Tuesday, July 26, 2011

Apat na Mukha ng Kababaihan


Nakaupo sa hagdanan si Aling Marya
Naghihintay ng grasya
Anak na dalaga’y pinagtulak ng droga
Nakalaboso ngayon naghihimas ng selda.

Umiiyak sa sulok si Pasing
Ang mga anak wala ng makain
Asawa’y isang linggo palang naililibing
Nalaglag sa balong malalim.

Nakatayo sa kanto si Teresa
Mapula ang bibig at nakabestida
Umaasang may pipick-up sa kanya
Para may pambili ng gamot sa maysakit na asawa.

Namumugto ang mga mata ni Celia
May bukol at mga pasa ang kanyang mukha
Sa paningin ng lasenggong asawa
Siya ay basahan at walang kuwenta.


24 Hulyo 2011

Aling Sion


Umaagos ang maduming tubig sa bangketa
tangay ang naipon na basura,
tumayo si Aling Sion ng kanyang makita
sa tubig-baha nakababad nangungulubot na mga paa.

Nag-unat siya ng kanyang mga tuhod
na tatlong oras ng nakapamaluktot,
sa ilalim ng poste sa kanto nakaupo
naglalako ng balot, penoy at sigarilyo.

Madaling araw ng makaramdam si Aling Sion ng gutom.
Di man lang makabili ng kahit isang mamon.
Naalala ang mga anak na iniwan kanina,
sana’y tulog na para di madama ang pagkalam ng kanilang mga sikmura.

Umaga, pauwi na si Aling Sion,
sa kakarampot na benta nangunsumisyon.
Hindi bale, aniya, may pag-asa pa.
Darating din ang panahon.



21 Hulyo 2011

Thursday, July 21, 2011

Takbo


Madilim ang karimlan. Ang buwan ay nagtatago sa likod ng makapal na ulap. Tahimik ang paligid maliban sa paminsan-minsan na pag-ingay ng mga palakang bukid at mga insekto. Malamig ang ihip ng hangin. Malamok ngunit mahimbing na natutulog ang babae at sanggol sa manipis na kumot na isinapin sa malamig na damuhan. Sa kabila ng pagod ay hindi makatulog ang lalaki, pilit na nagmamasid sa kadiliman, nakikinig sa bawat ingay ng paligid. Yakap niya ang babae’t sanggol upang maibsan ang ginaw nang may narinig siyang mga kaluskos sa di kalayuan. Mga yabag sa mga natuyong tubo. Niyugyog niya ang babae. Gumising ka! bulong niya. Nasa paligid na sila. Kailangang makalayo agad tayo dito. Dahan-dahan baka magising ang bata. Nagmamadaling itinupi ng lalaki ang mga ginamit na kumot at isinuksok sa dala niyang bag habang ang babae ay ingat na ingat na kinarga ang sanggol upang hindi ito magising, at pagkatapos ay inalalayan siyang tumayo ng lalaki at nagmamadaling lumisan sa lugar na iyon. Isang oras din silang tumakbo’t naglakad hanggang sa makarating sila sa bukana ng kagubatan at nang matiyak na malayo na sila sa mga humahabol sa kanila ay nagpahinga sila sa tabi ng isang nabuwal na punongkahoy. Damang-dama ng lalaki ang matinding takot na bumabalot sa babae. Nangangatog ang buong katawan. Tahimik na umiiyak. Niyakap ng lalaki ng mahigpit ang babae at sanggol, nagpapasalamat na hindi ito nagising. Hindi ko kayo pababayaan, bulong niya ngunit siya rin ay nakadama ng takot nang may narinig siyang boses ng mga lalaki na ilang metro lang ang layo sa kanila. Napahawak siya sa kinakalawang na baril na nakasukbit sa kanyang beywang. Wala ng panahon para tumakbo.


21 Hulyo 2011

Wednesday, July 20, 2011

Ang Ale sa Ilalim ng Poste


Tumayo ang ale at hinaplos-haplos ang nananakit na beywang at nag-inat sapagkat tatlong oras na siyang nakaupo sa isang bangkito. Nakakaramdam pa rin siya ng pananakit ng likod kahit na gabi-gabi niyang ginagawa ito. Mabuti na lang may dalang siyang payong at kahit na sira ito kahit papaano ay may silbi pa rin sa kanya, hindi gaanong nabasa ang kanyang likod kanina habang malakas ang buhos ng ulan, ang kanyang mga paa ang hindi nakaligtas, nangungulubot na ngayon dahil sa tagal na pagkakababad sa rumaragasa at maruming tubig na galing sa bangketa at katulad ng mga nagdaang gabi, tag-ulan na kasi kaya matumal ang benta. Sa loob ng apat na oras na nasa ilalim siya ng poste, nahahamugan, nauusukan, nilalamok at nauulanan, tatlong balot palang ang kanyang nailako at anim na piraso ng sigarilyo, at kahit na gabi-gabi niyang ginagawa ito ay inaantok pa rin siya sapagkat kinabukasan pag-uwi niya ay hindi naman siya makakatulog dahil maghahanap siya ng mangangailangan ng kanyang serbisyo bilang labandera. Nakakaramdam na ang ale ng gutom ngunit hindi siya makabili kahit mamon man lang dahil naaalala niya ang kanyang mga anak na pinakain niya ng tig-isang pirasong biskwit kanina bago siya umalis. Sana tulog na sila ngayon nang hindi nila maramdaman ang pagkalam ng kanilang sikmura, aniya. Tumitilaok na ang mga manok, oras na para umuwi ang ale ngunit mabigat ang kanyang mga paa hindi dahil sa pagod kundi sa liit ng kinita. Hindi pa sapat na pang-almusal at pang baon ng mga bata sa eskuwela. Hindi bale aniya, may pag-asa pa, meron pa.

xxx

20 Hulyo 2011

Tuesday, July 19, 2011

Ang Pagbabalik


Pumasok sa isang kilalang gym isang hapon pagkagaling sa trabaho ang tatlumput-walong taong gulang na si Rolando. Iginala ang mga mata at nang matiyak kung nasaan ang pakay ay direchong lumapit siya dito. Nahinto sa pag-eensayo ang lahat ng nakakakilala sa kanya nang makita siya. “Gusto kong bumalik, manager.” sabi niya kay Mr. Chua na isang boxing promoter, dating may hawak sa kanya. Nagulat ang pakay. Ayaw maniwala sa kanyang narinig ngunit nang matiyak na siryoso si Rolando ay nagyaya ito sa kanyang opisina.

“Nagbibiro ka ba bata?”

“Hindi ako nagbibiro, manager.” sabi ni Rolando habang hinihilot ang nakausling mga buto sa kamao. Napatingin si Mr. Chua sa mga kamao ni Rolando. Napangiti ito.

“May talas pa ba ang mga yan?” panunukso niya.

“Meron pa.” pagyayabang ni Rolando.

“Pero lagpas ka na sa prime mo,” Reklamo ng promoter. “Alam mo kung anong ibig kong sabihin. May edad ka na, sa tingin mo kaya mo pang makipagsabayan sa mga mas bata sa iyo?”

“Kayang-kaya pa, manager. Mag-eensayo ako. “ pangungumbinsi ni Rolando. “Bigyan mo ako ng laban, kahit sa four rounder lang muna.”

“At hindi lang pala isang laban kailangan mo?” tanong ng promoter. Nagulat sa sinabi ni Rolando. “Pero paano yung nangyari sa iyo sa huling laban mo?”

“Aksidente lang yun. Nangyayari kahit na kaninong boksingero. Kailangan ko lang ng pera, manager. May breast cancer ang asawa ko at kailangan na maipagamot ko siya sa madaling panahon.” paliwanag niya. “Hindi sapat ang kinikita ko ngayon bilang messenger.”

Matagal na nag-isip ang promoter. “Hmm.. bumalik ka bukas.” Umiiling na sabi niya. Tila nalungkot ng marinig ang dahilan ni Rolando kung bakit gusto niyang bumalik sa boxing na apat na taon na niyang tinalikuran dahil sa pakiusap ng asawa. “Pag-iisipan ko Rolando pero bumalik ka bukas. Mahirap yang gusto mo mangyari, delikado para sa iyo.”

Apat na araw ang nakalipas, lingid sa kaalaman ng asawa ni Rolando ay muli siyang tumuntong sa ibabaw ng ring upang simulan ang pag-eensayo. Naikasa siya kaagad sa laban ni Mr. Chua at dahil dati siyang kampeon, 10 rounder kaagad ang una niyang laban sa isang bagito na may 12-0 win-loss record at ang lahat ng panalo niya ay via knock-out. Alam ni Rolando na kailangan niyang mag-ensayo ng mabuti dahil sa record ng makakalaban at isa pa, kailangan niyang manalo upang may kasunod pa siyang laban pagkatapos nito. Malaking halaga din ang kailanganin niya sa pagpapagamot ng asawa. Ang isa pang problema niya ngayon ay kung papaano niya sasabihin sa asawa na bumalik siya sa boxing upang maipagamot siya. Nangako kasi si Rolando sa asawa na hindi na siya babalik sa boxing pagkatapos ng nangyari sa kanya sa huling laban niya apat na taon na ang nakakaraan. Isang linggo siyang namalagi sa ospital dahil sa temporary loss of memory sanhi ng mga tinamong suntok sa kanyang huling laban. Takot na takot ang misis niya sa nangyari kaya pagkabalik na pagkabalik ng memorya niya ay kinausap siya na tumigil na sa pagboboxing. Pero sa kalagayan ng asawa ngayon ay kailangan niyang talikuran ang napagkasunduan nila. Hindi niya maaaring pabayaan ang asawa, gagawin niya ang lahat maipagamot lamang ang may sakit na asawa at boxing lamang ang alam niyang paraan kung saan siya kikita ng malaki. “Maiiintindihan ako ng asawa ko,” aniya. Singkuwenta mil ang kikitain niya sa unang laban, manalo o matalo. Ang plano niya ay hanggang tatlong laban lamang para makaipon siya ng sapat. Araw-araw ay nasa gym si Rolando para sa puspusang pag-eensayo. Sa isang linggo na ang laban niya. Pinag-uusapan na rin sa boxing ang kanyang pagbabalik. Marami ang nagdududa sa kanyang kakayahan na lumaban muli at manalo. Pinakaingat-ingatan niya ang balita na huwag umabot sa kanyang asawa. Kinakabahan din siya na baka muling maulit ang nangyari sa kanya noon. Alam niya na kailangan ng matinding pag-iingat sa laban na ito.

Dumating ang araw na pinakahihintay niya. Una siya sa apat na laban sa hapon na iyon. Walang pang gaanong tao sa coliseum maliban sa ilang media, mga miron at mga tao sa magkabilang kampo. Round 4- tabla ang laban sa scorecards ng mga hurado ngunit si Rolando ay kinikitaan na ng pagod. Kinakapos na siya ng paghinga dahil sa pagtakbo-takbo sa ibabaw ng ring upang iwasan ang mga delikadong suntok na maaaring dumisgrasya sa kanya. Round 5- Nagbitaw si Rolando ng ilang malalakas na suntok na tumama sa kalaban at isa dito ang nagpatiklop sa tuhod niya na siyang dahilan upang magsipagtalunan ang mga nasa korner ni Rolando ngunit sa ikawalong bilang ng referee ay tumayo ang kalaban at tila nagising ang isang natutulog na halimaw. Nagpakawala ito ng sunod-sunod na kombinasyon, nakorner si Rolando hindi alam kung saan tatakbo at nang makita ng kalaban na tuliro na siya, isang napakalakas na left hook ang tumama sa kanang kilay ni Rolando. Tumalsik ang sariwang dugo sa puting lona na nagmula sa malaking hiwa sa kilay niya. Dalawang malalakas na suntok pa ang dumapo sa mukha ni Rolando bago tumunog ang bell. Nasaksihan lahat ito ng manager ni Rolando, napailing siya habang pasuray-suray na lumapit sa kanyang korner ang kanyang boksingero. Nahirapan ang cutman na patigilin ang pagdaloy ng dugo mula sa malaking sugat. Tumingin si Rolando sa nag-aalalang manager, “Kaya ko to.” aniya. Pagkatunog ng bell ay rumaragasang lumapit sa kanya ang kalaban. Parang naamoy na bibigay na ilang sandali pa si Rolando kaya muli itong bumitaw ng ilang kombinasyon na karamihan ay dumapo sa mukha ni Rolando dahil hindi na niya makita ang mga dumarating na suntok sanhi ng muling pagdurugo ng malaking sugat sa kilay niya. Isang malakas na upper-cut ang nagpatalsik sa mouth piece ni Rolando. Kinapos na siya ng hangin kaya napakapit siya sa kalaban ngunit itinulak siya palayo at sinundan ng dalawang left jab at isang malakas na right hook sa mukha. Nasaksihan ng mga nasa korner ni Rolando ang parusang tinatanggap niya. Wala na siyang masulingan kaya puro salag na lang ang ginawa ni Rolando sa round na iyon, ang tanging motibasyon niya ng mga sandaling iyon ay ang may sakit na asawa at bago natapos ang round ay nagtamo pa siya nang isang sugat sa kaliwang kilay. Nakapikit na ngayon ang kanang mata ni Rolando dahil sa namamagang kilay na kasinlaki na ng kamatis. Umaagos ang dugo sa ilong at sa gilid ng kanyang mata. Halos hindi na siya makakita. Pumutok na rin ang labi niya. Ang puting shorts na suot niya ay kulay pula na ngayon dahil sa dugong tumutulo mula sa mga sugat na tinamo niya. Madulas na rin ngayon ang lona sa dami ng dugo na pumatak dito.

“Tama na, itigil na natin ito!” sabi ng trainor ni Rolando. “Malakas siya. Hindi mo kaya!”

“Isa pa.” hirit ni Rolando na parang wala na sa sarili. Nakatingin sa kabilang korner. “Kaya ko pa.”

“Pero sarado na ang iyong kanang mata. Mahihirapan ka ng tantiyahin ang mga parating na suntok niya,” paliwanag ng trainor. “at isa pa, manalo-matalo ka sa labang ito ay may pera ka na. Maipapagamot mo na ang iyong asawa.”

Muling tumunog ang bell hudyat ng pagsisimula ng isa pang round. Nagpalitan ang dalawang boksingero ng mga suntok at lahat ng pinakawalan ni Rolando ay sa hangin lamang tumama dahil malabo na ngayon ang kanyang paningin. Gusto nang itigil ng kanyang korner ang laban dahil patuloy na tumatanggap si Rolando ng mga suntok na maaaring makapinsala sa kanya ngunit naunahan sila sapagkat ilang segundo bago matapos ang round, isang malakas na right hook ang tumama sa sentido ni Rolando na siyang nagpabagsak sa kanya. Tumimbuwang siya na parang puno ng saging at nangisay ilang sandali pagkatapos sumayad ang likod niya sa lona.

Sa ospital na gumising si Rolando pagkatapos ng apat na araw. Natutulog noon ang kanyang asawa sa gilid ng kama. Napasigaw ng malakas si Rolando ng tangkain niya at nabigo siyang haplusin ang ulo ng kanyang asawa dahil wala na siyang maramdaman man lang at hindi na niya maigalaw ang kanyang kanang braso.

xxx


10 Hulyo 2011

Wednesday, July 13, 2011

Anak


Magkahawak kami ng kamay ni Claire habang pinapanuod namin mula sa aming kinauupuan ang mga batang masayang naghahabulan sa damuhan. Maswerte sila, naisip ko. Nabaling ang tingin namin sa swing, isang batang lalaki ang kasalukuyang nagpapaduyan sa inang nakangiti at nakikipaghabulang sa kumpas ng swing. Nagkatinginan kami ni Claire, sabay na napangiti. Hinaplos ko ang kanyang pisngi at dinampian ng halik ang kanyang noo. Isinandal niya ang kanyang ulo sa aking balikat at muling bumalik sa panunuod sa mga batang naglalaro hanggang sa makatulog siya. Pinagmamasdan ko pa rin ang mga batang naglalaro ngunit sa kabila ng mga imahe ng mga masasayang mga bata ay hindi mawaglit sa aking isipan ang isang mahalagang bagay na ngayon lang namin nalaman na siyang magpapabago sa buhay namin bilang mag-asawa.

May sakit sa puso si Claire. Nasa stage na medyo kritikal. Maaaring sa loob ng isa o dalawang taon, anim na buwan , bukas, makalawa ay bawian siya ng buhay. Walang makatiyak at ang masakit hindi siya maaaring magbuntis dahil ikamamatay niya ang panganganak. Para kaming binagsakan ng langit ng malaman namin ang hindi magandang balita iyon. Gusto naming magrebelde ngunit kanino at para ano? Bakit kami pa? Bakit si Claire? Madami namang iba diyan. Bakit hindi yung mga babaeng sinasayang lang nila ang buhay nila. Kami? Marami kaming mga pangarap, mga simleng pangarap at isa na doon ay ang pagkakaroon ng mga anak at mabigyan sila ng simple at magandang buhay ngunit ang mga pangarap na iyon ay biglang naglaho sa isang iglap. Parang inagaw sa amin ang mga pangarap na iyon. Apat na buwan na rin ang nakakalipas mula noong malaman namin ang kalagayan ni Claire at sa loob ng apat na buwan na iyon ay pilit naming pinag-aaralan at unti-unting tinatanggap ang kapalaran namin. Naaawa ako kay Claire. Masakit sa akin na makitang nahihirapan ang kalooban niya ngunit malakas ang loob niya, kesa sa akin, patuloy pa rin siyang lumalaban, patuloy pa ring kaming lalaban, nagbabakasaling gumaling siya sa tulong ng Diyos.

“Gusto kong magkababy.” Sabi ni Claire na ikinagulat ko habang nanunuod kami ng TV. Matagal akong napatitig sa asawa ko. Naghagilap ako ng sasabihin ngunit tila nablangko. Nang wala siyang marinig na sagot mula sa akin ay yumakap siya, naglambing. Inulit pa niya ng isang beses, “Gusto kong magkababy.” Tumayo ako at inalalayan siya, nagtungo kami sa veranda at doon naupo.

Ngumiti ako at pagkatapos ay niyakap siya ng mahigpit. “Alam mo naman yung sabi ng Doctor, di ba?” bulong ko. “kung anong mangyayari sa iyo sa oras na manganak ka?” Kumalas siya sa pagkakayakap ko. Umiiling. “I don’t care kung anong sabi ng Doctor. Gusto kong magkababy tayo.”

“Pero,” protesta ko. “Pagpapakamatay yon.”

“Oo alam ko at alam din natin na mamamatay din naman ako, magbuntis man o hindi. Hindi nga lang natin alam kung kalian,” paliwanag niya. “paano kung mamamatay ako ngayon, bukas, makalawa. Wala akong maiiwan sa iyo.” Umiiyak na siya. Muli kong niyakap ang asawa ko. Awang-awa ako sa kanya. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga sinasabi niya. “Kailan mo pa ito naisip?” tanong ko ngunit wala na akong narinig na sagot mula sa kanya kundi paghikbi. Napayuko siya at ng tumingin muli sa akin ay nakita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Lalo akong nakaramdam ng awa sa asawa ko. Naghihimagsik ang kalooban ko.

“Gusto ko kapag pumanaw ako ay may maiiwan akong alaala sa iyo.” sabi niya. “Pero… hindi mo kakayanin.” Yun lang ang mga katagang nasabi ko sa kanya pero sa loob-loob ko naguguluhan ako. Ano ba ang tamang gagawin namin? “Pag-iisipan natin mabuti. ” sabi ko sa kanya. Ang ano nga ba ang gusto ko? Isa lang, ang gumaling siya. Ang maglaho ang sakit niya ngunit sa loob ng apat na buwan ay wala pa ring magandang development. Puro paghihintay lang. Gusto ko bang magkaanak kami? Kakayanin ko bang mawala siya sa akin at mamapalitan siya ng isang sanggol? Ilang beses pa akong kinausap ni Claire tungkol dito pero hindi pa rin niya ako napapayag. Hindi pa rin ako nakakapagdesisyon dahil ang totoo, natatakot ako.

“Papa come, let’s go home. It’s raining.” Yaya ni Carlo, ang limang taong gulang na anak namin ni Claire. Hindi ko naramdaman na nag-iisip na pala ako ng malalim habang nakaupo sa damuhan.

“Paano Mahal, magpapaalam na kami. Wag kang mag-alala dadalawin ka namin ulit ng anak mo, ” bulong ko. “Maraming salamat sa napakagandang alaala na iniwan mo. Sana kasama ka namin ngayon.”

Xxx

9 Hulyo 2011


Halaw ang larawan sa: http://www.google.com.ph/imgres?imgurl=http://cruciality.files.wordpress.com/2009/03/charles-blackman-children-playing-1974.jpg&imgrefurl=http://cruciality.wordpress.com/2009/03/10/friedrich-schleiermacher-on-children/&usg=__jiNMpWGs9P8kOMRk-3E89gEeJgE=&h=494&w=700&sz=429&hl=tl&start=109&zoom=1&tbnid=9J3z_ol86vdl6M:&tbnh=132&tbnw=179&ei=G8cZTvTnOafomAXWxKgJ&prev=/search%3Fq%3Dchildren%2Bplaying%2Bpics%26hl%3Dtl%26client%3Dfirefox-a%26hs%3DG0w%26sa%3DX%26rls%3Dorg.mozilla:en-US:official%26biw%3D1047%26bih%3D443%26tbm%3Disch%26prmd%3Divns&itbs=1&iact=hc&vpx=818&vpy=169&dur=917&hovh=135&hovw=192&tx=117&ty=113&page=12&ndsp=10&ved=1t:429,r:9,s:109&biw=1047&bih=443

Wednesday, July 6, 2011

Lumang Tsinelas


Lumang Tsinelas

Miyerkules. Nagkakagulo ang mga kargador sa pamilihang bayan ng Santa Inez, araw ng pamilihan at tulad ng nakagawian, nagtutuksuhan at nagbibiruan na naman sila habang naghihintay ng mga namamalengke. Bawat isa ay bitbit ang pag-asang may mangangailangan sa kanilang serbisyo. Mataas na ang sikat ng araw, ang kanilang mga suot na damit ay mamasa-masa na sa pawis at ang ilan sa kanila ay nangangamoy na ang mga kilikili. Naghalo ang pawis at alikabok, nangangamoy araw ngunit hindi nila ito alintana dahil bahagi ito ng paghahanap nila ng kakarampot na pera. Mainit na sikat ng araw, mabigat na pasanin, maalikabok at mausok na daan para sa konting kita. Ang ilan ay nakukuba na sa trabahong ito tulad ng animnaput-dalawang taong gulang na si Mang Ifan na pilit kinakaya ang pagbubuhat ng mabibigat para lamang may pangkain. Dahil sa kahirapan, hindi maiwasang mainggit sila sa mga taong maraming pinamili ngunit hanggang doon lamang iyon dahil yun din naman ang kanilang pinagkakakitaan. Kapag konti ang pinamili, wala silang bubuhatin. Ang biruan at tawanan na ginagawa nila ngayon ay pansamantalang nakakagamot sa kanilang hirap at gutom habang sila ay naguumpukan sa isang gilid ng labasan ng palengke maliban kay Marcon na abala sa pag-aayos sa kanyang lumang tsinelas. Paminsan-minsa ay nagmamasid lamang ito sa kanyang mga kasamahan, hindi siya nakikipag-usap o nakikipagbiruan man lang sa kanila. Mag-iisang buwan pa lamang ang labinpitong taong gulang na si Marcon sa ganitong trabaho at dahil medyo maliit ang kanyang pangangatawan, nahihirapan siyang magbuhat lalo na iyong mga mabibigat na kargamento. Alas singko y medya palang ay nasa palengke na siya nakabuntot sa mga namamalengke, nagbabakasakaling may gustong magpabuhat sa kanya. Nakakaramdam na siya ng pangangalam ng sikmura ngunit hindi niya ito binibigyan ng pansin dahil kanina pa niya binabantayan ng tingin ang isang ale na marami na ring pinamili at nang mapansin niyang parang lalabas na ito, biglang siyang tumakbo palapit dito na siyang ikinagulat ng iba pang kargador. Mabuti na lamang naayos na niya ang kanyang tsinelas. Nagbunga ang kanyang pagmamatyag, pumayag ang ale na magpabuhat ng mga pinamili nito ngunit napalunok si Marcon ng makita niyang may isang sako ng bigas pala itong kasama. Itinayo ni Marcon ang sako ng bigas at isinandal ito sa kanyang mga tuhod. Napaisip siya kung papaano niya ito ipapasan sa kanyang balikat. Huminga siya ng malalim at ubos lakas na binuhat ang bigas ngunit hanggang beywang lamang niya ito umabot. Lingid sa kaalaman ni Marcon ay kanina pa pala siya pinapanuod ng kanyang mga kasama at naghagalpakan ng tawa ng makitang hindi niya ito maiangat, mabuti na lang tinulungan siya ng tindero ng bigas na ipasan sa kanyang kaliwang balikat ang bigas sa kanyang pangalawang pagtangka.

“Baka hindi mo kaya yan, ibigay mo na lang sa amin.” tuya ng isang kargador.

“Malalasog na ang mga buto mo o.. oh.” sabi ng isa pa. “TB bagsak mo nyan.”

Muli siyang nakarinig ng tawanan.

Kubadong-kubado si Marcon sa kanyang buhatbuhat at dahil nakayuko muntik pa siyang mahagip ng isang rumaragasang dyip habang patawid ng kalsada, mabuti na lang may pumigil sa buhat niyang bigas. Naibagsak niya ang karga ng makarating sila sa may sakayan. Mabuti na lang hindi ito sumabog. Inabutan siya ng ale ng sampung piso.

“Salamat ho.” sabi ni Marcon pagkatanggap niya ng pera. Nanlumo siya.

“Boy, mukhang nahihirapan ka sa pagbuhat,” sabi ng ale kay Marcon habang ibinababa sa mukha ang suot na pulang bonnet upang mapunasan ang pawisang mukha. “magpalaki ka ng katawan. Isang sakong bigas pa lang hirap ka na.”

Tila hindi na narinig ni Marcon ang mga huling sinabi ng ale. Nawalan siya lalo ng lakas dahil sampung pisong ibinigay sa kanya. Malapit ng magsara ang palengke, otsenta y singko pesos palang ang laman ng kanyang bulsa. Kailangan niyang magkumahog para may maiuwi siya sa kanila. Bumalik sa palengke si Marcon ngunit hindi na siya pumuwesto sa kinatatayuan niya kanina. Nagpaikot-ikot siya sa loob para makapaghanap ng magpapakarga. Wala na rin ang mga kargador sa kanilang kinatatayuan kanina, nasa loob na rin ang mga ito kagaya niya upang maghanap ng magpapakarga, at dahil dito lumiit lalo ang pagkakataon niya upang kumita. Sa kabila ng kahirapan di hamak na mas malaki ang katawan ng mga kasamahan niya. Nakakuha ulit siya ng kargada, isang sakong asukal naman ngayon at napakalayo ng pinagdalhan kaya naman pagbalik niya ay isang beses na lamang siyang nakapagbuhat. Wala ng tao sa palengke maliban sa mga tindero’t tindera na abala sa pagsasara ng kanilang mga tindahan. Lumapit si Marcon sa pasarang tindahan ng bigas habang binibilang ang kanyang kinita. Siyento beinte lahat. Mas malaki ng konti kesa noong isang araw.

“Pabili ngang isang kilong bigas, yung tigbente singko lang.” Nakatingin si Marcon sa mga delata ng sardinas na nasa estante.

“Ano pa?”

“Dalawang Payless, isang 555 at isang kamatis. Magkano lahat?”

Bitbit ang pinamili na nakasupot sa plastic, dumaan muna sa botika si Marcon bago tumuloy sa pilahan ng dyip na bibiyahe sa kanila. Sa isang iskwater na malayo sa bayan nakatira si Marcon. Sa looban kung tawagin dahil nasa pinakaloob na ito ng iskwater area. Makipot ang daan patungo sa kanila, mabaho at madulas dahil sa kanal ng tubig na hindi umaagos na nasa gilid ng eskinita. Dahil dito isang tao lang ang makakadaan, kailangang huminto at padaanin ang makasalubong bago makaraan at kung hindi ay tiyak na magkakapalit ng mukha ang dadaan. Ilang eskinita’t kaliwa’t-kanan pa ang binaybay ng nakayuko at nagmamadaling si Marcon, umiiwas na baka makursunadahan siya ng mga istambay. Ang maliit na bahay nila na gawa sa pinagtagpi-tagping lumang yero na nabili niya sa junkshop ay nasa gilid ng isang maliit na basketball court . Kinalas niya sa kadenang nakakandado ang isang basyo ng container ng krudo at nag-igib ng tubig sa tindahan bago siya pumasok ng bahay. Limang piso ang bayad sa isang container ng tubig. Pagkabayad ay binilang niyang muli ang perang nasa bulsa niya. Napailing siya. Mangilid-gilid ang luha. Ibinaba niya sandali ang bitbit na tubig pagkapasok niya ng bahay at tumuloy sa isang kama na nasa gilid ng bahay kung saan nakahiga ang kanyang ama.

“Tay, kumusta po ang pakiramdam niyo?” bati niya sa ama. “Bumili ako ng dalawang tableta ng Myambutol, inumin niyo ang isa mamaya pagkatapos nating kumain.”

Sasagot sana ang amang nakahiga ngunit inatake ito ng ubo na para bang ang bawat pag-ubo niya ay hinihimay ang kanyang baga. Hirap na itinaas ang palad at hinaplos sa pisngi si Marcon bilang pasasalamat sa pagdating ng anak.

“Iwan ko muna kayo, Tay,” paalam ni Marcon. “maliligo lang ako sandali. Ang kapal-kapal ng alikabok sa paa ko gawa ng tigang na lupa sa palengke. Magluluto na ako mamaya ng panghalian natin.”

Tumango lang ang may sakit na ama.

“Gusto niyo ba ng sabaw? Bumili ako ng Payless.”

Nagtungo sa isang sulok ng bahay na nagsisilbing paliguan si Marcon. Isinabit ang isang malaking kumot sa isang nakausling pako bilang panakip. Nagsimula siyang maghubad. Tinaggal ang suot na bonnet, dahan-dahang umalpas sa kanyang mga balikat ang mahaba at nanlalagkit sa pawis na buhok. Sumunod na tinanggal ang maluwag na T-shirt at kupas na pantalon. Naninikip at kumikirot na ang kanyang mga dibdib dahil sa nakapulupot na dalawang metrong bandage na ninakaw niya sa sampayan ng kanilang kapitbahay. Sapo niya sa palad ang kanyang mga nananakit na dibdib na nasa loob pa ng suot niyang manipis na bra. Nagbuhos si Marcon pagkatapos mahubad ang lahat ng suot, at kasabay ng pag-agos ng malamig na tubig sa kanyang pagal na katawan ay ang pagtulo ng mainit na luha sa kanyang magkabilang pisngi.

“Bukas sa bayan ng Manalig, makakarami ako.” bulong niya sa sarili.

xxx


6 Hulyo 2011

Sunday, July 3, 2011

Buhay at Pangarap


Apat na taon na ring nagsasama bilang mag-asawa sina James at Annie ngunit hanggang ngayon ay hindi pa sila nabibiyayaan ng anak. Ito na lang ang kulang, sabi ng kanilang mga kaibigan, sa kanilang Masaya at maalwan na pagsasama. Maunlad na ang pamumuhay ng mag-asawa bunga ng kanilang pagsisikap na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang magigiging anak. Alam nila na ang kanilang mga pinagpapaguran ay balewala kung wala silang anak na paglalaanan ng mga ito. Hindi na rin mabilang kung ilang beses na silang nagtangkang magkababy ngunit lagi silang bigo at sa mga panahong nabibigo sila, natutunghayan ni James na natutulala si Annie at malalim ang iniisip, minsan ay umiiyak ito at kapag tinatanong niya kung bakit ay umiiling lamang ang asawa. Kapag ganito ang sitwasyon ay inaalo na lamang niya si Annie, niyayakap at pinapalakas ang loob. “Mga bata pa tayo”, sabi niya sa malungkot na asawa. “May pag-asa pa, hindi pa siguro natin oras.” Muling makakaramdam ng sigla si Annie kapag naririnig niya ang mga salitang iyon. Para siyang nagdadahilan lamang.

Ngunit nitong mga nakaraang araw ay palaging balisa si Annie. Hindi lamang ang kanyang trabaho ang naaapektuhan kundi pati na rin ang pakikipag-ugnayan niya sa kanyang asawa. Napapabayaan na niya ito, mabuti na lamang mabait at maintindihin si James. Halata na rin ang pangingitim ng ilalim ng kanyang mga mata tanda ng madalas na hindi pagkatulog at walang humpay na pag-iyak bunga ng napag-usapan nilang mag-asawa noong nakaraang linggo na muli nilang susubukan ngunit bago ang lahat iminungkahi ni James na kailangang magpatingin muna silang dalawa sa espesyalista upang malaman kung may diperensiya ba ang isa sa kanila. Naitakda ang araw kung kalian sila magpapatingin. Ito ang dahilan ng lubos na pagkabagabag ng kalooban ni Annie. Parang may kinatatakutan siya. “Paano kung… “ hindi maituloy-tuloy na tanong niya sa sarili. Palapit nang palapit ang araw na iyon. Kailangan niyang magpasya.

Isang araw, lihim na nagtungo si Annie sa isang pribadong klinika, at mag-isa itong nagpatingin, bago ang itinakda nilang mag-asawa. Halos manginig ang buong katawan ni Annie dahil sa pinaghalong pangamba at lamig na dala ng air-con sa klinika. Nangangatog ang kanyang mga ngipin at halos mamutla at wala ng dugong dumadaloy sa kanyang mga palad gawa ng mahigpit na pagkadaop at pagkatapos ng matagal-tagal na paghihintay ay dumating na rin sa wakas ang resulta ng ginawang examination sa kanya. Lalong binalot ng takot si Annie, paano kung totoo ang matagal ng bumabagabag sa kanya. “God, it’s been years.” bulong niya, “Please help me, sana hindi totoo ang duda ko.”

“Ku.. kumusta Doc.?” Humigpit pa lalo ang pagkakadaop ng kanyang mga palad, parang humihingi ito ng saklolo ngunit alam niya na walang makakatulong sa kanya ngayon. Huminga ng malalim ang doktor, parang sanay na pinaghihintay at pinahihirapan ang kanyang mga pasyente sa paghihintay. Muling tinitigan ang hawak na resulta at tumingin sa takot na takot na si Annie. Muling huminga ng malalim ang doktor bago nagsalita. “This is not good, iha.” napailing niyang sabi. “I’ll be frank with you at sana ganun ka din sa akin.” Tila wala sa sariling nakikinig si Annie, tumango lamang ito. “Your uterus is perforated. Nagpaabort ka ba?” Nagdilim ang lahat kay Annie, natulala siya. Nawala na siya sa kasalukuyang panahon, bumalik ang multo ng nakaraan. Totoo nga ang kanyang hinala at ngayon ay lalo siyang naguluhan. Matagal na katahimikan ang nanaig sa loob ng klinika. “Iha, are you with me?” Parang nagising sa pagkakaidlip si Annie, “Ahh, yeh.. yes Doc. I… I had.” “Maaari ko bang malaman kung kailan?” usisa ng doktor. “At bakit?” Umayos sa kanyang pagkakaupo si Annie, huminga ng malalim, humugot ng lakas. “I was… in college.” Nag-iisip niyang sabi. “Second year. Masyado pa akong bata noon, maraming pangarap. Hindi pa ako handa, hindi ko pa kaya ang responsibilidad at buhay.” Tahimik lang na nakikinig ang doktor, nakikisimpatiya. “Nagkamali lang ako.” dugtong niya. “May chance pa ba Doc?” nagmamakaawa niyang sabi. “Kailangan mo ng surgery iha, to remove the uterus and that means you may not be able to conceive again.”

Hindi na narinig ni Annie ang iba pang sinabi ng doktor, lumilipad na ang kanyang pag-iisip ngayon, naglalarawan ng mga posibleng mangyari sa bahay, sa tapat ng asawang si James, umiiyak habang nakayakap sa asawa, nagpapasaklolo, humihingi ng lakas ng loob upang malagpasan ang problemang ito. Wala sa sariling lumabas ng klinika si Annie at nagdrive pauwi, mabuti na lamang maluwag ang daloy ng trapiko. Umiiyak si Annie habang nasa daan, mahigpit ang pagkakahawak niya sa manibela, para bang mapipiga niya dito ang mga kasagutan sa mga tanong na kanina pa niya paulit-ulit tinatanong sa kanyang sarili:

Paano ko ipagtatapat kay James na kaya hindi ako nabubuntis ay dahil nagpaabort ako noong college?

Na naglihim ako sa kanya sa loob ng anim at kalahating taong pagsasama namin bilang magnobyo’t mag-asawa.

Na niloko ko siya…


“God.” bulong ni Annie habang napalingon sa nadaanang simbahan. “Bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin kung ano man ang consequences ng mga nagawa kong pagkakamali.”


3 Hulyo 2011

Monday, May 30, 2011

Buhay Lotto


Buhay Lotto

“Nay alis na ako.” paalam ni Randy sa ina. Nagmamadali siya. Ayaw niyang mahuli sa laro ng kanyang team sa liga ng basketball sa bayan. Sa wakas nakapasok rin sila sa championship. Gusto ng coach nila na magpraktis muna bago ang game. Isang laro lang, winner takes all kaya gagawin nila ang lahat upang manalo. Alas sais ng hapon ang simula ng laro pero alas kuwatro palang ay aalis na siya. May dalawang oras pa siya. Palabas na siya ng bahay ng tawagin siya ng kanyang nanay. May inabot sa kanyang pera at isang maliit na papel. “Daan ka saglit sa tayahan ng lotto sa bayan. Itaya mo ito.” utos ng nanay niya. “Ingatan mo iyang tiket. Malaki ang jackpot mamayang gabi.” Isinuksok ni Randy ang pera at listahan sa kanyang wallet na parang walang narinig. Tumingin sa kanyang relo at pumihit patungo sa pintuan. Naglakad siya hanggang sa pilahan ng dyip. Mahigit sampung minuto din ang nakalipas bago siya nakasakay. Tumingin ulit siya sa kanyang relo. Mabagal ang usad ng trapiko. Humaba ang pila ng mga sasakyan sa daan. Nakaramdam si Randy ng pagkainip. Lingon siya ng lingon na para bang may hinahanap. Nagsimula siyang pagpawisan hindi dahil sa mainit ang panahon kundi dahil sa pag-aalalang mahuhuli siya sa kanyang pupuntahan. Alumpihit na siya, naninikip ang dibdib. Pakiramdam niya ay nasa loob siya ng isang malaking kahon. Hindi siya makahinga. Muli siyang tumingin sa kanyang relo. Tinatapik niya ang kanyang magkabilang hita gamit ang mga palad, napansin ito ng pasaherong katapat niya kaya itinigil din niya. Muli siyang tumingin sa kanyang relo. Masasabon siya ni coach kapag na-late siya. Napakamot siya sa batok. Pagkatapos ng mahigit isang oras ay dumating din sila sa bayan. Halos talunin niya ang hindi pa humihintong dyip para lang makababa kaagad. Tumakbo siya patungo sa Gym. Inabutan niya na nag-eensayo na ang kanyang mga kasama kaya nagbihis na rin kaagad siya ng damit pang-ensayo at itinago sa locker ang wallet na may nakaipit na pera at tiket.

Maingay ang paligid. May mga nagsisigawan na tila nakikipagpaligsahan sa lakas ng videoke. Ang mga kabataan ay walang tigil sa tuksuhan at bidahan kasabay ang ingay ng mga kutsara’t pinggan at kampayan ng mga baso. Ang lahat ng naroon ay nangangamoy usok at alak na. Ang mga bote ng alak na wala ng laman ay nagsisipag-unahan sa paggulong sa sahig. Ni walang nagtangkang damputin ang mga ito. Napasigaw ang isang babae sa isang mesa ng matabig niya ang isang bowl ng pulutan at tumapon sa kanyang magarang bestida habang si Randy ay nasa isang sulok hawak ang isang bote ng beer, kayakap ang isang dalaga. Nagbubulungan sila. Doble ang kasiyahang nadarama ni Randy ngayon. Champion na sila, may girlfriend pa siya. Nangako kasi ang dalaga na sasagutin niya si Randy kapag nanalo sila sa championship.

Nang mga oras na iyon ay nagkakagulo naman sa bahay nila Randy. Hindi magkamayaw ang sigawan. Kanina lamang ay ginulantang ang lahat sa malakas na pagsisigaw ng nanay ni Randy. Nagtatatalon ito at pagkatapos ng ilang saglit ay naglulupasay naman, humahagulgol ng iyak. Akala ng lahat ay nasisiraan na ito ng bait at dahil sa kasisigaw namaos ang boses kaya hindi na siya makausap ng maayos. Itinuro niya ang TV na nasa sala ng bahay habang hawak ang isang kapirasong papel. Lotto draw ang kasalukuyang palabas sa TV at ang lumabas na mga numero para sa jackpot na 87 Million ay nasa tiket na nakaipit sa wallet ni Randy. “Makakaahon na tayo sa kahirapan .” umiiyak na sabi ng nanay ni Randy habang mahigpit na yakap ang mga kapatid niya.

xxx


29 Mayo 2011

Wednesday, May 25, 2011

Libro


Alam ni Ramon na pagsikat ng araw ay mahuhuli siya. Ngayon, habang hatinggabi dito sa gitna ng tubuhan makakapagtago siya pansamantala. Naririnig niya ang mga papalapit ng mga yabag. Nag-uunahan. Umiikot lang sa pinagtataguan niya. Naaamoy niya ang alak na sumisingaw sa kanilang mga katawan. Nakiramdam si Ramon. Halos hindi siya humihinga. Naninikip ang kanyang dibdib na parang gustong sumabog. Nakahanda siya sa maaaring mangyari. Alam niya na anumang oras ay masusukol siya. Hindi na siya idadaan sa tamang proseso. Sisintensyahan kaagad siya ng mga ito. Uhaw ang mga ito sa kanyang dugo. Ang tanging nais niya ngayon ay makatakas at lumayo sa lugar na iyon. Kinapa niya ang baril na nasa kanyang bulsa. Ang baril na kanina lamang ay nagbuga ng isang bala na nagbigay ng kalayaan sa kanyang mga kababaryo. Wala siyang kasalanan. Ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili mula sa pang-aabuso. Si Ramon ay isang simpleng magsasaka lamang na nagtatanim at umaani ng matatamis na tubo. Tuwing bukang-liwayway bumabangon siya upang harapin ang isang umaga at walang inasam kundi ang umuwi sa kanyang kubo sa dapit-hapon, magsindi ng lampara at basahin ang kanyang mga libro. Ang pagbabasa sa pakiramdam niya ay maihahalintulad sa pagtatanim ng binhi sa kanyang isipan. Makalipas ang ilang taon na pagbabasa ng mga libro, pakiramdam niya ay masaganang-masagana ang kanyang utak. Nakapagdesisyon si Ramon na ibahagi sa kanyang mga kababaryo ang nadaramang kaligayahan mula sa pagbabasa. Hindi lumaon ang lahat ng kanyang kinikita sa pagtatanim ng tubo ay ginamit niya pambili ng mga libro para sa kanyang mga kababaryo. Pagkatapos ng anihan, naglalakad si Ramon hanggang sa karatig-baryo upang mamahagi ng mga libro sa mga bata at matatanda. Ikinukuwento niya sa kanila ang mga magagandang bagay at lugar na nababasa niya. Na para silang dinadala sa ibang lugar at panahon. Naging masayahin ang mga tao sa kanilang lugar. Naging kasingtamis ng tubo ang kanilang mga ngiti. Minahal ng bawat isa si Ramon. Lahat sila maliban kay Kapitan Tyago. Walang nakakaalala kung kelan at paano naging Kapitan si Tyago. Dumating na lamang siya sa baryo isang araw kasama ang mayamang nagmamay-ari ng malawak na lupain dito at simula noon kapitan na ang tawag sa kanya. Walang naglakas nang loob na magtanong. Hindi siya nakita kahit kailan na hindi nakasukbit sa kanyang baywang ang napakalaki at nangingislap na baril niya. Naging simbolo na ito ng takot at paghahari lalo na kapag pinapapuputok niya ito sa tapat ng kanyang bahay habang umiinom ng alak. Sa panahon ng anihan iisa-isahin niya ang mga kabahayan upang maningil ng buwis. At pagsapit ng hapon ay mag-iinuman sila ng kanyang mga tauhan hanggang madaling araw. Halakhakan at kantahan kasabay ng pag-alingawngaw ng walang humpay na putok ng baril sa karimlan. Pagkatapos ng ilang araw na inuman, waldas na naman ang pera na nasingil sa mga magsasaka. Naisip ni Kapitan Tyago na kung mapupunta lamang sa kanya ang mga inaani ni Ramon mabubuhay na siya. May pagkukunan siya ng pambili ng masasarap na pagkain at alak kesa wawaldasin lamang ni Ramon sa walang kuwentang mga libro. Ilang beses na niyang pinagplanuhan na nakawin ang mga ani ngunit naroon na sa bayan si Ramon namimili ng mga bagong libro. Galit na galit si Kapitam Tyago sa kanya.

Isang araw na maniningil ng buwis si Kapitan Tyago dinatnan niya ang mga tao sa baryo na nagbabasa. Hindi niya alam kung ano ang nilalaman ng mga libro na kanilang binabasa dahil hindi siya marunong magbasa ngunit nakita niya na lahat sila ay masaya at nakangiti. Galit na galit siya sa mga tao. Lalong tumindi ang galit niya kay Ramon. Kailangang matigil ang kabaliwang ito sabi niya sa kanyang mga tauhan. ‘Kumpiskahin ang lahat ng mga libro at sunugin.’ utos niya. ‘Kung sino man ang papalag, itumba!’ Masamang-masama ang loob ng mga tao lalong-lalo na si Ramon. Gusto niyang lumaban ngunit wala pang naglakas loob na lumaban kay Kapitan Tyago. Muling bumalik si Ramon sa kanyang lupain at nagtanim ng tubo at pagkatapos ng anihan namili ulit siya ng mga libro, mas marami ngayon kesa noong huli. Ngunit dumating ulit si Kapitan Tyago upang maningil ng buwis at hindi lamang pera ang kanyang kinuha kundi pati mga libro na rin. Pinaghahablot ng kanyang mga tauhan ang mag librong hawak-hawak ng mga bata at matatanda. Nakaladkad sa maalikabok na daan ang mga batang ayaw bitawan ang kanilang mga hawak na libro na akala mo ay isang palutang sa tubig. Nakita lahat ni Ramon ang mga pangyayari. Nagngingitngit siya sa galit kaya bumalik siya sa kanyang tubuhan at nagtanim ng mas marami kesa sa nakaraan. Muli siyang namili ng mga libro. Sobrang dami ngayon. Nagkulang ang mga tao ni Kapitan Tyago upang kumpiskahin ang lahat ng mga libro. Nagkulang din ang gas at posporo para sunugin ang mga ito.

Ngunit isang madaling-araw ilang buwan na ang nakakaraan, nagisnan na lamang ni Ramon na wala na ang kanyang mga pananim. Sinira lahat ito ni Kapitan Tyago. Bumalik sa kanyang kubo si Ramon. Nag-impake ng ilang mga gamit. Kailangan niyang umalis at magpakalayo-layo dahil kung hindi alam niya na isa sa kanila ni Kapitan Tyago ang mamamatay. Dumaan siya saglit sa kanyang kaibigang si Ben upang magpaalam. Kinumbinsi siya ni Ben na manatili ngunit alam nilang pareho na mas mainam kung aalis siya at bago siya umalis may iniabot sa kanya si Ben bilang regalo na magagamit niya sa kanyang paglalakbay. Isa itong maliit na baril. Sa itsura ng baril ay parang hindi ito makakamatay sa sobrang kalumaan. Kasya ito sa kanyang bulsa. Hindi sana niya ito tatanggapin ngunit mapilit si Ben at ayaw niya itong mapahiya. Baka daw kakailanganin niya. Inabutan din siya ng isang bala na nangingitim na. Nagbilin pa si Ben na kung sakaling dumating ang pagkakataon na gagamitin niya ang baril kailangang magdasal muna siya bago kalabitin ang gatilyo dahil baka kapag ipinutok na niya ang baril ay sa paanan lamang niya babagsak ang bala. Alam ni Ramon na sa kalumaan ay hindi na ito makakapanakit ng tao. Yumakap si Ramon sa kaibigan at pumihit patungo sa pintuan nang laking gulat niya ng makita niya si Kapitan Tyago na katayo ilang hakbang lamang ang layo sa kanya. Nakatutok kay Ramon ang mahaba at nangingislap na baril ni Kapitan Tyago habang ang kaliwang kamay ay nakawahak ng bote na may kalahati pang lamang alak. Hindi na nakapag-isip pa si Ramon bigla niyang itinutok kay Kapitan Tyago ang hawak na baril kasabay nito ang pagkalabit sa kalawanging gatilyo. Umalingawngaw ang isang putok. Muntik pa niyang mabitiwan ang baril sa lakas ng sipa. Walang buhay na bumagsak sa sahig na lupa si Kapitan Tyago. May tama ng bala sa noo. Napatay niya si Kapitan Tyago at ilang sandali na lang ay pagbabayaran na niya ito.

xxx


24 Mayo 2011

Thursday, May 5, 2011

Mahal kong Amalia


Nakatayo si Mang Ben sa gate, hinihintay ang security guard na pagbuksan siya. Napaaga siya ngayon ng dating. Gusto niyang magsimula ng maaga. Mabuti naman at dumating din ang security guard pagkatapos ng ilang minuto.

‘Magandang umaga ho, Mang Ben! Kumusta kayo ngayon?’

‘Mabuti naman.’

‘Makikita nyo na kaya ngayon?’

‘Sana iho. Sana.’ Nakangiting sagot ni Mang Ben habang pabalik ang security guard sa kanyang outpost. Dahan-dahang naglakad si Mang Ben sa kalsada. Bahagya siyang natigil nang makarating siya sa kanto. Nakalimutan niya kung saan siya tumigil kahapon. Paminsan-minsan kasi ay hindi na siya kinakasihan ng kanyang memorya. May dinukot siyang maliit na notebook sa kanyang bulsa. Tinignan niya kung saan siya tumigil kahapon. Rolando Balingit, April 19. Limang araw na ang nakakalipas. Nakalimutan niyang ilagay ang tamang date? O hindi na niya nailagay.

‘Ben, ano bang nangyayari sa ‘yo?’ Napailing siya. Wala siyang magagawa kundi magsimula kay Rolando Balingit. Nakarating siya sa nasabing pangalan gamit ang sketch na ginawa niya.

Nakaramdam siya ng pananakit ng balakang pagkatapos ng tatlong hanay. Naupo muna siya. Binuksan niya ang dalang bag at kumuha ng sigarilyo. Matagal bago niya maalala kung saan niya inilagay ang posporo. Nakailang hitit-buga siya habang nag-iisip. Inilabas niya ang kanyang baong pananghalian pagkatapos manigarilyo. Adobo at kanin. Habang kumakain ay muli niyang naisip ang mga masasayang araw nila noon. Minsan may mga pagkakataong malinaw na malinaw sa kanya ang lahat, ang kanyang ala-ala. Para bang magkaharap lamang sila, ang kanyang mga mata at labi, nakangiti sa kanya. May mga araw naman na hindi na niya siya maisalarawan. Kailangang isulat niya ang mga ilang mahahalagang detalye. Ngunit mahirap naman na lagi niyang ginagawa yon. Nang biglang magpanic si Mang Ben. Nakalimutan na rin niya ang pangalan. Dumating na ang kanyang kinatatakutan.

‘Ano na nga ba? Corazon?… Filomena? Hindi. Hindi… Minerva?’ Ang dami niyang naiisip na pangalan. ‘Ano ba ang tama?’

‘Oh, Diyos ko. Isip. Isip. Haplos-haplos niya ang kanyang ulo. ‘Adelina… Isabel…’ Wala ng pag-asa. Ang tanging magagawa na lamang niya ngayon ay magpatuloy at maghintay na bumalik ang kanyang ala-ala. Tapos na siyang kumain. Tumayo siya at muling ipinagpatuloy ang paghahanap.

Binasa niya ang lapida na nasa harapan niya. Antonio Rivera 1902 – 1978. Lalaki. Nagpatuloy siya. Marcela Gatmaitan 1940 – 1993. Napatitig siya sa lapida. ‘Pwede kayang Marcela?’ napaisip siya. ‘Palagay ko hindi.’

Nagpatuloy siya hanggang sa makarating siya sa dulo. Nagsimula ulit siya sa isang hanay. Isa. Dalawa. Tatlo… John Ryan Pastor 1985 – 1999. ‘Ang bata.’ Buntong-hininga niya. Umabot siya sa dulo. Hindi pa rin niya tanda ang pangalan. Nagpatuloy siya, umaasang may makita siyang makapagpapaalala sa kanya ngunit natapos na niya ang isang hanay, hindi pa rin niya ito matandaan. Ito na yata ang pinakamatagal na pagkalimot niya. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Naupo siya. Nananakit na ang kanyang baywang. Nagsindi siya ng sigarilyo habang pinagmamasdan ang kanyang maliit na notebook.

‘Siyam na hanay. Isa pa para sampu. Bukas ulit.’ Nakakaramdam na siya ng pagod. Ang paghahanap, paglalakad at pag-iisip ang nagpapahirap sa kanya. Nagsimula siyang muli. Robert Cruz 1948 – 1990 ‘Ang bata nang namamatay ang mga tao ngayon.’ obserbasyon ni Mang Ben.

Magdadapit-hapon na. Titigil na sana si Mang Ben nang mapansin niya ang isang maliit na puntod sa dulo. Lumapit siya upang mabasa ang nakasulat,

Mahal kong Amalia
1922 – 1969
Sumalangit Nawa

Hindi siya makahinga. Nanlambot ang kanyang mga tuhod. Tila babagsak si Mang Ben.
‘Amalia. Tama. Yun ang kanyang pangalan.’

‘Oh Diyos ko. Mahal ko. Natagpuan din kita.’ Lumuhod siya. Hinaplos-haplos ang marmol tulad ng paghaplos ni Mang Ben sa kanyang pisngi noong nabubuhay pa siya.

‘Mahal ko, Amalia. Matagal na panahon din kitang hinanap. Mabuti’t tinulungan mo akong makita ka.’ Niyakap niya ang malamig na marmol at siya ay napaiyak. Yumuyugyog ang kanyang mga balikat. Para bang natanggal ang mabigat na pasan-pasan niya. Ang mahabang panahon na pagkakahiwalay nila ay natapos din. Maipagluluksa niyang muli ang babaeng matagal na nawalay sa kanya. Pinagmasdan niya ang paligid ng puntod. Halos natatakpan na ito ng makapal na damo at mga tuyong dahon.

‘Anong nangyari sa ‘yo? Kailangan malinis natin ito.’ Binalewala niya ang sakit na nararamdaman sa kanyang balakang. Nanginginig ang kanyang mga kamay sa tuwang nadarama. Binunot niya ang mga damong bumabalot sa puntod. Inipon niya ang mga nabunot na damo at natuyong dahon sa isang tabi. Pinagtiyagaan niyang linisin ang lapida gamit ang kanyang panyo. Matagal bago niya mapansin na dumidilim na pala ang paligid. Dahan-dahan siyang tumayo hawak ang nananakit na balakang ngunit may ngiti sa kanyang mga labi.

‘Kailangan ko ng umuwi Mahal ko. Babalik ako bukas.’ paalam ni Mang Ben.

‘Magdadala ako ng bulaklak, yung paborito mo.’ Hinaplos-haplos ang nakaukit na pangalan sa lapida. Muling lumingon si Mang Ben pagkatapos ng ilang hakbang. ‘Paalam Mahal. Babalik ako bukas, pangako.’

Nagpaikot-ikot si Mang Ben hanggang sa makarating siya sa gate. Habol niya ang paghinga. Naninikip ang kanyang dibdib.

‘Ano na nga bang taon noon? 1969? Tama ba? Nagdadalawang-isip si Mang Ben.

‘Tama ba…? Hindi ako sigurado…. Kelan ba? Parang kalilipat lang namin noon sa Rio Claro. Limang taon noon si Marinela.’

’68 ba yon o 69.’ Nagbibilang siya sa kanyang mga daliri ng biglang dumating ang security guard.

‘Kumusta ho? Nakita nyo na ho ba?’

‘Oo pero hindi pa ako sigurado. Kailangan kong hanapin ang ilang dokumento sa bahay.’

‘Kung hindi ho siya, pwede naman kayong bumalik bukas at maghanap ulit.’

Napapakamot sa ulong sabi ng security guard. Naaawa siya sa matanda. Nakalabas na ng sementeryo si Mang Ben. Ipinulupot ng security guard ang mahabang kadena sa gate at saka kinandaduhan.

‘Sige ho. Ingat ho sa pag-uwi.

Hindi na sumagot si Mang Ben. Malalim ang iniisip niya.

‘Makikita din niya.’ bulong ng security guard habang pabalik siya sa guardhouse.


xxx


00:26 AM
5 May 2011

Friday, April 22, 2011

Ang Liham

Kanina pa nakatingin si Affan sa kanyang relo. “Konting bilis dyan Saiid. Tiyakin na maayos ang pagkakatanim nyo ng mina. Baka mapansin yan pagdaan nila dito.” Humudyat si Saiid na ayos na ang lahat. “O bumalik na ang lahat sa kani-kanilang pwesto. Siguraduhing nasa mas mataas na lugar kayo.”

Namumugto na ang mga mata ni Aling Marta sa walang tigil na pag-iyak, masamang-masama ang loob. Gayundin ang asawang si Mang Lando. Tahimik, nakatitig lamang sa anak. Para bang isinasaulo niya ang mukha nito. Yumakap ng mahigpit si Aling Marta sa labinsiyam na taong-gulang na si Pvt. Gabay. “Anak, mag-iingat ka lagi. Wag mong kalimutang magdasal.” Yumakap ng mahigpit si Pvt. Gabay sa ina at ama. Hindi maikubli ang tumulong luha mula sa kanyang mga mata. Awang-awa siya sa kanyang mga magulang ngunit kailangan niyang gawin ito upang maiahon niya sila sa kahirapan. “Wag po kayong mag-alala inay. Susulat kaagad ako pagdating ko dun.” Napangiti si Aling Marta, “Hihintayin ko ang sulat mo anak.” Bumitaw sa pagkakayakap sa ina si Pvt. Gabay ng marinig ang hudyat na kailangan ng sumakay sa kanilang trak. “Aalis na po ako.” paalam niya sa mga magulang.


“Parating na sila! Magsipaghanda ang lahat!

Isang malakas na pagsabog ang naganap. Umangat sa ere ang trak, sampung talampakan ang taas matapos masagasaan ang mina. Nakataob itong bumagsak sa lupa tangay ang ilang sundalong wala ng buhay. Ang mga nakatalon naman ay pinaulanan ng bala mula sa mataas na lugar na pinagkukublihan nila Saiid. Ilang saglit ang nakalipas, tumigil rin ang putukan na nanggaling lamang sa isang panig, at nang matiyak na wala ng gumagalaw sa mga sundalo at samsamin ang mga gamit na pwede pang pakinabangan, nagpasya ng umalis ang mga rebelde.

Nakakasulasok ang paligid. Naghalo ang baho ng pulbura at lansa ng dugo at laman ng tao. Ang lupa ay nagkulay pula. Nakahandusay ang mga katawan sa paligid. Nagkalat ang mga pira-pirasong bahagi ng katawan- mga binti, braso, kamay, laman-loob, mga mata at utak. May isang ulo na ilang hibla na lang ng laman ang nag-uugnay sa kanyang katawan. Ang mga sundalong nakatalon sa trak ay durog-durog ang mga katawan sa dami ng tama ng bala. Halos mahati ang katawan ng isa. Ang iba ay hindi na makikilala pa. Mapalad ang mga nasa gawing likuran ng trak, buo pa ang mga katawan nila kahit na nakasabit pa ang mga ito.

Dapithapon na ng magising si Pvt. Gabay. Masakit ang buo niyang katawan ngunit pinilit niyang tumayo mula sa kanyang kinalalagyan. Limang metro ang layo niya mula sa trak. Isa siya sa mga tumalsik kanina dahil sa pagsabog. Pasuray-suray siyang naglakad habang nakatambad sa kanya ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang mga kasama. Gusto niyang maduwal. Nakita niya ang isang pang kasama na nakadapa. Lumapit siya dito ngunit dalawa pang nakaligtas na sundalo ang nauna sa kanya at itinihaya nila ang nakadapang kasamahan. Pigil ang paghinga nila ng makitang tadtad ng bala ang mukha nito at hindi na mapagkilanlan. Lalong nagimbal si Pvt. Gabay ng mabasa ang name cloth ng sundalong nakahandusay sa harapan niya, napaatras siya, pakiramdam niya ay namanhid ang buo niyang katawan at para bang tinatangay siya ng hangin. Napasigaw siya ngunit hindi na siya marinig ng dalawa pa niyang kasama.

“Diyos ko. Wag nyo pong pabayaan ang nag-iisa kong anak.” taimtim na panalangin ni Aling Marta habang sakay sila ng dyip pauwi sa kanilang baryo.


xxx


22 Abril 2011

Friday, April 15, 2011

Isang Sulyap sa Buhay ng Isang Kriminal


April 15, 2011


Almira mahal ko,

Nagsisisi ako kung bakit hindi ako sumulat sa iyo sampung taon na ang nakakalipas at kung sumulat man ako, hindi sana ako tumigil noon. Tumakbo sana ako pabalik ng bahay, nagsimula sanang magsulat ng walang humpay nang malaman kong namatay ka. Ngunit sa ibang direksyon ako napadpad, walang angkop na salita na pwedeng gamitin sa pagkawala mo, at pati na ang lahat ng bangungot sa nakalipas na sampung taon. Lahat ng mga krimen, oo Mahal ko, isa na akong mamamatay tao ngayon, hindi lang isa kundi maraming beses akong pumatay. Ang mga ito ay bunga, kundi man lahat, ng pagkawala mo.

Nakini-kinita ko ngayon na pinaiintindi mo sa akin, na paulit-ulit mong sinasabi na nasa gitna tayo ng kaguluhan, ng karahasan, na ang nangyari sa iyo ay dinanas din ng ilan nating mga kapatid na isinilang sa lupaing iyon. Totoo, ang bombang kumitil sa iyo sa plasa ay pumatay din ng ilan, na hindi lamang ako ang nag-iisang naipit sa tunggalian, na tumawid mula sa isang inosenteng tao tungo sa pagiging isang partisipante sa walang humpay at walang katuturang kaguluhan na nananaig doon.

Hindi ako nagdadalawang isip, alam ko na ako ay biktima ng mga bagay na nagawa ko at nakita ko, ngunit hindi, ang nangyari sa akin ay hindi dahilan ng pagkabigo ko na humingi ng tulong at talikuran ang kaguluhan. Walang kapatawaran ang pagtalikod ko sa dating taong kilala mo at lahat ng kanyang paninindigan dahil lamang sa mga pangyayari.

Naiisip mo ba ang taong iyon? Ang simpleng binata na gustong maging pintor- isa siyang mabuting tao, di ba? Tahimik, mahiyain, minsan palatawa. Naaalala mo pa ba siya? Kung ganun, magalit ka sa kanya, kasuklaman mo siya, dahil sa nakalipas na sampung taon ay isa na siyang masamang tao. Nagsisilbi sa ilang taong kayang magbayad. Pumapatay para sa perang hindi naman niya kailangan. Walang pagsisisi, walang awa.

Ang pinakahuli ay kahapon lang sa Manila. Oo, kahapon ng umaga, pinatay ko ang isang matandang lalaki, Kajir Yapan ang pangalan, isang negosyante. Hindi ko alam kung bakit gusto nila siyang ipapatay. Wala na akong pakialam dun. Para sa akin, isa lang siyang kontrata. Ang kanyang kamatayan ay hindi mahalaga kesa sa nilalaman ng kanyang computer.

Pero ngayon, sa loob ng sampung taon, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Parang kinakain ako ng aking nagawa. Sabihin mo ng konsensiya, pero ang alam ko, itong nararamdaman ko ngayon ay walang pagsidlang lungkot na siyang ipinagpapasalamat ko dahil ngayon ko nadama na tao rin pala ako. Para bang bumalik muli ang aking paningin pagkatapos na mawala ito ng mahabang panahon. Ang nangyari sa akin kahapon ay nagbunga ng pangungulila ko sa dating taong kilala mo.

Nagbago na ako, at isinusumpa ko, si Yapan na ang huling taong pinatay ko para sa pera. Hindi ko ipinapangakong hindi na ako papatay ulit, hindi pa, sana magawa ko, pinag-isipan ko ito ng malalim sa loob ng dalawampu’t-apat na oras, ngunit kailangan ko pang pumatay ng tatlo, tatlong tao na nakapagitan sa akin kung ano ako ngayon at kung ano ako noong araw na ikaw ay mamatay. Oo, kahit saang anggulo mo titignan, hindi na ako ang dating taong kilala mo pero ito na ang pagkakataon ko upang ihinto ang kabaliwang ito.

Kung meron lang ibang paraan upang makapag-umpisa ulit, na hindi na kailangang pumatay muli, tatahakin ko ang landas na yon dahil naiintindihan ko na ngayon ang dapat kong naintindihan noon, na iyon ang gusto mo sanang gawin ko, na iyon ang gusto mong ginawa sana natin. Ganun pa man, ang tatlong buhay ay walang halaga sa akin at sa mga nagawa ko, hindi ito mas matimbang kesa sa pagsunog ko sa sulat na ito mamaya.

Ang mahalaga ay naisulat ko ang liham na ito. Naumpisahan ko na at wala ng balikan. Isang masakit na katotohanan na nagawa ko ang mga nagawa ko sa loob ng sampung taon dahil nawala ka sa akin. Siguro masama ang loob mo ngayon ngunit itong huling tatlo, ang lahat ay gagawin dahil minahal kita, minamahal at patuloy na mamahalin.


Raj Gyia






Halaw ang larawan sa: http://balance-sheet.deviantart.com/art/Speedpaint-gunman-156408682

Wednesday, April 13, 2011

Isang Hindi Ordinaryong Hapon



December 25

Alas 6:00 ng umaga. Araw ng Pasko. Abala ako sa pag-iimpake. Limang T-shirt, tatlong itim at dalawang berde. Dalawang kupas na maong kasama na dito ang aking isusuot sa pag-alis, limang brief, mga panyo, jacket na itim, tatlong pares ng medyas, tsinelas, ano pa ba? Tuwalya. Sipilyo at toothpaste. Hindi ko na kailangang magdala ng gel para sa buhok, hindi ko ito magagamit sa pupuntahan ko. Nga pala, baseball cap, kelangan ko ito doon. At ang pinakamahalaga sa lahat yosi at lighter. Isang kahang Marlboro, yung pula.

Habang hinahanda ko ang mga gamit ko at abala naman ang lahat ng tao sa bahay, nag-aalmusal. Pinagmamasdan ako ng aking nanay. May tanong ang kanyang mga sulyap. Kumwari abala ako pero alam ko na nakatingin siya sa akin. Paraan ko ito para umiwas sa kanya. Sino nga ba naman ang hindi magtataka, araw ng pasko, nag-iimpake ako ng gamit at aalis.

Hindi na siya nakapagpigil. Tinanong niya ako kung saan ang lakad ko. Tumahimik sila, natigil sa pagsubo, inaabangan ang aking isasagot. Ang aking ama ay nakatingin lang sa isang tabi. Meron kaming relief operation sa Pampanga, sagot ko. Isa pang tanong. Bakit naman sa araw ng pasko ang alis nyo? Naghagilap ako ng sagot. Mabuti na lang at malikot ang pag-iisip ko. Para po makapagbigay kami ng pamasko sa mga nangangailangan doon. Isa pa ulit. Saan sa Pampanga? San Fernando, sabi ko. Kalahating totoo, kalahating hindi ang sagot ko.

Tapos na ako sa pag-ayos ng mga gamit ko. Nagpalaam ako sa aking mga magulang. Malungkot ang nanay ko sa pag-alis ko pero ang aking tatay maayos naman. Siguro iniisip niya lalaki naman ako, kaya ko na ang sarili ko. Ganun na siya talaga. May tiwala sa mga ginagawa ko. Bago ako lumabas ng bahay binilinan ko ang aking mga kapatid na umaayos.

Pagkalabas ng village, sumakay ako ng dyip papuntang Sampaloc. Bumaba ako sa Morayta at naglakad hanggang Recto. Sumakay muli ng dyip pa-Dibisorya naman. Mabigat ang bag sa likod ko. Ilang minuto lang bumaba ulit ako. Avenida. Sa istasyon ng mga bus patungong San Fernando. Nakakailang hakbang palang ako ng makita ko si Maan na nakaupo sa isa sa mga bankong inuupuan ng mga pasahero habang naghihintay ng kanilang masasakyan.

Napakaingay ng paligid kahit araw ng pasko. Napatingin ako sa kasama ko. Maputi. May kahabaan ang nangingislap na buhok na tumatama sa sikat ng araw. Katamtaman ang tangkad. Makipot na bibig, maliit ngunit matangos na ilong at mamula-mula ang magkabilang mga pisngi. Pinagmamasdan ko siya habang papalapit ako sa kanya. Nakasuot ito ng maluwag na T-shirt ngunit hindi naitago ang magandang hubog ng katawan. Pansinin. Umupo ako sa tabi niya ng walang imik at sumulyap sa orasan na nasa aking bisig. Napatingin din siya sa relo niya. Nagkatitigan kami at sabay na tumayo patungo sa bus na may karatulang San Fernando.

Isa’t-kalahating oras din ang byahe namin. Nakatayo kami ngayon sa tapat ng isang sikat na fastfood. Naghihintay. Mga ilang minuto pa darating na ang sundo namin. Hindi ako nagkamali, may isang lalaki na lumapit sa amin at may sinabi. Sinagot ko ito at saka kami sumunod sa kanya. Alas nuwebe pa lang ng umaga at araw ng pasko ngunit tirik na ang sikat ng araw dito. Hindi naman mainit, malamig nga kung tutuusin ang simoy ng hangin. Sumakay kami sa isang dyip patungong Mexico. Humigit-kumulang isang oras din ang binaybay namin bago kami nakarating sa aming destinasyon sa raw na ito.

Masaya ang paligid. Parang pista dito sa probinsiya. Kabi-kabila ang bati ng Maligayang Pasko. Masaya ang mga tao dito na makakita ng mga bakasyunista. Sinalubong kami ng may-ari ng bahay. Si Aling Pacing. Naghanda kaagad siya ng miryenda pagkababang-pagkababa ng mga gamit namin. “Kumain muna kayo’, yaya niya. “Mga batang ire oo kung kelan araw ng pasko saka naman…” hindi na niya itinuloy ang kanyang sasabihin at nagkatitigan sila ng lalaking sumundo sa amin na hanggang ngayon hindi ko alam ang pangalan niya. “Siya sige, kumain muna kayo. Hintayin niyo sandali si Turning nasa plasa siya ngayon may konting kasiyahan kasi ang mga kabataan doon.” Si Mang Turning ang kapitan sa baryong ito at siya din ang naatasang maghahatid sa amin sa talagang pakay naming dito sa Mexico.

Gabi na ng dumating si Kapitan Turning. Tapos na kaming maghapunan at nanakit na ang mga likod namin sa kauupo maghapon, sa kahihintay sa kanya. Pagdating na pagdating niya ay pinatawag kami. Kumustahan, ikinagagalak daw niyang makilala kami. Nagkuwentuhan kami sandali tungkol sa mga kaganapan sa Maynila at bago tumulak matulog ay sinabi niya sa amin kung anong oras ang lakad namin bukas at kung ano ang mga dapat dalhin at dapat gawin habang nasa daan. “At siya nga pala”, sabi niya. “Dumating na rin ang iba nyo pang kasamahan, nasa kabilang ibayo sila. Hindi agad kami nakatulog ni Maan. Nakadalawang stick muna kami ng sigarilyo bago nagpasyang matulog.

December 26

Naalimpungatan ako sa tama ng sinag ng araw sa aking mukha. Tanghali na pala hindi man lang ako ginising ni Maan. Bumangon kaagad ako, nag-inat, lumabas ng kuwarto. Si Maan ang hinanap. Nasa kusina ito at nag-aalmusal kasama ang mag-asawang Turning at Pacing. Medyo nahihiya pa ako ng batiin ako ni Mang Turning. Nagdahilan na lang ako ng di agad kasi ako nakatulog kagabi. Pagkatapos ng pasko at handaan, ang ulam na lang ngayon ay talbos ng kamote at piniritong dilis. Pagkatapos kumain ay nagpalipas ulit kami ng ilang oras. Dalawang stick na lang ang natitira sa sigarilyo ko. Makailang beses siguro kaming napasulyap sa aming mga orasan hanggang sumapit ang oras ng paggayak.

Naghanda kami ni Maan sa pag-alis. Excited. Nagjacket siya ng itim. Ibinuhol ang buhok at ipinasok sa loob ng kanyang sumbrero. Pareho kaming nakatsinelas. Sinundan namin si Mang Turming sa likod ng bahay. Doon kami maglalakad, mula sa likod ng bahay at hindi sa kalsada. Babaybayin namin ang malawak na bukirin na aking natatanaw ngayon. Mabuti na lang at hindi mainit ang lupa tulad ng sa tag-araw. Alas dos ang sabi ng aking orasan. Tamang-tama daw sabi ni Mang Turning.

Pagkatapos ng kalahating oras ng paglalakad, nabungaran namin ang isang kalsada. Parang umikot lang kami. Tumawid kami dito at pumasok sa isang sitio. Napansin ko ang ilang magagarang sasakyan na nakaparada sa tabi ng kalsada. Napakanuot noo ako. Ano ang ginagawa ng mga sasakyang ito dito? Hindi pa man kami nakalalayo ay natanaw ko ang isa pang kotse. Bagong dating at pumarada ito sa likod ng isa pang kotse. Dalawang lalaki ang bumaba mula rito at sa kanilang mga itsura ay masasabi mong may sinabi ang mga ito sa buhay. Kinalabit ko si Maan. Inginuso ko sa kanya ang mga sasakyan. Nagkibit balikat siya. Nasa bukana na kami ngayon ng sitio. May tindahan sa unahan. Nakaupo dito ang ilang kabataan. Tipikal sa mga lugar na walang magawa Ngunit nakapagtatakang hindi man lang kami napansin. Sa tapat ng isang kubo ay naghahabulan ang mga bata. Nagliparan ang alikabok. Sa isang banda naman ay may mga nanay na kuwentuhan ang lipasan ng oras. Nang makarating kami sa isang kanto, isang ale na nagwawalis sa kanyang bakuran ang nagbigay sa amin ng instruksiyion kung saan pupunta nang hindi man lang siya tumingin sa amin. Kumaliwa daw kami pagdating namin sa dulo. Kumaliwa nga kami at patuloy na naglakad. Hindi rin pala kabisado ni Mang Turning ang daan. Isa pang ale ang nagturo sa amin ng tamang daan.

Nakarating kami sa dulo ng sitio. Nasa bukana ulit kami ngayon ng malawak na bukirin. Malakas na ang hampas ng hangin. Wala na kasing mga punong-kahoy. Patuloy kami sa paglalakd. Binaybay namin ang matigas na pilapil. Napansin kong may mga grupo din ng tao na naglalakad sa unahan namin kaya sinundan namin ang mga ito. Ang dalawang lalaki kanina na bumaba sa kotse ay nasa likuran na rin namin. Natanaw ko sa may di kalayuan ang isang berdeng Huey Helicopter na kanina pa palipad-lipad na para bang rumoronda. May nadaanan kaming mga magsasaka na hindi man nakatingin sa amin ay nagbigay pugay pa rin. Nagtataka na ako ngayon kung bakit hindi makatingin sa amin ang mga nadaanan naming mga tao.

Pagkatapos ng isang oras na paglalakad, sa wakas ay nakarating din kami. Maraming tao sa paligid. Akala mo pista. Nagkakasyahan ang lahat. May nagkakantahan habang ginagabayan ng gitara. May nagtatawanan sa kabilang dako naman. Napansin ko na may nakahandang mga pagkain sa isang mahabang mesa. May mga parating na may mga dalang pagkain. Sa gawing unahan ay may isang kubo na ginagamit siguro ng mga magsasaka bilang pahingahan. May isang mesa sa gitna ng kubo. May mga nakapatong doon na parang mga papeles. Hindi pa kami nakakapagpahinga nang marinig kong may tumatawag sa akin. Pamilyar ang boses na yon, lumingon-lingon ako ng makita ko ang mga kasama ko sa Maynila na nakangiti at masaya nila kaming sinalubong. Ilang saglit na nagkumustahan at nagkuwentuhan.

Maya-maya lang ay nagsimula na ang programa. Tahimik ang buong kapaligiran. May ilang kalalakihan ang namuno at pinangunahan ang selebrasyon. Isang lalaki, pagkatapos ibigay sa kanya ang hudyat, ang tumayo upang isinabit sa dalawang poste ng kubo ang isang malaking bandilang pula na may karit at masong kulay ginto. May mga Armalayt na nakatayo sa likod ng mga lalaking nasa mesa. Nakatayo naman sa iba’t-ibang sulok ang mga kasamang may dala-dalang mga armas, Nakangiti ang lahat. Banaag sa mukha ng bawat isa ang tagumpay at pananalig habang ako ay nagmamasid.

Natanaw ko na mahaba na rin ngayon ang pila ng mga magagarang sasakyan sa gilid ng kalsada, habang ang helicopter ay patuloy sa pag-ikot sa malawak na bukirin.

Alas tres na ng hapon. Disyembre 26. Anibersaryo ng Partido. At ito ang unang pagdalo ko.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay! sigaw ng bawat isa.


xxx

Sunday, March 20, 2011

For Better or For Worse



Ikalabinlimang-taong anibersaryo ng mag asawang Louie at Teresa ngayon, at tulad ng nakaugalian nila tuwing sasapit ang ikalimang taon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, naghahanda sila ng salu-salo bilang pagpapasalamat kasama ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan kabilang na dito ang matalik na kaibigan ni Louie na si Mark at ang asawa nito.

“O Pare, saan kayo maghahoneymoon ni Mare?” pabirong tanong ni Mark.

“Alam mo pare, may bagong resort sa Camu Island ngayon, dinadayo. Doon ang punta namin ni Teresa. Puti at malapulbos ang buhangin, maganda ang dagat, maayos ang facilities, masarap ang mga pagkain at higit sa lahat mura."

“Talaga? Alam mo pare, matagal na kaming hindi nakakapagbakasyong mag-asawa. Mapuntahan nga din yan, anong bang pangalan ng resort?”

Sandaling nag isip si Louie. Nang hindi maapuhap ang pangalan ng resort tinawag ang asawang nakikipagkuwentuhan sa katabi. “Hon, ano na nga bang pangalan nung resort na madalas natin puntahan sa Camu Island?”

“Teka honey,” sagot ni Teresa na parang nagulat, tinalikuran ang kausap. “Ngayon mo palang naman ako dadalhin doon ah.”

Tumahimik ang lahat ng naroon.

xxx


20 Marso 2011

Friday, March 18, 2011

Nauna Ako sa Balita



Kanina pa ako nakatitig sa malaking orasan na nakasabit sa nanlilimahid na pader ng opisina habang nakaupo ako sa aking lumalangitngit na shivel chair. Sampung minuto pa ang sabi nito bago mag alas 6:00. Nakakabagot, ang bagal ng takbo ng oras kapag ganitong hinihintay mo. Labas na labas na ako. Muli akong tumingin sa pamilyar na mukhang yon, limang minuto pa ang sabi. Ang bagaaaal… tsk. Baka naghihintay na sa akin si Gina. Wala na naman sa mood yun kapag nahuli ako ng dating. Wag sana siyang mauna. Bihirang pagkakataon na nga lang kami magkita, male-late pa ako.

Eksaktong patak ng alas 6:00, tumayo ako at nagmamadaling tumungo sa bundy clock ng tumunog ang celpon sa bulsa ko. Text message. Baka si Gina, gustong malaman kung nasaan na ako. Walang pangalan, numero lang.

DO NT GO 2 VC2RIAS MY HSBND RED UR TXT HES W8ING 4U W/ GUN!

Matagal kong tinitigan ang text. Napabuntong hininga.

Ooops wrong send, sino kaya to?

xxx


Marso 17, 2011

Thursday, March 17, 2011

Poso



“Sonny. Sonny. Gising ka na dyan.”

Naalimpungatan ako. Parang may tumatawag sa akin sa panaginip. Parang totoo. Iminulat ko ang aking mga mata. Madilim ang paligid. Nasaan ako? Bakit tila parang nakahiga ako sa isang bloke ng yelo. Matagal akong nakatitig sa karimlan. Mga bituin ba ang mga nakikita ko na mumunting nangingislapan sa kawalan.

Muli kong narinig ang pagtawag sa aking pangalan. Bakit parang dama ko ang tamis ng tinig na ‘yon. Malapit lang halos, pabulong. Parang kanina lang ay napapakinggan ko pa ang tinig na yon. Lumingon ako sa pinaggagalingan ng tinig. Napangiti ako. Parang anghel sa aking paningin ang may-ari ng tinig. Ngunit ang sigla ko ay biglang napalitan ng hiya. Bumalik na sa akin ang lahat. Naalala ko na. Sana hindi na lang ako nakita dito na ganito ang ayos.

Alas sais ng hapon kanina ng lumabas ako sa groserya/bodega na pinagtratrabahuhan ko bilang checker, tindero, kargador, delivery boy, cashier at kung anu ano pa na pwedeng gawin. Summer job ko para makaipon ng konting pera na magamit sa susunod na pasukan. Sana mabili ko na ang pinapangarap kong rubber shoes nang may panlaro naman ako sa basketbol. Baka may liga ngayong bakasyon.

Nang biglang magyaya si Tony, kasamahan ko sa trabaho. “Tara tol! Kasalukuyan naming isinasara ang bodega ng oras na iyon. Pakagat na ang dilim. Nagsasara na rin ang mga ibang tindahan sa paligid namin. “Shot muna tayong ng konti, ilang bote lang, Beer. Ayoko ng hard baka malasing tayo.”

“Sige, dun na lang tayo kina Jocelyn. Tamang-tama wala akong pasok bukas.” Kahit madilim na ay hindi nalingid kay Tony ang pagkakangiti ko.

“Sinagot ka na ba nya?” usisa ni Tony sa akin.

Muli akong napangiti bilang sagot sa tanong ni Tony.

“Ang swerte mo tol, ang daming nagkakagusto kay Jocelyn. Ang daming nagpupunta sa kanila para manligaw sa kanya. Maganda siya at ang katawan, ang lupiiiit.” Tila nanggigigil pang sabi ni Tony.

“Oops syota ko yan. Siyempre may diskarte tayo, alam mo na. Alam kong may gusto din siya sa akin kaya linigawan ko na. May isang problema lang, alam ko na ang sasabihin nila Tita kapag nalaman nilang girlfriend ko si Jocelyn. Bakit yan ang pinili mo, sasabihin nila. Ang dami daming dalaga dyan. Bakit siya. Alam mo naman kung ano ang mga kamag-anakan niyan.”

“Oo nga.” sang-ayon ni Tony.

“Bahala na. Itago na lang natin.” Sabi ko habang palapit na kami sa tindahan ng tiya ni Jocelyn. Tamang tama naroon si Jocelyn ng dumating kami. Sumalubong kaagad siya pagkakita niya sa akin. Iniabot ang kamay niya. Gusto nyang hawakan ko ito ngunit nakaramdam ako ng hiya ng oras na iyon. Nakatingin kasi sa amin ang tiya buti na lang nakangiti ito sa amin. Ibig sabihin tanggap nila ako bilang kasintahan ng pamangkin nila.

“Inom muna kami, kahit tigatlong bote lang.” paliwanag ko kay Jocelyn na siya pang kumuha sa cooler ng aming iinumin. Umorder na rin si Tony ng chichira, pang alis ng pait sa lasa ng beer. Ang totoo ay hindi pa ako sanay uminom ng alak. Nagsisimula pa lang kumbaga. Nakipagkuwentuhan sa amin si Jocelyn habang umiinom kami kaya hindi ko na namalayan na nakarami na pala ako. Sa madaling salita, nalasing ako at ito ang dahilan kung bakit narito ako ngayon at nakahilata sa isang malamig na bangko dito sa plasa. Dito pala ako tumuloy kanina habang umiikot na ang mundo ko dahil sa dami ng nainom.

Hindi ako pwedeng umuwi sa amin na nakainom lalong lalo’t lasing. Makakarinig ako ng salita sa mga magulang ko. Nakakahiya sa kanila at sa mga kapatid ko. Hindi pa ako lisensyado at walang karapatang uminom dahil disisais anyos palang ako.

Hindi ko na alam kung ano pa ang mga sumunod na pangyayari. Wala na si Tony. Umuwi na siguro kanina pa. Ilang oras kaya akong nakatulog dito sa plasa, anong oras na ba? At ngayon, di nga ako natagpuan ng mga magulang ko na ganito ang ayos at amoy, girlfriend ko naman ng isang linggo ang nakakita sa akin dito.

Ewan ko kung matutuwa ako o hindi. Pero sa isang banda mainam na rin ito. Lalo na ngayon at may namumuong kalokohan sa aking isip. Maalala ko, may malaking poso sa gawing sulok ng plasa sa may di kalayuan at madalang lang ang taong dumaraan doon. May stockade ng pulis na malapit doon sa poso pero alam kong kapag ganitong oras ay abala ang mga pulis sa pagtotong-its. Gusto kong maghilamos at pangalawa, gusto kong ayain si Jocelyn doon. Parang gusto ko siyang makasama sa madilim na lugar na kaming dalawa lang.

“Tara samahan mo ako doon sa may poso.” Yaya ko sa kanya habang hawak hawak ko at haplos haplos ang kanyang palad. Nabanaag ko ang ngiti sa kanyang mga labi at tila nabasa niya ang aking binabalak. May mga dagang nagtakbuhan sa aking dibdib, nanikip ito, naexcite sa anumang mangyari. Nawala ang hang-over ko. May kung anong kakaibang lakas ang dumaloy sa aking katawan. Para akong nakaramdam ng gutom.

“ Ay ayoko. Hindi pwede e.” May inginuso siya sa akin habang panay ang tanggi niya.

“Linsyak na!” Anas ko, hindi ko napansin may kasama pala siyang bubwit. Ang pinsang niyang lalaki na magsisiyam na taong gulang. May chaperone. Buwisit. Bakit pa isinama sama niya ang linsyak na ito. Tila mauudlot ang binabalak ko.

Humirit pa ako ng ilang beses, baka sakaling makalusot. “Sige na, samahan mo muna ako, maghihilamos lang ako sandali. Toy, dito ka muna ha?” Matalinong bata. Hindi pumayag.

“Hindi nga pwede may kasama ako e.”

Shit! Ibig sabihin gusto niya kung sakaling wala siyang kasama. Parang bumalik ang kalasingan ko. Gusto kong tirisin ang bubwit.

“Sasamahan ka na lang ng pinsan ko, siya ang magbobomba para sa iyo.” Sabi ni Jocelyn habang hinahaplos ang pisngi ko. Halatang nawalan ako ng gana.

“Wag na!” sinabayan ko ng tayo at kahit nanghihinayang, naglakad ako palayo sa madilim na lugar na iyon.

Hindi ko na muling nakita pa mula non si Jocelyn.

XXX

Marso 17, 2011

Halaw ang larawan sa: http://www.flickr.com/photos/31862033@N00/31718232/

Wednesday, January 19, 2011

Laruan



“Nay pakuha yung laruan ko.” Si Jun-Jun, limang taong gulang. Nag-iisang anak ng mag-asawang Maribel at Carlo. Matagal na ring nakaratay sa kama. May malubhang karamdaman. Hindi magawang ipagamot ng kanyang mga magulang dahil sa kahirapan.

“Sandali lang anak hahanapin ko, nandito lang kanina.” Sagot ng inang balisa. Walang magawa kundi araw-araw na umiyak at pagmasdan ang may sakit na anak.

Samantala ng mga sandaling iyon, pagkatapos magpaalam sa kanyang mag-ina na aalis muna at manghihiram daw ng pera sa mga kakilala. Si Carlo ay nakatayo ngayon sa isang kanto, balisa. Kanina pa nakatingin sa isang botika. Malalim ang iniisip. Naririnig pa niya hanggang ngayon ang mga sinabi sa kanila ng doktor na tumingin kay Jun-Jun. Kailangang maipagamot sa lalong madaling panahon si Jun-Jun kung gusto nilang humaba pa ang buhay nito. Pinahid ni Carlo ang pumatak na luha sa pisngi niya. Awang-awa siya sa kalagayan ng anak. Kinapa ang reseta na nasa kanyang bulsa.

Labas-masok ang mga namimili sa botikang iyon. Pagkatapos ng ilang minuto, nagpasya na ring pumasok si Carlo at di nagtagal lumabas din ito. Nagmamadali.

“Holdaper! Holdaper! Habulin nyo!”

Dalawang pulis na kasalukuyang rumoronda sa lugar na iyon ang tumugon sa mga sigaw. Hinabol nila si Carlo hanggang sa masukol sa isang eskinita.

“Pulis! Taas ang kamay!”

Nang itaas ni Carlo ang kanyang mga kamay, napansin ng mga pulis ang baril na nakasukbit sa kanyang beywang. Ninerbiyos ang bagitong pulis. Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok. Bumagsak sa lupa ang duguang si Carlo.

“Jun-Jun.” Tawag nito bago siya nalagutan ng hininga.

Dinampot ang baril mula sa beywang ni Carlo. “Putang-ina, Ramos! Laruan ng bata to!”

XXX

Enero 14, 2011


Halaw ang larawan sa:http://www.google.com.ph/imglanding?q=toys&um=1&hl=tl&sa=X&rls=com.microsoft:en-us:IE-SearchBox&rlz=1I7ADFA_en&biw=1259&bih=603&tbs=isch:1&tbnid=aiS7KCtv5GMfAM:&imgrefurl=http://www.dansdata.com/toys.htm&imgurl=http://www.dansdata.com/images/toyguns/toys600.jpg&ei=_N82TcSqK4eyccGkrdkB&zoom=1&w=600&h=440&iact=hc&oei=xt82TZ27FczDcM-buLQB&esq=8&page=1&tbnh=149&tbnw=203&start=0&ndsp=17&ved=1t:429,r:12,s:0