Saturday, February 13, 2010
Tag-ulan
Umuulan.
Hindi na ito bago. Ilang araw na. Hindi na nga binibigyan ng pansin ni Alex ang ingay ng tilamsik ng ulan sa kanyang bintana. Nasanay na siya rito. Sa ilang araw na pag-ulan, naging sapa na sa labas ng kanyang tinutuluyan. Napakadumi ng tubig. Nakakadepress ang panahon. Ang amoy ng kulob na kuwarto. Ang amoy ng mga maruruming damit. Ang mamasa-masang sahig at pader. Ang hindi naaarawan. Mahigit dalawang linggo na siyang hindi lumalabas ng bahay.
Nakailang ikot na rin ang UltraElectroMagneticPop sa kanyang CD player sa araw na ito. Ito na lang kasi ang natitira niyang CD. Ipinusta niya at natalo lahat sa poker ang iba niyang collection. Ang Eraserheads na lang ang kanyang tanging pag-aari at itinuturing na kayamanan. Tatlong araw na rin itong tumutugtog ng non-stop at tulad ng ulan, hindi na rin niya ito nabibigyan ng pansin. Parang kasama na lang sa ingay ng paligid.
May mga bagay pa rin na maganda para sa kanya kahit na ilang araw ng umuulan. Hindi siya nawawalan ng kuryente na ikinatutuwa niya dahil tuwing sisilip siya sa bintana ay parang napakadilim ng paligid. May pagkain siya at hindi tumutulo ang kanyang bubong. Ito ay isang blessing para sa kanya. Hindi na niya alam kung ano ang nangyayari sa kanyang paligid maliban sa pag-ulan. Walang reception ang kanyang TV na iisa lang ang channel na nakukuha kaya hindi niya ito maipusta. Hindi na rin gumagana ang AM/FM ng kanyang CD player. Wala ring signal ang kanyang cellphone.
Magdadalawang linggo na rin siyang walang nakakausap na tao. Masisiraan na yata siya ng ulo. Minsan, sa sulok ng kanyang mata nakakakita siya ng mga bagay na hindi niya maipaliwanag. Minsan, pakiwari niya may mga taong nagmamasid sa kanya habang siya ay kumakain at nagpapahinga sa kanyang kama. Pinagmamasdan ang bawat kilos niya. Nag-uusap sila ng pabulong. At kung biglang haharapin sila ni Alex, ito pala ay mga patong-patong na libro sa kanyang mesa o kaya ay mga nakahanger na damit. Parang nasisiraan na siya ng ulo. Nararamdaman niya. Nag-aalala siya. Nababalisa. Natatakot. Natutulog siyang bukas ang ilaw. Hiling niya na sana tumigil na ang ulan para marinig niya silang lumalapit at nakikitabi sa kanyang higaan. Tumatayo ang kanyang mga balahibo sa batok. Nangangalingasag. Nanlalamig siya. Nararamdaman niya na palapit sila ng palapit sa bawat gabing nagdaan. Nakatayo sila, nakapalibot sa kanyang kama. Malapit na siyang masukol. At noong bigla siyang bumalikwas upang sila ay hulihin…
..sila pala’y mga nakatambak na labahan.
Alam niyang mag-isa lang siya roon ngunit pinaglalaruan siya ng kanyang pag-iisip. Di bale aniya, gaganda na ang kanyang pakiramdam kapag tumigil na ang pag-ulan.
Nang biglang makarinig siya ng ingay sa kusina. Tunog ng pinggan at boses ng isang tao. Pinakinggan niya ito ng mabuti ngunit wala naman siyang naririnig. Meron ba siyang narinig talaga kanina? O guni-guni lang. Bumangon siya sa kanyang higaan at sinunggaban ang baseball bat sa ilalim ng kanyang kama. Dahan-dahan siyang lumapit sa kusina. Nakakabingi ang tibok ng kanyang puso, parang gustong kumawala sa kanyang dibdib na naninikip. Pagdating sa kusina, dahan-dahan siyang sumilip sa siwang ng pintuan ngunit wala siyang makita. Binuksan niya ng tuluyan ang pinto at pumasok. Laking gulat niya, may babae sa kusina. Kasalukuyang nakikialam sa kanyang bread box.
“Umm! Anong ginagawa mo dito?!” tanung niya, ngunit hindi siya pinansin ng babae at ipinagpatuloy ang paghahanap ng tinapay.
“Gusto ko sanang gumawa ng toasted bread.” sagot niya ng hindi man lang lumingon sa kanya balikat. “Meron ka bang margarine?”
“Wala! At wala din akong toaster, kaya pwede ka nang tumigil sa paghahanap!” galit na sagot ni Alex.
Humarap ang babae sa kanya at parang nagtatakang nakatitig. “Bakit wala kang toaster? Alam mo bang mahalaga ito unless ayaw mo ng toasted bread?” sambit ng babae na parang napakalaking krimen ang hindi niya pagkakaroon ng toaster.
Ngayon niya napagmasdang mabuti ang babae at napansin niya na ito ay napakaganda. Mahaba at maitim ang buhok. Mahahaba ang mga pilik-mata nito. Matangos na ilong, makipot at mapulang mga labi. Sukdulan ang kanyang kagandahan. Namumula ang mga pisngi at may dimples. Parang kamukha ni Karla Abellana. Matayog ang tayo ng dibdib nito na hindi naman kalakihan. Nakaramdam siya ng init ng katawan. Siya ay nakasuot ng napakaiksing shorts na maong at medyo maluwag at basang puting t-shirt na nalalaglag ang isang manggas sa balikat, kaya kita nito ang kaputian. Nakayapak ito at maganda ang hugis ng mga daliri sa paa.
“Gusto ko ring kumakain ng toasted bread kaya lang wala na ang toaster ko. Natalo sa poker.” sabi niya habang nakatingin siya sa mabibilog na binti ng babae.
Wala na yata siyang pag-aari na hindi nawala dahil sa poker.
“May gambling problem ka kung naipatalo mo sa poker ang isang bagay na ganun.” sabi niya sabay hagod sa mahabang buhok nito.
“At ikaw ay trespassing! Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko!” sigaw niya. Nawala ang pagnanasang nararamdaman niya.
“Sinagot na kita. Ang sabi ko gagawa ako ng toasted bread.”
Napakunot ng noo si Alex. “Pumasok ka sa bahay ng may bahay para gumawa ng toasted bread?”
“Hinde!” sagot ng babae na parang nagmamatigas.
“Kung ganon, bakit ka nandito?”
“Hindi ako nagpunta dito. Bigla na lang akong nandito.” Bumalik ang babae sa paghahanap ng pagkain.
Napaisip si Alex. Natigilan siya, baka nasisiraan na siya ng ulo. Baka pinaglalaruan lang siya ng kanyang pag-iisip sa mga nangyayaring ito. Pabalik siya sa kanyang kama ng pinigilan siya sa balikat ng babae.
“Saan ka pupunta?”
“Hindi ako makikipag-usap sa ‘yo. Hindi ka totoo. Guni-guni lang kita. Baka masiraan lang ako kapag patuloy akong nakikipag-usap sa iyo.”
“Baka ako ang totoo at ikaw ang hindi.” sagot ng babae. “May pakiramdam din ang halusinasyon, alam mo ba yon?”
“Hindi! Babalik na ako sa kama.”
Nagkibit balikat ang babae. “Sige bumalik ka sa kama mo at humilata ka hanggang gusto mo. Dito lang ako, magpapakasaya.”
“Hindi ka magiging masaya. Ako ang nagbibigay ng pagkatao mo. Mabubuhay ka lang hanggang sinasabi ko at hanggang matapos ang kabaliwang ito.”
Iritadong-iritado na si Alex. Bakit siya nakapag-isip ng taong napakaargumento?
Itutuloy…
… dahil ang kabaliwan ay pabugso-bugso.
16 Oktubre 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment