Monday, February 1, 2010
Mga Eksena sa Betahan
“Nay, pasok na ako.”paalam ni Lando sa ina.
“O bakit ang aga mo yatang papasok ngayon?”
“May gagawin po kaming project ng mga kaklase ko.”
“Sige, mag-iingat ka. Umuwi ka ng maaga.” paalala ng ina.
Nakahinga ng maluwag si Lando. Buti na lang hindi na nag-usisa ang inay niya kung hindi mahahalata siya na nagsisinungaling na siyang madalas niyang gawin nitong mga nagdaang mga araw. May usapan kasi sila ng kababata niyang si Berting na magkikita ng maaga para hindi mapuna ng mga kaklase. Sa eskuwelahan ang itinakda nilang kitaan. Naroon na si Berting pagdating ni Lando. Kanina pa ito naghihintay at inip na inip na. Excited yata sa lakad nilang magkaibigan.
“Ang tagal mo, kanina pa ko dito.” reklamo ni Berting.
“Bakit, anong oras ka ba nandito? Mabuti nga nakapagpaalam ako kay inay ng maaga.”
“Hindi ba siya nagtaka bakit ang aga mong umalis ng bahay?”
“Nagtaka, ang sabi ko may gagawin tayong project. Ikaw, ano ang dinahilan mo sa nanay mo?”
“Sabi ko, project din.”sagot ni Berting sabay ngisi.
“Alis na tayo. Baka abutan pa tayo ng mga classmate natin. Isumbong tayo kay Mam.”
“Oo, tsaka mas maganda maaga tayo dun. Makakaupo tayo sa harap.”
“Oo nga, nung nakaraan, sa likod kaya tayo naupo, ang hirap, di natin tuloy napanuod ng maigi ang palabas.”
Sa likod ng eskwelahan dumaan ang magkaibigan. Parehong naghubad ang mga uniporme para hindi sila mahalata ng mga tao. Nagmamadali sila sa paglalakad, iniiwasang makita ng mga kakilala at baka tanungin kung bakit hindi sila pumasok ngayong hapon. Masayang nag-apiran ang magkaibigan ng matanaw ang bahay na kanilang pupuntahan. Nag-unahan pa sila kung sino ang unang makakarating.
“Tignan mo o, konti palang ang tsinelas ibig sabihin konti palang ang tao.”pangising sabi ni Berting.
“Halika tignan natin. Baka madami na rin. Yung iba kasi inilalagay nasa bag ang tsinelas. Ninanakaw kasi.”
“Eto, bago pa o. Kung nandito pa to mamaya, ipapalit ko tong tsinelas ko.” dugtong ni Berting.
“Ikaw talaga. Wag na. Mahuli ka pa nung may-ari nyan. Bago pa yang sa ‘yo ah.”
“Oo pero tignan mo ang ganda o. Malabot sa talampakan.”
“Tara na nga!” yaya ni Lando. Naglakas-loob ang dalawang iwanan ang kanilang mga tsinelas sa labas ng bahay.
Marami ng mga tao sa loob, pulos mga kabataan din at tulad nila nag-cutting classes. Mga kakilala ang iba. Nagkantiyawan pa. “O, Berting, anong paalam mo sa nanay mo ngayon? Ang aga niyo ah.”tukso ng isang kababaryo nila. “Ikaw, anong paalam mo? Mangongopya ng assignment?” kutya niya. “Hahahaha… nagtawanan ang mga naroon.
Magkakaasaran pa sana kaya lang pumasok na si Aling Rosing para maningil ng tig-lilimang piso. Natahimik ang lahat. Kilalang masungit kasi ang ale.
“O, yung mga bayad nyo, ihanda na at yung mga walang pera lumabas na.” babala niya.
Kanya-kanyang dukot ang mga bata sa kanilang mga bulsa. Sa pagmamadali, naglaglagan pa ang barya ng isang bata. Nagmamadaling hinagilap ang mga nalaglag na barya. Takot na kulangin ang kanyang pera at baka palabasin pa ni Aling Rosing.
Nang matapos makapaningil, ipinasok na ang bala sa betamax. Natahimik ulit ang mga naroon. Inaabangan ang unang paglabas ng gumagalaw na larawan. Ben Tumbling ang palabas. Lito Lapid. Ang idolo nila. Palakpakan ang lahat ng mga naroon. Sigawan. Tumahimik ng sumilip si Aling Rosing, bawal ang sumigaw. Paano nga naman kung maingayan ang mga kapitbahay at magsumbong ang isang naiinggit sa kanyang pinagkakakitaan. Isa pa, alam niyang hindi maganda dahil maraming bata ang hindi pumapasok sa eskuwela dahil nandoon sa kanyang bahay nanunuod. Maya-maya lang palakpakan ulit, may napapatayo sa pagkakupo. Ang eksena, si Ben Tumbling hinahabol ng mga pulis, tumatakbo sa mga bubungan ng mga barong-barong, nagpasirko-sirko sa ere kapag binabaril. May mga batang pailag-ilag at payuko-yuko, akala mo sila ang binabaril. May nakukunwarihang may hawak na baril at tinututok ang darili sa telebisyon. Inaasinta ang mga pulis. Nang masakote si Ben Tumbling sa isang sulok at wala ng matakbuhan, nakipagbakbakan ito sa mga pulis. Lalo itong ikinagalak ng mga batang nanunuod. Naghalo ang balat sa tinalupan. Isa kontra sa isang-daan pulis. Lumilipad ang bida sa ere. Parang agila. Nagpasirko-sirko. Tumatakbo sa pader na parang may pandikit sa paa. Nagpapadulas sa ilalim ng mesa at saka susuntok sa kalaban. Tumatalon sa ibabaw ng mesa sabay luhod at suntok sa maangas na mukha ng pulis. Ang tinatamaan ng suntok ay nabubuwal hindi na muling babangon at nakalimutan yata ng mga pulis na may mga baril sila. Sigawan ang mga bata. Palakpakan. May napapatalon at napapasuntok sa ere. May napapasigaw na parang director sa pelikula. “Sige, pulbusin mo silang lahat.!” “Ilag, sa likod mo!” Ayan pa ang iba, parating!” Sigawan ang lahat sa bawat maiinit na eksena. Ang lahat ay nakatayo na ngayon. Tagaktak ang pawis ng bawat isa. Lumalabo na ang paningin dahil sa alikabok na nagmumula sa mga talampakan at lupang kanilang kinatatayuan na kanina pa nagkikiskisan. Hindi na nila pinapansin si Aling Rosing na tila aatakehin na sa isang sulok. Tuloy pa rin ang sigawan at palakpakan hanggang sa matapos ang pelikula. Paglabas nila sa bahay, isang pares na lang ng tsinelas ang naroon. Nawawala ang kay Berting. Nakaalis na ang lahat naroon pa rin ang dalawa, naghahanap sa wala. Balak puntahan si Mang Kulas. Nang hindi makita ang tsinelas nagpasya na silang umuwi. Nakauniporme na ulit sila at habang naglalakad, ang pelikulang napanuod pa rin ang pinag-uusapan. Nakalimutan ang tungkol sa tsinelas. Parang tangang nagkukuwentuhan sa napanuod. Akala mo hindi napanuod ng isa. May patalon-talon at pabigwas-bigwas pa ng suntok sa ere.
“Ang galing ni Lito lapid, no? pabida ni Berting.
“Oo, ang bibilis ng mga suntok kamo, bagsak lahat ang mga kalaban.”
Ganun pa rin ang tema ng kanilang usapan hanggang makarating sila sa bahay nila Berting at magpaalaman. “Pano, sa isang araw ulit? yaya ni Lando.
“Oo ba. Pero pano ang nanay mo. Baka makahalata na.”
“Basta akong bahala doon.”
“Sige sa isang araw ulit, dating gawi. Sana maganda ulit ang palabas.”At habang papasok si Berting sa kanilang bakuran, nag-iisip siya kung paano ipapaliwanag sa ina na nawala ang tsinelas sa loob ng klase.
xxx
Nobyembre 20, 2009
Halaw ang larawan sa: http://farm4.static.flickr.com/3118/2670571206_886d00d965.jpg
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment