manalangin. Hiniling ng pari na kunin na ang kaluluwa ng matandang nakahiga. Umusal ako ng sarili kong panalangin. Sinabi ko sa Panginoon na huwag pakinggan ang pari at hayaan ang kaluluwa ng matanda sa kanyang katawan. Yon lang ang kaisa-isang himala na hiniling ko sa tanang buhay ko. Hindi ako handang igive-up ang buhay ng matanda at sa tingin ko, nagmamadali ang pari. Hindi pa ako nakasaksi ng taong mamamatay. Ang larawan na pumasok sa isip ko ay paghihingalo, ang pagtaas-baba ng balikat at dibdib na bunga ng paghahabol sa hininga, pamimilipit, pagdedeliryo, pagbuntong-hininga tanda ng huling pasok at labas ng hangin sa katawan at pagkatapos noon ay ang pagbaltak ng katawan sa kinahihigaan.
Ngunit hindi ganoon ang nangyari. Ang matanda ay humihinga ng mapayapa, walang malay, ilang saglit lang, nalagutan na rin ng hininga. Ganoon lang. Simple.
Wala na ang hinihintay kong himala.
Muling hiniling ng pari na kami ay manalangin ngunit nakalimutan ko na kung ano pa ang mga sinabi niya. Gustong kung magsalita, sumambit ng ilang kataga bilang parangal sa matanda ngunit ang tanging nasambit ko ay, “Init na init siya sa panahon.” Ang tanging konsolasyon na naisip ko para sa matanda ay hindi na siya makakaramdam ang init ng panahon sa bayang ito. Biglaan ang lahat sa kanya. Sa tingin ko malusog siya, walang karamdaman. Hindi rin siguro niya inasahan ito. Malayo pa sana ang lalakbayin niya.
Gagap ko ang kamay niya sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Nagpasalamat ako. Naiisip ko lagi na sa kalagayan niya, habang siya ay naghihingalo, naramdaman kaya niya na nasa tabi niya ako? Na sinamahan ko siya? Siguro hindi na ngunit ito ay kalugud-lugud na alaala para sa akin. Matagal siyang nabuhay ng nag-iisa, na sa aking pagkakaalam ay siyang tunay na dahilan ng kanyang kamatayan. Umasa ako na alam niya, naramdaman niya na sa huling sandali ng kanyang buhay ay may kasama siya. Hindi siya nag-iisa.
Ang huling anim na taon ng kanyang buhay ay ginugol niya sa paglalakbay. Ginugol niya sa paghahanap ng kanyang sarili at kaligayahan ngunit lumbay pa rin ang natagpuan niya. Tulad ko, napadaan din lang siya sa bayan na ito ng abutan siya ng sakuna. Siguro napagod na rin ang kanyang katawan at kaluluwa. Sayang, napakaikling panahon lang ang aming pagkikilala.
Nagliligpit na ng gamit ang mga nurse. Pagkatapos itala ng doktor ang oras ng kamatayan, hinila na niya ang asul na kumot pataas hanggang sa natakpan na ang mukha. Ilang sandali pa ang nakaraan, inabot nila sa akin ang isang maliit na bag na naglalaman ng kanyang sapatos, medyas, underwear, pantalon, t-shirt, wallet na naglalaman ng ilang libo, lumang relo at isang singsing. Napansin ko na wala siya kahit isang I.D. na pagkakakilanlan. Limamput-anim na taon katumbas ng ilang ari-arian na kayang ilagay lamang sa isang maliit na bag.
Muli akong napadaan sa Buenavista kahapon, at nagkaroon ako ng pagkakataong sariwaing muli ang nakaraan habang papalayo ang aking sasakyan. Kahit papaano, may utang na loob ako sa matandang iyon. Sa maiksing panahon lamang ng pagkakakilala namin, lingid sa kanyang kaalaman, naituro niya sa akin ang kahulugan ng buhay.
At nakapag-iwan siya ng ilang mahahalagang kuwento na mananatiling sariwa sa aking isipan.
xxx
4 Pebrero 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment