Sunday, July 3, 2011

Buhay at Pangarap


Apat na taon na ring nagsasama bilang mag-asawa sina James at Annie ngunit hanggang ngayon ay hindi pa sila nabibiyayaan ng anak. Ito na lang ang kulang, sabi ng kanilang mga kaibigan, sa kanilang Masaya at maalwan na pagsasama. Maunlad na ang pamumuhay ng mag-asawa bunga ng kanilang pagsisikap na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang magigiging anak. Alam nila na ang kanilang mga pinagpapaguran ay balewala kung wala silang anak na paglalaanan ng mga ito. Hindi na rin mabilang kung ilang beses na silang nagtangkang magkababy ngunit lagi silang bigo at sa mga panahong nabibigo sila, natutunghayan ni James na natutulala si Annie at malalim ang iniisip, minsan ay umiiyak ito at kapag tinatanong niya kung bakit ay umiiling lamang ang asawa. Kapag ganito ang sitwasyon ay inaalo na lamang niya si Annie, niyayakap at pinapalakas ang loob. “Mga bata pa tayo”, sabi niya sa malungkot na asawa. “May pag-asa pa, hindi pa siguro natin oras.” Muling makakaramdam ng sigla si Annie kapag naririnig niya ang mga salitang iyon. Para siyang nagdadahilan lamang.

Ngunit nitong mga nakaraang araw ay palaging balisa si Annie. Hindi lamang ang kanyang trabaho ang naaapektuhan kundi pati na rin ang pakikipag-ugnayan niya sa kanyang asawa. Napapabayaan na niya ito, mabuti na lamang mabait at maintindihin si James. Halata na rin ang pangingitim ng ilalim ng kanyang mga mata tanda ng madalas na hindi pagkatulog at walang humpay na pag-iyak bunga ng napag-usapan nilang mag-asawa noong nakaraang linggo na muli nilang susubukan ngunit bago ang lahat iminungkahi ni James na kailangang magpatingin muna silang dalawa sa espesyalista upang malaman kung may diperensiya ba ang isa sa kanila. Naitakda ang araw kung kalian sila magpapatingin. Ito ang dahilan ng lubos na pagkabagabag ng kalooban ni Annie. Parang may kinatatakutan siya. “Paano kung… “ hindi maituloy-tuloy na tanong niya sa sarili. Palapit nang palapit ang araw na iyon. Kailangan niyang magpasya.

Isang araw, lihim na nagtungo si Annie sa isang pribadong klinika, at mag-isa itong nagpatingin, bago ang itinakda nilang mag-asawa. Halos manginig ang buong katawan ni Annie dahil sa pinaghalong pangamba at lamig na dala ng air-con sa klinika. Nangangatog ang kanyang mga ngipin at halos mamutla at wala ng dugong dumadaloy sa kanyang mga palad gawa ng mahigpit na pagkadaop at pagkatapos ng matagal-tagal na paghihintay ay dumating na rin sa wakas ang resulta ng ginawang examination sa kanya. Lalong binalot ng takot si Annie, paano kung totoo ang matagal ng bumabagabag sa kanya. “God, it’s been years.” bulong niya, “Please help me, sana hindi totoo ang duda ko.”

“Ku.. kumusta Doc.?” Humigpit pa lalo ang pagkakadaop ng kanyang mga palad, parang humihingi ito ng saklolo ngunit alam niya na walang makakatulong sa kanya ngayon. Huminga ng malalim ang doktor, parang sanay na pinaghihintay at pinahihirapan ang kanyang mga pasyente sa paghihintay. Muling tinitigan ang hawak na resulta at tumingin sa takot na takot na si Annie. Muling huminga ng malalim ang doktor bago nagsalita. “This is not good, iha.” napailing niyang sabi. “I’ll be frank with you at sana ganun ka din sa akin.” Tila wala sa sariling nakikinig si Annie, tumango lamang ito. “Your uterus is perforated. Nagpaabort ka ba?” Nagdilim ang lahat kay Annie, natulala siya. Nawala na siya sa kasalukuyang panahon, bumalik ang multo ng nakaraan. Totoo nga ang kanyang hinala at ngayon ay lalo siyang naguluhan. Matagal na katahimikan ang nanaig sa loob ng klinika. “Iha, are you with me?” Parang nagising sa pagkakaidlip si Annie, “Ahh, yeh.. yes Doc. I… I had.” “Maaari ko bang malaman kung kailan?” usisa ng doktor. “At bakit?” Umayos sa kanyang pagkakaupo si Annie, huminga ng malalim, humugot ng lakas. “I was… in college.” Nag-iisip niyang sabi. “Second year. Masyado pa akong bata noon, maraming pangarap. Hindi pa ako handa, hindi ko pa kaya ang responsibilidad at buhay.” Tahimik lang na nakikinig ang doktor, nakikisimpatiya. “Nagkamali lang ako.” dugtong niya. “May chance pa ba Doc?” nagmamakaawa niyang sabi. “Kailangan mo ng surgery iha, to remove the uterus and that means you may not be able to conceive again.”

Hindi na narinig ni Annie ang iba pang sinabi ng doktor, lumilipad na ang kanyang pag-iisip ngayon, naglalarawan ng mga posibleng mangyari sa bahay, sa tapat ng asawang si James, umiiyak habang nakayakap sa asawa, nagpapasaklolo, humihingi ng lakas ng loob upang malagpasan ang problemang ito. Wala sa sariling lumabas ng klinika si Annie at nagdrive pauwi, mabuti na lamang maluwag ang daloy ng trapiko. Umiiyak si Annie habang nasa daan, mahigpit ang pagkakahawak niya sa manibela, para bang mapipiga niya dito ang mga kasagutan sa mga tanong na kanina pa niya paulit-ulit tinatanong sa kanyang sarili:

Paano ko ipagtatapat kay James na kaya hindi ako nabubuntis ay dahil nagpaabort ako noong college?

Na naglihim ako sa kanya sa loob ng anim at kalahating taong pagsasama namin bilang magnobyo’t mag-asawa.

Na niloko ko siya…


“God.” bulong ni Annie habang napalingon sa nadaanang simbahan. “Bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin kung ano man ang consequences ng mga nagawa kong pagkakamali.”


3 Hulyo 2011

Monday, May 30, 2011

Buhay Lotto


Buhay Lotto

“Nay alis na ako.” paalam ni Randy sa ina. Nagmamadali siya. Ayaw niyang mahuli sa laro ng kanyang team sa liga ng basketball sa bayan. Sa wakas nakapasok rin sila sa championship. Gusto ng coach nila na magpraktis muna bago ang game. Isang laro lang, winner takes all kaya gagawin nila ang lahat upang manalo. Alas sais ng hapon ang simula ng laro pero alas kuwatro palang ay aalis na siya. May dalawang oras pa siya. Palabas na siya ng bahay ng tawagin siya ng kanyang nanay. May inabot sa kanyang pera at isang maliit na papel. “Daan ka saglit sa tayahan ng lotto sa bayan. Itaya mo ito.” utos ng nanay niya. “Ingatan mo iyang tiket. Malaki ang jackpot mamayang gabi.” Isinuksok ni Randy ang pera at listahan sa kanyang wallet na parang walang narinig. Tumingin sa kanyang relo at pumihit patungo sa pintuan. Naglakad siya hanggang sa pilahan ng dyip. Mahigit sampung minuto din ang nakalipas bago siya nakasakay. Tumingin ulit siya sa kanyang relo. Mabagal ang usad ng trapiko. Humaba ang pila ng mga sasakyan sa daan. Nakaramdam si Randy ng pagkainip. Lingon siya ng lingon na para bang may hinahanap. Nagsimula siyang pagpawisan hindi dahil sa mainit ang panahon kundi dahil sa pag-aalalang mahuhuli siya sa kanyang pupuntahan. Alumpihit na siya, naninikip ang dibdib. Pakiramdam niya ay nasa loob siya ng isang malaking kahon. Hindi siya makahinga. Muli siyang tumingin sa kanyang relo. Tinatapik niya ang kanyang magkabilang hita gamit ang mga palad, napansin ito ng pasaherong katapat niya kaya itinigil din niya. Muli siyang tumingin sa kanyang relo. Masasabon siya ni coach kapag na-late siya. Napakamot siya sa batok. Pagkatapos ng mahigit isang oras ay dumating din sila sa bayan. Halos talunin niya ang hindi pa humihintong dyip para lang makababa kaagad. Tumakbo siya patungo sa Gym. Inabutan niya na nag-eensayo na ang kanyang mga kasama kaya nagbihis na rin kaagad siya ng damit pang-ensayo at itinago sa locker ang wallet na may nakaipit na pera at tiket.

Maingay ang paligid. May mga nagsisigawan na tila nakikipagpaligsahan sa lakas ng videoke. Ang mga kabataan ay walang tigil sa tuksuhan at bidahan kasabay ang ingay ng mga kutsara’t pinggan at kampayan ng mga baso. Ang lahat ng naroon ay nangangamoy usok at alak na. Ang mga bote ng alak na wala ng laman ay nagsisipag-unahan sa paggulong sa sahig. Ni walang nagtangkang damputin ang mga ito. Napasigaw ang isang babae sa isang mesa ng matabig niya ang isang bowl ng pulutan at tumapon sa kanyang magarang bestida habang si Randy ay nasa isang sulok hawak ang isang bote ng beer, kayakap ang isang dalaga. Nagbubulungan sila. Doble ang kasiyahang nadarama ni Randy ngayon. Champion na sila, may girlfriend pa siya. Nangako kasi ang dalaga na sasagutin niya si Randy kapag nanalo sila sa championship.

Nang mga oras na iyon ay nagkakagulo naman sa bahay nila Randy. Hindi magkamayaw ang sigawan. Kanina lamang ay ginulantang ang lahat sa malakas na pagsisigaw ng nanay ni Randy. Nagtatatalon ito at pagkatapos ng ilang saglit ay naglulupasay naman, humahagulgol ng iyak. Akala ng lahat ay nasisiraan na ito ng bait at dahil sa kasisigaw namaos ang boses kaya hindi na siya makausap ng maayos. Itinuro niya ang TV na nasa sala ng bahay habang hawak ang isang kapirasong papel. Lotto draw ang kasalukuyang palabas sa TV at ang lumabas na mga numero para sa jackpot na 87 Million ay nasa tiket na nakaipit sa wallet ni Randy. “Makakaahon na tayo sa kahirapan .” umiiyak na sabi ng nanay ni Randy habang mahigpit na yakap ang mga kapatid niya.

xxx


29 Mayo 2011

Wednesday, May 25, 2011

Libro


Alam ni Ramon na pagsikat ng araw ay mahuhuli siya. Ngayon, habang hatinggabi dito sa gitna ng tubuhan makakapagtago siya pansamantala. Naririnig niya ang mga papalapit ng mga yabag. Nag-uunahan. Umiikot lang sa pinagtataguan niya. Naaamoy niya ang alak na sumisingaw sa kanilang mga katawan. Nakiramdam si Ramon. Halos hindi siya humihinga. Naninikip ang kanyang dibdib na parang gustong sumabog. Nakahanda siya sa maaaring mangyari. Alam niya na anumang oras ay masusukol siya. Hindi na siya idadaan sa tamang proseso. Sisintensyahan kaagad siya ng mga ito. Uhaw ang mga ito sa kanyang dugo. Ang tanging nais niya ngayon ay makatakas at lumayo sa lugar na iyon. Kinapa niya ang baril na nasa kanyang bulsa. Ang baril na kanina lamang ay nagbuga ng isang bala na nagbigay ng kalayaan sa kanyang mga kababaryo. Wala siyang kasalanan. Ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili mula sa pang-aabuso. Si Ramon ay isang simpleng magsasaka lamang na nagtatanim at umaani ng matatamis na tubo. Tuwing bukang-liwayway bumabangon siya upang harapin ang isang umaga at walang inasam kundi ang umuwi sa kanyang kubo sa dapit-hapon, magsindi ng lampara at basahin ang kanyang mga libro. Ang pagbabasa sa pakiramdam niya ay maihahalintulad sa pagtatanim ng binhi sa kanyang isipan. Makalipas ang ilang taon na pagbabasa ng mga libro, pakiramdam niya ay masaganang-masagana ang kanyang utak. Nakapagdesisyon si Ramon na ibahagi sa kanyang mga kababaryo ang nadaramang kaligayahan mula sa pagbabasa. Hindi lumaon ang lahat ng kanyang kinikita sa pagtatanim ng tubo ay ginamit niya pambili ng mga libro para sa kanyang mga kababaryo. Pagkatapos ng anihan, naglalakad si Ramon hanggang sa karatig-baryo upang mamahagi ng mga libro sa mga bata at matatanda. Ikinukuwento niya sa kanila ang mga magagandang bagay at lugar na nababasa niya. Na para silang dinadala sa ibang lugar at panahon. Naging masayahin ang mga tao sa kanilang lugar. Naging kasingtamis ng tubo ang kanilang mga ngiti. Minahal ng bawat isa si Ramon. Lahat sila maliban kay Kapitan Tyago. Walang nakakaalala kung kelan at paano naging Kapitan si Tyago. Dumating na lamang siya sa baryo isang araw kasama ang mayamang nagmamay-ari ng malawak na lupain dito at simula noon kapitan na ang tawag sa kanya. Walang naglakas nang loob na magtanong. Hindi siya nakita kahit kailan na hindi nakasukbit sa kanyang baywang ang napakalaki at nangingislap na baril niya. Naging simbolo na ito ng takot at paghahari lalo na kapag pinapapuputok niya ito sa tapat ng kanyang bahay habang umiinom ng alak. Sa panahon ng anihan iisa-isahin niya ang mga kabahayan upang maningil ng buwis. At pagsapit ng hapon ay mag-iinuman sila ng kanyang mga tauhan hanggang madaling araw. Halakhakan at kantahan kasabay ng pag-alingawngaw ng walang humpay na putok ng baril sa karimlan. Pagkatapos ng ilang araw na inuman, waldas na naman ang pera na nasingil sa mga magsasaka. Naisip ni Kapitan Tyago na kung mapupunta lamang sa kanya ang mga inaani ni Ramon mabubuhay na siya. May pagkukunan siya ng pambili ng masasarap na pagkain at alak kesa wawaldasin lamang ni Ramon sa walang kuwentang mga libro. Ilang beses na niyang pinagplanuhan na nakawin ang mga ani ngunit naroon na sa bayan si Ramon namimili ng mga bagong libro. Galit na galit si Kapitam Tyago sa kanya.

Isang araw na maniningil ng buwis si Kapitan Tyago dinatnan niya ang mga tao sa baryo na nagbabasa. Hindi niya alam kung ano ang nilalaman ng mga libro na kanilang binabasa dahil hindi siya marunong magbasa ngunit nakita niya na lahat sila ay masaya at nakangiti. Galit na galit siya sa mga tao. Lalong tumindi ang galit niya kay Ramon. Kailangang matigil ang kabaliwang ito sabi niya sa kanyang mga tauhan. ‘Kumpiskahin ang lahat ng mga libro at sunugin.’ utos niya. ‘Kung sino man ang papalag, itumba!’ Masamang-masama ang loob ng mga tao lalong-lalo na si Ramon. Gusto niyang lumaban ngunit wala pang naglakas loob na lumaban kay Kapitan Tyago. Muling bumalik si Ramon sa kanyang lupain at nagtanim ng tubo at pagkatapos ng anihan namili ulit siya ng mga libro, mas marami ngayon kesa noong huli. Ngunit dumating ulit si Kapitan Tyago upang maningil ng buwis at hindi lamang pera ang kanyang kinuha kundi pati mga libro na rin. Pinaghahablot ng kanyang mga tauhan ang mag librong hawak-hawak ng mga bata at matatanda. Nakaladkad sa maalikabok na daan ang mga batang ayaw bitawan ang kanilang mga hawak na libro na akala mo ay isang palutang sa tubig. Nakita lahat ni Ramon ang mga pangyayari. Nagngingitngit siya sa galit kaya bumalik siya sa kanyang tubuhan at nagtanim ng mas marami kesa sa nakaraan. Muli siyang namili ng mga libro. Sobrang dami ngayon. Nagkulang ang mga tao ni Kapitan Tyago upang kumpiskahin ang lahat ng mga libro. Nagkulang din ang gas at posporo para sunugin ang mga ito.

Ngunit isang madaling-araw ilang buwan na ang nakakaraan, nagisnan na lamang ni Ramon na wala na ang kanyang mga pananim. Sinira lahat ito ni Kapitan Tyago. Bumalik sa kanyang kubo si Ramon. Nag-impake ng ilang mga gamit. Kailangan niyang umalis at magpakalayo-layo dahil kung hindi alam niya na isa sa kanila ni Kapitan Tyago ang mamamatay. Dumaan siya saglit sa kanyang kaibigang si Ben upang magpaalam. Kinumbinsi siya ni Ben na manatili ngunit alam nilang pareho na mas mainam kung aalis siya at bago siya umalis may iniabot sa kanya si Ben bilang regalo na magagamit niya sa kanyang paglalakbay. Isa itong maliit na baril. Sa itsura ng baril ay parang hindi ito makakamatay sa sobrang kalumaan. Kasya ito sa kanyang bulsa. Hindi sana niya ito tatanggapin ngunit mapilit si Ben at ayaw niya itong mapahiya. Baka daw kakailanganin niya. Inabutan din siya ng isang bala na nangingitim na. Nagbilin pa si Ben na kung sakaling dumating ang pagkakataon na gagamitin niya ang baril kailangang magdasal muna siya bago kalabitin ang gatilyo dahil baka kapag ipinutok na niya ang baril ay sa paanan lamang niya babagsak ang bala. Alam ni Ramon na sa kalumaan ay hindi na ito makakapanakit ng tao. Yumakap si Ramon sa kaibigan at pumihit patungo sa pintuan nang laking gulat niya ng makita niya si Kapitan Tyago na katayo ilang hakbang lamang ang layo sa kanya. Nakatutok kay Ramon ang mahaba at nangingislap na baril ni Kapitan Tyago habang ang kaliwang kamay ay nakawahak ng bote na may kalahati pang lamang alak. Hindi na nakapag-isip pa si Ramon bigla niyang itinutok kay Kapitan Tyago ang hawak na baril kasabay nito ang pagkalabit sa kalawanging gatilyo. Umalingawngaw ang isang putok. Muntik pa niyang mabitiwan ang baril sa lakas ng sipa. Walang buhay na bumagsak sa sahig na lupa si Kapitan Tyago. May tama ng bala sa noo. Napatay niya si Kapitan Tyago at ilang sandali na lang ay pagbabayaran na niya ito.

xxx


24 Mayo 2011

Thursday, May 5, 2011

Mahal kong Amalia


Nakatayo si Mang Ben sa gate, hinihintay ang security guard na pagbuksan siya. Napaaga siya ngayon ng dating. Gusto niyang magsimula ng maaga. Mabuti naman at dumating din ang security guard pagkatapos ng ilang minuto.

‘Magandang umaga ho, Mang Ben! Kumusta kayo ngayon?’

‘Mabuti naman.’

‘Makikita nyo na kaya ngayon?’

‘Sana iho. Sana.’ Nakangiting sagot ni Mang Ben habang pabalik ang security guard sa kanyang outpost. Dahan-dahang naglakad si Mang Ben sa kalsada. Bahagya siyang natigil nang makarating siya sa kanto. Nakalimutan niya kung saan siya tumigil kahapon. Paminsan-minsan kasi ay hindi na siya kinakasihan ng kanyang memorya. May dinukot siyang maliit na notebook sa kanyang bulsa. Tinignan niya kung saan siya tumigil kahapon. Rolando Balingit, April 19. Limang araw na ang nakakalipas. Nakalimutan niyang ilagay ang tamang date? O hindi na niya nailagay.

‘Ben, ano bang nangyayari sa ‘yo?’ Napailing siya. Wala siyang magagawa kundi magsimula kay Rolando Balingit. Nakarating siya sa nasabing pangalan gamit ang sketch na ginawa niya.

Nakaramdam siya ng pananakit ng balakang pagkatapos ng tatlong hanay. Naupo muna siya. Binuksan niya ang dalang bag at kumuha ng sigarilyo. Matagal bago niya maalala kung saan niya inilagay ang posporo. Nakailang hitit-buga siya habang nag-iisip. Inilabas niya ang kanyang baong pananghalian pagkatapos manigarilyo. Adobo at kanin. Habang kumakain ay muli niyang naisip ang mga masasayang araw nila noon. Minsan may mga pagkakataong malinaw na malinaw sa kanya ang lahat, ang kanyang ala-ala. Para bang magkaharap lamang sila, ang kanyang mga mata at labi, nakangiti sa kanya. May mga araw naman na hindi na niya siya maisalarawan. Kailangang isulat niya ang mga ilang mahahalagang detalye. Ngunit mahirap naman na lagi niyang ginagawa yon. Nang biglang magpanic si Mang Ben. Nakalimutan na rin niya ang pangalan. Dumating na ang kanyang kinatatakutan.

‘Ano na nga ba? Corazon?… Filomena? Hindi. Hindi… Minerva?’ Ang dami niyang naiisip na pangalan. ‘Ano ba ang tama?’

‘Oh, Diyos ko. Isip. Isip. Haplos-haplos niya ang kanyang ulo. ‘Adelina… Isabel…’ Wala ng pag-asa. Ang tanging magagawa na lamang niya ngayon ay magpatuloy at maghintay na bumalik ang kanyang ala-ala. Tapos na siyang kumain. Tumayo siya at muling ipinagpatuloy ang paghahanap.

Binasa niya ang lapida na nasa harapan niya. Antonio Rivera 1902 – 1978. Lalaki. Nagpatuloy siya. Marcela Gatmaitan 1940 – 1993. Napatitig siya sa lapida. ‘Pwede kayang Marcela?’ napaisip siya. ‘Palagay ko hindi.’

Nagpatuloy siya hanggang sa makarating siya sa dulo. Nagsimula ulit siya sa isang hanay. Isa. Dalawa. Tatlo… John Ryan Pastor 1985 – 1999. ‘Ang bata.’ Buntong-hininga niya. Umabot siya sa dulo. Hindi pa rin niya tanda ang pangalan. Nagpatuloy siya, umaasang may makita siyang makapagpapaalala sa kanya ngunit natapos na niya ang isang hanay, hindi pa rin niya ito matandaan. Ito na yata ang pinakamatagal na pagkalimot niya. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Naupo siya. Nananakit na ang kanyang baywang. Nagsindi siya ng sigarilyo habang pinagmamasdan ang kanyang maliit na notebook.

‘Siyam na hanay. Isa pa para sampu. Bukas ulit.’ Nakakaramdam na siya ng pagod. Ang paghahanap, paglalakad at pag-iisip ang nagpapahirap sa kanya. Nagsimula siyang muli. Robert Cruz 1948 – 1990 ‘Ang bata nang namamatay ang mga tao ngayon.’ obserbasyon ni Mang Ben.

Magdadapit-hapon na. Titigil na sana si Mang Ben nang mapansin niya ang isang maliit na puntod sa dulo. Lumapit siya upang mabasa ang nakasulat,

Mahal kong Amalia
1922 – 1969
Sumalangit Nawa

Hindi siya makahinga. Nanlambot ang kanyang mga tuhod. Tila babagsak si Mang Ben.
‘Amalia. Tama. Yun ang kanyang pangalan.’

‘Oh Diyos ko. Mahal ko. Natagpuan din kita.’ Lumuhod siya. Hinaplos-haplos ang marmol tulad ng paghaplos ni Mang Ben sa kanyang pisngi noong nabubuhay pa siya.

‘Mahal ko, Amalia. Matagal na panahon din kitang hinanap. Mabuti’t tinulungan mo akong makita ka.’ Niyakap niya ang malamig na marmol at siya ay napaiyak. Yumuyugyog ang kanyang mga balikat. Para bang natanggal ang mabigat na pasan-pasan niya. Ang mahabang panahon na pagkakahiwalay nila ay natapos din. Maipagluluksa niyang muli ang babaeng matagal na nawalay sa kanya. Pinagmasdan niya ang paligid ng puntod. Halos natatakpan na ito ng makapal na damo at mga tuyong dahon.

‘Anong nangyari sa ‘yo? Kailangan malinis natin ito.’ Binalewala niya ang sakit na nararamdaman sa kanyang balakang. Nanginginig ang kanyang mga kamay sa tuwang nadarama. Binunot niya ang mga damong bumabalot sa puntod. Inipon niya ang mga nabunot na damo at natuyong dahon sa isang tabi. Pinagtiyagaan niyang linisin ang lapida gamit ang kanyang panyo. Matagal bago niya mapansin na dumidilim na pala ang paligid. Dahan-dahan siyang tumayo hawak ang nananakit na balakang ngunit may ngiti sa kanyang mga labi.

‘Kailangan ko ng umuwi Mahal ko. Babalik ako bukas.’ paalam ni Mang Ben.

‘Magdadala ako ng bulaklak, yung paborito mo.’ Hinaplos-haplos ang nakaukit na pangalan sa lapida. Muling lumingon si Mang Ben pagkatapos ng ilang hakbang. ‘Paalam Mahal. Babalik ako bukas, pangako.’

Nagpaikot-ikot si Mang Ben hanggang sa makarating siya sa gate. Habol niya ang paghinga. Naninikip ang kanyang dibdib.

‘Ano na nga bang taon noon? 1969? Tama ba? Nagdadalawang-isip si Mang Ben.

‘Tama ba…? Hindi ako sigurado…. Kelan ba? Parang kalilipat lang namin noon sa Rio Claro. Limang taon noon si Marinela.’

’68 ba yon o 69.’ Nagbibilang siya sa kanyang mga daliri ng biglang dumating ang security guard.

‘Kumusta ho? Nakita nyo na ho ba?’

‘Oo pero hindi pa ako sigurado. Kailangan kong hanapin ang ilang dokumento sa bahay.’

‘Kung hindi ho siya, pwede naman kayong bumalik bukas at maghanap ulit.’

Napapakamot sa ulong sabi ng security guard. Naaawa siya sa matanda. Nakalabas na ng sementeryo si Mang Ben. Ipinulupot ng security guard ang mahabang kadena sa gate at saka kinandaduhan.

‘Sige ho. Ingat ho sa pag-uwi.

Hindi na sumagot si Mang Ben. Malalim ang iniisip niya.

‘Makikita din niya.’ bulong ng security guard habang pabalik siya sa guardhouse.


xxx


00:26 AM
5 May 2011

Friday, April 22, 2011

Ang Liham

Kanina pa nakatingin si Affan sa kanyang relo. “Konting bilis dyan Saiid. Tiyakin na maayos ang pagkakatanim nyo ng mina. Baka mapansin yan pagdaan nila dito.” Humudyat si Saiid na ayos na ang lahat. “O bumalik na ang lahat sa kani-kanilang pwesto. Siguraduhing nasa mas mataas na lugar kayo.”

Namumugto na ang mga mata ni Aling Marta sa walang tigil na pag-iyak, masamang-masama ang loob. Gayundin ang asawang si Mang Lando. Tahimik, nakatitig lamang sa anak. Para bang isinasaulo niya ang mukha nito. Yumakap ng mahigpit si Aling Marta sa labinsiyam na taong-gulang na si Pvt. Gabay. “Anak, mag-iingat ka lagi. Wag mong kalimutang magdasal.” Yumakap ng mahigpit si Pvt. Gabay sa ina at ama. Hindi maikubli ang tumulong luha mula sa kanyang mga mata. Awang-awa siya sa kanyang mga magulang ngunit kailangan niyang gawin ito upang maiahon niya sila sa kahirapan. “Wag po kayong mag-alala inay. Susulat kaagad ako pagdating ko dun.” Napangiti si Aling Marta, “Hihintayin ko ang sulat mo anak.” Bumitaw sa pagkakayakap sa ina si Pvt. Gabay ng marinig ang hudyat na kailangan ng sumakay sa kanilang trak. “Aalis na po ako.” paalam niya sa mga magulang.


“Parating na sila! Magsipaghanda ang lahat!

Isang malakas na pagsabog ang naganap. Umangat sa ere ang trak, sampung talampakan ang taas matapos masagasaan ang mina. Nakataob itong bumagsak sa lupa tangay ang ilang sundalong wala ng buhay. Ang mga nakatalon naman ay pinaulanan ng bala mula sa mataas na lugar na pinagkukublihan nila Saiid. Ilang saglit ang nakalipas, tumigil rin ang putukan na nanggaling lamang sa isang panig, at nang matiyak na wala ng gumagalaw sa mga sundalo at samsamin ang mga gamit na pwede pang pakinabangan, nagpasya ng umalis ang mga rebelde.

Nakakasulasok ang paligid. Naghalo ang baho ng pulbura at lansa ng dugo at laman ng tao. Ang lupa ay nagkulay pula. Nakahandusay ang mga katawan sa paligid. Nagkalat ang mga pira-pirasong bahagi ng katawan- mga binti, braso, kamay, laman-loob, mga mata at utak. May isang ulo na ilang hibla na lang ng laman ang nag-uugnay sa kanyang katawan. Ang mga sundalong nakatalon sa trak ay durog-durog ang mga katawan sa dami ng tama ng bala. Halos mahati ang katawan ng isa. Ang iba ay hindi na makikilala pa. Mapalad ang mga nasa gawing likuran ng trak, buo pa ang mga katawan nila kahit na nakasabit pa ang mga ito.

Dapithapon na ng magising si Pvt. Gabay. Masakit ang buo niyang katawan ngunit pinilit niyang tumayo mula sa kanyang kinalalagyan. Limang metro ang layo niya mula sa trak. Isa siya sa mga tumalsik kanina dahil sa pagsabog. Pasuray-suray siyang naglakad habang nakatambad sa kanya ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang mga kasama. Gusto niyang maduwal. Nakita niya ang isang pang kasama na nakadapa. Lumapit siya dito ngunit dalawa pang nakaligtas na sundalo ang nauna sa kanya at itinihaya nila ang nakadapang kasamahan. Pigil ang paghinga nila ng makitang tadtad ng bala ang mukha nito at hindi na mapagkilanlan. Lalong nagimbal si Pvt. Gabay ng mabasa ang name cloth ng sundalong nakahandusay sa harapan niya, napaatras siya, pakiramdam niya ay namanhid ang buo niyang katawan at para bang tinatangay siya ng hangin. Napasigaw siya ngunit hindi na siya marinig ng dalawa pa niyang kasama.

“Diyos ko. Wag nyo pong pabayaan ang nag-iisa kong anak.” taimtim na panalangin ni Aling Marta habang sakay sila ng dyip pauwi sa kanilang baryo.


xxx


22 Abril 2011

Friday, April 15, 2011

Isang Sulyap sa Buhay ng Isang Kriminal


April 15, 2011


Almira mahal ko,

Nagsisisi ako kung bakit hindi ako sumulat sa iyo sampung taon na ang nakakalipas at kung sumulat man ako, hindi sana ako tumigil noon. Tumakbo sana ako pabalik ng bahay, nagsimula sanang magsulat ng walang humpay nang malaman kong namatay ka. Ngunit sa ibang direksyon ako napadpad, walang angkop na salita na pwedeng gamitin sa pagkawala mo, at pati na ang lahat ng bangungot sa nakalipas na sampung taon. Lahat ng mga krimen, oo Mahal ko, isa na akong mamamatay tao ngayon, hindi lang isa kundi maraming beses akong pumatay. Ang mga ito ay bunga, kundi man lahat, ng pagkawala mo.

Nakini-kinita ko ngayon na pinaiintindi mo sa akin, na paulit-ulit mong sinasabi na nasa gitna tayo ng kaguluhan, ng karahasan, na ang nangyari sa iyo ay dinanas din ng ilan nating mga kapatid na isinilang sa lupaing iyon. Totoo, ang bombang kumitil sa iyo sa plasa ay pumatay din ng ilan, na hindi lamang ako ang nag-iisang naipit sa tunggalian, na tumawid mula sa isang inosenteng tao tungo sa pagiging isang partisipante sa walang humpay at walang katuturang kaguluhan na nananaig doon.

Hindi ako nagdadalawang isip, alam ko na ako ay biktima ng mga bagay na nagawa ko at nakita ko, ngunit hindi, ang nangyari sa akin ay hindi dahilan ng pagkabigo ko na humingi ng tulong at talikuran ang kaguluhan. Walang kapatawaran ang pagtalikod ko sa dating taong kilala mo at lahat ng kanyang paninindigan dahil lamang sa mga pangyayari.

Naiisip mo ba ang taong iyon? Ang simpleng binata na gustong maging pintor- isa siyang mabuting tao, di ba? Tahimik, mahiyain, minsan palatawa. Naaalala mo pa ba siya? Kung ganun, magalit ka sa kanya, kasuklaman mo siya, dahil sa nakalipas na sampung taon ay isa na siyang masamang tao. Nagsisilbi sa ilang taong kayang magbayad. Pumapatay para sa perang hindi naman niya kailangan. Walang pagsisisi, walang awa.

Ang pinakahuli ay kahapon lang sa Manila. Oo, kahapon ng umaga, pinatay ko ang isang matandang lalaki, Kajir Yapan ang pangalan, isang negosyante. Hindi ko alam kung bakit gusto nila siyang ipapatay. Wala na akong pakialam dun. Para sa akin, isa lang siyang kontrata. Ang kanyang kamatayan ay hindi mahalaga kesa sa nilalaman ng kanyang computer.

Pero ngayon, sa loob ng sampung taon, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Parang kinakain ako ng aking nagawa. Sabihin mo ng konsensiya, pero ang alam ko, itong nararamdaman ko ngayon ay walang pagsidlang lungkot na siyang ipinagpapasalamat ko dahil ngayon ko nadama na tao rin pala ako. Para bang bumalik muli ang aking paningin pagkatapos na mawala ito ng mahabang panahon. Ang nangyari sa akin kahapon ay nagbunga ng pangungulila ko sa dating taong kilala mo.

Nagbago na ako, at isinusumpa ko, si Yapan na ang huling taong pinatay ko para sa pera. Hindi ko ipinapangakong hindi na ako papatay ulit, hindi pa, sana magawa ko, pinag-isipan ko ito ng malalim sa loob ng dalawampu’t-apat na oras, ngunit kailangan ko pang pumatay ng tatlo, tatlong tao na nakapagitan sa akin kung ano ako ngayon at kung ano ako noong araw na ikaw ay mamatay. Oo, kahit saang anggulo mo titignan, hindi na ako ang dating taong kilala mo pero ito na ang pagkakataon ko upang ihinto ang kabaliwang ito.

Kung meron lang ibang paraan upang makapag-umpisa ulit, na hindi na kailangang pumatay muli, tatahakin ko ang landas na yon dahil naiintindihan ko na ngayon ang dapat kong naintindihan noon, na iyon ang gusto mo sanang gawin ko, na iyon ang gusto mong ginawa sana natin. Ganun pa man, ang tatlong buhay ay walang halaga sa akin at sa mga nagawa ko, hindi ito mas matimbang kesa sa pagsunog ko sa sulat na ito mamaya.

Ang mahalaga ay naisulat ko ang liham na ito. Naumpisahan ko na at wala ng balikan. Isang masakit na katotohanan na nagawa ko ang mga nagawa ko sa loob ng sampung taon dahil nawala ka sa akin. Siguro masama ang loob mo ngayon ngunit itong huling tatlo, ang lahat ay gagawin dahil minahal kita, minamahal at patuloy na mamahalin.


Raj Gyia






Halaw ang larawan sa: http://balance-sheet.deviantart.com/art/Speedpaint-gunman-156408682

Wednesday, April 13, 2011

Isang Hindi Ordinaryong Hapon



December 25

Alas 6:00 ng umaga. Araw ng Pasko. Abala ako sa pag-iimpake. Limang T-shirt, tatlong itim at dalawang berde. Dalawang kupas na maong kasama na dito ang aking isusuot sa pag-alis, limang brief, mga panyo, jacket na itim, tatlong pares ng medyas, tsinelas, ano pa ba? Tuwalya. Sipilyo at toothpaste. Hindi ko na kailangang magdala ng gel para sa buhok, hindi ko ito magagamit sa pupuntahan ko. Nga pala, baseball cap, kelangan ko ito doon. At ang pinakamahalaga sa lahat yosi at lighter. Isang kahang Marlboro, yung pula.

Habang hinahanda ko ang mga gamit ko at abala naman ang lahat ng tao sa bahay, nag-aalmusal. Pinagmamasdan ako ng aking nanay. May tanong ang kanyang mga sulyap. Kumwari abala ako pero alam ko na nakatingin siya sa akin. Paraan ko ito para umiwas sa kanya. Sino nga ba naman ang hindi magtataka, araw ng pasko, nag-iimpake ako ng gamit at aalis.

Hindi na siya nakapagpigil. Tinanong niya ako kung saan ang lakad ko. Tumahimik sila, natigil sa pagsubo, inaabangan ang aking isasagot. Ang aking ama ay nakatingin lang sa isang tabi. Meron kaming relief operation sa Pampanga, sagot ko. Isa pang tanong. Bakit naman sa araw ng pasko ang alis nyo? Naghagilap ako ng sagot. Mabuti na lang at malikot ang pag-iisip ko. Para po makapagbigay kami ng pamasko sa mga nangangailangan doon. Isa pa ulit. Saan sa Pampanga? San Fernando, sabi ko. Kalahating totoo, kalahating hindi ang sagot ko.

Tapos na ako sa pag-ayos ng mga gamit ko. Nagpalaam ako sa aking mga magulang. Malungkot ang nanay ko sa pag-alis ko pero ang aking tatay maayos naman. Siguro iniisip niya lalaki naman ako, kaya ko na ang sarili ko. Ganun na siya talaga. May tiwala sa mga ginagawa ko. Bago ako lumabas ng bahay binilinan ko ang aking mga kapatid na umaayos.

Pagkalabas ng village, sumakay ako ng dyip papuntang Sampaloc. Bumaba ako sa Morayta at naglakad hanggang Recto. Sumakay muli ng dyip pa-Dibisorya naman. Mabigat ang bag sa likod ko. Ilang minuto lang bumaba ulit ako. Avenida. Sa istasyon ng mga bus patungong San Fernando. Nakakailang hakbang palang ako ng makita ko si Maan na nakaupo sa isa sa mga bankong inuupuan ng mga pasahero habang naghihintay ng kanilang masasakyan.

Napakaingay ng paligid kahit araw ng pasko. Napatingin ako sa kasama ko. Maputi. May kahabaan ang nangingislap na buhok na tumatama sa sikat ng araw. Katamtaman ang tangkad. Makipot na bibig, maliit ngunit matangos na ilong at mamula-mula ang magkabilang mga pisngi. Pinagmamasdan ko siya habang papalapit ako sa kanya. Nakasuot ito ng maluwag na T-shirt ngunit hindi naitago ang magandang hubog ng katawan. Pansinin. Umupo ako sa tabi niya ng walang imik at sumulyap sa orasan na nasa aking bisig. Napatingin din siya sa relo niya. Nagkatitigan kami at sabay na tumayo patungo sa bus na may karatulang San Fernando.

Isa’t-kalahating oras din ang byahe namin. Nakatayo kami ngayon sa tapat ng isang sikat na fastfood. Naghihintay. Mga ilang minuto pa darating na ang sundo namin. Hindi ako nagkamali, may isang lalaki na lumapit sa amin at may sinabi. Sinagot ko ito at saka kami sumunod sa kanya. Alas nuwebe pa lang ng umaga at araw ng pasko ngunit tirik na ang sikat ng araw dito. Hindi naman mainit, malamig nga kung tutuusin ang simoy ng hangin. Sumakay kami sa isang dyip patungong Mexico. Humigit-kumulang isang oras din ang binaybay namin bago kami nakarating sa aming destinasyon sa raw na ito.

Masaya ang paligid. Parang pista dito sa probinsiya. Kabi-kabila ang bati ng Maligayang Pasko. Masaya ang mga tao dito na makakita ng mga bakasyunista. Sinalubong kami ng may-ari ng bahay. Si Aling Pacing. Naghanda kaagad siya ng miryenda pagkababang-pagkababa ng mga gamit namin. “Kumain muna kayo’, yaya niya. “Mga batang ire oo kung kelan araw ng pasko saka naman…” hindi na niya itinuloy ang kanyang sasabihin at nagkatitigan sila ng lalaking sumundo sa amin na hanggang ngayon hindi ko alam ang pangalan niya. “Siya sige, kumain muna kayo. Hintayin niyo sandali si Turning nasa plasa siya ngayon may konting kasiyahan kasi ang mga kabataan doon.” Si Mang Turning ang kapitan sa baryong ito at siya din ang naatasang maghahatid sa amin sa talagang pakay naming dito sa Mexico.

Gabi na ng dumating si Kapitan Turning. Tapos na kaming maghapunan at nanakit na ang mga likod namin sa kauupo maghapon, sa kahihintay sa kanya. Pagdating na pagdating niya ay pinatawag kami. Kumustahan, ikinagagalak daw niyang makilala kami. Nagkuwentuhan kami sandali tungkol sa mga kaganapan sa Maynila at bago tumulak matulog ay sinabi niya sa amin kung anong oras ang lakad namin bukas at kung ano ang mga dapat dalhin at dapat gawin habang nasa daan. “At siya nga pala”, sabi niya. “Dumating na rin ang iba nyo pang kasamahan, nasa kabilang ibayo sila. Hindi agad kami nakatulog ni Maan. Nakadalawang stick muna kami ng sigarilyo bago nagpasyang matulog.

December 26

Naalimpungatan ako sa tama ng sinag ng araw sa aking mukha. Tanghali na pala hindi man lang ako ginising ni Maan. Bumangon kaagad ako, nag-inat, lumabas ng kuwarto. Si Maan ang hinanap. Nasa kusina ito at nag-aalmusal kasama ang mag-asawang Turning at Pacing. Medyo nahihiya pa ako ng batiin ako ni Mang Turning. Nagdahilan na lang ako ng di agad kasi ako nakatulog kagabi. Pagkatapos ng pasko at handaan, ang ulam na lang ngayon ay talbos ng kamote at piniritong dilis. Pagkatapos kumain ay nagpalipas ulit kami ng ilang oras. Dalawang stick na lang ang natitira sa sigarilyo ko. Makailang beses siguro kaming napasulyap sa aming mga orasan hanggang sumapit ang oras ng paggayak.

Naghanda kami ni Maan sa pag-alis. Excited. Nagjacket siya ng itim. Ibinuhol ang buhok at ipinasok sa loob ng kanyang sumbrero. Pareho kaming nakatsinelas. Sinundan namin si Mang Turming sa likod ng bahay. Doon kami maglalakad, mula sa likod ng bahay at hindi sa kalsada. Babaybayin namin ang malawak na bukirin na aking natatanaw ngayon. Mabuti na lang at hindi mainit ang lupa tulad ng sa tag-araw. Alas dos ang sabi ng aking orasan. Tamang-tama daw sabi ni Mang Turning.

Pagkatapos ng kalahating oras ng paglalakad, nabungaran namin ang isang kalsada. Parang umikot lang kami. Tumawid kami dito at pumasok sa isang sitio. Napansin ko ang ilang magagarang sasakyan na nakaparada sa tabi ng kalsada. Napakanuot noo ako. Ano ang ginagawa ng mga sasakyang ito dito? Hindi pa man kami nakalalayo ay natanaw ko ang isa pang kotse. Bagong dating at pumarada ito sa likod ng isa pang kotse. Dalawang lalaki ang bumaba mula rito at sa kanilang mga itsura ay masasabi mong may sinabi ang mga ito sa buhay. Kinalabit ko si Maan. Inginuso ko sa kanya ang mga sasakyan. Nagkibit balikat siya. Nasa bukana na kami ngayon ng sitio. May tindahan sa unahan. Nakaupo dito ang ilang kabataan. Tipikal sa mga lugar na walang magawa Ngunit nakapagtatakang hindi man lang kami napansin. Sa tapat ng isang kubo ay naghahabulan ang mga bata. Nagliparan ang alikabok. Sa isang banda naman ay may mga nanay na kuwentuhan ang lipasan ng oras. Nang makarating kami sa isang kanto, isang ale na nagwawalis sa kanyang bakuran ang nagbigay sa amin ng instruksiyion kung saan pupunta nang hindi man lang siya tumingin sa amin. Kumaliwa daw kami pagdating namin sa dulo. Kumaliwa nga kami at patuloy na naglakad. Hindi rin pala kabisado ni Mang Turning ang daan. Isa pang ale ang nagturo sa amin ng tamang daan.

Nakarating kami sa dulo ng sitio. Nasa bukana ulit kami ngayon ng malawak na bukirin. Malakas na ang hampas ng hangin. Wala na kasing mga punong-kahoy. Patuloy kami sa paglalakd. Binaybay namin ang matigas na pilapil. Napansin kong may mga grupo din ng tao na naglalakad sa unahan namin kaya sinundan namin ang mga ito. Ang dalawang lalaki kanina na bumaba sa kotse ay nasa likuran na rin namin. Natanaw ko sa may di kalayuan ang isang berdeng Huey Helicopter na kanina pa palipad-lipad na para bang rumoronda. May nadaanan kaming mga magsasaka na hindi man nakatingin sa amin ay nagbigay pugay pa rin. Nagtataka na ako ngayon kung bakit hindi makatingin sa amin ang mga nadaanan naming mga tao.

Pagkatapos ng isang oras na paglalakad, sa wakas ay nakarating din kami. Maraming tao sa paligid. Akala mo pista. Nagkakasyahan ang lahat. May nagkakantahan habang ginagabayan ng gitara. May nagtatawanan sa kabilang dako naman. Napansin ko na may nakahandang mga pagkain sa isang mahabang mesa. May mga parating na may mga dalang pagkain. Sa gawing unahan ay may isang kubo na ginagamit siguro ng mga magsasaka bilang pahingahan. May isang mesa sa gitna ng kubo. May mga nakapatong doon na parang mga papeles. Hindi pa kami nakakapagpahinga nang marinig kong may tumatawag sa akin. Pamilyar ang boses na yon, lumingon-lingon ako ng makita ko ang mga kasama ko sa Maynila na nakangiti at masaya nila kaming sinalubong. Ilang saglit na nagkumustahan at nagkuwentuhan.

Maya-maya lang ay nagsimula na ang programa. Tahimik ang buong kapaligiran. May ilang kalalakihan ang namuno at pinangunahan ang selebrasyon. Isang lalaki, pagkatapos ibigay sa kanya ang hudyat, ang tumayo upang isinabit sa dalawang poste ng kubo ang isang malaking bandilang pula na may karit at masong kulay ginto. May mga Armalayt na nakatayo sa likod ng mga lalaking nasa mesa. Nakatayo naman sa iba’t-ibang sulok ang mga kasamang may dala-dalang mga armas, Nakangiti ang lahat. Banaag sa mukha ng bawat isa ang tagumpay at pananalig habang ako ay nagmamasid.

Natanaw ko na mahaba na rin ngayon ang pila ng mga magagarang sasakyan sa gilid ng kalsada, habang ang helicopter ay patuloy sa pag-ikot sa malawak na bukirin.

Alas tres na ng hapon. Disyembre 26. Anibersaryo ng Partido. At ito ang unang pagdalo ko.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay! sigaw ng bawat isa.


xxx

Sunday, March 20, 2011

For Better or For Worse



Ikalabinlimang-taong anibersaryo ng mag asawang Louie at Teresa ngayon, at tulad ng nakaugalian nila tuwing sasapit ang ikalimang taon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, naghahanda sila ng salu-salo bilang pagpapasalamat kasama ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan kabilang na dito ang matalik na kaibigan ni Louie na si Mark at ang asawa nito.

“O Pare, saan kayo maghahoneymoon ni Mare?” pabirong tanong ni Mark.

“Alam mo pare, may bagong resort sa Camu Island ngayon, dinadayo. Doon ang punta namin ni Teresa. Puti at malapulbos ang buhangin, maganda ang dagat, maayos ang facilities, masarap ang mga pagkain at higit sa lahat mura."

“Talaga? Alam mo pare, matagal na kaming hindi nakakapagbakasyong mag-asawa. Mapuntahan nga din yan, anong bang pangalan ng resort?”

Sandaling nag isip si Louie. Nang hindi maapuhap ang pangalan ng resort tinawag ang asawang nakikipagkuwentuhan sa katabi. “Hon, ano na nga bang pangalan nung resort na madalas natin puntahan sa Camu Island?”

“Teka honey,” sagot ni Teresa na parang nagulat, tinalikuran ang kausap. “Ngayon mo palang naman ako dadalhin doon ah.”

Tumahimik ang lahat ng naroon.

xxx


20 Marso 2011

Friday, March 18, 2011

Nauna Ako sa Balita



Kanina pa ako nakatitig sa malaking orasan na nakasabit sa nanlilimahid na pader ng opisina habang nakaupo ako sa aking lumalangitngit na shivel chair. Sampung minuto pa ang sabi nito bago mag alas 6:00. Nakakabagot, ang bagal ng takbo ng oras kapag ganitong hinihintay mo. Labas na labas na ako. Muli akong tumingin sa pamilyar na mukhang yon, limang minuto pa ang sabi. Ang bagaaaal… tsk. Baka naghihintay na sa akin si Gina. Wala na naman sa mood yun kapag nahuli ako ng dating. Wag sana siyang mauna. Bihirang pagkakataon na nga lang kami magkita, male-late pa ako.

Eksaktong patak ng alas 6:00, tumayo ako at nagmamadaling tumungo sa bundy clock ng tumunog ang celpon sa bulsa ko. Text message. Baka si Gina, gustong malaman kung nasaan na ako. Walang pangalan, numero lang.

DO NT GO 2 VC2RIAS MY HSBND RED UR TXT HES W8ING 4U W/ GUN!

Matagal kong tinitigan ang text. Napabuntong hininga.

Ooops wrong send, sino kaya to?

xxx


Marso 17, 2011

Thursday, March 17, 2011

Poso



“Sonny. Sonny. Gising ka na dyan.”

Naalimpungatan ako. Parang may tumatawag sa akin sa panaginip. Parang totoo. Iminulat ko ang aking mga mata. Madilim ang paligid. Nasaan ako? Bakit tila parang nakahiga ako sa isang bloke ng yelo. Matagal akong nakatitig sa karimlan. Mga bituin ba ang mga nakikita ko na mumunting nangingislapan sa kawalan.

Muli kong narinig ang pagtawag sa aking pangalan. Bakit parang dama ko ang tamis ng tinig na ‘yon. Malapit lang halos, pabulong. Parang kanina lang ay napapakinggan ko pa ang tinig na yon. Lumingon ako sa pinaggagalingan ng tinig. Napangiti ako. Parang anghel sa aking paningin ang may-ari ng tinig. Ngunit ang sigla ko ay biglang napalitan ng hiya. Bumalik na sa akin ang lahat. Naalala ko na. Sana hindi na lang ako nakita dito na ganito ang ayos.

Alas sais ng hapon kanina ng lumabas ako sa groserya/bodega na pinagtratrabahuhan ko bilang checker, tindero, kargador, delivery boy, cashier at kung anu ano pa na pwedeng gawin. Summer job ko para makaipon ng konting pera na magamit sa susunod na pasukan. Sana mabili ko na ang pinapangarap kong rubber shoes nang may panlaro naman ako sa basketbol. Baka may liga ngayong bakasyon.

Nang biglang magyaya si Tony, kasamahan ko sa trabaho. “Tara tol! Kasalukuyan naming isinasara ang bodega ng oras na iyon. Pakagat na ang dilim. Nagsasara na rin ang mga ibang tindahan sa paligid namin. “Shot muna tayong ng konti, ilang bote lang, Beer. Ayoko ng hard baka malasing tayo.”

“Sige, dun na lang tayo kina Jocelyn. Tamang-tama wala akong pasok bukas.” Kahit madilim na ay hindi nalingid kay Tony ang pagkakangiti ko.

“Sinagot ka na ba nya?” usisa ni Tony sa akin.

Muli akong napangiti bilang sagot sa tanong ni Tony.

“Ang swerte mo tol, ang daming nagkakagusto kay Jocelyn. Ang daming nagpupunta sa kanila para manligaw sa kanya. Maganda siya at ang katawan, ang lupiiiit.” Tila nanggigigil pang sabi ni Tony.

“Oops syota ko yan. Siyempre may diskarte tayo, alam mo na. Alam kong may gusto din siya sa akin kaya linigawan ko na. May isang problema lang, alam ko na ang sasabihin nila Tita kapag nalaman nilang girlfriend ko si Jocelyn. Bakit yan ang pinili mo, sasabihin nila. Ang dami daming dalaga dyan. Bakit siya. Alam mo naman kung ano ang mga kamag-anakan niyan.”

“Oo nga.” sang-ayon ni Tony.

“Bahala na. Itago na lang natin.” Sabi ko habang palapit na kami sa tindahan ng tiya ni Jocelyn. Tamang tama naroon si Jocelyn ng dumating kami. Sumalubong kaagad siya pagkakita niya sa akin. Iniabot ang kamay niya. Gusto nyang hawakan ko ito ngunit nakaramdam ako ng hiya ng oras na iyon. Nakatingin kasi sa amin ang tiya buti na lang nakangiti ito sa amin. Ibig sabihin tanggap nila ako bilang kasintahan ng pamangkin nila.

“Inom muna kami, kahit tigatlong bote lang.” paliwanag ko kay Jocelyn na siya pang kumuha sa cooler ng aming iinumin. Umorder na rin si Tony ng chichira, pang alis ng pait sa lasa ng beer. Ang totoo ay hindi pa ako sanay uminom ng alak. Nagsisimula pa lang kumbaga. Nakipagkuwentuhan sa amin si Jocelyn habang umiinom kami kaya hindi ko na namalayan na nakarami na pala ako. Sa madaling salita, nalasing ako at ito ang dahilan kung bakit narito ako ngayon at nakahilata sa isang malamig na bangko dito sa plasa. Dito pala ako tumuloy kanina habang umiikot na ang mundo ko dahil sa dami ng nainom.

Hindi ako pwedeng umuwi sa amin na nakainom lalong lalo’t lasing. Makakarinig ako ng salita sa mga magulang ko. Nakakahiya sa kanila at sa mga kapatid ko. Hindi pa ako lisensyado at walang karapatang uminom dahil disisais anyos palang ako.

Hindi ko na alam kung ano pa ang mga sumunod na pangyayari. Wala na si Tony. Umuwi na siguro kanina pa. Ilang oras kaya akong nakatulog dito sa plasa, anong oras na ba? At ngayon, di nga ako natagpuan ng mga magulang ko na ganito ang ayos at amoy, girlfriend ko naman ng isang linggo ang nakakita sa akin dito.

Ewan ko kung matutuwa ako o hindi. Pero sa isang banda mainam na rin ito. Lalo na ngayon at may namumuong kalokohan sa aking isip. Maalala ko, may malaking poso sa gawing sulok ng plasa sa may di kalayuan at madalang lang ang taong dumaraan doon. May stockade ng pulis na malapit doon sa poso pero alam kong kapag ganitong oras ay abala ang mga pulis sa pagtotong-its. Gusto kong maghilamos at pangalawa, gusto kong ayain si Jocelyn doon. Parang gusto ko siyang makasama sa madilim na lugar na kaming dalawa lang.

“Tara samahan mo ako doon sa may poso.” Yaya ko sa kanya habang hawak hawak ko at haplos haplos ang kanyang palad. Nabanaag ko ang ngiti sa kanyang mga labi at tila nabasa niya ang aking binabalak. May mga dagang nagtakbuhan sa aking dibdib, nanikip ito, naexcite sa anumang mangyari. Nawala ang hang-over ko. May kung anong kakaibang lakas ang dumaloy sa aking katawan. Para akong nakaramdam ng gutom.

“ Ay ayoko. Hindi pwede e.” May inginuso siya sa akin habang panay ang tanggi niya.

“Linsyak na!” Anas ko, hindi ko napansin may kasama pala siyang bubwit. Ang pinsang niyang lalaki na magsisiyam na taong gulang. May chaperone. Buwisit. Bakit pa isinama sama niya ang linsyak na ito. Tila mauudlot ang binabalak ko.

Humirit pa ako ng ilang beses, baka sakaling makalusot. “Sige na, samahan mo muna ako, maghihilamos lang ako sandali. Toy, dito ka muna ha?” Matalinong bata. Hindi pumayag.

“Hindi nga pwede may kasama ako e.”

Shit! Ibig sabihin gusto niya kung sakaling wala siyang kasama. Parang bumalik ang kalasingan ko. Gusto kong tirisin ang bubwit.

“Sasamahan ka na lang ng pinsan ko, siya ang magbobomba para sa iyo.” Sabi ni Jocelyn habang hinahaplos ang pisngi ko. Halatang nawalan ako ng gana.

“Wag na!” sinabayan ko ng tayo at kahit nanghihinayang, naglakad ako palayo sa madilim na lugar na iyon.

Hindi ko na muling nakita pa mula non si Jocelyn.

XXX

Marso 17, 2011

Halaw ang larawan sa: http://www.flickr.com/photos/31862033@N00/31718232/

Wednesday, January 19, 2011

Laruan



“Nay pakuha yung laruan ko.” Si Jun-Jun, limang taong gulang. Nag-iisang anak ng mag-asawang Maribel at Carlo. Matagal na ring nakaratay sa kama. May malubhang karamdaman. Hindi magawang ipagamot ng kanyang mga magulang dahil sa kahirapan.

“Sandali lang anak hahanapin ko, nandito lang kanina.” Sagot ng inang balisa. Walang magawa kundi araw-araw na umiyak at pagmasdan ang may sakit na anak.

Samantala ng mga sandaling iyon, pagkatapos magpaalam sa kanyang mag-ina na aalis muna at manghihiram daw ng pera sa mga kakilala. Si Carlo ay nakatayo ngayon sa isang kanto, balisa. Kanina pa nakatingin sa isang botika. Malalim ang iniisip. Naririnig pa niya hanggang ngayon ang mga sinabi sa kanila ng doktor na tumingin kay Jun-Jun. Kailangang maipagamot sa lalong madaling panahon si Jun-Jun kung gusto nilang humaba pa ang buhay nito. Pinahid ni Carlo ang pumatak na luha sa pisngi niya. Awang-awa siya sa kalagayan ng anak. Kinapa ang reseta na nasa kanyang bulsa.

Labas-masok ang mga namimili sa botikang iyon. Pagkatapos ng ilang minuto, nagpasya na ring pumasok si Carlo at di nagtagal lumabas din ito. Nagmamadali.

“Holdaper! Holdaper! Habulin nyo!”

Dalawang pulis na kasalukuyang rumoronda sa lugar na iyon ang tumugon sa mga sigaw. Hinabol nila si Carlo hanggang sa masukol sa isang eskinita.

“Pulis! Taas ang kamay!”

Nang itaas ni Carlo ang kanyang mga kamay, napansin ng mga pulis ang baril na nakasukbit sa kanyang beywang. Ninerbiyos ang bagitong pulis. Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok. Bumagsak sa lupa ang duguang si Carlo.

“Jun-Jun.” Tawag nito bago siya nalagutan ng hininga.

Dinampot ang baril mula sa beywang ni Carlo. “Putang-ina, Ramos! Laruan ng bata to!”

XXX

Enero 14, 2011


Halaw ang larawan sa:http://www.google.com.ph/imglanding?q=toys&um=1&hl=tl&sa=X&rls=com.microsoft:en-us:IE-SearchBox&rlz=1I7ADFA_en&biw=1259&bih=603&tbs=isch:1&tbnid=aiS7KCtv5GMfAM:&imgrefurl=http://www.dansdata.com/toys.htm&imgurl=http://www.dansdata.com/images/toyguns/toys600.jpg&ei=_N82TcSqK4eyccGkrdkB&zoom=1&w=600&h=440&iact=hc&oei=xt82TZ27FczDcM-buLQB&esq=8&page=1&tbnh=149&tbnw=203&start=0&ndsp=17&ved=1t:429,r:12,s:0

Sunday, October 3, 2010

Tatlong Kabanata


The presence of death at the end of our path has made our future go up in smoke; our life has “no future”, it is a series of present moments. – Jean Paul Sartre

Imortal

Habang umiinom ako ng kape kanina, napaisip na naman ako ng mga morbid na idea. Ano bang meron sa kamatayan at bothered ako palagi? Siguro yung oras kung kelan darating. Sabi ni Malik ang kaluluwa daw ay imortal at patuloy na mabubuhay pagkatapos mabulok ang katawang-lupa. Pero kung buhay pa rin ang aking kaluluwa at wala ng katawan, magiging loose-fitting naman lahat ang aking mga damit. Siyet.. ano sa tingin nyo?

Walang Tulugan

Muli kong tinangkang magpakamatay kanina. Sa pamamagitan ng pagbasa sa butas ng aking ilong at isaksak ito sa kuryente. Swerte ko, nagshort-circuit, tumalsik ako sa inidoro. Dahil obsessed ako sa kamatayan, napamura ako sa nangyari. Meron kayang buhay na walang hanggan? At kung meron, makakapanuod pa kaya ako ng Walang Tulugan?

Pamahiin

Naglalakad ako kanina pauwi ng may nakita akong itim na pusa sa daan. Naalala ko ang pamahiin. Malas daw kapag tinawiran ka ng pusang itim. Kaya ako ang tumawid sa basang kalsada. Nang biglang may dumaan na sasakyan. Ang malas ko, muntik na akong mabunggo, natalsikan pa ako ng tubig na may kasamang tae ng aso. At ang lahat ng ito ay nasaksihan ng itim na pusa na ngayon ay nakangisi at tila nagdiriwang.



Oktubre 3, 2010

Monday, September 27, 2010

Ang Ulo


Unang araw ng burol ng asawa ni Mrs. Santos sa Funeraria Lokal. Para bang hindi nagluluksa sa pagkamatay ng asawa, abala siya kasama ang ilang mga kamag-anak sa pag-aasikaso sa burol, naghahanda para sa pagdating ng mga makikiramay. Hindi mapakali si Mrs. Santos, nais niyang mabigyan ng disenteng burol ang kanyang asawa. Pinagmamasdan ni Mrs. Santos ang kanyang namayapang asawa sa loob ng kabaong nang mapansin niyang hindi bagay sa asawa ang suot na amerikana kaya kinausap niya ang Director ng nasabing Funeraria.

“Ayoko yung kulay ng amerikana na suot ng asawa ko. Gusto ko yung kulay asul na suot nung patay sa kabilang kuwarto. Asul kasi ang paboritong kulay ng asawa ko.”

“Ganoon ho ba? Sige papalitan natin, babalik kami pagkaraan ng kalahating oras.” sabi ng Director.

Muling inilabas ang kabaong sa kuwarto.

Makalipas ang kalahating oras, inihatid muli sa kuwarto ang labi ng asawa ni Mrs. Santos. Natuwa siya nang makita niya ang kanyang asawa na ngayo'y naka asul na amerikana na.

“Maayos ang trabaho niyo,” aniya sa Direktor, “ang bilis niyong binihisan ang asawa ko.”

Napangiti ang Director. “Salamat ho. Naisip namin na mas mabilis gawin yun kung pagpapalitin na lang namin yung ulo ng asawa niyo at nung nasa kabilang kuwarto.”

Tapos

27 Setyembre 2010

Wednesday, September 22, 2010

Kariton


Pagkalipas ng limang oras ng pamamalimos sa lansangan at makaipon ng tatlumput-anim na piso at singkuwenta sentimos, naghuhumangos pauwi ang limang taong gulang na si Jun-Jun dala ang nabiling dalawang tableta ng gamot para sa may sakit na ina.

“Nay! Nay! Dala ko na po ang gamot niyo. Gagaling na po kayo!” masiglang sabi niya habang papalapit sa lumang kariton na nagsisilbing higaan ng kanyang ina.

“Nay! Gising!” bahagyang niyuyugyog ng bata ang ina. “Gagaling na po kayo.”

Walang narinig na sagot si Jun-Jun. Katahimikan ang nanaig.

“Nay?”

Naupo ang bata sa lupa katabi ng kariton, nakatitig siya sa hawak na gamot habang unti-unting pumapatak ang luha sa kanyang mga pisngi.

Tapos



20 Setyembre 2010


Halaw ang larawan sa: http://www.google.com.ph/imgres?imgurl=http://s4.hubimg.com/u/2592063_f496.jpg&imgrefurl=http://hubpages.com/hub/Have-Kariton-Will-travel-From-College-and-Beyond&usg=__VoK1h6IgAfh8H_GhJ7n7DwzlGnE=&h=335&w=496&sz=34&hl=tl&start=81&sig2=OOHFUoRFKU48BpVkqiBY4A&zoom=1&tbnid=0F8H1in8UvatgM:&tbnh=132&tbnw=160&ei=f3qfTJmjL866cYOw4McJ&prev=/images%3Fq%3Dkariton%2Bpics%26um%3D1%26hl%3Dtl%26sa%3DX%26rlz%3D1R2ACEW_enPH383%26biw%3D1003%26bih%3D439%26tbs%3Disch:10%2C2908&um=1&itbs=1&iact=hc&vpx=742&vpy=202&dur=1388&hovh=158&hovw=235&tx=132&ty=118&oei=OXqfTK3jLJOHcaa8qMMJ&esq=10&page=10&ndsp=10&ved=1t:429,r:9,s:81&biw=1003&bih=439

Saturday, August 28, 2010

Klasrum


“Ano ang sibika?”

Itinaas ni Ana ang kanyang kanang kamay ngunit ang kaklase niyang nasa likod ang natawag.

“Ang sibika ay may kinalaman sa pamumuno at patakaran sa isang bansa, napapaloob dito ang tungkol sa mga nasasakupan o teritoryo kasama din dito ang kultura sa bawat bansa”

“Very good.”

Napakamot sa ulo si Ana. “Bakit ganoon parang hindi ako nakita ni mam.” tanong niya sa sarili.

Teng! Teng! Teng!

Recess.

Nagmamadaling nagtakbuhan sa labas ng classroom ang mga estudyante.
Ang iba ay nagtulakan palabas. Isang kaklase ang bumangga kay Ana ngunit parang hindi niya ito naramdaman. Nagtungo si Ana sa ilalim ng malaking puno ang akasya kung saan nakaupo si Mila, ang kanyang matalik na kaibigan. Dito sila madalas na magkuwentuhan tuwing recess.

Sumalampak ng upo si Ana sa harap ng kaibigan. Napansin niyang malungkot ito.

“Bakit ka malungkot?” tanong niya.

Hindi sumagot ang kanyang kaibigan. May pumatak na luha sa larawang hawak ng kaibigan.

“May problema ka ba?”

“Kung nandito ka lang kahapon makakapaglaro pa sana tayo ngayon.” sabi ng kaibigan na hinidi man lang tumingin sa kanya.

“Nandito naman ako ngayon ah.”

Patuloy ang pag-iyak ni Mila na parang hindi narinig ang sinabi ni Ana.
Hahaplusin na sana ni Ana ang pisngi ni Mila ng biglang tumayo ito pagkarinig sa tunog ng bell hudyat ng muling pagsisimula ng klase.

Nagtaka si Ana dahil sa biglang pag-iwan sa kanya ng kaibigan. Naisip niya na baka nagtatampo ito sa kanya dahil sa hindi niya pagpasok kahapon dahil nagkasakit siya.
Muling bumalik si Ana sa kanilang classroom, naupo ito.
Pagkalipas ng isa’t-kalahating oras ay nag-uwian na rin sila.

Laking gulat ni Ana ng dumating siya sa kanila. Napakaraming tao sa kanilang bakuran. May nakasabit na tolda sa kaliwang bahagi ng kanilang bahay na nagsisilbing lilim sa mga taong naroon. Hindi niya kilala ang karamihan sa mga ito. Wala naman sinasabing okasyon ang kanyang nanay. Naalala niya ang kanyang tatay na nagtratrabaho sa ibang bansa. Naexcite siya. Baka dumating na ang kanyang tatay kaya maraming tao. Nagmamadali siyang pumasok sa bahay nang salubungin siya ng liwanag na galing sa mga iba’t-ibang ilaw. Nagtaka siya. Tanghaling tapat naman ngunit bakit napakaraming ilaw sa loob ng bahay nila. Iginala niya ang kanyang mga mata, sa isang sulok ng bahay ay nakita niya ang kanyang ina na umiiyak, yakap-yakap ang isang kamag-anak. Lalapit sana siya sa kanyang ina ng mapansin niya ang isang kulay puting kabaong na nasa isang bahagi ng kanilang sala. Lumapit siya dito upang tignan kung sino ang nakahimlay.

Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sarili na nakahiga sa loob. Nagsisisigaw ngunit wala ng nakakarinig pa sa kanya.


Agosto 13, 2010

Monday, August 23, 2010

Gudtaym



Gudtaym
A play in one act. Hehehe.

Alas syete ng gabi. Sa isang kanto na hintayan ng bus. Nakatayo ang hindi mapakali at isputing na isputing na si Argie.
Parating naman ang hinihintay na matalik na kaibigang si Emerson.

Argie: Ang tagal mo. Kanina pa ako naghihintay sa iyo.

Emerson: (Nakatingin sa kanyang relo.)
Maaga pa naman tama lang sa usapan natin.

Argie: Pumorma ka pa kasi ng todo eh.

Emerson: Siyempre naman. Ikaw nga oh, tignan mo isputing na isputing.
Nakapomada ka pa. Hahaha.

Argie: Tado. Wala to. Bagong ligo lang ako.

Emerson: Bah, dapat lang no. (Nagyayabang.)

Ikaw ba naman ang iinvite ng mga girls sa party.

Argie: Siyempre. Iba na yung.. hehehe. (Sabay kindat sa kaibigan.)

Emerson: Sa tingin mo, okey kaya tayo doon? Hindi kaya dyahe.

Argie: Bakit naman. Inimbitahan naman tayo ah.

Emerson: Di kaya mainsecure sa atin mga lalaki dun?

Argie: Hinde. Relax ka lang. Kilala naman natin sila. Third year hign school lang mga yun, mas matanda lang sila ng isang taon sa atin.

Emerson: Sabagay. Game. (Pinagdaop ang magkabilang palad sabay kiskis.)

Argie: Ano? Ilabas mo na yung baon nating pampalakas ng loob para mamaya hindi na ako dyahe makipag-usap kay Katrina. Pagkakataon ko na ito.

Emerson: Oo nga, nandun din si May.
(Tumingin sa kanyang relo.)

Okey. Matagal pa naman bago dumating yung bus.
(May dinukot si Emerson sa bulsa ng kanyang jacket. Iniabot ito sa kaibigan.)
Argie: Wow! Ang ganda ng pagkakabilot mo, ah.

Emerson: Tado! Wag kang maingay baka may makarinig sa iyo. Yari tayo. Sa kuya ko yan.

Argie: Malakas ba tama nito? Pangalawang subok ko palang ito, eh. Baka di ko makaya ang trip niya.

Emerson: Di wag nating ubusin. Eto.
(Iniabot sa kaibigan ang hawak na lighter.)
Sindihan mo na.

Argie: Okey. Ayos.
(Sinindihan ang hawak na marijuana. Humitit ito ng pagkalalim-lalim, halos humupak ang magkabilang pisngi. Sinalsal siya ng ubo at halos manikip ang dibdib pagkatapos ibuga ang mabangong usok ng damo.)

Ikaw naman.
(Ipinasa sa kaibigan ang binilot na damo. Humitit ito ng malalim. Sumunod ang hindi mapigilang pag-ubo. Ilang hitit pa at parang idinuduyan na ang magkaibigan sa ulap.)

Emerson: Okey bro. Solve. Sarap ng feeling.

Argie: Ang tagal ng bus. Kakainip.

Emerson: Dapat nandoon na tayo bago mawala ang tama pero relax ka lang. Ang bida nahuhuli ang dating.

Argie: Sarap ng pakiramdam. May baon ka bang kornik dyan?

Emerson: Tang na! Wala. Bro, pahiram ng suklay mo.

(Dumukot sa bulsa si Argie. Iniabot ang kanyang dilaw na suklay.)
Emerson: Ayos! Sarap magsuklay bro.

Ang lambot ng buhok ko.

Hahaha.

Inubos ko yung isang sachet ng Sunsilk.

Argie: Yari na naman ang buhok mong Spandau Ballet.

Hahaha.

Ayos sa bangs.

Hahaha.

(Tawanan ng tawanan ang magkaibigan habang walang patid sa pagsuklay si Emerson sa kanyang buhok. Tila sarap na sarap siya sa pagsuklay. Namanhid na ang kanyang anit sa walang habas na pagsuklay.)

Emerson: Tang na, Bro! Halata ko, 30 minutes na yata akong nagsusuklay dito. Hahaha. Tamo ang lambot na ng buhok ko.

Argie: Hahaha. Ako nga rin.

(Hinablot ang suklay sa kaibigan.)

Emerson: Bro, tingnan mo oh, ang lambot.

( Inaalog-alog pa ang ulo para malibang siya sa bounce ng kanyang buhok.
Samantalang si Argie naman ngayon ang nagtitrip na magsuklay ng magsuklay. Hinahaplos-haplos pa ang buhok.

Siryoso siya sa pagsusuklay hindi namamalayan na nagpapanic na ang mga kuto sa ulo niya.
Tawanan ng tawanan ang magkaibigan. Hindi napupuna na ginagabi na sila.
Nang biglang humagibis sa kanilang tapat ang kanina pa’y hinihintay na bus.)

Argie: Tang na, bro! Ayun na yung bus. Bakit di mo pinara?

Emerson: Hindi ko nakita, bro. Bakit di mo pinara?

Argie: Nagsusuklay ako e.

Emerson: Tang na! Wala na. Hindi na tayo makakarating. Gabi na.

Argie: Anong oras pa ang susunod na bus?

Emerson: Alas onse pa. Shit!

Argie: Tang na. Wala na akong tama nun.

Emerson: Di sindihan ulit ang natitira.

Argie: Oo nga no? Sabay trip ulit sa pagsusuklay. Hahaha.

Emerson: Oo. Tignan mo ang lambot o.

Hahaha.

(Sabay na nagtatawanan ang magkaibigan. Inilabas uli ni Emerson ang natitirang bilot ng damo, iniabot kay Argie at sinindihan. Ilang ulit pa silang nagpalitan ng hitit at buga. Maluwag na ngayon ang kanilang mga lalamunan. Habang ang usok ay tinatangay ng hangin pagawi sa naglalakad na si Lando. Nalaman kaagad ni lando kung ano at saan galing ang amoy na iyon kaya dahan-dahan siyang lumapit sa magkaibigan.)

(Pinalaki niya ang kanyang boses. Sumigaw na siyang ikinagulat ng magkaibigan)

Lando: PULIS AKO! ANO YANG GINAGAWA NYO?

(Walang lingon-likod na kumaripas ng takbo ang magkaibaigan. Bad trip ang tama.)

Argie: Bro, ang suklay ko naiwan!

(Sigaw ni Argie habang kumakaripas sila ng takbo samantalang si Lando ay tawa ng tawa sa kanyang kinatatayuan.)

T A P O S


23 Agosto 2010

Sunday, August 22, 2010

Ang Panauhin


Noong bata ako, tandang-tanda ko pa, Grade 1 ako noon, nagising ako ng madaling araw. Siguro mag-aalas kuwatro yon. Katabi ko sa higaan ang yaya ko. Mahimbing siyang natutulog ng oras na yon. Malamig sa loob ng kuwarto. Bukas ang aming bintana na yari sa capiz. May kalumaan na ang bahay na ang nagiisang palapag ay mas mataas sa lupa ng tatlong talampakan. Kailangan mong umakyat ng limang baitang ng hagdanan para makapasok ka sa loob. Ewan ko, ganoon yata talaga ang style ng mga bahay noong unang panahon. Gawa ang lahat sa kahoy. Parang antigo. Nakapatong ang bahay sa apat na malalaking poste pwede ka pang makapaglaro sa ilalim.

Mabalik tayo sa loob ng kuwarto kung saan nangyari ang ikukuwento ko at tulad ng nasabi ko kanina, nagising ako dahil sa ginaw. Hinagilap ko ang kumot at ipipikit ko na sana ang aking mga mata ng may natanaw akong anino sa may pintuan. Sarado ang pintuan ngunit nakita ko ang anino na nakatayo doon. Dahil may kadiliman sa loob ng kuwarto at nakakulambo kami, hindi ako sigurado kung galing nga sa pintuan ang anino. Nakita ko na lamang na naroon. Dahil bata pa ako noon, siyempre natakot ako pero dinaig pa rin ako ng aking pagtataka. Ipinikit ko ang aking mga mata at dahan-dahang iminulat ng bahagya ang kanan. Sinilip ko ang anino na ngayon ay nagkakahugis na, tao siya at naglalakad na ito palapit sa tabi ng aking kama. Pagkatapat na pagkatapat sa aming hinihigaan doon ko nakita na siya ay isang matandang babae dahil nakabelo pa ito ng itim na tulad ng nakaugalian ng mga matatandang babae noong panahong iyon. Hindi ko maaaninag kung sino siya. Madilim kasi. Tumigil siya ng ilang saglit sa tapat ng kama namin at pagkatapos ay muli siyang kumilos patungo sa bintana. Tumingala ako dahil nasa may ulunan ko ang bintana at upang masundan ko siya ng tingin, nang laking gulat ko, lumabas siya sa bintana. Tumagos nga siya tulad ng pagpasok niya kanina sa pintuan. Kasabay ng paglaho niya ang biglang kong pagtalukbong ng kumot.

Muli akong nakatulog.

Pagsikat ng araw, handa na kaming lahat sa bahay para mag-almusal. Nakabihis na ang aking mga magulang para pumasok sa kanilang mga trabaho. Ako naman ay bihis na rin, handa nang pumasok sa school. Nag-almusal ako kasabay sila at habang kumakain kami naalala ko ang nakita ko noong magising ako kaninang madaling araw.

“Ma, nasan si Lola?” walang malisyang tanong ko sa nanay ko, “hindi po siya sabay sa atin kumain?”

“Ang Lola mo? Wala siya dito, di ba? Nasa kanila siya at sa sabado pa ang dating niya.” Sabi ng nanay ko habang palipat-lipat ang tingin niya sa amin ng tatay ko.

“Akala ko dumating na siya kasi nakita ko siya kaninang umaga sa kuwarto ko habang tulog kami.”

Napatingin sa akin ang nanay at tatay ko. Nabitawan ng yaya ko ang hawak niyang baso ng marinig niya ang mga sinabi ko.


21 Agosto 2010

Friday, August 20, 2010

Ang Paghihintay


Tulad ng mga nakaraang gabi ng nakalipas na dalawang linggo, sa bintana ng bahay, siya ay nakatingin na naman sa malayo.
At tulad ng mga nagdaan gabi, malalim na naman itong nag-iisip.
Nakatingin sa kawalan.
Naghihintay.
Gabi-gabi ay umaasa siya na sana ay dumating na ang kanyang hinihintay.
Natatakot na siya.
Nagtatanong.
Kailan?
Malapit na siyang mawalan ng pag-asa.
Malapit na niyang tanggapin ang katotohanan.
Ngunit ano ang katotohanan para sa kanya?
Ang paghihintay ay may kasabay na maliit na pag-asa.
Ng pagbabakasakali .
Parang sugal.
Tulad ng mga nakaraang gabi, nag-iisip na naman siya kung bakit nangyayari ito sa kanya ngayon.
“Bakit sa akin pa?” aniya, “sa kabila ng mga paghihirap at sakripisyo ko. Bakit hindi sa iba?”
Wala siyang kamalay-malay.
Kung alam lang niya na ganito ang kahihinatnan.
Hindi sana siya ngayon nakakaramdam ng takot at lungkot.
At tulad ng mga nakaraang gabi, siya ay nagtatanong.
“Hanggang kailan ako maghihintay? Darating pa kaya? Paano kung hindi na? Ano ang mangyayari sa akin?”
Malapit na siyang panghinaan ng loob?
Pagdating ng hinihintay niya, alam niyang magbabagong muli ang lahat.
Maibabalik sa dati ang lahat.
Mabubura ang mga pag-aalinlangan.
Tumatakbo ang panahon.
Sana hindi pa huli.
Sana may pag-asa pa.
Pakiramdam niya ay tinatakasan na siya ng panahon.
Parang buhangin sa nakakuyom na palad.
Unti-unting naglalaho.
Wala na ba?
Ilang beses na rin niyang sinubukan alamin kung dumating na ito ngunit nagkamali siya.
Wala pa.
Minsan nag-aalala siya sa kanyang ginagawa.
Hindi na niya alam kung ano ang dapat gagawin.
Maghihintay na lamang ba siya?
Muli siyang binalot ng kalungkutan.
Nag-iisa siya.
Mas masarap yata kapag nag-iisa.
Hindi umaasa.
Kalungkutan ang umasa.
Kalungkutan ang mabigo.
"Hanggang kailan ako maghihintay ng walang kasiguruhan." tanong niya sa sarili.
"Darating na ba bukas? Makalawa? Sa susunod na linggo? Sa isang buwan? Paano kung hindi dumating sa panahon ng aking paghihintay?"
Malapit na siyang mainip.
Paano kung pagod na siya sa paghihintay at tuluyan na siyang sumuko?
Paano kung wala ng halaga sa kanya ang kanyang hinihintay?
Paano kung dumating ito at hindi na niya kailangan?
Alam niya na kapag dumating ang panahong iyon doon lamang siya magiging malaya.

"Sana bukas dumating na." bulong niya.

Friday, August 13, 2010

Ala-ala


Pagkababa niya ng sasakyan ay
nagmamadali siyang pumasok sa bahay, excited.
Iginala niya ang kanyang paningin sa sala, may hinahanap.
Dumiretso siya sa kusina.
“Kat?”
Walang sumagot.
Umakyat siya sa kuwarto at muli,
“Kat? Andito na ako.”
Wala pa rin siyang narinig na sagot.
Bumaba siya at nagtungo sa garahe, nababakasaling naroon ang kanyang hinahanap.
“Kat! Nasan ka?”
Tahimik pa rin ang bahay.
Napakamot siya sa ulo, nagtataka.
Pagkatapos ng ilang saglit ay nagtungo siya sa hardin. Baka naroon siya.
“Kat! Tara na, andito na ako.”
.... Nang bigla niyang maalala,
anim na taon na pala ang nakakalipas mula noong
pumanaw ang kanyang asawa.


Agosto 13 , 2010

Sunday, August 1, 2010

Paglisan


Sa ilalim ng mga bituin
ika’y umiyak, tumawa,
paminsan-minsan napapasigaw,
Laging ngangailangan
ng kahit kapiraso,
nangarap ng malaki.

Ikinalulungkot mo ang hindi pagiging makatarungan ng buhay kung minsan!
Hindi ka man lang kumilos.
Hanggang..
sa wakas.
Ika’y lumisan.


1 Agosto 2010