Wednesday, February 3, 2010
Dulcinea
Sana dumating na si Nea, kanina ko pa siya hinihintay dito sa entrance ng library. Nagpapasama ulit siya sa akin na magresearch para sa term paper niya. At tulad ng dati, hindi ko siya matanggihan kapag niyayaya niya ako, hindi ko alam kung bakit. Matagal na rin kaming magkakilala ni Nea, Dulcinea ang buong pangalan, sweet daw ang ibig sabihin sa Spanish. Kaklase ko siya sa ilang mga subjects sa Journalism. Nagsimula ang aming pagkakibigan sa mga simpleng batian namin sa isa’t-isa kapag nagkikita kami sa klase at nitong mga nakaraang araw, napupuna ko na napapadalas na rin ang aming kuwentuhan. Tuwing nagkikita kami, kinukumusta niya ako at siyempre ang pinakagusto ko yung palagi niya akong pinupuri sa mga suot ko. Bagay daw sa akin at magaling daw akong magdala ng damit. Siyempre ikinatutuwa ko yon. Sino naman ang hindi matutuwa na purihin ka ng isang babae lalo na at katulad niya na maliban sa maganda na matalino pa sa klase. Hindi ko yata siya nakitang walang dalang mga libro kahit gaano ito kalaki. Studious ika nga. Minsan napapakisuyuan pa niya na ako ang magdala ng mga ito. Hindi tulad ng ibang mga kaklase kong babae, kapag sinilip mo ang laman ng mga bag puro kit ng pampaganda. Kaya naman sa recitation puro “I’m sorry ma’am.” ang isasagot. Sayang may mga itsura pa naman. Dinadaan na lang sa pa make-up, make-up.
Pero mabalik tayo sa usapan.. saan na nga ba ako? Ahh.. nitong mga nakaraang araw, napapansin ko na hinahanap-hanap ko na rin ang mga papuri niya kaya naman sinisiguro ko na maayos lagi ang suot ko araw-araw. Laging japorms. Nakakapagrelax lang ako kapag alam kong wala siyang pasok at hindi kami magkikita. Okey lang kahit anong suot. Isang araw na wala siyang pasok, pumasok akong suot ay butas-butas na maong nang makita ko siya sa campus, mabuti na lang nakapagtago ako. Masarap ang pakiramdam kapag pinupuri ka niya, parang kang bida sa isang soap opera. Nagiging inspirado pa nga ako sa klase. Pangit naman na purihin ka lang sa porma mo at wala namang laman ang ulo mo.
Masarap kausap si Nea, walang ere sa katawan, walang pretensions, lahat pwedeng pag-usapan, anything under the sun, palibhasa matalino. Itanong mo kung sino si Richie Sambora, alam niya ang sagot. Walang boring na sandali. Kaya lagi akong handa, dahil baka mamaya mabore siya kapag wala na akong mailatag na topic. Kaya heto na naman ako naghihintay para samahan siya kahit alam kong wala naman akong gagawin sa loob kundi umupo sa tabi niya at panoorin ang lahat ng ginagawa, paminsan minsan nariyang nagbubulungan kami kahit kami lang naman ang naroon sa loob.
Ewan ko ba sa kanya, naguguluhan na din ako kung bakit sa dinamidami naming lalaki sa klase ako pa ang natipuhan niyang kasama. Siguro dahil sa tingin niya masarap din akong kasama at kausap, may sense? Hmm.. ewan ko, basta okey sa akin na kasama siya, masaya ako. Swerte pa nga dahil ako ang pinili niya. Sa totoo lang, ang daming nagkakagusto sa kanya, maganda siya, matalino, pag hindi nakauniform? Sexy! Kita ang kurba ng katawan. Kaya lang walang nagkakalakas loob dahil sa tingin nila snob siya, siryoso at hindi madaling pakisamahan. Sa dalas na kami ay magkasama, napagkakamalan tuloy na kami na. Maloko din kasi minsan si Nea, kapag nakikita niyang pinagmamasdan kami ng mga kaklase namin, pabulong siyang nakikipag-usap sa akin habang malagkit na nakatitig, kaya ayon akala nila girlfriend ko na siya. May instant GF na ako, hindi ko na kailangan manligaw pa. At panalo!
Pero lingid sa kaalaman ni Nea may nagawa akong malaking kasalanan sa kanya na kapag nalaman niya tiyak ko tatalikuran niya ako bilang isang kaibigan, baka masampal pa kamo. Lumabas kasi kami minsan ni Eric, kaklase namin ni Nea at nag-inuman sa isang bar malapit sa campus. Siyempre mga lalaki, kapag tinamaan na ng konti, kung anu-ano na ang napagkukuwentuhan. Nagawi ang usapan namin kay Nea. Alam ni Eric na magkaibigan lang kami at napupuna na rin niya na mas lalo kaming napapalapit sa isa’t-isa ni Nea ngayon. Nabanggit ko kay Eric na parang may gusto na ako sa kanya, parang nahuhulog na ang loob ko. Dinare ako ni Eric, ligawan ko daw si Nea at pasasagutin sa loob ng isang linggo at kung hindi, ako ang manlilibre ng isang pitcher ng beer sa susunod na labas namin. Sa madaling salita, pinagpustahan namin ang walang kamalay-malay na si Nea. Sa tingin ko, hindi ako matatalo dahil pakiramdam ko may gusto rin siya sa akin. Dahil sa tama ng alak, hindi ko na naisip na mali ito. Limang araw na ang nakakaraan mula noong nangyari ang pustahan. Hindi ko na planong ituloy pa ito. Eh ano sa akin kung ako ang bibili ng isang pitcher ng beer sa sunod na gimik. Hindi fair kay Nea na pagpustahan namin siya.
“Hi! Sorry natagalan ako. Kanina ka pa ba?” malambing na tanung ni Nea pagdating niya. Hinawakan niya ako sa kamay at hinila papasok sa library.
Hindi na ako sumagot. Sapat na na nagkita kami at magkasama. Tulad ng dati, uupo lang ako sa kanyang tabi habang ginagawa niya ang term paper at ako naman pabasa-basa lang ng kung anu-ano dahil kahit na siryosohin ko pa ang pagbabasa, hindi naman papasok sa utak ko. Ayos na sa akin na samahan siya, wala naman akong gagawin sa bahay kung uuwi ako ng maaga. Saka hindi naman daw kami magtatagal, so okey lang. Trip ko ding kasama siya ngayon. Parang may kakaiba sa simoy ng hangin, iba ang aura, parang special na araw to. Meron akong gustong alamin, hindi ko pa nga lang alam kung ano yon. Pagkatapos ng tatlong oras, nagyaya na siyang lumabas ng campus.
Alas kuwatro y media na ng hapon, nagkuwentuhan kami habang naglalakad sa kalye. Wala kaming maisip na puntahan hanggang sa makarating kami sa may sakayan ng jeep. Ang tagal naming nakatayo na parang may hinihintay. Natigil ang aming kuwentuhan. Pareho kaming tahimik habang nakatingin sa mga nagdaraang jeep. Paminsan-minsan, nagkakatitigan kami at nagngingitian. Parang may kakaibang ningning sa kanyang mga mata ngayon. Nakikiramdam ako sa maaaring mangyari. Naninikip ang dibdib ko at parang sasabog dahil sa katahimikan namin kahit sobrang ingay ng paligid. Kinakabahan ako na hindi ko mawari, parang may mabigat sa dibdib ko na gustong lumabas. May gusto akong sabihin kay Nea, konting lakas ng loob lang ang kailangan ko. Napansin niya na balisa ako. Lingid sa kanya, nanlalamig ang mga palad ko at pawisan. Nakangiti siya habang nakatigtig sa akin. Parang nababasa niya ang nasa isip ko. Nakipagtitigan ako. Naramdaman kong magkadikit ang mga kamay namin habang nakatayo kami sa tabi ng kalsada. Parang iba ang pakiramdam ngayon na madikit ang mga kamay namin. Hindi na ako nag-atubili, minsan lang darating ang pagkakataon, hinawakan ko ang kamay niya sabay pisil kahit na pasmado ang kamay sa oras na yon. Iba ang pakiramdam ko, hindi tulad ng dati kapag hawak ko ito. Tumingala siya sa akin, ngumiti sabay ganti ng pisil. Magkaholding hands kami. Ngumiti din ako at bumulong sa kanya.
“I think I’m falling in love with you.” Ngumiti ulit siya. Magkahawak kamay pa rin kami.
“Kelan pa?” usisa niya.
“Noon pa.” sagot ko. Naumid yata ang dila ko habang pakiramdam ko ay nakalutang ako sa ere.
Hindi na siya muling nagtanung. Yumakap siya sa akin na ginantihan ko naman. Ang sarap ng pakiramdam, hindi ko maipaliwanag ang tuwang nadarama ko. Hindi na namin inalintana na nasa lansangan kami. Mahal ko na nga talaga siya, wala ng pagdududa at mahal din niya ako, alam ko. Nakatayo pa rin kami sa gilid ng kalsada habang ang mga jeep ay namimik up ng mga pasahero. Gusto ko siyang halikan sa labi ngunit hindi dito ang tamang lugar. Nagpasya kaming bumalik sa loob ng campus, naghanap ng mauupuan sa ilalim ng mga punong-kahoy. Nakarating kami sa may lagoon at naupo sa isang bangko. Maganda ang lugar, hindi romantiko pero tahimik at hindi madalas daanan ng mga estudyante kaya may konting privacy kami, lalo na’t malapit ng magtakipsilim. Naupo kaming magkahawak-kamay pa rin. Akala mo, mawawala ang isa sa amin kapag bumitaw. May kilig sa bawat himaymay ng aking laman ang napakalambot niyang palad, ang mga hugis kandilang mga daliri. Nakalimutan ko na, ganito pala ang pakiramdam kapag nagtatapat ng pag-ibig at malugod na tinanggap.
Ilang taon na rin ang nakakalipas mula nung huling nakipagrelasyon ako. Parang yung una ko ulit. Kinakabog ang dibdib ko, kung anu-ano ang pumapasok sa utak ko, inaamin ko may pagnanasa din ako kay Nea noon pa, sabagay sino naman ang hindi. Di na ako nakapagpigil, kinabig ko siya ng dahan-dahan at hinalikan sa labi. Matagal. Dampi lang noong una, nakiramdam ako. May kumislot sa aking katawan. Ilang saglit lang gumanti na rin siya, kapwa kami napapikit. Ang sarap damhin ang tamis ng unang halik. Pakiramdam ko napapaligiran kami ng mga naggagandahang mga bulaklak. Parang tumigil ang mundo sa pag-ikot. Parang ramdam ko ang paggalaw ng mga bagay sa paligid. Parang napakatalas ng pakiramdam ko. Matagal na nagsanib ang mga labi namin. Nag-aalab. Ang hininga ni Nea ay hininga ko. Pagkatapos ng maalab na sandaling yon, hinawakan niya ako sa magkabilang pisngi, ngumiti siya ng pagkatamis-tamis sabay yakap sa akin.
Maya-maya lang ay biglang umulan. “Blessing ‘to!” sambit namin.
Pagtila ng ulan, nagpasya kaming umuwi na. Magkahawak kamay kaming naglalakad patungo sa kanila. Hindi na kami sumakay, mas gusto naming maglakad para mas mahaba ang panahon na kami ay magkasama. Pagdating sa kanila, ipinakilala niya ako sa kanyang mama at kapatid. Iniwan kami ng kanyang mama sa sala at ipinapatuloy namin ang titigan na para bang hindi kami makapaniwala sa mga nangyayari sa amin, nagpapalitan kami ng mga matatamis na ngiti, bulungan at mga nakawan ng halik sa pisngi. Kaya lang hindi na ako naging komportable, “Nakakahiya naman sa mama mo, baka makita niya tayo.” bulong ko kay Nea. “Okey lang, naiintindihan ni mama tsaka malaki ang tiwala niya sa akin.” paliwanag niya. Makalipas ang isang oras nagpaalam na ako para umuwi. Gusto ko pa sanang magtagal ngunit malayo pa ang aking uuwian. Kinabukasan nagkita kami ni Eric, nakuwento ko sa kanya na kami na ni Nea. Niyaya ni akong lumabas, magpapainom daw siya.
Dalawang araw ding hindi kami nagkita ni Nea. Namiss ko siya ng sobra. Nasasabik na akong makita at makasama siya ulit. Pagpasok ko palang sa gate ng university siya na agad ang hinanap ko. Pagdating ko sa klase naroon na siya sa kanyang madalas na inuupuan. May nakaupo na rin sa tabi niya kaya hindi na ako nakalapit. Nagngitian na lang kami. Ang sarap ng pakiramdam, ngiti pa lang. Pagkatapos ng klase lumapit siya sa akin, kailangan daw naming mag-usap. Parang may urgency sa kanyang pangungusap. Napaisip ako. Napalitan ng kaba ang tuwang nadarama ko kanina. Nang mag-uwian na, humiwalay kami sa mga kaklase namin, tumuloy kami sa bangko sa may lagoon. Tahimik kaming naupo. Ngumiti siya ngunit napuna ko na parang pilit ang pagkakangiti. Tinanong ko siya kung may problema ba?
“I’m sorry. I can’t do this.” sabi niya habang nakayuko. “Ayaw kitang saktan, you’ve been good to me.” Umiiyak siya, tumutulo ang mga luha. Yumakap siya, maya-maya, tumingala at inabot niya ang pisngi ko, hinaplos. Naramdaman ko na lang na magkayakap na kami at muling nagsanib ang aming mga labi ng matagal. Damang-dama ko ang init ng kanyang hininga, niyakap ko siya ng mahigpit. Naghiwalay kami ng maramdaman naming parang nauubusan na kami ng hininga. Muli siyang nagsalita.
“Not because we’ve kiss, tayo na.”
Tahimik lang ako habang nakatingin sa kanya. Parang binalot ako ng kadiliman. Marami pa siyang sinabi na pilit kong inaabsorb. Maliwanag ang mga pagkakasabi niya ngunit bakit malabo ang dating sa akin?
“Bakit?” ang tanging salitang nasambit ko. Hindi ako makapagreact.
“Nabigla lang ako. Ang bilis ng mga pangyayari. Hindi ako handa.”
“Pero mahal mo din ako di ba?” tanung ko.
Hindi siya sumagot. Hindi ko alam kung ano ‘to. Ang labo. Wow! Pero parang naiintindihan ko na, hindi niya ako mahal. Hindi niya sinabi kailanman na mahal niya ako. Kasalanan ko din nagmadali ako. Tumitig siyang muli sa akin. Parang nagmamakaawa, nagsusumamo habang hawak ang mga kamay ko. Humingi siya ng paumanhin sa nangyari sa amin.
“Gusto ko magkaibigan pa rin tayo tulad ng dati. Yung walang nabago.” hiling niya.
Hindi ako umimik. Tumango na lang ako at sa huling pagkakataon muli ko siyang niyakap.
xxx
11 Disyembre 2009
Halaw ang larawan sa: http://images.google.com.ph/imgres?imgurl=http://www.dallasartsrevue.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment